.
Genesis 1
1 Nang pasimula ay nilikha ng Dios ang langit at ang lupa. 2 At ang lupa ay walang anyo at walang laman; at ang kadiliman ay sumasa ibabaw ng kalaliman; at ang Espiritu ng Dios ay sumasa ibabaw ng tubig. 3 At sinabi ng Dios Magkaroon ng liwanag; at nagkaroon ng liwanag. 4 At nakita ng Dios ang liwanag na mabuti, at inihiwalay ng Dios ang liwanag sa kadiliman. 5 At tinawag ng Dios ang liwanag na Araw, at tinawag niya ang kadiliman na Gabi. At nagkahapon at nagkaumaga ang unang araw. 6 At sinabi ng Dios, Magkaroon ng isang kalawakan sa gitna ng tubig, at mahiwalay ang tubig sa kapuwa tubig. 7 At ginawa ng Dios ang kalawakan, at inihiwalay ang tubig na nasa ilalim ng kalawakan, sa tubig na nasa itaas ng kalawakan: at nagkagayon. 8 At tinawag ng Dios ang kalawakan na Langit. At nagkahapon at nagkaumaga ang ikalawang araw. 9 At sinabi ng Dios, Mapisan ang tubig na nasa silong ng langit sa isang dako, at lumitaw ang katuyuan, at nagkagayon. 10 At tinawag ng Dios ang katuyuan na Lupa, at ang kapisanan ng tubig ay tinawag niyang mga Dagat: at nakita ng Dios na mabuti. 11 At sinabi ng Dios, Sibulan ang lupa ng damo, pananim na nagkakabinhi, at punong kahoy na namumunga ayon sa kaniyang pagkakahoy, na taglay ang kaniyang binhi sa ibabaw ng lupa, at nagkagayon. 12 At ang lupa ay sinibulan ng damo, pananim na nagkakabinhi, ayon sa kaniyang pagkapananim, at ng punong kahoy na namumunga, na taglay ang kaniyang binhi, ayon sa kaniyang pagkakahoy, at nakita ng Dios na mabuti. 13 At nagkahapon at nagkaumaga ang ikatlong araw. 14 At sinabi ng Dios, Magkaroon ng mga tanglaw sa kalawakan ng langit upang maghiwalay ng araw sa gabi; at maging pinakatanda, at pinakabahagi ng panahon, ng mga araw at ng mga taon: 15 At maging pinakatanglaw sa kalawakan ng langit, upang tumanglaw sa ibabaw ng lupa: at nagkagayon. 16 At nilikha ng Dios ang dalawang malaking tanglaw; ang malaking tanglaw ay upang magpuno sa araw, at ang maliit na tanglaw ay upang magpuno sa gabi: nilikha rin niya ang mga bituin. 17 At mga inilagay ng Dios sa kalawakan ng langit, upang tumanglaw sa ibabaw ng lupa, 18 At upang magpuno sa araw at sa gabi, at upang maghiwalay ng liwanag sa kadiliman: at nakita ng Dios na mabuti. 19 At nagkahapon at nagkaumaga ang ikaapat na araw. 20 At sinabi ng Dios, Bukalan ng sagana ang tubig ng mga gumagalaw na kinapal na may buhay, at magsilipad ang mga ibon sa itaas ng lupa sa luwal na kalawakan ng himpapawid. 21 At nilikha ng Dios ang malalaking hayop sa dagat, at ang bawa't may buhay na kinapal na gumagalaw, na ibinukal na sagana ng tubig, ayon sa kanikaniyang uri at ang lahat na may pakpak na ibon, ayon sa kanikaniyang uri: at nakita ng Dios na mabuti. 22 At mga binasbasan ng Dios, na sinabi, Kayo'y magpalaanakin, at magpakarami, at inyong punuin ang tubig sa mga dagat, at magpakarami ang mga ibon sa lupa. 23 At nagkahapon at nagkaumaga ang ikalimang araw. 24 At sinabi ng Dios, Bukalan ang lupa ng mga may buhay na kinapal, ayon sa kanikaniyang uri ng hayop at ng mga kinapal na umuusad, at ng mga ganid sa lupa, ayon sa kanikaniyang uri: at nagkagayon. 25 At nilikha ng Dios ang ganid sa lupa ayon sa kaniyang uri, at ang hayop ayon sa kaniyang uri, at ang bawa't umuusad sa ibabaw ng lupa ayon sa kanikaniyang uri: at nakita ng Dios na mabuti. 26 At sinabi ng Dios, Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis: at magkaroon sila ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop, at sa buong lupa, at sa bawa't umuusad, na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa. 27 At nilalang ng Dios ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Dios siya nilalang; nilalang niya sila na lalake at babae. 28 At sila'y binasbasan ng Dios, at sa kanila'y sinabi ng Dios, Kayo'y magpalaanakin, at magpakarami, at kalatan ninyo ang lupa, at inyong supilin; at magkaroon kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa bawa't hayop na gumagalaw sa ibabaw ng lupa. 29 At sinabi ng Dios, Narito, ibinigay ko sa inyo ang bawa't pananim na nagkakabinhi, na nasa ibabaw ng balat ng lupa, at ang bawa't punong kahoy na may bunga ng punong kahoy na nagkakabinhi; sa inyo'y magiging pagkain: 30 At sa bawa't hayop sa lupa, at sa bawa't ibon sa himpapawid; at sa bawa't nagsisiusad sa ibabaw ng lupa na may buhay ay ibinigay ko ang lahat na pananim na sariwa na pinakapagkain; at nagkagayon. 31 At nakita ng Dios ang lahat ng kaniyang nilikha, at, narito, napakabuti. At nagkahapon at nagkaumaga ang ikaanim na araw.
Genesis 2
1 At nayari ang langit at ang lupa, at ang lahat na natatanaw sa mga iyon. 2 At nang ikapitong araw ay nayari ng Dios ang kaniyang gawang ginawa; at nagpahinga ng ikapitong araw sa madlang gawa niyang ginawa. 3 At binasbasan ng Dios ang ikapitong araw at kaniyang ipinangilin, sapagka't siyang ipinagpahinga ng Dios sa madlang gawang kaniyang nilikha at ginawa. 4 Ito ang pinangyarihan ng langit at ng lupa, nang likhain noong araw, na gawin ng Panginoong Dios ang lupa't langit. 5 At wala pa sa lupang kahoy sa parang, at wala pang anomang pananim na tumutubo sa parang: (sapagka't hindi pa pinauulanan ng Panginoong Dios ang lupa) at wala pang taong magbukid ng lupa, 6 Nguni't may isang ulap na napaitaas buhat sa lupa at dinilig ang buong ibabaw ng lupa. 7 At nilalang ng Panginoong Dios ang tao sa alabok ng lupa, at hiningahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging kaluluwang may buhay. 8 At naglagay ang Panginoong Dios ng isang halamanan sa Eden, sa dakong silanganan: at inilagay niya roon ang taong kaniyang nilalang. 9 At pinatubo ng Panginoong Dios sa lupa ang lahat na punong kahoy na nakalulugod sa paningin, at mabubuting kanin; gayon din ang punong kahoy ng buhay sa gitna ng halamanan, at ang punong kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama. 10 At may isang ilog na lumabas sa Eden na dumilig sa halamanan; at mula roo'y nabahagi at nagapat na sanga. 11 Ang pangalan ng una ay Pison: na siyang lumiligid sa buong lupain ng Havilah, na doo'y may ginto; 12 At ang ginto sa lupang yao'y mabuti; mayroon din naman doong bedelio at batong onix. 13 At ang pangalan ng ikalawang ilog ay Gihon; na siyang lumiligid sa buong lupain ng Cush. 14 At ang pangalan ng ikatlong ilog ay Hiddecel, na siyang umaagos sa tapat ng Asiria. At ang ikaapat na ilog ay ang Eufrates. 15 At kinuha ng Panginoong Dios ang lalake at inilagay sa halamanan ng Eden, upang kaniyang alagaan at ingatan. 16 At iniutos ng Panginoong Dios sa lalake, na sinabi, Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka na may kalayaan: 17 Datapuwa't sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagka't sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka. 18 At sinabi ng Panginoong Dios, Hindi mabuti na ang lalake ay magisa; siya'y ilalalang ko ng isang katulong niya. 19 At nilalang ng Panginoong Dios sa lupa ang lahat ng hayop sa parang at ang lahat ng ibon sa himpapawid; at pinagdadala sa lalake upang maalaman kung anong itatawag niya sa mga iyon: at ang bawa't itinawag ng lalake sa bawa't kinapal na may buhay ay yaon ang naging pangalan niyaon. 20 At pinanganlan ng lalake ang lahat ng mga hayop, at ang mga ibon sa himpapawid, at ang bawa't ganid sa parang; datapuwa't sa lalake ay walang nasumpungang maging katulong niya. 21 At hinulugan ng Panginoong Dios ng di kawasang himbing ang lalake, at siya'y natulog: at kinuha ang isa sa kaniyang mga tadyang at pinapaghilom ang laman sa dakong yaon: 22 At ang tadyang na kinuha ng Panginoong Dios sa lalake ay ginawang isang babae, at ito'y dinala niya sa lalake. 23 At sinabi ng lalake, Ito nga'y buto ng aking mga buto at laman ng aking laman: siya'y tatawaging Babae, sapagka't sa Lalake siya kinuha. 24 Kaya't iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ang kaniyang ina, at makikipisan sa kaniyang asawa: at sila'y magiging isang laman. 25 At sila'y kapuwa hubad, ang lalake at ang kaniyang asawa, at sila'y hindi nagkakahiyaan.
Genesis 3
1 Ang ahas nga ay lalong tuso kay sa alin man sa mga hayop sa parang na nilikha ng Panginoong Dios. At sinabi niya sa babae, Tunay bang sinabi ng Dios, Huwag kayong kakain sa alin mang punong kahoy sa halamanan? 2 At sinabi ng babae sa ahas, Sa bunga ng mga punong kahoy sa halamanan ay makakakain kami: 3 Datapuwa't sa bunga ng punong kahoy na nasa gitna ng halamanan ay sinabi ng Dios, Huwag kayong kakain niyaon, ni huwag ninyong hihipuin, baka kayo'y mamatay. 4 At sinabi ng ahas sa babae, Tunay na hindi kayo mamamatay: 5 Sapagka't talastas ng Dios na sa araw na kayo'y kumain niyaon ay madidilat nga ang inyong mga mata, at kayo'y magiging parang Dios, na nakakakilala ng mabuti at masama. 6 At nang makita ng babae, na ang bunga ng punong kahoy ay mabuting kanin, at nakalulugod sa mga mata, at kahoy na mananasa upang magpapantas sa tao, ay pumitas siya ng bunga niyaon at kinain; at binigyan din niya ang kaniyang asawang kasama niya, at ito'y kumain. 7 At nadilat kapuwa ang kanilang mga mata, at kanilang nakilalang sila'y mga hubad; at sila'y tumahi ng mga dahon ng puno ng igos, at kanilang ginawang panapi. 8 At narinig nila ang tinig ng Panginoong Dios na lumalakad sa halamanan sa kulimlim ng araw: at nagtago ang lalake at ang kaniyang asawa sa harapan ng Panginoong Dios sa pagitan ng mga punong kahoy sa halamanan. 9 At tinawag ng Panginoong Dios ang lalake at sa kaniya'y sinabi, Saan ka naroon? 10 At sinabi niya, Narinig ko ang iyong tinig sa halamanan, at ako'y natakot, sapagka't ako'y hubad; at ako'y nagtago. 11 At sinabi niya, Sinong nagsabi sa iyong ikaw ay hubad? nakakain ka ba ng bunga ng punong kahoy, na iniutos ko sa iyong huwag mong kanin? 12 At sinabi ng lalake, Ang babaing ibinigay mong aking kasamahin, ay siyang nagbigay sa akin ng bunga ng punong kahoy at aking kinain. 13 At sinabi ng Panginoong Dios sa babae, Ano itong iyong ginawa? At sinabi ng babae, Dinaya ako ng ahas, at ako'y kumain. 14 At sinabi ng Panginoong Dios sa ahas, Sapagka't ginawa mo ito, ay sumpain ka ng higit sa lahat ng hayop, at ng higit sa bawa't ganid sa parang; ang iyong tiyan ang ilalakad mo, at alabok ang iyong kakanin sa lahat ng mga araw ng iyong buhay: 15 At papagaalitin ko ikaw at ang babae, at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi: ito ang dudurog ng iyong ulo, at ikaw ang dudurog ng kaniyang sakong. 16 Sinabi niya sa babae, Pararamihin kong lubha ang iyong kalumbayan at ang iyong paglilihi; manganganak kang may kahirapan; at sa iyong asawa ay pahihinuhod ang iyong kalooban, at siya'y papapanginoon sa iyo. 17 At kay Adam ay sinabi, Sapagka't iyong dininig ang tinig ng iyong asawa, at kumain ka ng bunga ng punong kahoy na aking iniutos sa iyo na sinabi, Huwag kang kakain niyaon; sumpain ang lupa dahil sa iyo; kakain ka sa kaniya sa pamamagitan ng iyong pagpapagal sa lahat ng mga araw ng iyong buhay; 18 Ang isisibol niyaon sa iyo ay mga tinik at mga dawag; at kakain ka ng pananim sa parang; 19 Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay, hanggang sa ikaw ay mauwi sa lupa; sapagka't diyan ka kinuha: sapagka't ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi. 20 At tinawag na Eva ng lalake ang kaniyang asawa, sapagka't siya ang naging ina ng lahat ng mga nabubuhay. 21 At iginawa ng Panginoong Dios si Adam at ang kaniyang asawa ng mga kasuutang balat at sila'y dinamitan. 22 At sinabi ng Panginoong Dios, Narito't ang tao'y naging parang isa sa atin, na nakakakilala ng mabuti at ng masama; at baka ngayo'y iunat ang kaniyang kamay at pumitas naman ng bunga ng punong kahoy ng buhay, at kumain at mabuhay magpakailan man: 23 Kaya pinalayas siya ng Panginoong Dios sa halamanan ng Eden, upang kaniyang bukirin ang lupaing pinagkunan sa kaniya. 24 Ano pa't itinaboy ang lalake; at inilagay sa silanganan ng halamanan ng Eden ang mga Querubin at ang isang nagniningas na tabak na umiikot, upang ingatan ang daang patungo sa kahoy ng buhay.
Genesis 4
1 At nakilala ng lalake si Eva na kaniyang asawa; at siya'y naglihi at ipinanganak si Cain, at sinabi, Nagkaanak ako ng lalake sa tulong ng Panginoon. 2 At sa muli ay ipinanganak ang kaniyang kapatid na si Abel. At si Abel ay tagapagalaga ng mga tupa; datapuwa't si Cain ay mangbubukid ng lupa. 3 At nangyari nang lumalakad ang panahon ay nagdala si Cain ng isang handog na mga bunga ng lupa sa Panginoon. 4 At nagdala rin naman si Abel ng mga panganay ng kaniyang kawan at ng mga taba ng mga yaon. At nilingap ng Panginoon si Abel at ang kaniyang handog: 5 Datapuwa't hindi nilingap si Cain at ang kaniyang handog. At naginit na mainam si Cain, at namanglaw ang kaniyang mukha. 6 At sinabi ng Panginoon kay Cain, Bakit ka naginit? at bakit namanglaw ang iyong mukha? 7 Kung ikaw ay gumawa ng mabuti, di ba ikaw mamarapatin? at kung hindi ka gumawa ng mabuti, ay nahahandusay ang kasalanan sa pintuan: at sa iyo'y pahihinuhod ang kaniyang nasa, at ikaw ang papanginoonin niya. 8 At yao'y sinabi ni Cain sa kaniyang kapatid na kay Abel. At nangyari, nang sila'y nasa parang ay nagtindig si Cain laban kay Abel na kaniyang kapatid, at siya'y kaniyang pinatay. 9 At sinabi ng Panginoon kay Cain, Saan naroon si Abel na iyong kapatid? At sinabi niya, Aywan ko: ako ba'y tagapagbantay sa aking kapatid? 10 At sinabi niya, Anong iyong ginawa? ang tinig ng dugo ng iyong kapatid ay dumadaing sa akin mula sa lupa. 11 At ngayo'y sinumpa ka sa lupa na siyang nagbuka ng bibig na tumanggap sa iyong kamay ng dugo ng iyong kapatid; 12 Pagbubukid mo ng lupa, ay di na ibibigay mula ngayon sa iyo ang kaniyang lakas; ikaw ay magiging palaboy at hampas-lupa sa lupa. 13 At sinabi ni Cain sa Panginoon, Ang aking kaparusahan ay higit kaysa mababata ko. 14 Narito, ako'y iyong itinataboy ngayon mula sa ibabaw ng lupa, at sa iyong harapan ay magtatago ako; at ako'y magiging palaboy at hampaslupa; at mangyayari, na sinomang makasumpong sa akin ay papatayin ako. 15 At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Dahil dito'y sinomang pumatay kay Cain ay makapitong gagantihan. At nilagyan ng Panginoon ng isang tanda si Cain, baka siya'y sugatan ng sinomang makakasumpong sa kaniya. 16 At umalis si Cain sa harapan ng Panginoon at tumahan sa lupain ng Nod, sa silanganan ng Eden. 17 At nakilala ni Cain ang kaniyang asawa, at siya'y naglihi at ipinanganak si Enoc: at siya'y nagtayo ng isang bayan at tinawag ang bayan ayon sa pangalan ng kaniyang anak, Enoc. 18 At naging anak ni Enoc si Irad; at naging anak ni Irad si Mehujael; at naging anak ni Mehujael si Metusael; at naging anak ni Metusael si Lamec. 19 At si Lamec ay nagasawa ng dalawa; ang pangalan ng isa'y Ada, at ang pangalan ng ikalawa ay Zilla. 20 At naging anak ni Ada si Jabal: na siyang naging magulang ng nangagsisitahan sa mga tolda at may mga hayop. 21 At ang pangalan ng kaniyang kapatid ay Jubal: na siyang naging magulang ng lahat na tumutugtog ng alpa at ng flauta. 22 At tungkol kay Zilla, ay ipinanganak naman niya si Tubal-Cain na mamamanday ng lahat na kagamitang patalim na tanso at bakal: at ang kapatid na babae ni Tubal-Cain ay si Naama. 23 At sinabi ni Lamec sa kaniyang mga asawa: Ada at Zilla pakinggan ninyo ang aking tinig: Kayong mga asawa ni Lamec ay makinig ng aking salaysay: Sapagka't pumatay ako ng isang tao, dahil sa ako'y sinugatan, At ng isang binata, dahil sa ako'y hinampas. 24 Kung makapitong gagantihan si Cain, tunay na si Lamec ay makapitong pung pito. 25 At nakilalang muli ni Adam ang kaniyang asawa; at nanganak ng isang lalake, at tinawag ang kaniyang pangalan na Set; sapagka't aniya'y binigyan ako ng Dios ng ibang anak na kahalili ni Abel; sapagka't siya'y pinatay ni Cain. 26 At nagkaanak naman si Set ng isang lalake; at tinawag ang kaniyang pangalan na Enos. Noon ay pinasimulan ng mga tao ang pagtawag sa pangalan ng Panginoon.
Genesis 5
1 Ito ang aklat ng mga lahi ni Adam. Nang araw na lalangin ng Dios ang tao, sa wangis ng Dios siya nilalang; 2 Lalake at babae silang nilalang; at sila'y binasbasan, at tinawag na Adam ang kanilang pangalan, nang araw na sila'y lalangin. 3 At nabuhay si Adam ng isang daan at tatlong pung taon, at nagkaanak ng isang lalaking kaniyang wangis na hawig sa kaniyang larawan; at tinawag ang kaniyang pangalan na Set: 4 At ang mga naging araw ni Adam, pagkatapos na maipanganak si Set, ay walong daang taon: at nagkaanak ng mga lalake at mga babae. 5 At ang lahat na araw na ikinabuhay ni Adam ay siyam na raan at tatlong pung taon; at siya'y namatay. 6 At nabuhay si Set ng isang daan at limang taon at naging anak niya si Enos. 7 At nabuhay si Set pagkatapos na maipanganak si Enos ng walong daan at pitong taon; at nagkaanak ng mga lalake at mga babae: 8 At ang lahat na naging araw ni Set ay siyam na raan at labing dalawang taon: at siya'y namatay. 9 At nabuhay si Enos ng siyam na pung taon, at naging anak si Cainan: 10 At nabuhay si Enos, pagkatapos na maipanganak si Cainan, ng walong daan at labing limang taon; at nagkaanak ng mga lalake at mga babae: 11 At ang lahat na naging araw ni Enos ay siyam na raan at limang taon, at siya'y namatay. 12 At nabuhay si Cainan ng pitong pung taon, at naging anak si Mahalaleel: 13 At nabuhay si Cainan, pagkatapos na maipanganak si Mahalaleel, ng walong daan at apat na pung taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae: 14 At ang lahat na naging araw ni Cainan, siyam na raan at sangpung taon, at namatay. 15 At nabuhay si Mahalaleel ng anim na pu't limang taon, at naging anak si Jared: 16 At nabuhay si Mahalaleel, pagkatapos na maipanganak si Jared, ng walong daan at tatlong pung taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae: 17 At ang lahat na naging araw ni Mahalaleel ay walong daan at siyam na pu't limang taon: at namatay. 18 At nabuhay si Jared ng isang daan at anim na pu't dalawang taon, at naging anak si Enoc: 19 At nabuhay si Jared, pagkatapos na maipanganak si Enoc, ng walong daang taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae: 20 At ang lahat na naging araw ni Jared ay siyam na raan at anim na pu't dalawang taon: at namatay. 21 At nabuhay si Enoc na anim na pu't limang taon, at naging anak si Matusalem: 22 At lumakad si Enoc na kasama ng Dios, pagkatapos na maipanganak si Matusalem na tatlong daang taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae: 23 At ang lahat na naging araw ni Enoc ay tatlong daan at anim na pu't limang taon: 24 At lumakad si Enoc na kasama ng Dios: at di siya nasumpungan, sapagka't kinuha ng Dios. 25 At nabuhay si Matusalem ng isang daan at walong pu't pitong taon; at naging anak si Lamec: 26 At nabuhay si Matusalem pagkatapos na maipanganak si Lamec, ng pitong daan at walong pu't dalawang taon; at nagkaanak ng mga lalake at mga babae; 27 At ang lahat na naging araw ni Matusalem ay siyam na raan at anim na pu't siyam na taon: at siya'y namatay. 28 At nabuhay si Lamec ng isang daan at walong pu't dalawang taon, at nagkaanak ng isang lalake: 29 At tinawag ang kaniyang pangalan na Noe, na sinabi, Ito nga ang aaliw sa atin tungkol sa ating gawa at sa pinagpagalan ng ating mga kamay, dahil sa lupang sinumpa ng Panginoon. 30 At nabuhay si Lamec, pagkatapos na maipanganak si Noe, ng limang daan at siyam na pu't limang taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae: 31 At ang lahat na naging araw ni Lamec ay pitong daan at pitong pu't pitong taon: at namatay. 32 At si Noe ay may limang daang taon: at naging anak ni Noe si Sem, si Cham, at si Japhet.
Genesis 6
1 At nangyari, nang magpasimula na dumami ang mga tao sa balat ng lupa, at mangagkaanak ng mga babae, 2 Na nakita ng mga anak ng Dios, na magaganda ang mga anak na babae ng mga tao; at sila'y nangagsikuha ng kanikaniyang asawa sa lahat ng kanilang pinili. 3 At sinabi ng Panginoon, Ang aking Espiritu ay hindi makikipagpunyagi sa tao magpakailan man, sapagka't siya ma'y laman: gayon ma'y magiging isang daan at dalawang pung taon ang kaniyang mga araw. 4 Ang mga higante ay nasa lupa ng mga araw na yaon, at pagkatapos din naman na makasiping ang mga anak ng Dios sa mga anak na babae ng tao, at mangagkaanak sila sa kanila: ang mga ito rin ang naging makapangyarihan nang unang panahon na mga lalaking bantog. 5 At nakita ng Panginoon na mabigat ang kasamaan ng tao sa lupa, at ang buong haka ng mga pagiisip ng kaniyang puso ay pawang masama lamang na parati. 6 At nagsisi ang Panginoon na kaniyang nilalang ang tao sa lupa, at nalumbay sa kaniyang puso. 7 At sinabi ng Panginoon, Lilipulin ko ang tao na aking nilalang sa ibabaw ng lupa; ang tao at gayon din ang hayop, at ang mga umuusad at ang mga ibon sa himpapawid; sapagka't pinagsisisihan ko na aking nilalang sila. 8 Datapuwa't si Noe ay nakasumpong ng biyaya sa mga mata ng Panginoon. 9 Ito ang mga lahi ni Noe. Si Noe ay lalaking matuwid at sakdal noong kapanahunan niya: si Noe ay lumalakad na kasama ng Dios. 10 At nagkaanak si Noe ng tatlong lalake: si Sem, si Cham, at si Japhet. 11 At sumama ang lupa sa harap ng Dios, at ang lupa ay napuno ng karahasan. 12 At tiningnan ng Dios ang lupa, at, narito sumama; sapagka't pinasama ng lahat ng tao ang kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa. 13 At sinabi ng Dios kay Noe, Ang wakas ng lahat ng tao ay dumating sa harap ko; sapagka't ang lupa ay napuno ng karahasan dahil sa kanila; at, narito, sila'y aking lilipuling kalakip ng lupa. 14 Gumawa ka ng isang sasakyang kahoy na gofer; gagawa ka ng mga silid sa sasakyan, at iyong sisiksikan sa loob at sa labas ng sahing. 15 At ganitong paraan gagawin mo: tatlong daang siko ang haba ng sasakyan, limang pung siko ang luwang, at tatlong pung siko ang taas. 16 Gagawa ka ng isang durungawan sa sasakyan; at wawakasan mo ng isang siko sa dakong itaas; at ang pintuan ng sasakyan ay ilalagay mo sa tagiliran; gagawin mong may lapag na lalong mababa, pangalawa at pangatlo. 17 At ako, narito, ako'y magpapadagsa ng isang baha ng tubig sa ibabaw ng lupa, upang lipulin sa silong ng langit ang lahat ng laman na may hininga ng buhay; ang lahat na nasa lupa ay mangamamatay. 18 Datapuwa't pagtitibayin ko ang aking tipan sa iyo; at ikaw ay lululan sa sasakyan, ikaw, at ang iyong mga anak na lalake, at ang iyong asawa, at ang mga asawa ng iyong mga anak na kasama mo. 19 At sa bawa't nangabubuhay, sa lahat ng laman ay maglululan ka sa loob ng sasakyan ng dalawa sa bawa't uri upang maingatan silang buhay, na kasama mo; lalake at babae ang kinakailangan. 20 Sa mga ibon ayon sa kanikanilang uri, at sa mga hayop ayon sa kanikanilang uri, sa bawa't nagsisiusad, ayon sa kanikanilang uri, dalawa sa bawa't uri, ay isasama mo sa iyo, upang maingatan silang buhay. 21 At magbaon ka ng lahat na pagkain na kinakain, at imbakin mo sa iyo; at magiging pagkain mo at nila. 22 Gayon ginawa ni Noe; ayon sa lahat na iniutos sa kaniya ng Dios, ay gayon ang ginawa niya.
Genesis 7
1 At sinabi ng Panginoon kay Noe, Lumulan ka at ang iyong buong sangbahayan sa sasakyan; sapagka't ikaw ay aking nakitang matuwid sa harap ko sa panahong ito. 2 Sa bawa't malinis na hayop ay kukuha ka ng tigpipito, ng lalake at ng kaniyang babae; at sa mga hayop na hindi malinis ay dalawa, ng lalake at ng kaniyang babae; 3 Gayon din naman sa mga ibon sa himpapawid tigpipito, ng lalake at ng babae; upang ingatang binhing buhay sa ibabaw ng buong lupa. 4 Sapagka't pitong araw pa, at pauulanan ko na ang ibabaw ng lupa ng apat na pung araw at apat na pung gabi, at aking lilipulin ang lahat ng may buhay na aking nilikha sa balat ng lupa. 5 At ginawa ni Noe ayon sa lahat na iniutos sa kaniya ng Panginoon. 6 At may anim na raang taon si Noe nang ang baha ng tubig ay dumagsa sa ibabaw ng lupa. 7 At lumulan sa sasakyan si Noe at ang kaniyang mga anak, at ang kaniyang asawa, at ang mga asawa ng kaniyang mga anak, dahil sa tubig ng baha. 8 Sa mga hayop na malinis, at sa mga hayop na hindi malinis, at sa mga ibon at sa bawa't umuusad sa ibabaw ng lupa, 9 Ay dalawa't dalawang dumating kay Noe sa sasakyan, na lalake at babae ayon sa iniutos ng Dios kay Noe. 10 At nangyari na pagkaraan ng pitong araw, na ang tubig ng baha ay umapaw sa ibabaw ng lupa. 11 Sa ikaanim na raang taon ng buhay ni Noe, nang ikalawang buwan, sa ikalabing pitong araw ng buwan, nang araw ding yaon, ay nangasira ang lahat ng bukal ng lubhang kalaliman, at ang mga durungawan ng langit ay nabuksan. 12 At umulan sa ibabaw ng lupa ng apat na pung araw at apat na pung gabi. 13 Nang araw ding yaon, ay lumulan sa sasakyan si Noe, at si Sem, at si Cham, at si Japhet, na mga anak ni Noe, at ang asawa ni Noe, at ang tatlong asawa ng kaniyang mga anak na kasama nila; 14 Sila, at ang bawa't hayop gubat ayon sa kanikanilang uri, at lahat ng hayop na maamo ayon sa kanikanilang uri, at bawa't umuusad sa ibabaw ng lupa ayon sa kanikanilang uri, at bawa't ibon ayon sa kanikanilang uri, lahat ng sarisaring ibon. 15 At nagsidating kay Noe sa sasakyan na dalawa't dalawa, ang lahat ng hayop na may hinga ng buhay. 16 At ang mga nagsilulan, ay lumulang lalake at babae, ng lahat na laman, gaya ng iniutos sa kaniya ng Dios: at kinulong siya ng Panginoon. 17 At tumagal ang baha ng apat na pung araw sa ibabaw ng lupa; at lumaki ang tubig at lumutang ang sasakyan, at nataas sa ibabaw ng lupa. 18 At dumagsa ang tubig at lumaking mainam sa ibabaw ng lupa; at lumutang ang sasakyan sa ibabaw ng tubig. 19 At dumagsang lubha ang tubig sa ibabaw ng lupa: at inapawan ang lahat na mataas na bundok na nasa silong ng buong langit. 20 Labing limang siko ang lalim na idinagsa ng tubig; at inapawan ang mga bundok. 21 At namatay ang lahat ng lamang gumagalaw sa ibabaw ng lupa, ang mga ibon at gayon din ang hayop, at ang hayop gubat, at ang bawa't nagsisiusad na umuusad sa ibabaw ng lupa, at ang bawa't tao. 22 Ang bawa't may hinga ng diwa ng buhay sa kanilang ilong, lahat na nasa lupang tuyo ay namatay. 23 At nilipol ang bawa't may buhay na nasa ibabaw ng lupa, ang tao at gayon din ang hayop, at ang mga umuusad at ang mga ibon sa himpapawid; at sila'y nalipol sa lupa: at ang natira lamang, ay si Noe at ang mga kasama niya sa sasakyan. 24 At tumagal ang tubig sa ibabaw ng lupa, ng isang daan at limang pung araw.
Genesis 8
1 At naalaala ng Dios si Noe, at ang lahat ng may buhay, at ang lahat ng hayop na kasama niya sa sasakyan: at nagpahihip ang Dios ng isang hangin sa ibabaw ng lupa, at humupa ang tubig; 2 Natakpan din ang mga bukal ng kalaliman at ang mga dungawan ng langit, at napigil ang ulan sa langit; 3 At humupang patuloy ang tubig sa lupa; at kumati ang tubig pagkaraan ng isang daan at limang pung araw. 4 At sumadsad ang sasakyan nang ikapitong buwan, nang ikalabing pitong araw ng buwan, sa ibabaw ng mga bundok ng Ararat. 5 At ang tubig ay nagpatuloy ng paghupa hanggang sa ikasangpung buwan: nang ikasangpung buwan, nang unang araw ng buwan, ay nakita ang mga taluktok ng mga bundok. 6 At nangyari, pagkaraan ng apat na pung araw, na binuksan ni Noe ang dungawan ng sasakyan na kaniyang ginawa: 7 At siya'y nagpalipad ng isang uwak, at ito'y nagparoo't parito hanggang sa natuyo ang tubig sa lupa. 8 At nagpalipad siya ng isang kalapati, upang tingnan kung humupa na ang tubig sa ibabaw ng lupa. 9 Datapuwa't hindi nakasumpong ang kalapati ng madapuan ng talampakan ng kaniyang paa, at nagbalik sa kaniya sa sasakyan, sapagka't ang tubig ay nangasa ibabaw pa ng buong lupa: at iniunat ang kaniyang kamay at hinawakan, at ipinasok niya sa sasakyan. 10 At naghintay pa ng muling pitong araw; at muling pinalipad ang kalapati sa labas ng sasakyan; 11 At ang kalapati ay nagbalik sa kaniya ng dakong hapon; at, narito't may dalang isang dahong sariwa ng olivo sa tuka: sa gayon ay naunawa ni Noe na humupa na ang tubig sa lupa. 12 At naghintay pang muli siya ng pitong araw; at pinalipad ang kalapati; at hindi na muling nagbalik pa sa kaniya. 13 At nangyari, nang taong ikaanim na raan at isa, nang unang buwan, nang unang araw ng buwan, ay natuyo ang tubig sa ibabaw ng lupa: at inalis ni Noe ang takip ng sasakyan at tumanaw siya, at, narito't ang ibabaw ng lupa ay tuyo. 14 At nang ikalawang buwan nang ikadalawang pu't pitong araw ng buwan, ay natuyo ang lupa. 15 At nagsalita ang Dios kay Noe, na sinasabi, 16 Lumunsad ka sa sasakyan, ikaw at ang iyong asawa, at ang iyong mga anak, at ang mga asawa ng iyong mga anak na kasama mo. 17 Ilabas mong kasama mo ang bawa't may buhay na kasama mo sa lahat ng laman, ang mga ibon, at ang mga hayop, at ang bawa't nagsisiusad na umuusad sa ibabaw ng lupa; upang magsipanganak ng sagana sa lupa, at magpalaanakin, at mangagsidami sa ibabaw ng lupa. 18 At lumunsad si Noe, at ang kaniyang mga anak, at ang kaniyang asawa, at ang mga asawa ng kaniyang mga anak na kasama niya: 19 Ang bawa't hayop, bawa't umuusad, at bawa't ibon, anomang gumagalaw sa ibabaw ng lupa ayon sa kanikaniyang angkan ay nangagsilunsad sa sasakyan. 20 At ipinagtayo ni Noe ng isang dambana ang Panginoon; at kumuha sa lahat na malinis na hayop, at sa lahat na malinis na ibon, at nagalay ng mga handog na susunugin sa ibabaw ng dambana. 21 At sinamyo ng Panginoon ang masarap na amoy; at nagsabi ang Panginoon sa sarili, Hindi ko na muling susumpain ang lupa, dahil sa tao, sapagka't ang haka ng puso ng tao ay masama mula sa kaniyang pagkabata; ni hindi ko na muling lilipulin pa ang lahat na nabubuhay na gaya ng aking ginawa. 22 Samantalang ang lupa ay lumalagi, ay hindi maglilikat ang paghahasik at pagaani, at ang lamig at init, at ang tagaraw at taginaw, at ang araw at gabi.
Genesis 9
1 At binasbasan ng Dios si Noe at ang kaniyang mga anak, at sa kanila'y sinabi, Kayo'y magpalaanakin, at magpakarami at inyong kalatan ang lupa. 2 At ang takot sa inyo at sindak sa inyo ay mapapasa bawa't hayop sa lupa, at sa bawa't ibon sa himpapawid; lahat ng umuusad sa lupa, at lahat ng isda sa dagat, ay ibinibigay sa inyong kamay. 3 Bawa't gumagalaw na nabubuhay ay magiging pagkain ninyo; gaya ng mga sariwang pananim na lahat ay ibinibigay ko sa inyo. 4 Nguni't ang lamang may buhay, na siya niyang dugo, ay huwag ninyong kakanin. 5 At tunay na hihingan ko ng sulit ang inyong dugo, ang dugo ng inyong mga buhay: sa kamay ng bawa't ganid ay hihingan ko ng sulit; at sa kamay ng tao, sa kamay ng bawa't kapatid ng tao ay hihingan ko ng sulit ang buhay ng tao. 6 Ang magbubo ng dugo ng tao, sa pamamagitan ng tao ay mabububo ang kaniyang dugo: sapagka't sa larawan ng Dios nilalang ang tao. 7 At kayo'y magpalaanakin at magpakarami; magsilago kayo ng sagana sa lupa, at kayo'y magsidami riyan. 8 At nagsalita ang Dios kay Noe, at sa kaniyang mga anak na kasama niya, na sinasabi, 9 At ako, narito, aking pinagtitibay ang aking tipan sa inyo, at sa inyong binhi na susunod sa inyo; 10 At sa bawa't nilikhang may buhay na kasama ninyo, ang mga ibon, ang hayop at bawa't ganid sa lupa na kasama ninyo; sa lahat ng lumunsad sa sasakyan pati sa bawa't ganid sa lupa. 11 At aking pagtitibayin ang aking tipan sa inyo; ni hindi ko na lilipulin ang lahat ng laman sa pamamagitan ng tubig ng baha; ni hindi na magkakaroon pa ng bahang gigiba ng lupa. 12 At sinabi ng Dios, Ito ang tanda ng tipang ginawa ko sa inyo, at sa bawa't kinapal na may buhay na kasama ninyo sa buong panahon: 13 Ang aking bahaghari ay inilalagay ko sa alapaap, at siyang magiging tanda ng tipan ko at ng lupa. 14 At mangyayari, pagka ako'y magbababa ng isang alapaap sa ibabaw ng lupa, na makikita ang bahaghari sa alapaap. 15 At aalalahanin ko ang aking tipan, na inilagda ko sa akin at sa inyo, at sa bawa't kinapal na may buhay sa lahat ng laman; at ang tubig ay hindi na magiging bahang lilipol ng lahat ng laman. 16 At ang bahaghari ay pasa sa alapaap, at aking mamasdan, upang aking maalaala, ang walang hanggang tipan ng Dios at ng bawa't kinapal na may buhay sa lahat ng lamang nasa ibabaw ng lupa. 17 At sinabi ng Dios kay Noe, Ito ang tanda ng tipang inilagda ko sa akin at sa lahat ng laman na nasa ibabaw ng lupa. 18 At ang mga anak ni Noe na nagsilunsad sa sasakyan ay si Sem, at si Cham at si Japhet: at si Cham ay siyang ama ni Canaan. 19 Ang tatlong ito ay mga anak ni Noe: at sa mga ito'y nakalatan ang buong lupa. 20 At nagpasimula si Noe na maging mangbubukid, at naglagay ng isang ubasan. 21 At uminom ng alak at nalango; at siya'y nahubaran sa loob ng kaniyang tolda. 22 At si Cham na ama ni Canaan ay nakakita ng kahubaran ng kaniyang ama, at isinaysay sa kaniyang dalawang kapatid na nangasa labas. 23 At kumuha si Sem at si Japhet ng isang balabal, at isinabalikat nilang dalawa, at lumakad ng paurong, at tinakpan ang kahubaran ng kanilang ama; at ang mukha nila ay patalikod, at hindi nila nakita ang kahubaran ng kanilang ama. 24 At nagising si Noe sa kaniyang pagkalango sa alak, at naalaman ang ginawa sa kaniya ng kaniyang bunsong anak. 25 At sinabi, Sumpain si Canaan! Siya'y magiging alipin ng mga alipin sa kaniyang mga kapatid. 26 At sinabi niya, Purihin ang Panginoon, ang Dios ni Sem! At si Canaan ay maging alipin niya. 27 Pakapalin ng Dios si Japhet. At matira siya sa mga tolda ni Sem; At si Canaan ay maging alipin niya. 28 At nabuhay si Noe pagkaraan ng bahang gumunaw, ng tatlong daan at limang pung taon. 29 At ang lahat ng naging araw ni Noe ay siyam na raan at limang pung taon: at namatay.
Genesis 10
1 Ito nga ang sali't saling lahi ng mga anak ni Noe: si Sem, si Cham, at si Japhet: at sila'y nangagkaanak pagkaraan ng bahang gumunaw. 2 Ang mga anak ni Japhet; si Gomer, at si Magog, at si Madai, at si Javan, at si Tubal, at si Meshech, at si Tiras. 3 At ang mga anak ni Gomer: si Azkenaz, at si Rifat, at si Togarma. 4 At ang mga anak ni Javan; si Elisa, at si Tarsis, si Cittim, at si Dodanim. 5 Sa mga ito nangabahagi ang mga pulo ng mga bansa, sa kanilang mga lupain, na bawa't isa'y ayon sa kanikaniyang wika; ayon sa kanikanilang angkan, sa kanikanilang bansa. 6 At ang mga anak ni Cham; si Cush, at si Mizraim, at si Phut, at si Canaan. 7 At ang mga anak ni Cush; si Seba, at si Havila, at si Sabta, at si Raama, at si Sabtech: at ang mga anak ni Raama; si Sheba, at si Dedan. 8 At naging anak ni Cush si Nimrod: siyang napasimulang maging makapangyarihan sa lupa. 9 Siya'y makapangyarihang mangangaso sa harap ng Panginoon kaya't karaniwang sabihin: Gaya ni Nimrod, na makapangyarihang mangangaso sa harap ng Panginoon. 10 At ang pinagsimulan ng kaniyang kaharian ay ang Babel, at ang Erech, at ang Accad, at ang Calneh, sa lupain ng Shinar. 11 Buhat sa lupaing yaon ay napasa Asiria at itinayo ang Ninive, at ang Rehobotir, at ang Calah, 12 At ang Ressen, sa pagitan ng Ninive at ng Calah (na siyang malaking bayan). 13 At naging anak ni Mizraim si Ludim, at si Anamim, at si Lehabim, at si Naphtuhim. 14 At si Pathrusim, at si Casluim (na siyang pinagbuhatan ng mga Filisteo), at ang Caphtorim. 15 At naging anak ni Canaan si Sidon, na kaniyang panganay, at si Heth. 16 At ang Jebuseo, at ang Amorrheo, at ang Gergeseo; 17 At ang Heveo, at ang Araceo, at ang Sineo. 18 At ang Aradio, at ang Samareo at ang Amatheo: at pagkatapos ay kumalat ang mga angkan ng Cananeo. 19 At ang hangganan ng Cananeo ay mula sa Sidon, kung patungo sa Gerar, hanggang sa Gaza; kung patungo sa Sodoma at Gomorra, at Adma, at Zeboim hanggang Lasa. 20 Ito ang mga anak ni Cham, ayon sa kanikanilang angkan, ayon sa kanikanilang wika, sa kanikanilang mga lupain, sa kanilang mga bansa. 21 At nagkaroon din naman ng mga anak si Sem, na ama ng lahat ng mga anak ni Heber, na siya ring lalong matandang kapatid ni Japhet. 22 Ang mga anak ni Sem; si Elam, at si Assur, at si Arphaxad, at si Lud, at si Aram. 23 At ang mga anak ni Aram: si Uz, at si Hul, at si Gether, at si Mas. 24 At naging anak ni Arphaxad si Sala; at naging anak ni Sala si Heber. 25 At nagkaanak si Heber ng dalawang lalake; ang pangalan ng una'y Peleg; sapagka't sa mga araw niya'y nahati ang lupa; at ang pangalan ng kaniyang kapatid ay Joctan. 26 At naging anak ni Joctan si Almodad, at si Sheleph, at si Hazarmavet, at si Jerah; 27 At si Hadoram, at si Uzal, at si Dicla. 28 At si Obal, at si Abimael, at si Sheba. 29 At si Ophir, at si Havila, at si Jobad: lahat ng ito ay mga naging anak ni Joctan. 30 At ang naging tahanan nila ay mula sa Mesa, kung patungo sa Sephar, na siyang bundok sa silanganan. 31 Ito ang mga anak ni Sem, ayon sa kanikanilang angkan, ayon sa kanikanilang wika, sa kanikanilang lupain, ayon sa kanikanilang bansa. 32 Ito ang mga angkan ng mga anak ni Noe, ayon sa kanikanilang lahi, sa kanikanilang bansa: at sa mga ito nangabahagi ang mga bansa pagkatapos ng bahang gumunaw.
Genesis 11
1 At ang buong lupa ay iisa ang wika at iisa ang salita. 2 At nangyari, na, sa kanilang paglalakbay sa silanganan, ay nakasumpong sila ng isang kapatagan sa lupain ng Sinar; at sila'y nanahan doon. 3 At nagsangusapang, Halikayo! tayo'y gumawa ng mga laryo, at ating lutuing mabuti. At inari nilang bato ang laryo at ang betun ay inaring argamasa. 4 At nagsipagsabi, Halikayo! Magtayo tayo ng isang bayan natin at ng isang moog, na ang taluktok niyaon ay aabot hanggang sa langit, at magtaglay tayo ng isang ngalan; baka tayo'y mangalat sa ibabaw ng buong lupa. 5 At bumaba ang Panginoon upang tingnan ang bayan at ang moog, na itinayo ng mga anak ng mga tao. 6 At sinabi ng Panginoon, Narito, sila'y iisang bayan at silang lahat ay may isang wika; at ito ang kanilang pinasimulang gawin: at, ngayon nga'y walang makasasawata sa anomang kanilang balaking gawin. 7 Halikayo! tayo'y bumaba at diyan din ay ating guluhin ang kanilang wika, na anopa't sila'y huwag magkatalastasan sa kanilang salita. 8 Ganito pinanabog sila ng Panginoon mula riyan, sa ibabaw ng buong lupa; at kanilang iniwan ang pagtatayo ng bayan. 9 Kaya ang pangalang itinawag ay Babel; sapagka't doon ginulo ng Panginoon ang wika ng buong lupa: at mula roon ay pinanabog sila ng Panginoon sa ibabaw ng buong lupa. 10 Ito ang sali't saling lahi ni Sem. May isang daan taon si Sem at naging anak si Arphaxad, dalawang taon pagkatapos ng bahang gumunaw, 11 At nabuhay si Sem, pagkatapos na maipanganak si Arphaxad, ng limang daang taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae. 12 At nabuhay si Arphaxad, ng tatlong pu't limang taon, at naging anak si Sala. 13 At nabuhay si Arphaxad pagkatapos na maipanganak si Sala, ng apat na raan at tatlong taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae. 14 At nabuhay si Sala ng tatlong pung taon, at naging anak si Heber: 15 At nabuhay si Sala pagkatapos na maipanganak si Heber, ng apat na raan at tatlong taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae. 16 At nabuhay si Heber ng tatlong pu't apat na taon, at naging anak si Peleg: 17 At nabuhay si Heber pagkatapos na maipanganak si Peleg, ng apat na raan at tatlong pung taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae. 18 At nabuhay si Peleg ng tatlong pung taon, at naging anak si Reu: 19 At nabuhay si Peleg pagkatapos na maipanganak si Reu, ng dalawang daan at siyam na taon; at nagkaanak ng mga lalake at mga babae. 20 At nabuhay si Reu ng tatlong pu't dalawang taon, at naging anak si Serug: 21 At nabuhay si Reu pagkatapos na maipanganak si Serug, ng dalawang daan at pitong taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae. 22 At nabuhay si Serug ng tatlong pung taon, at naging anak si Nachor: 23 At nabuhay si Serug pagkatapos maipanganak si Nachor, ng dalawang daang taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae. 24 At nabuhay si Nachor ng dalawang pu't siyam na taon, at naging anak si Thare: 25 At nabuhay si Nachor pagkatapos na maipanganak si Thare, ng isang daan at labing siyam na taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae. 26 At nabuhay si Thare ng pitong pung taon, at naging anak si Abram, si Nachor at si Haran. 27 Ito nga ang mga lahi ni Thare. Naging anak ni Thare si Abram, si Nachor, at si Haran; at naging anak ni Haran si Lot. 28 At namatay si Haran bago namatay ang kaniyang amang si Thare sa lupaing kaniyang tinubuan, sa Ur ng mga Caldeo. 29 At nagsipagasawa si Abram at si Nachor: ang pangalan ng asawa ni Abram ay Sarai; at ang pangalan ng asawa ni Nachor, ay Milca, anak ni Haran, ama ni Milca at ama ni Iscah. 30 At si Sarai ay baog; siya'y walang anak. 31 At ipinagsama ni Thare si Abram na kaniyang anak, at si Lot na anak ni Haran, na anak ng kaniyang anak, at si Sarai na kaniyang manugang, asawa ni Abram na kaniyang anak; at samasamang nagsialis sa Ur ng mga Caldeo upang magsipasok sa lupain ng Canaan, at nagsidating sila sa Haran, at nagsitahan doon. 32 At ang mga naging araw ni Thare ay dalawang daan at limang taon: at namatay si Thare sa Haran.
Genesis 12
1 Sinabi nga ng Panginoon kay Abram, Umalis ka sa iyong lupain, at sa iyong mga kamaganak, at sa bahay ng iyong ama, na ikaw ay pasa lupaing ituturo ko sa iyo: 2 At gagawin kitang isang malaking bansa, at ikaw ay aking pagpapalain, at padadakilain ko ang iyong pangalan; at ikaw ay maging isang kapalaran: 3 At pagpapalain ko ang mga magpapala sa iyo, at susumpain ko ang mga susumpa sa iyo: at pagpapalain sa iyo ang lahat ng angkan sa lupa. 4 Kaya't yumaon si Abram, ayon sa sinalita sa kaniya ng Panginoon; at si Lot ay sumama sa kaniya: at si Abram ay may pitong pu't limang taon, nang umalis sa Haran. 5 Isinama ni Abram si Sarai na kaniyang asawa, at si Lot na anak ng kaniyang kapatid, at ang lahat ng pag-aaring kanilang natipon at ang mga taong kanilang nakuha sa Haran; at nagsialis upang pasa lupain ng Canaan; at dumating sa lupain ng Canaan. 6 At naglakbay sa lupain si Abram hanggang sa dako ng Sichem, hanggang sa punong encina ng More. At noo'y nasa lupaing yaon ang Cananeo, 7 At napakita ang Panginoon kay Abram, at nagsabi, Sa iyong lahi ay ibibigay ko ang lupaing ito: at siya'y nagtayo roon ng isang dambana sa Panginoon na napakita sa kaniya. 8 At mula roon ay lumipat siya sa bundok na nasa silanganan ng Bethel, at doon niya itinayo ang kaniyang tolda, na nasa kalunuran ang Bethel, at nasa silanganan ang Hai: at siya'y nagtayo roon ng dambana sa Panginoon, at sinambitla ang pangalan ng Panginoon. 9 At si Abram ay naglakbay na nagtuloy sa dakong Timugan. 10 At nagkagutom sa lupaing yaon: at bumaba si Abram na nasok sa Egipto, upang manirahan doon; sapagka't mahigpit ang kagutom sa lupain. 11 At nangyari, nang siya'y malapit nang papasok sa Egipto, ay sinabi niya kay Sarai na kaniyang asawa, Narito, ngayon, talastas kong ikaw ay magandang babae sa tingin: 12 At mangyayari na pag makikita ka ng mga Egipcio, ay kanilang sasabihin, Ito'y kaniyang asawa; at ako'y kanilang papatayin, datapuwa't kanilang ililigtas kang buhay. 13 Isinasamo ko sa iyo, na sabihin mong ikaw ay aking kapatid, upang ako'y mapabuti dahil sa iyo, at upang ang kaluluwa ko'y mabuhay dahil sa iyo. 14 At nangyari, nang pumasok si Abram sa Egipto, nakita ng mga Egipcio, na ang babae ay napakaganda. 15 At nakita siya ng mga prinsipe ni Faraon, at kanilang pinuri siya kay Faraon: at dinala ang babae sa bahay ni Faraon. 16 At pinagpakitaan nito ng magandang loob si Abram dahil sa kaniya: at nagkaroon si Abram ng mga tupa, at ng mga baka, at ng mga asno, at ng mga aliping lalake at mga alilang babae, at ng mga asna, at ng mga kamelyo, 17 At sinalot ng Panginoon si Faraon at ang kaniyang sangbahayan, ng malaking pagsalot dahil kay Sarai na asawa ni Abram. 18 At tinawag ni Faraon si Abram, at sinabi, Ano itong ginawa mo sa akin? Bakit hindi mo ipinahayag sa akin na siya'y iyong asawa? 19 Bakit sinabi mong siya'y aking kapatid? na ano pa't siya'y aking kinuha upang maging asawa: ngayon nga'y nariyan ang iyong asawa; siya'y kunin mo at yumaon ka. 20 At nagbilin si Faraon sa mga tao tungkol sa kaniya: at siya'y kanilang inihatid sa daan, at ang kaniyang asawa, at ang lahat ng kaniyang pag-aari.
Genesis 13
1 At umahon sa Timugan si Abram mula sa Egipto, siya at ang kaniyang asawa, at ang lahat ng kaniyang tinatangkilik, at si Lot na kaniyang kasama. 2 At si Abram ay totoong mayaman sa hayop, sa pilak, at sa ginto. 3 At nagpatuloy si Abram ng kaniyang paglalakbay mula sa Timugan hanggang sa Bethel, hanggang sa dakong kinaroroonan noong una ng kaniyang tolda sa pagitan ng Bethel at ng Hai; 4 Sa dako ng dambana na kaniyang ginawa roon nang una: at sinambitla doon ni Abram ang pangalan ng Panginoon. 5 At si Lot man na kinasama ni Abram ay may tupahan at bakahan, at mga tolda. 6 At sila'y hindi makayanan ng lupain, na sila'y manahan na magkasama: sapagka't napakarami ang kanilang pag-aari, na ano pa't hindi maaring manirahang magkasama. 7 At nagkaroon ng pagtatalo ang mga pastor ng hayop ni Abram at ang mga pastor ng hayop ni Lot; at ang Cananeo at ang Pherezeo ay naninirahan noon sa lupain. 8 At sinabi ni Abram kay Lot, Ipinamamanhik ko sa iyong huwag magkaroon ng pagtatalo, ikaw at ako, at ang mga pastor mo at mga pastor ko; sapagka't tayo'y magkapatid. 9 Di ba ang buong lupain ay nasa harap mo? Humiwalay ka nga sa akin, ipinamamanhik ko sa iyo: kung ikaw ay pasa sa kaliwa, ay pasa sa kanan ako: o kung ikaw ay pasa sa kanan, ay pasa sa kaliwa ako. 10 At itiningin ni Lot ang kaniyang mga mata, at natanaw niya ang buong kapatagan ng Jordan, na pawang patubigan na magaling sa magkabikabila, kung pasa sa Zoar, bago giniba ng Panginoon ang Sodoma at Gomorra, ay gaya ng halamanan ng Panginoon, gaya ng lupain ng Egipto. 11 Kaya't pinili ni Lot sa kaniya ang buong kapatagan ng Jordan; at si Lot ay naglakbay sa silanganan: at sila'y kapuwa naghiwalay. 12 Tumahan si Abram sa lupain ng Canaan; at si Lot ay tumahan sa mga bayan ng kapatagan, at inilipat ang kaniyang tolda hanggang sa Sodoma. 13 Ang mga tao nga sa Sodoma ay masasama at mga makasalanan sa harap ng Panginoon. 14 At sinabi ng Panginoon kay Abram, pagkatapos na makahiwalay si Lot sa kaniya, Itingin mo ngayon ang iyong mga mata, at tumanaw ka mula sa dakong iyong kinalalagyan, sa dakong hilagaan, at sa dakong timugan, at sa dakong silanganan, at sa dakong kalunuran: 15 Sapagka't ang buong lupaing iyong natatanaw ay ibibigay ko sa iyo, at sa iyong binhi magpakaylan man. 16 At gagawin kong parang alabok ng lupa ang iyong binhi: na ano pa't kung mabibilang ng sinoman ang alabok ng lupa ay mabibilang nga rin ang iyong binhi. 17 Magtindig ka, lakarin mo ang lupain, ang hinabahaba at niluwang-luwang niyan; sapagka't ibibigay ko sa iyo. 18 At binuhat ni Abram ang kaniyang tolda, at yumaon at tumahan sa mga punong encina ni Mamre na nasa Hebron, at siya'y nagtayo roon ng dambana sa Panginoon.
Genesis 14
1 At nangyari sa mga kaarawan ni Amraphel, hari sa Sinar, ni Ariok hari sa Elasar, ni Chedorlaomer hari sa Elam, at ni Tidal na hari ng mga Goiim, 2 Na ang mga ito ay nakipagbaka laban kay Bera hari sa Sodoma, at laban kay Birsha hari sa Gomorra, kay Shinab hari sa Adma, at kay Shemeber, hari sa Zeboim, at sa hari sa Bela (na si Zoar). 3 Lahat ng ito'y nagkatipon sa libis ng Siddim (na siyang Dagat na Alat). 4 Labingdalawang taong nagsipaglingkod kay Chedorlaomer, at sa ikalabingtatlong taon ay nagsipaghimagsik. 5 At sa ikalabingapat na taon ay dumating si Chedorlaomer at ang mga haring kasama niya, at sinaktan ang mga Refaim sa Ashteroth-Carnaim, at ang mga Zuzita sa Ham, at ang mga Emita sa Shave-ciriataim. 6 At ang mga Horeo sa kanilang kabundukan ng Seir, hanggang Elparan na nasa tabi ng ilang. 7 At sila'y nangagbalik at nagsiparoon sa Enmispat (na siyang Cades), at kanilang sinaktan ang buong lupain ng mga Amalecita at pati ng mga Amorrheo na nagsisitahan sa Hazezon-tamar. 8 At nagsilabas ang hari sa Sodoma, at ang hari sa Gomorra, at ang hari sa Adma, at ang hari sa Zeboim, at ang hari sa Bela (na dili iba't si Zoar); at sila'y humanay ng pakikipagbaka laban sa kanila sa libis ng Siddim; 9 Laban kay Chedorlaomer, hari sa Elam, at kay Tidal na hari ng mga Goiim at kay Amraphel, hari sa Shinar, at kay Arioch, hari sa Elasar; apat na hari laban sa lima. 10 At ang libis ng Siddim ay puno ng hukay ng betun; at nagsitakas ang mga hari sa Sodoma at sa Gomorra, at nangahulog doon, at ang natira ay nagsitakas sa kabundukan. 11 At kanilang sinamsam ang lahat ng pag-aari ng Sodoma at Gomorra, at ang lahat nilang pagkain, at nagsiyaon. 12 At dinala nila si Lot, na anak ng kapatid ni Abram, na nananahan sa Sodoma at ang kaniyang mga pag-aari at sila'y nagsiyaon. 13 At dumating ang isang nakatanan, at ibinalita kay Abram na Hebreo; na tumatahan nga sa mga puno ng encina ni Mamre na Amorrheo, kapatid ni Eschol, at kapatid ni Aner; at ang mga ito ay kakampi ni Abram. 14 At pagkarinig ni Abram, na nabihag ang kaniyang kapatid ay ipinagsama ang kaniyang mga subok na lalake, na mga ipinanganak sa kaniyang bahay, na tatlong daan at labing walo, at kanilang hinabol sila hanggang sa Dan. 15 At sila'y nangagpangkatpangkat sa kinagabihan, laban sa kaaway, siya at ang kaniyang mga alipin, at kanilang sinaktan sila, at hinabol nila sila hanggang sa Hobah, na nasa kaliwa ng Damasco. 16 At iniuwi niya ang lahat ng pag-aari; at iniuwi rin niya si Lot na kaniyang kapatid, at ang kaniyang mga pag-aari, at gayon din ang mga babae at ang bayan. 17 At nilabas na sinalubong siya ng hari sa Sodoma pagkatapos na siya'y magbalik na mula sa pagpatay kay Chedorlaomer, at sa mga haring kasama niya sa libis ng Shave (na siyang libis ng hari). 18 At si Melquisedec, na hari sa Salem, ay naglabas ng tinapay at alak; at siya'y saserdote ng Kataastaasang Dios. 19 At binasbasan niya siya na sinabi, Pagpalain si Abram ng Kataastaasang Dios, na may-ari ng langit at ng lupa: 20 At purihin ang Kataastaasang Dios, na nagbigay ng iyong mga kaaway sa iyong kamay. At binigyan siya ni Abram ng ikasangpung bahagi ng buong samsam. 21 At sinabi ng hari sa Sodoma kay Abram, Ibigay mo sa akin ang mga tao at kunin mo sa ganang iyo ang mga pag-aari. 22 At sinabi ni Abram sa hari sa Sodoma, Itinaas ko ang aking kamay sa Panginoong Dios na Kataastaasan, na may ari ng langit at ng lupa. 23 Isinumpa kong hindi ako kukuha maging isang sinulid, o maging isang panali ng pangyapak, o ng anomang nauukol sa iyo, baka iyong sabihin, Pinayaman ko si Abram: 24 Liban na lamang ang kinain ng mga binata at ang bahagi ng mga lalaking kinasama ko; si Aner, si Eschol, at si Mamre, ay pakunin mo ng kanilang bahagi.
Genesis 15
1 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay dumating ang salita ng Panginoon kay Abram sa pangitain na nagsasabi, Huwag kang matakot, Abram: ako ang iyong kalasag, at ang iyong ganting pala na lubhang dakila. 2 At sinabi ni Abram, Oh Panginoong Dios, anong ibibigay mo sa akin, kung ako'y nabubuhay na walang anak at ang magaari ng aking bahay ay itong taga Damascong si Eliezer? 3 At sinabi ni Abram, Narito, hindi mo ako binigyan ng anak at, narito't isang ipinanganak sa aking bahay ang siyang tagapagmana ko. 4 At, narito, ang salita ng Panginoon ay dumating sa kaniya, na nagsabi, Hindi ang taong ito ang magiging tagapagmana mo; kundi lalabas sa iyong sariling katawan ang magiging tagapagmana mo. 5 At siya'y inilabas at sinabi, Tumingala ka ngayon sa langit, at iyong bilangin ang mga bituin, kung mabibilang mo: at sa kaniya'y sinabi, Magiging ganiyan ang iyong binhi. 6 At sumampalataya siya sa Panginoon; at ito'y ibinilang na katuwiran sa kaniya. 7 At sinabi sa kaniya, Ako ang Panginoon na nagpaalis sa iyo sa Ur ng mga Caldeo, upang ibigay sa iyo ang lupaing ito na manahin mo. 8 At sinabi niya, Oh Panginoong Dios, paanong pagkakilala ko na aking mamanahin? 9 At sinabi sa kaniya, Magdala ka rito sa akin ng isang dumalagang bakang tatlong taon ang gulang, at ng isang babaing kambing na tatlong taon ang gulang, at ng isang lalaking tupang tatlong taon ang gulang, at ng isang inakay na batobato at ng isang inakay na kalapati. 10 At dinala niya ang lahat ng ito sa kaniya, at pinaghati niya sa gitna, at kaniyang pinapagtapattapat ang kalakalahati; datapuwa't hindi hinati ang mga ibon. 11 At binababa ng mga ibong mangdadagit ang mga bangkay, at binubugaw ni Abram. 12 At nang lulubog na ang araw, ay nakatulog si Abram ng mahimbing; at, narito, ang isang kasindaksindak na malaking kadiliman ay sumakaniya. 13 At sinabi ng Dios kay Abram, Tunay na pakatalastasin mo, na ang iyong binhi ay magiging taga ibang bayan sa lupaing hindi kanila, at mangaglilingkod sa mga yaon; at pahihirapang apat na raang taon. 14 At yaon namang bansang kanilang paglilingkuran ay aking hahatulan: at pagkatapos ay aalis silang may malaking pag-aari. 15 Datapuwa't ikaw ay payapang pasa sa iyong mga magulang; at ikaw ay malilibing sa mabuting katandaan. 16 At sa ikaapat na salin ng iyong binhi, ay magsisipagbalik rito: sapagka't hindi pa nalulubos ang katampalasanan ng mga Amorrheo. 17 At nangyari, na paglubog ng araw, at pagdilim, na narito, ang isang hurnong umuusok, at ang isang tanglaw na nagniningas na dumaan sa gitna ng mga hinating hayop. 18 Nang araw na yaon, ang Panginoon ay nakipagtipan kay Abram, na nagsabi, Sa iyong binhi ibinigay ko ang lupaing ito, mula sa ilog ng Egipto hanggang sa malaking ilog, na ilog Eufrates. 19 Ang mga Cineo, at ang mga Ceneceo, at ang mga Cedmoneo, 20 At ang mga Heteo, at ang mga Pherezeo, at ang mga Refaim, 21 At ang mga Amorrheo, at ang mga Cananeo, at ang mga Gergeseo, at ang mga Jebuseo.
Genesis 16
1 Si Sarai nga na asawa ni Abram ay hindi nagkaanak sa kaniya; at siya'y may isang alilang babae na taga Egipto, na nagngangalang Agar. 2 At sinabi ni Sarai kay Abram, Narito, ngayon, ako'y hinadlangan ng Panginoon na ako'y magkaanak; ipinamamanhik ko sa iyong sumiping ka sa aking alilang babae; marahil ay magkakaanak ako sa pamamagitan niya. At dininig ni Abram ang sabi ni Sarai. 3 At kinuha ni Sarai na asawa ni Abram, si Agar na taga Egipto, na kaniyang alila, pagkaraan ng sangpung taon na makatahan si Abram sa lupain ng Canaan, at ibinigay kay Abram na kaniyang asawa upang maging asawa niya. 4 At siya'y sumiping kay Agar, at naglihi: at nang makita niyang siya'y naglihi, ay niwalang halaga niya ang kaniyang panginoong babae sa kaniyang paningin. 5 At sinabi ni Sarai kay Abram, Ang aking pagkaapi ay sumaiyo: idinulot ko ang aking alila sa iyong sinapupunan; at nang makita niyang siya'y naglihi, ay niwalan akong kabuluhan sa kaniyang paningin: ang Panginoon ang humatol sa akin at sa iyo. 6 Datapuwa't sinabi ni Abram kay Sarai, Narito, ang iyong alila ay nasa iyong kamay; gawin mo sa kaniya ang iyong minamagaling sa iyong paningin. At dinuwahagi siya ni Sarai, at si Agar ay tumakas mula sa kaniyang harap. 7 At nasumpungan siya ng anghel ng Panginoon sa tabi ng isang bukal ng tubig sa ilang, sa bukal na nasa daang patungo sa Shur. 8 At sinabi, Agar, alila ni Sarai, saan ka nanggaling? at saan ka paroroon? at kaniyang sinabi, Ako'y tumatakas mula sa harap ni Sarai na aking panginoon. 9 At sinabi sa kaniya ng anghel ng Panginoon, Magbalik ka sa iyong panginoon, at pahinuhod ka sa kaniyang mga kamay. 10 At sinabi sa kaniya ng anghel ng Panginoon, Pararamihin kong mainam ang iyong binhi, na hindi mabibilang dahil sa karamihan. 11 At sinabi sa kaniya ng anghel ng Panginoon, Narito't ikaw ay nagdadalang-tao at ikaw ay manganganak ng isang lalake; at ang itatawag mo sa kaniyang ngalan ay Ismael, sapagka't diningig ng Panginoon ang iyong kadalamhatian. 12 At siya'y magiging parang asnong bundok sa gitna ng mga tao; ang kaniyang kamay ay magiging laban sa lahat, at ang kamay ng lahat ay laban sa kaniya; at siya'y tatahan sa harap ng lahat niyang mga kapatid. 13 At kaniyang tinawagan ang ngalan ng Panginoon na nagsalita sa kaniya, Ikaw ay Dios na nakakakita: sapagka't sinabi niya, Namasdan ko rin ba rito ang likuran niyaong nakakakita sa akin? 14 Kaya't nginalanan ang balong yaon Balon ng Nabubuhay na nakakakita sa akin; narito't ito'y nasa pagitan ng Cades at Bered. 15 At nanganak si Agar ng isang lalake kay Abram at ang itinawag ni Abram, na pangalan sa kaniyang anak na ipinanganak ni Agar, ay Ismael. 16 At si Abram ay may walong pu't anim na taon nang ipanganak si Ismael ni Agar kay Abram.
Genesis 17
1 At nang si Abram ay may siyam na pu't siyam na taon, ay napakita ang Panginoon kay Abram, at sa kaniya'y nagsabi, Ako ang Dios na Makapangyarihan sa lahat lumakad ka sa harapan ko, at magpakasakdal ka. 2 At ako'y makikipagtipan sa iyo at ikaw ay aking pararamihing mainam. 3 At nagpatirapa si Abram: at ang Dios ay nakipagusap sa kaniya, na sinasabi, 4 Tungkol sa akin, narito, ang aking tipan ay sumasaiyo, at ikaw ang magiging ama ng maraming bansa. 5 At hindi na tatawagin ang pangalan mong Abram, kundi Abraham ang magiging iyong pangalan; sapagka't ikaw ay ginawa kong ama ng maraming bansa. 6 At ikaw ay aking gagawing totoong palaanakin at papanggagalingin ko sa iyo ang mga bansa; at magbubuhat sa iyo ang mga hari. 7 At aking papagtitibayin ang aking tipan sa iyo at sa iyong binhi pagkamatay mo sa buong kalahian nila, na tipang walang hanggan, na ako'y magiging iyong Dios, at ng iyong binhi, pagkamatay mo. 8 At ibibigay ko sa iyo, at sa iyong binhi, pagkamatay mo, ang lupaing iyong mga pinaglakbayan, ang buong lupain ng Canaan, na pag-aaring walang hanggan at ako ang magiging Dios nila. 9 At sinabi pa ng Dios kay Abraham, At tungkol sa iyo, iingatan mo ang aking tipan, iingatan mo at ng iyong binhi pagkamatay mo, sa buong kalahian nila. 10 Ito ang aking tipan na inyong iingatan sa akin at sa inyo, at ng iyong binhi, pagkamatay mo; tutuliin ang bawa't lalake sa inyo. 11 At kayo'y tutuliin sa laman ng inyong balat ng masama; at ito ang magiging tanda ng aking tipan sa inyo. 12 At ang may walong araw ay tutuliin sa inyo, ang bawa't lalake sa buong kalahian ninyo; ang ipinanganak sa bahay, o ang binili ng salapi sa sinomang taga ibang lupa na hindi sa iyong lahi. 13 Ang ipinanganak sa bahay at ang binili ng iyong salapi, ay dapat tuliin: at ang aking tipan ay sasa iyong laman na pinakatipang walang hanggan. 14 At ang lalaking hindi tuli, na hindi tinuli ang laman ng kaniyang balat ng masama, ang taong yaon ay mahihiwalay sa kaniyang bayan; sinira niya ang aking tipan. 15 At sinabi ng Dios kay Abraham, Tungkol kay Sarai na iyong asawa, ay huwag mo nang tatawagin ang kaniyang pangalang Sarai, kundi Sara ang magiging kaniyang pangalan. 16 At akin siyang pagpapalain, at saka sa kaniya'y bibigyan kita ng anak: oo, siya'y aking pagpapalain, at magiging ina ng mga bansa; ang mga hari ng mga bayan ay magmumula sa kaniya. 17 Nang magkagayo'y nagpatirapa si Abraham, at nagtawa, at nasabi sa kaniyang sarili, Magkakaanak kaya siya na may isang daang taon na? at manganak pa kaya si Sara na may siyam na pung taon na? 18 At sinabi ni Abraham sa Dios, Kahimanawari, si Ismael ay mabuhay sa harapan mo! 19 At sinabi ng Dios, Hindi, kundi ang iyong asawang si Sara ay magkakaanak sa iyo; at tatawagin mo ang kaniyang ngalang Isaac; at aking pagtitibayin ang aking tipan sa kaniya ng pinakatipang walang hanggan, sa kaniyang lahi pagkamatay niya. 20 At tungkol kay Ismael, ay dininig din kita. Narito't aking pinagpala siya, at siya'y aking papagaanakin ng marami, at siya'y aking pararamihin ng di kawasa; labing dalawang prinsipe ang kaniyang magiging anak, at siya'y gagawin kong malaking bansa. 21 Nguni't ang aking tipan ay pagtitibayin ko kay Isaac na iaanak sa iyo ni Sara, sa tadhanang araw, sa taong darating. 22 At nang matapos na makipagusap sa kaniya, ay napaitaas ang Dios mula sa piling ni Abraham. 23 At ipinagsama ni Abraham si Ismael, na kaniyang anak, at ang lahat na ipinanganak sa kaniyang bahay, at ang lahat ng binili niya ng kaniyang salapi, ang lahat ng lalake sa mga lalaking kasangbahay ni Abraham, at tinuli ang laman ng kanilang balat ng masama ng araw ding yaon, ayon sa sinabi ng Dios sa kaniya. 24 At si Abraham ay may siyam na pu't siyam na taon, nang tuliin ang laman ng kaniyang balat ng masama. 25 At si Ismael ay may labing tatlong taon, nang tuliin ang laman ng kaniyang balat ng masama. 26 Nang araw ding yaon tinuli si Abraham, at si Ismael na kaniyang anak. 27 At lahat ng lalaking kasangbahay niya, maging ang mga ipinanganak sa bahay, at ang mga binili ng salapi sa taga ibang lupain, ay pinagtuling kasama niya.
Genesis 18
1 At napakita ang Panginoon sa kaniya sa mga punong encina ni Mamre, habang siya'y nakaupo sa pintuan ng tolda, ng kainitan ng araw. 2 At itiningin ang kaniyang mga mata at nagmalas, at, narito't tatlong lalake ay nakatayo sa tabi niya: at pagkakita niya sa kanila, ay tinakbo niya upang sila'y salubungin mula sa pintuan ng tolda, at yumukod siya sa lupa. 3 At nagsabi, Panginoon ko, kung ngayo'y nakasumpong ako ng biyaya sa iyong paningin, ay ipinamamanhik ko sa iyo, na huwag mong lagpasan ang iyong lingkod. 4 Itulot mong dalhan kayo rito ng kaunting tubig, at maghugas kayo ng inyong mga paa, at mangagpahinga kayo sa lilim ng kahoy. 5 At magdadala ako ng isang subong tinapay at inyong palakasin ang inyong puso; at pagkatapos ay magsisipagtuloy kayo: yamang kayo'y naparito sa inyong lingkod, At nagsipagsabi, Mangyari ang ayon sa iyong sinabi. 6 At si Abraham ay nagmadaling napasa tolda ni Sara, at sinabi, Maghanda ka agad ng tatlong takal ng mainam na harina, iyong tapayin at gawin mong mga munting tinapay. 7 At tumakbo si Abraham sa bakahan at nagdala ng isang bata at mabuting guya, at ibinigay sa alipin; at siya'y nagmadali, upang lutuin. 8 At siya'y kumuha ng mantekilla, at ng gatas, at ng guyang niluto niya, at inihain sa harapan nila; at siya'y tumayo sa siping nila sa lilim ng punong kahoy; at sila'y nagsikain. 9 At sinabi nila sa kaniya, Saan naroon si Sara na iyong asawa? At sinabi niya Narito, nasa tolda. 10 At sinabi niya, Walang salang di ako babalik sa iyo sa ganitong panahon ng taong darating; at narito't si Sara na iyong asawa ay magkakaanak ng isang lalake. At narinig ni Sara sa pintuan ng tolda, na nasa likod niya. 11 Si Abraham at si Sara nga'y matatanda na, at lipas na sa panahon; at tinigilan na si Sara ng kaugalian ng mga babae. 12 At nagtawa si Sara sa kaniyang sarili, na sinasabi, Pagkatapos na ako'y tumanda ay magtatamo ako ng kaligayahan, at matanda na rin pati ng panginoon ko? 13 At sinabi ng Panginoon kay Abraham, Bakit tumawa si Sara, na sinasabi, Tunay kayang ako'y manganganak, na matanda na ako? 14 May anomang bagay kayang napakahirap sa Panginoon? Sa tadhanang panahon ay babalik ako sa iyo, sa taong darating, at si Sara ay magkakaanak ng isang lalake. 15 Nang magkagayo'y nagkaila si Sara, na sinasabi, Hindi ako tumawa, sapagka't siya'y natakot. Nguni't sinabi niya, Hindi gayon; kundi ikaw ay tumawa. 16 At nangagtindig doon ang mga lalake, at nangagsitingin sa dakong Sodoma; at sinamahan sila ni Abraham, upang ihatid sila sa daan. 17 At sinabi ng Panginoon, Ililihim ko ba kay Abraham ang aking gagawin; 18 Dangang si Abraham ay tunay na magiging isang bansang malaki at matibay, at pagpapalain sa kaniya ang lahat ng bansa sa lupa? 19 Sapagka't siya'y aking kinilala, upang siya'y magutos sa kaniyang mga anak at sa kaniyang sangbahayan pagkamatay niya, na maingatan nila ang daan ng Panginoon, na gumawa ng kabanalan, at kahatulan; upang padatnin ng Panginoon, kay Abraham ang kaniyang ipinangako tungkol sa kaniya. 20 At sinabi ng Panginoon, Sapagka't ang sigaw ng Sodoma at Gomorra ay malakas, at sapagka't ang kasalanan nila ay napakalubha; 21 Ay bababa ako ngayon at titingnan ko kung ginawa nga ang ayon sa sigaw na dumarating hanggang sa akin; at kung hindi ay aking malalaman. 22 At ang mga lalake ay nagsilayo roon at nagsitungo sa Sodoma datapuwa't si Abraham ay nakatayo pa sa harapan ng Panginoon. 23 At lumapit si Abraham, at nagsabi, Ang mga banal ba ay iyong lilipuling kasama ng mga masama? 24 Kung sakaling may limang pung banal sa loob ng bayan: lilipulin mo ba, at di mo patatawarin ang dakong yaon, alangalang sa limang pung banal na nasa loob niyaon? 25 Malayo nawa sa iyo ang paggawa ng ganito, na ang banal ay iyong pataying kasama ng masama, anopa't ang banal ay mapara sa masama; malayo nawa ito sa iyo: di ba gagawa ng matuwid ang Hukom ng buong lupa? 26 At sinabi ng Panginoon, Kung makasumpong ako sa Sodoma ng limang pung banal sa loob ng bayan, patatawarin ko ang buong dakong yaon, alangalang sa kanila. 27 At sumagot si Abraham, at nagsabi, Narito, ngayo'y nangahas akong magsalita sa Panginoon, akong alabok at abo lamang: 28 Kung sakaling magkukulang ng lima sa limang pung banal: lilipulin mo ba, dahil sa limang kulang, ang buong bayan? At sinabi niya, Hindi ko lilipulin kung makasumpong ako roon ng apat na pu't lima. 29 At siya'y muling nagsalita pa sa kaniya, at nagsabi, Marahil ay may masusumpungang apat na pu. At sinabi niya, Hindi ko gagawin, alangalang sa apat na pu. 30 At sinabi niya, Oh huwag magalit ang Panginoon, at ako'y magsasalita: kung sakaling may masusumpungan doong tatlong pu. At sinabi niya, Hindi ko gagawin kung makakasumpong ako roon ng tatlong pu. 31 At kaniyang sinabi, Narito ngayon, ako'y nangahas na magsalita sa Panginoon: kung sakaling may masusumpungan doong dalawang pu. At sinabi niya, Hindi ko lilipulin, alangalang sa dalawang pu. 32 At sinabi niya, Oh huwag magalit ang Panginoon at magsasalita na lamang akong minsan: kung sakaling may masusumpungan doong sangpu: at sinabi niya, Hindi ko lilipulin, alangalang sa sangpu. 33 At ang Panginoon ay nagpatuloy, pagkatapos na makipagusap kay Abraham: at si Abraham ay nagbalik sa kaniyang dako.
Genesis 19
1 At nagsidating ang dalawang anghel sa Sodoma, nang nagtatakip silim; at si Lot ay nakaupo sa pintuang-bayan ng Sodoma: at sila'y nakita ni Lot, at nagtindig upang salubungin sila; at iniyukod ang mukha sa lupa; 2 At nagsabi, Ngayon nga mga panginoon ko, ipinamamanhik ko sa inyo na kayo'y magsiliko at magsipasok sa bahay ng inyong lingkod, at kayo'y matira sa buong magdamag, at maghugas ng inyong mga paa, at sa madaling araw ay magsipagbangon kayo at magpatuloy ng inyong paglakad. At kanilang sinabi, Hindi, kundi sa langsangan mananahan kami sa buong magdamag. 3 At kaniyang pinakapilit sila; at sila'y nagsiliko, at nagsipasok sa kaniyang bahay; at sila'y kaniyang pinaghandaan, at ipinagluto ng mga tinapay na walang levadura, at nagsikain. 4 Datapuwa't bago nagsihiga, ang bahay ay kinulong ng mga tao sa bayan sa makatuwid baga'y ng mga tao sa Sodoma, na mga binata at gayon din ng mga matanda ng buong bayan sa buong palibot; 5 At kanilang tinawagan si Lot, at sinabi sa kaniya, Saan nangaroon ang mga lalaking dumating sa iyo ng gabing ito? ilabas mo sila sa amin upang kilalanin namin sila. 6 At nilabas sila ni Lot sa pintuan, at isinara ang pinto sa likuran niya. 7 At sinabi niya, Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid ko, na huwag kayong gumawa ng ganiyang kasamaan. 8 Narito, ngayon, may dalawa akong anak na babae, na hindi nakakilala ng lalake; ipinamamanhik ko sa inyo, na sila'y aking ilalabas sa inyo, at gawin ninyo sa kanila ang magalingin ninyo sa inyong paningin: huwag lamang ninyong gawan ng anoman ang mga lalaking ito; yamang sila'y nangasa silong ng aking bubungan. 9 At sinabi nila, Umurong ka! At sinabi pa nila, Ang taong ito'y naparito upang makipamayan, at ibig niyang maging hukom: ngayon nga'y gagawan ka namin ng lalong masama kay sa kanila. At kanilang ipinagtulakan ang lalaking si Lot, at nagsilapit upang sirain ang pintuan. 10 Datapuwa't iniunat ng mga lalake ang kanilang kamay at binatak si Lot sa loob ng bahay at kanilang sinarhan ang pintuan. 11 At ang mga taong nangasa pintuan ng bahay ay mga pinagbulag nila, ang munti't malaki: ano pa't sila'y nangayamot sa paghahanap ng pintuan. 12 At sinabi ng mga lalake kay Lot, Mayroon ka pa ritong kamaganakan? Ang iyong mga manugang, at ang iyong mga anak na lalake at babae, at ang lahat ng iyong tinatangkilik sa bayan: ay ipagaalis mo sa dakong ito: 13 Sapagka't aming lilipulin ang dakong ito dahil sa napakalakas ang kanilang sigaw sa harap ng Panginoon; at kami ay sinugo ng Panginoon upang aming lipulin. 14 At si Lot ay lumabas, at pinagsabihan niya ang kaniyang mga manugang na nagasawa sa kaniyang mga anak na babae, at sinabi, Magtindig kayo, magsialis kayo sa dakong ito; sapagka't gugunawin ng Panginoon ang bayan. Datapuwa't ang akala ng kaniyang mga manugang ay nagbibiro siya. 15 At nang umumaga ay pinapagmadali ng mga anghel si Lot, na sinasabi, Magbangon ka, ipagsama mo ang iyong asawa at ang iyong dalawang anak na babae na narito, baka pati ikaw ay madamay sa parusa sa bayan. 16 Datapuwa't siya'y nagluluwat; at hinawakan ng mga lalake ang kaniyang kamay, at ang kamay ng kaniyang asawa, at ang kamay ng kaniyang dalawang anak na babae; sa habag sa kaniya ng Panginoon: at siya'y kanilang inilabas, at siya'y kanilang inilagay sa labas ng bayan. 17 At nangyari, na nang sila'y mailabas na nila, ay sinabi, Itakas mo ang iyong buhay; huwag kang lumingon o huminto man sa buong kapatagan; tumakas ka hanggang sa bundok, baka ikaw ay mamatay. 18 At sinabi sa kanila ni Lot, Huwag ganiyan, panginoon ko: 19 Narito, ngayo't ang lingkod mo ay nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, at pinakalaki mo ang iyong awang ipinakita sa akin sa pagliligtas ng aking buhay; at ako'y di makatatakas sa bundok, baka ako'y abutan ng sama, at ako'y mamatay. 20 Narito, ang bayang ito ay malapit takasan at maliit: Oh tulutan mong tumakas ako roon, (di ba yao'y maliit?) at mabubuhay ako. 21 At sinabi sa kaniya, Narito, sa bagay mang ito ay pinayagan din kita, na hindi ko gugunawin ang bayang iyong sinalita. 22 Magmadali ka, tumakas ka roon; sapagka't wala akong magagawa hanggang sa dumating ka roon. Kaya't ang pangalang itinawag sa bayang yaon ay Zoar. 23 Ang araw ay nakalitaw na sa lupa nang dumating si Lot sa Zoar. 24 Nang magkagayo'y nagpaulan ang Panginoon sa Sodoma at Gomorra ng azufre at apoy mula sa Panginoon na buhat sa langit; 25 At ginunaw niya ang mga bayang yaon, at ang buong Kapatagan at ang lahat ng nangananahan sa mga bayang yaon, at ang tumutubo sa lupang yaon. 26 Datapuwa't ang asawa ni Lot ay lumingon sa likuran ni Lot, at naging haliging asin. 27 At si Abraham ay sumampang maaga ng kinaumagahan sa dakong kinatayuan niya sa harap ng Panginoon. 28 At siya'y tumingin sa dakong Sodoma at Gomorra, at sa buong lupain ng Kapatagan, at tumanaw, at narito, ang usok ng lupain ay napaiilanglang na parang usok ng isang hurno. 29 At nangyari, na nang gunawin ng Dios ang mga bayan ng Kapatagan, na naalaala ng Dios si Abraham, at pinalabas si Lot, mula sa gitna ng pinaggunawan, nang gunawin ang mga bayan na kinatitirahan ni Lot. 30 At sumampa si Lot mula sa Zoar at tumira sa bundok, at ang kaniyang dalawang anak na babae na kasama niya; sapagka't siya'y natakot na tumira sa Zoar: at siya'y tumira sa isang yungib, siya at ang kaniyang dalawang anak na babae. 31 At sinabi ng panganay sa bunso: Ang ating ama ay matanda, at walang lalake sa lupa na sumiping sa atin, ayon sa ugali ng sangkalupaan: 32 Halika, painumin natin ng alak ang ating ama, at tayo'y sumiping sa kaniya; upang mapalagi natin ang binhi ng ating ama. 33 At pinainom nila ng alak ang kanilang ama ng gabing yaon: at pumasok ang panganay at sumiping sa kaniyang ama; at hindi naalaman, ng ama nang siya'y mahiga ni nang siya'y magbangon. 34 At nangyari nang kinabukasan, na sinabi ng panganay sa bunso. Narito, ako'y sumiping kagabi sa aking ama; painumin din natin ng alak sa gabing ito; at pumasok ka, at sumiping ka sa kaniya; upang mapalagi natin ang binhi ng ating ama. 35 At pinainom din nila ng alak ang kanilang ama ng gabing yaon: at nagtindig ang bunso, at sumiping sa ama; at hindi naalaman ng ama nang siya'y mahiga, ni nang siya'y magbangon. 36 Sa ganito'y kapuwa nagdalangtao ang mga anak ni Lot sa pamamagitan ng kanilang ama. 37 At nanganak ang panganay ng isang lalake, at tinawag ang kaniyang ngalang Moab: na siya ngang ama ng mga Moabita, hanggang sa araw na ito. 38 At ang bunso ay nanganak din ng isang lalake, at tinawag ang kaniyang pangalang Ben-ammi: na siya ngang ama ng mga anak ni Ammon, hanggang ngayon.
Genesis 20
1 At mula roon ay naglakbay si Abraham sa dakong lupain ng Timugan, at tumahan sa pagitan ng Cades at Shur; at siya'y nakipamayan sa Gerar. 2 At sinabi ni Abraham tungkol kay Sara na kaniyang asawa, Siya'y aking kapatid; at si Abimelech na hari sa Gerar, ay nagsugo at kinuha si Sara. 3 Datapuwa't naparoon ang Dios kay Abimelech sa panaginip sa gabi, at sa kaniya'y sinabi, Narito, ikaw ay dili iba't isang patay dahil sa babaing iyong kinuha; sapagka't siya'y asawa ng isang lalake. 4 Nguni't si Abimelech ay hindi pa, nakasisiping sa kaniya: at nagsabi, Panginoon, papatayin mo ba pati ng isang bansang banal? 5 Hindi ba siya rin ang nagsabi sa akin, Siya'y aking kapatid? at si Sara man ay nagsabi, Siya'y aking kapatid; sa katapatang loob ng aking puso, at kawalang sala ng aking mga kamay, ay ginawa ko ito. 6 At sinabi sa kaniya ng Dios sa panaginip: Oo, talastas ko, na sa katapatang loob ng iyong puso ay ginawa mo ito, at hinadlangan din naman kita sa pagkakasala ng laban sa akin: kaya't hindi ko ipinahintulot sa iyong galawin mo siya. 7 Ngayon nga'y isauli mo ang asawa ng lalaking ito; sapagka't siya'y profeta, at ikaw ay ipananalangin niya, at mabubuhay ka: at kung di mo siya isauli, ay talastasin mong walang pagsalang mamamatay ka, ikaw at ang lahat ng iyo. 8 At si Abimelech ay bumangong maaga ng kinaumagahan at tinawag ang lahat niyang bataan, at sinabi sa kanilang pakinig ang lahat ng bagay na ito: at ang mga tao'y natakot na mainam. 9 Nang magkagayo'y tinawag ni Abimelech si Abraham, at sa kaniya'y sinabi, Anong ginawa mo sa amin? at sa ano ako nagkasala laban sa iyo, na dinalhan mo ako at ang aking kaharian ng isang malaking kasalanan? Ginawan mo ako ng mga gawang di marapat gawin. 10 At sinabi ni Abimelech kay Abraham, Anong nakita mo na ginawa mo ang bagay na ito? 11 At sinabi ni Abraham, Sapagka't inisip ko. Tunay na walang takot sa Dios sa dakong ito: at papatayin nila ako dahil sa aking asawa. 12 At saka talagang siya'y kapatid ko, na anak ng aking ama, datapuwa't hindi anak ng aking ina; at siya'y naging asawa ko: 13 At nangyari, na nang ako'y palayasin ng Dios sa bahay ng aking ama, na sinabi ko sa kaniya, Ito ang magandang kalooban mo na maipakikita sa akin; sa lahat ng dakong ating datnin, ay sabihin mo tungkol sa akin, Siya'y aking kapatid. 14 At si Abimelech ay kumuha ng mga tupa at mga baka, at mga aliping lalake at babae, at ipinagbibigay kay Abraham, at isinauli sa kaniya si Sara na kaniyang asawa. 15 At sinabi ni Abimelech, Narito ang lupain ko ay nasa harapan mo: tumahan ka kung saan mo magalingin. 16 At kay Sara'y sinabi niya, Narito, nagbigay ako ng isang libong putol na pilak sa iyong kapatid: narito, ito sa iyo'y piring sa mga mata ng lahat ng kasama mo; at sa harap ng lahat ay nagbangong puri ka. 17 At nanalangin si Abraham sa Dios; at pinagaling ng Dios si Abimelech, at ang kaniyang asawa, at ang kaniyang mga aliping babae, na ano pa't nagkaanak sila. 18 Sapagka't sinarhang lubos ng Panginoon ang lahat ng bahay-bata sa bahay ni Abimelech, dahil kay Sara, na asawa ni Abraham.
Genesis 21
1 At dumalaw ang Panginoon kay Sara, ayon sa sinabi niya, at ginawa ng Panginoon kay Sara ang ayon sa kaniyang sinalita. 2 At si Sara ay naglihi at nagkaanak ng isang lalake kay Abraham sa kaniyang katandaan, sa tadhanang panahong sinabi ng Dios sa kaniya. 3 At tinawag na Isaac ni Abraham ang ngalan ng kaniyang anak na ipinanganak sa kaniya, na siyang ipinanganak ni Sara. 4 At tinuli ni Abraham si Isaac ng magkaroon ng walong araw gaya ng iniutos ng Dios sa kaniya. 5 At si Abraham ay may isang daang taon, nang sa kaniya'y ipanganak si Isaac na kaniyang anak. 6 At sinabi ni Sara, Pinatawa ako ng Dios, sinomang makarinig ay makikitawa. 7 At sinabi niya, Sinong nakapagsabi kay Abraham na si Sara ay magpapasuso ng anak? sapagka't ako'y nagkaanak sa kaniya ng isang lalake sa kaniyang katandaan. 8 At lumaki ang sanggol, at inihiwalay sa suso; at nagpiging ng malaki si Abraham ng araw na ihiwalay sa suso si Isaac. 9 At nakita ni Sara ang anak ni Agar na taga Egipto, na ito'y nagkaanak kay Abraham, na tumutuya sa kaniya. 10 Kaya't sinabi niya kay Abraham, Palayasin mo ang aliping ito at ang kaniyang anak: sapagka't hindi magmamana ang anak ng aliping ito na kahati ng aking anak, sa makatuwid baga'y ni Isaac. 11 At ang bagay na ito ay naging lubhang mabigat sa paningin ni Abraham dahil sa kaniyang anak. 12 At sinabi ng Dios kay Abraham, Huwag mong mabigatin ito sa iyong paningin dahil sa iyong alipin; sa lahat na sabihin sa iyo ni Sara, ay makinig ka sa kaniyang tinig, sapagka't kay Isaac tatawagin ang iyong lahi. 13 At ang anak din naman ng alipin ay gagawin kong isang bansa, sapagka't siya'y anak mo. 14 At nagbangong maaga sa kinaumagahan si Abraham, at kumuha ng tinapay at ng isang bangang balat ng tubig, at ibinigay kay Agar, na ipinatong sa kaniyang balikat, at ang bata at siya ay pinapagpaalam, at siya'y nagpaalam at naggala sa ilang ng Beerseba. 15 At naubos ang tubig sa bangang balat, at kaniyang inilapag ang bata sa ilalim ng isa sa mabababang punong kahoy. 16 At yumaon at naupo sa tapat niya, na ang layo ay isang hilagpos ng pana; sapagka't sinabi niya, Huwag kong makita ang kamatayan ng bata. At naupo sa tapat, at naghihiyaw at umiyak. 17 At narinig ng Dios ang tinig ng bata; at tinawag ng anghel ng Dios si Agar, mula sa langit, at sa kaniya'y sinabi, Naano ka Agar? Huwag kang matakot; sapagka't narinig ng Dios ang tinig ng bata sa kinalalagyan. 18 Magtindig ka, iyong itayo ang bata, at alalayan mo siya ng iyong kamay; sapagka't siya'y gagawin kong isang bansang malaki. 19 At idinilat ng Dios ang kaniyang mga mata, at siya'y nakakita ng isang balon ng tubig: at naparoon at pinuno ng tubig ang bangang balat, at pinainom ang bata. 20 At ang Dios ay sumabata, at siya'y lumaki; at tumahan sa ilang at naging mamamana. 21 At nanahan siya sa ilang ng Paran: at ikinuha siya ng kaniyang ina ng asawa sa lupain ng Egipto. 22 At nangyari ng panahong yaon, na si Abimelech, at si Ficol na kapitan ng kaniyang hukbo ay nagsalita kay Abraham, na nagsasabi, Sumasaiyo ang Dios sa lahat mong ginagawa: 23 Ngayon nga'y ipanumpa mo sa akin dito alangalang sa Dios, na di ka maglililo sa akin, kahit sa aking anak, kahit sa anak ng aking anak; kundi ayon sa kagandahang loob na ipinakita ko sa iyo, ay gayon ang gagawin mo sa akin, at sa lupaing iyong pinakipamayanan. 24 At sinabi ni Abraham, Susumpa ako. 25 At pinagwikaan ni Abraham si Abimelech dahil sa isang balon ng tubig, na marahas na inalis sa kaniya ng mga bataan ni Abimelech. 26 At sinabi ni Abimelech, Aywan, kung sinong gumawa ng bagay na ito: na di mo man sinabi sa akin, at hindi ko man nabalitaan kundi ngayon. 27 At kumuha si Abraham ng mga tupa, at mga baka, at ibinigay kay Abimelech; at gumawa silang dalawa ng isang tipan. 28 At ibinukod ni Abraham ang pitong korderong babae sa kawan. 29 At sinabi ni Abimelech kay Abraham, Anong kahulugan nitong pitong korderong babae na iyong ibinukod? 30 At kaniyang sinabi, Itong pitong korderong babae ay iyong kukunin sa aking kamay, upang sa akin ay maging patotoo na hinukay ko ang balong ito. 31 Kaya't tinawag niya ang dakong yaong Beerseba; sapagka't doon sila kapuwa nanumpa. 32 Sa gayo'y gumawa sila ng isang tipan sa Beerseba: at nagtindig si Abimelech, at si Ficol na kapitan ng kaniyang hukbo at nagsipagbalik sa lupain ng mga Filisteo. 33 At nagtanim si Abraham ng isang punong kahoy na tamaring sa Beerseba, at sinambitla doon ang pangalan ng Panginoong Dios na walang hanggan. 34 At maraming araw na nakipamayan si Abraham sa lupain ng mga Filisteo.
Genesis 22
1 At nangyari pagkatapos ng mga bagay na ito, na sinubok ng Dios si Abraham, at sa kaniya'y sinabi, Abraham; at sinabi niya, Narito ako. 2 At kaniyang sinabi, Kunin mo ngayon ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak na si Isaac, na iyong minamahal at pumaroon ka sa lupain ng Moria; at ihain mo siya roong handog na susunugin sa ibabaw ng isa sa mga bundok na aking sasabihin sa iyo. 3 At si Abraham ay bumangong maaga, at inihanda ang kaniyang asno, at ipinagsama ang dalawa sa kaniyang mga alila, at si Isaac na kaniyang anak: at nagsibak ng kahoy para sa haing susunugin, at bumangon at naparoon sa dakong sinabi sa kaniya ng Dios. 4 Nang ikatlong araw ay itiningin ni Abraham ang kaniyang mga mata at natanaw niya ang dakong yaon sa malayo. 5 At sinabi ni Abraham sa kaniyang mga alila, Maghintay kayo rito sangpu ng asno, at ako at ang bata ay paroroon doon; at kami ay sasamba, at pagbabalikan namin kayo. 6 At kinuha ni Abraham ang kahoy ng handog na susunugin, at ipinasan kay Isaac na kaniyang anak; at dinala sa kaniyang kamay ang apoy at ang sundang; at sila'y kapuwa yumaong magkasama. 7 At nagsalita si Isaac kay Abraham na kaniyang ama, na sinabi, Ama ko: at kaniyang sinabi, Narito ako, anak ko. At sinabi, Narito, ang apoy at ang kahoy, nguni't saan naroon ang korderong pinakahandog na susunugin? 8 At sinabi ni Abraham, Dios ang maghahanda ng korderong pinakahandog na susunugin, anak ko: ano pa't sila'y kapuwa yumaong magkasama. 9 At sila'y dumating sa dakong sa kaniya'y sinabi ng Dios; at nagtayo si Abraham doon ng isang dambana, at inayos ang kahoy, at tinalian si Isaac na kaniyang anak at inilagay sa ibabaw ng dambana, sa ibabaw ng kahoy. 10 At iniunat ni Abraham ang kaniyang kamay at hinawakan ang sundang upang patayin ang kaniyang anak. 11 At tinawag siya ng anghel ng Panginoon mula sa langit, at sinabi, Abraham, Abraham: at kaniyang sinabi, Narito ako. 12 At sa kaniya'y sinabi, Huwag mong buhatin ang iyong kamay sa bata, o gawan man siya ng anoman: sapagka't talastas ko ngayon, na ikaw ay natatakot sa Dios, sa paraang hindi mo itinanggi sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak. 13 At itiningin ni Abraham ang kaniyang mga mata, at nagmalas, at narito, ang isang tupang lalake, sa dakong likuran niya na huli sa dawag sa kaniyang mga sungay: at pumaroon si Abraham, at kinuha ang tupa, at siyang inihandog na handog na susunugin na inihalili sa kaniyang anak. 14 At pinanganlan ni Abraham ang dakong yaon, ng Jehova-jireh: gaya ng kasabihan hanggang sa araw na ito: Sa bundok ng Panginoon ay mahahanda. 15 At tinawag ng anghel ng Panginoon si Abraham na ikalawa mula sa langit. 16 At sinabi, Sa aking sarili ay sumumpa ako, anang Panginoon, sapagka't ginawa mo ito, at hindi mo itinanggi sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak; 17 Na sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat; at kakamtin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kaniyang mga kaaway; 18 At pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa; sapagka't sinunod mo ang aking tinig. 19 Sa gayo'y nagbalik si Abraham sa kaniyang mga alila, at nagsitindig at samasamang nagsiparoon sa Beerseba; at tumahan si Abraham sa Beerseba. 20 At nangyari, pagkatapos ng mga bagay na ito, na ibinalita kay Abraham na sinasabi, Narito, si Milca rin naman ay nagkaroon ng mga anak kay Nahor na iyong kapatid. 21 Si Huz ang kaniyang panganay, at si Buz na kaniyang kapatid, at si Kemuel na ama ni Aram; 22 Si Chesed din naman, at si Hazo, at si Pildas, at si Jidlaph, at si Bethuel. 23 At naging anak ni Bethuel si Rebeca: ang walong ito ay naging anak ni Milca kay Nachor na kapatid ni Abraham. 24 At ipinanganak din naman ng kaniyang babae na tinatawag na Reuma, si Teba, at si Gaham, at si Taas at si Maacha.
Genesis 23
1 At ang buhay ni Sara ay tumagal ng isang daan at dalawang pu't pitong taon: ito ang naging mga taon ng buhay ni Sara. 2 At namatay si Sara sa Kiriatharba (na siyang Hebron), sa lupain ng Canaan: at naparoon si Abraham na ipinagluksa si Sara at iniyakan. 3 At tumindig si Abraham sa harap ng kaniyang patay, at nagsalita sa mga anak ni Heth, na sinasabi, 4 Ako'y tagaibang bayan at nakikipamayan sa inyo: bigyan ninyo ako ng isang pag-aaring libingan sa gitna ninyo, upang aking ilibing ang aking patay, na malingid sa aking paningin. 5 At ang mga anak ni Heth ay sumagot kay Abraham, na nagsasabi sa kaniya, 6 Dinggin mo kami, panginoon ko: ikaw ay prinsipe ng Dios sa gitna namin: sa pinakahirang sa aming mga libingan ay ilibing mo ang iyong patay; wala sa amin na magkakait sa iyo ng kaniyang libingan, upang paglibingan ng iyong patay. 7 At tumindig si Abraham, at yumukod sa bayan ng lupain, sa mga anak nga ni Heth. 8 At nakiusap sa kanila, na sinasabi, Kung kalooban ninyo na aking ilibing ang aking patay na malingid sa aking paningin, ay dinggin ninyo ako, at pamagitanan ninyo ako kay Ephron, na anak ni Zohar, 9 Upang ibigay niya sa akin ang yungib ng Macpela, na kaniyang inaari, na nasa hangganan ng kaniyang parang; sa tapat na halaga ay ibigay niya sa akin, upang maging pag-aaring libingan sa gitna ninyo. 10 Si Ephron nga ay nakaupo sa gitna ng mga anak ni Heth: at sumagot si Ephron na Hetheo kay Abraham, sa harap ng mga anak ni Heth, na naririnig ng lahat na pumapasok sa pintuan ng bayan, na sinasabi, 11 Hindi, panginoon ko, dinggin mo ako: ang parang ay ibinibigay ko sa iyo, at ang yungib na naroroon ay ibinibigay ko sa iyo; sa harap ng mga anak ng aking bayan, ay ibinigay ko sa iyo: ilibing mo ang iyong patay. 12 At si Abraham ay yumukod sa harapan ng bayan ng lupain. 13 At nagsalita kay Ephron sa harap ng bayan ng lupain, na sinasabi, Maanong ako lamang ay iyong pakinggan: ibibigay ko sa iyo ang halaga ng parang; tanggapin mo sa akin, at ililibing ko roon ang aking patay. 14 At sumagot si Ephron kay Abraham, na sinasabi sa kaniya, 15 Panginoon ko, dinggin mo ako: isang putol ng lupa na ang halaga'y apat na raang siklong pilak: gaano sa akin at sa iyo? ilibing mo nga ang iyong patay. 16 At dininig ni Abraham si Ephron; at tinimbang ni Abraham kay Ephron ang salaping sinabi, sa harap ng mga anak ni Heth, apat na raang siklong pilak, na karaniwang salapi ng mga mangangalakal. 17 Kaya't ang parang ni Ephron na nasa Macpela, na nasa tapat ng Mamre, ang parang at ang yungib na nandoon, at ang lahat ng mga punong kahoy na nasa parang na yaon, na ang nasa buong hangganan niyaon sa palibot, ay pinagtibay 18 Kay Abraham na pag-aari sa harap ng mga anak ni Heth, sa harapan ng lahat ng nagsisipasok sa pintuang daan ng kaniyang bayan. 19 At pagkatapos nito ay inilibing ni Abraham si Sara na kaniyang asawa sa yungib ng parang sa Macpela sa tapat ng Mamre (na siyang Hebron) sa lupain ng Canaan. 20 At ang parang at ang yungib na naroroon, ay pinagtibay kay Abraham ng mga anak ni Heth, na pag-aaring libingan niya.
Genesis 24
1 At si Abraham ay matanda na, at lipas na sa panahon: at pinagpala ng Panginoon si Abraham sa lahat ng mga bagay. 2 At sinabi ni Abraham sa kaniyang alilang katiwala, sa pinakamatanda sa kaniyang bahay na namamahala ng lahat niyang tinatangkilik: Ipinamamanhik ko sa iyo na ilagay mo ang iyong kamay sa ilalim ng aking hita: 3 At ikaw ay aking pasusumpain, alangalang sa Panginoon sa Dios ng langit at Dios ng lupa, na hindi mo papag-aasawahin ang aking anak sa mga anak ng mga Cananeo na siyang aking pinakikitahanan: 4 Kundi ikaw ay paroroon sa aking lupain, at sa aking kamaganakan, at papag-aasawahin mo roon ang aking anak na si Isaac. 5 At sinabi sa kaniya ng lingkod, Sakaling hindi iibigin ng babae na sumama sa akin sa lupaing ito: dapat ko bang ibalik ang anak mo sa lupaing pinanggalingan mo? 6 At sinabi sa kaniya ni Abraham, Ingatan mong huwag ibalik doon ang aking anak. 7 Ang Panginoon, ang Dios ng langit, na kumuha sa akin sa bahay ng aking ama, at sa lupaing aking tinubuan, at sa akin ay nagsalita, at sa akin ay sumumpa, na nagsasabi, Sa iyong binhi, ibibigay ko ang lupaing ito: ay magsusugo siya ng kaniyang anghel sa unahan mo, at papag-aasawahin mo roon ang aking anak. 8 At kung ang babae ay ayaw sumama sa iyo, ay maliligtas ka rito sa aking sumpa; huwag mo lamang pabalikin ang aking anak doon. 9 At inilagay ng alilang katiwala ang kaniyang kamay sa ilalim ng hita ni Abraham na kaniyang panginoon, at sumumpa sa kaniya tungkol sa bagay na ito. 10 At kumuha ang alilang katiwala ng sangpung kamelyo sa mga kamelyo ng kaniyang panginoon, at yumaon; na dala ang pinakamabuti sa lahat ng pag-aari ng kaniyang panginoon: at tumindig at napasa Mesopotamia, sa bayan ni Nachor. 11 At kaniyang pinaluhod ang mga kamelyo sa labas ng bayan, sa tabi ng balon ng tubig, ng dakong palubog na ang araw, na kapanahunan nang paglabas ng mga babae upang umigib ng tubig. 12 At sinabi, Oh Panginoon, Dios ng aking panginoong si Abraham, ipinamamanhik ko sa iyong pagkalooban mo ako ng mabuting kapalaran ngayon, at ikaw ay magmagandang loob sa aking panginoong kay Abraham. 13 Narito, ako'y nakatayo sa tabi ng bukal ng tubig: at ang mga anak na babae ng mga tao sa bayan, ay nagsilabas upang umigib ng tubig: 14 At mangyari nga na ang dalagang aking pagsabihan, Ibaba mo, isinasamo ko sa iyo, ang iyong banga upang ako'y uminom; at siya'y magsabi, Uminom ka, at paiinumin ko pati ng iyong mga kamelyo: maging siyang iyong itinalaga sa iyong lingkod na kay Isaac: at sa ganito ay malalaman kong nagmagandang loob ka sa aking panginoon. 15 At nangyari, na bago natapos ang pananalita niya, ay narito si Rebeca na ipinanganak kay Bethuel, na anak ni Milca, na asawa ni Nachor na kapatid ni Abraham na lumalabas na pasan ang kaniyang banga sa kaniyang balikat. 16 At ang babae ay may magandang anyo, dalaga, na hindi pa nasisipingan ng lalake: at lumusong sa bukal, at pinuno ang kaniyang banga, at umahon. 17 At tumakbong sinalubong siya ng alilang katiwala na sinabi, Makikiinom ako ng kaunting tubig sa iyong banga. 18 At sinabi niya, Uminom ka, panginoon ko: at nagmadaling ibinaba ang banga sa kaniyang kamay, at pinainom siya. 19 At pagkatapos na kaniyang mapainom, ay sinabi, Iyiigib ko naman ang iyong mga kamelyo, hanggang sa makainom na lahat. 20 At ibinuhos na dalidali ang kaniyang banga sa inuman, at tumakbong muli sa balon upang umigib at iniigib ang lahat niyang kamelyo. 21 At siya'y tinitigan ng lalake; na hindi umiimik, upang maalaman kung pinagpala ng Panginoon ang kaniyang paglalakbay o hindi. 22 At nangyari, nang makainom ang mga kamelyo, na kumuha ang lalake ng isang singsing na ginto, na may kalahating siklo sa timbang, at dalawang pulsera upang ilagay sa kaniyang mga kamay, na may timbang na sangpung siklong ginto; 23 At sinabi, Kaninong anak ka? sabihin mo sa akin, ipinamamanhik ko sa iyo. May lugar ba sa bahay ng iyong ama na aming matutuluyan? 24 At sinabi niya sa kaniya, Anak ako ni Bethuel, na anak ni Milca, na ipinanganak niya kay Nahor. 25 Sinabi rin niya sa kaniya, Mayroon din naman kaming saganang dayami at pagkain sa hayop, at dakong matutuluyan. 26 At lumuhod ang lalake at sumamba sa Panginoon. 27 At siya'y nagsabi, Purihin ang Panginoon, ang Dios ng aking panginoong si Abraham, na hindi inilayo ang kaniyang habag at ang kaniyang pagtatapat, sa aking panginoon: tungkol sa akin, ay pinatnugutan ako ng Panginoon sa daan hanggang sa bahay ng mga kapatid ng aking panginoon. 28 At tumakbo ang dalaga at isinaysay sa sangbahayan ng kaniyang ina ang ayon sa mga salitang ito. 29 At mayroon si Rebeca na isang kapatid na nagngangalang Laban: at tinakbo ni Laban ang lalake sa labas, sa bukal. 30 At nangyari, pagkakita ng singsing, at ng mga pulsera sa mga kamay ng kaniyang kapatid, at pagkarinig ng mga salita ni Rebeca na kaniyang kapatid, na sinasabi, Gayon sinalita sa akin ng lalake; na naparoon siya sa lalake; at narito, ito'y nakatayo sa siping ng mga kamelyo, sa bukal. 31 At sinabi niya, Pumasok ka, pinagpala ng Panginoon; bakit ka nakatayo sa labas? sapagka't inihanda ko ang bahay, at ang dako ng mga kamelyo. 32 At pumasok ang lalake sa bahay, at kinalagan ang mga kamelyo; at binigyan ni Laban ng dayami at pagkain ang mga kamelyo, at ng tubig upang ipaghugas ng kaniyang mga paa, at ng mga paa ng mga taong kasama niya. 33 At siya'y hinainan nila ng pagkain: datapuwa't kaniyang sinabi, Hindi ako kakain hanggang hindi ko nasasabi ang aking sadya. At sinabi ni Laban, Magsalita ka. 34 At kaniyang sinabi, Alilang katiwala ako ni Abraham. 35 At pinagpalang mainam ng Panginoon ang aking panginoon; at siya'y naging dakila: at siya'y binigyan ng kawan at bakahan, at ng pilak at ng ginto, at ng mga aliping lalake, at babae, at ng mga kamelyo, at ng mga asno. 36 At si Sara na asawa ng aking panginoon, ay nagkaanak ng lalake sa aking panginoon, nang siya'y matanda na: at siyang pinagbigyan ni Abraham ng kaniyang lahat na inaari. 37 At pinapanumpa ako ng aking panginoon, na sinasabi, Huwag mong papag-aasawahin ang aking anak sa mga anak na babae ng mga Cananeo na siyang lupaing aking tinatahanan: 38 Kundi paroroon ka sa bahay ng aking ama at sa aking kamaganakan, at papag-aasawahin mo roon ang aking anak. 39 At sinabi ko sa aking panginoon, Sakaling hindi iibigin ng babaing sumama sa akin. 40 At kaniyang sinabi sa akin, Ang Panginoon na sa harap niya'y lumalakad ako, ay susuguin niyang kasama mo ang kaniyang anghel, at kaniyang pagpapalain ang iyong lakad, at papag-aasawahin mo ang aking anak sa aking kamaganakan, at sa angkan ng aking ama: 41 Kung magkagayo'y makakakawala ka sa aking sumpa, pagka ikaw ay dumating sa aking kamaganakan; at kung hindi nila ibigay sa iyo, ay makakakawala ka sa aking sumpa. 42 At dumating ako ng araw na ito, sa bukal, at aking sinabi, Oh Panginoon, na Dios ng aking panginoong si Abraham, kung ngayo'y pinagpapala mo ang aking lakad na nilalakad ko: 43 Narito, nakatayo ako sa tabi ng bukal ng tubig; at mangyari, na ang dalagang lumabas na umigib na aking pagsasabihan, Makikiinom ako sa iyo ng kaunting tubig sa iyong banga; 44 At siya'y magsasabi sa akin, Uminom ka, at iyigib ko pati ng iyong mga kamelyo: ay siyang maging babaing itinalaga ng Panginoon sa anak ng aking panginoon. 45 At bago ko nasalita sa sarili, narito si Rebeca, na lumalabas na pasan ang kaniyang banga sa kaniyang balikat; at lumusong sa bukal at umigib: at aking sinabi sa kaniya, Makikiinom ako sa iyo. 46 At dalidali niyang ibinaba ang kaniyang banga sa kaniyang balikat, at nagsabi, Uminom ka, at paiinumin ko pati ng iyong mga kamelyo: sa gayo'y uminom ako, at pinainom niya pati ng mga kamelyo, 47 At siya'y aking tinanong, at aking sinabi, Kaninong anak ka? at kaniyang sinabi, Anak ako ni Bethuel, na anak ni Nachor, na ipinanganak sa kaniya ni Milca: at inilagay ko ang hikaw sa kaniyang ilong, at ang mga pulsera sa kaniyang mga kamay. 48 At aking iniyukod ang aking ulo, at sumamba ako sa Panginoon at pumuri sa Panginoon, na Dios ng aking panginoong si Abraham, na pumatnubay sa akin sa daang matuwid upang kunin ang anak ng kapatid ng aking panginoon, para sa kaniyang anak. 49 At ngayon, kung inyong mamagandahing loob at mamatapatin sa aking panginoon ay sabihin ninyo sa akin: at kung hindi, ay sabihin din ninyo sa akin; upang pumihit ako sa kanan o sa kaliwa. 50 Nang magkagayo'y sumagot si Laban at si Bethuel, at sinabi, Sa Panginoon nagmumula ito: kami ay hindi makapagsasabi sa iyo ng masama o ng mabuti. 51 Narito, si Rebeca ay nasa harap mo, dalhin mo, at yumaon ka, at siya'y maging asawa ng anak ng iyong panginoon, na gaya ng sinalita ng Panginoon. 52 At nangyari, na pagkarinig ng alilang katiwala ni Abraham ng kaniyang mga salita, ay nagpatirapa sa lupa sa harap ng Panginoon. 53 At naglabas ang alilang katiwala ng mga hiyas na pilak at mga hiyas na ginto, at mga damit, at mga ibinigay kay Rebeca: nagbigay rin siya ng mga mahalagang bagay sa kaniyang kapatid na lalake at sa kaniyang ina. 54 At nangagsikain at nangagsiinom siya at ang mga taong kasama niya, at doon nagparaan ng magdamag, at sila'y nagsibangon ng umaga at kaniyang sinabi, Suguin ninyo ako sa aking panginoon. 55 At sinabi ng kaniyang kapatid na lalake, at ng kaniyang ina, Matira ang dalaga sa aming ilang araw, sangpung araw man lamang; pagkatapos ay paroroon siya. 56 At sinabi niya sa kanila, Huwag ninyo akong pigilin, yamang pinagpala ng Panginoon ang aking lakad; papagpaalamin na ninyo ako, upang ako'y umuwi sa aking panginoon. 57 At kanilang sinabi, Tatawagin namin ang dalaga at uusisain namin sa kaniyang bibig. 58 At kanila ngang tinawag si Rebeca, at kanilang sinabi sa kaniya, Sasama ka ba sa lalaking ito? At sinabi niya, Sasama ako. 59 At kanilang pinapagpaalam si Rebeca na kanilang kapatid, at ang kaniyang yaya, at ang alilang katiwala ni Abraham, at ang kaniyang mga tao. 60 At kanilang binasbasan si Rebeca, at sinabi nila sa kaniya, Kapatid namin, maging ina ka nawa ng yutayuta, at kamtin ng iyong binhi ang pintuang-bayan niyaong mga napopoot sa kanila. 61 At tumindig si Rebeca, at ang kaniyang mga abay, at nangagsisakay sa mga kamelyo, at nangagsisunod sa lalake; at dinala ng alilang katiwala si Rebeca at yumaon. 62 At si Isaac ay nanggaling sa daang Beer-lahai-roi; sapagka't siya'y natira sa lupaing Timugan. 63 At lumabas si Isaac sa parang upang magmunimuni ng dakong hapon: at kaniyang itiningin ang kaniyang mga mata, at kaniyang nakita, at, narito, may dumarating na mga kamelyo. 64 Itiningin naman ni Rebeca ang kaniyang mga mata at nang makita niya si Isaac, ay bumaba sa kamelyo. 65 At sinabi ni Rebeca sa alilang katiwala, Sino yaong taong naglalakad sa parang na sumasalubong sa atin? At sinabi ng alilang katiwala, Yaon ang aking panginoon: at kinuha niya ang kaniyang lambong, at siya'y nagtakip. 66 At isinaysay ng alilang katiwala kay Isaac ang lahat ng kaniyang ginawa. 67 At dinala siya ni Isaac sa tolda ni Sara na kaniyang ina, at ipinagsama si Rebeca, at naging kaniyang asawa: at kaniya namang sininta: at naaliw si Isaac, pagkamatay ng kaniyang ina.
Genesis 25
1 At si Abraham ay nagasawa ng iba, at ang pangalan ay Cetura. 2 At naging anak nito sa kaniya si Zimram at si Joksan, at si Medan, at si Midiam, at si Ishbak, at si Sua. 3 At naging anak ni Joksan si Seba at si Dedan. At ang mga anak na lalake ni Dedan, ay si Assurim at si Letusim, at si Leummim. 4 At ang mga anak ni Midian: si Epha at si Epher, at si Enech, at si Abida, at si Eldaa. Lahat ng ito ay mga anak ni Cetura. 5 At ibinigay ni Abraham ang lahat ng kaniyang tinatangkilik kay Isaac. 6 Datapuwa't ang mga anak ng naging mga babae ni Abraham, ay pinagbibigyan ni Abraham ng mga kaloob; at samantalang nabubuhay pa siya ay mga inilayo niya kay Isaac na kaniyang anak sa dakong silanganan sa lupaing silanganan. 7 At ito ang mga araw ng mga taon ng buhay na ikinabuhay ni Abraham, isang daan at pitong pu't limang taon. 8 At nalagot ang hininga ni Abraham at namatay sa mabuting katandaan, matanda at puspos ng mga taon; at nalakip sa kaniyang bayan. 9 At inilibing siya ni Isaac at ni Ismael na kaniyang mga anak sa yungib ng Macpela, sa parang ni Ephron, na anak ni Zohar na Hetheo, na nasa tapat ng Mamre; 10 Sa parang na binili ni Abraham sa mga anak ni Heth: doon inilibing si Abraham at si Sara na kaniyang asawa. 11 At nangyari, pagkamatay ni Abraham, na pinagpala ng Dios si Isaac na kaniyang anak; at si Isaac ay nanahan sa tabi ng Beer-lahai-roi. 12 Ang mga ito nga ang sali't saling lahi ni Ismael, anak ni Abraham, na naging anak kay Abraham ni Agar na taga Egipto, na alila ni Sara: 13 At ito ang mga pangalan ng mga anak ni Ismael, ayon sa kanikaniyang lahi: ang panganay ni Ismael ay si Nabaioth; at si Cedar, at si Adbeel, at si Mibsam, 14 At si Misma, at si Duma, at si Maasa, 15 At si Hadad, at si Tema, si Jetur, si Naphis, at si Cedema: 16 Ito ang mga anak ni Ismael, at ito ang kanikaniyang pangalan, ayon sa kanikaniyang nayon, at ayon sa kanikaniyang hantungan: labing dalawang pangulo ayon sa kanilang bansa. 17 At ito ang mga naging taon ng buhay ni Ismael, isang daan at tatlong pu't pitong taon; at nalagot ang hininga at namatay; at siya'y nalakip sa kaniyang bayan. 18 At nagsisitahan sila mula sa Havila hanggang sa Shur, na natatapat sa Egipto, kung patutungo sa Asiria; siya'y tumahan sa harap ng lahat niyang mga kapatid. 19 At ito ang mga sali't saling lahi ni Isaac, na anak ni Abraham: naging anak ni Abraham si Isaac, 20 At si Isaac ay may apat na pung taon, nang siya'y magasawa kay Rebeca, na anak ni Bethuel na taga Siria sa Padan-aram, kapatid na babae ni Laban na taga Siria. 21 At nanalangin si Isaac sa Panginoon dahil sa kaniyang asawa, sapagka't baog; at nadalanginan niya ang Panginoon, at si Rebeca na kaniyang asawa ay naglihi. 22 At nagbubuno ang mga bata sa loob niya; at kaniyang sinabi, Kung ganito'y bakit nabubuhay pa ako? At siya'y yumaong nagsiyasat sa Panginoon. 23 At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Dalawang bansa ay nasa iyong bahay-bata, At dalawang bayan ay papaghihiwalayin mula sa iyong tiyan: At ang isang bayan ay magiging malakas kaysa isang bayan; At ang matanda ay maglilingkod sa bata. 24 At nang matupad ang mga araw ng kaniyang kapanganakan, narito't kambal sa kaniyang bahay-bata. 25 At ang unang lumabas ay mapula na buong katawa'y parang mabalahibong damit; at siya'y pinanganlang Esau. 26 At pagkatapos ay lumabas ang kaniyang kapatid, at ang kaniyang kamay ay nakakapit sa sakong ni Esau; at ipinangalan sa kaniya ay Jacob: at si Isaac ay may anim na pung taon na, nang sila'y ipanganak ni Rebeca. 27 At nagsilaki ang mga bata; at si Esau ay naging maliksi sa pangangaso, lalake sa parang; at si Jacob ay lalaking tahimik, na tumatahan sa mga tolda. 28 Minamahal nga ni Isaac si Esau, sapagka't kumakain ng kaniyang pinangangasuhan: at minamahal ni Rebeca si Jacob. 29 At nagluto si Jacob ng lutuin: at dumating si Esau na galing sa parang, at siya'y nanglalambot: 30 At sinabi ni Esau kay Jacob, Ipinamamanhik ko sa iyo na pakanin mo ako niyaong mapulang lutuin; sapagka't ako'y nanglalambot: kaya't tinawag ang pangalan niya na Edom. 31 At sinabi ni Jacob, Ipagbili mo muna sa akin ang iyong pagkapanganay. 32 At sinabi ni Esau, Narito, ako'y namamatay: at saan ko mapapakinabangan ang pagkapanganay? 33 At sinabi ni Jacob, Isumpa mo muna sa akin; at isinumpa niya sa kaniya: at kaniyang ipinagbili ang kaniyang pagkapanganay kay Jacob. 34 At binigyan ni Jacob si Esau ng tinapay at nilutong lentehas; at siya'y kumain, at uminom, at bumangon at yumaon: gayon niwalang halaga ni Esau ang kaniyang pagkapanganay.
Genesis 26
1 At nagkagutom sa lupain, bukod sa unang pagkakagutom na nangyari ng mga araw ni Abraham. At naparoon si Isaac kay Abimelech, na hari ng mga Filisteo sa Gerar. 2 At napakita ang Panginoon sa kaniya, at nagsabi, Huwag kang bumaba sa Egipto; matira ka sa lupaing aking sasabihin sa iyo: 3 Matira ka sa lupaing ito, at ako'y sasa iyo, at ikaw ay aking pagpapalain; sapagka't sa iyo at sa iyong binhi ay ibibigay ko ang lahat ng lupaing ito, at pagtitibayin ko ang sumpang aking isinumpa kay Abraham na iyong ama; 4 At aking pararamihin ang iyong binhi na gaya ng mga bituin sa langit, at ibibigay ko sa iyong binhi ang lahat ng lupaing ito: at pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa; 5 Sapagka't sinunod ni Abraham ang aking tinig, at ginanap ang aking bilin, ang aking mga utos, ang aking mga palatuntunan at ang aking mga kautusan. 6 At tumahan si Isaac sa Gerar. 7 At tinanong siya ng mga taong tagaroon tungkol sa kaniyang asawa; at sinabi niya, Siya'y aking kapatid; sapagka't natakot na sabihin, Siya'y aking asawa: baka ako'y patayin, aniya, ng mga taong tagarito, dahil kay Rebeca; dahil sa siya'y may magandang anyo. 8 At nangyari nang siya'y naroong mahabang panahon, na dumungaw si Abimelech, na hari ng mga Filisteo sa isang durungawan, at tumingin, at narito't si Isaac ay nakikipaglaro kay Rebeca na kaniyang asawa. 9 At tinawag ni Abimelech si Isaac, at sa kaniya'y sinabi, Narito, tunay na siya'y iyong asawa: at bakit sinabi mo, Siya'y aking kapatid? At sumagot sa kaniya si Isaac, Sapagka't sinabi ko, Baka ako'y mamatay dahil sa kaniya. 10 At sinabi ni Abimelech, Ano itong ginawa mo sa amin? hindi malayong ang sinoman sa bayan ay nakasiping sa iyong asawa, at sa gayon ay pinapagkasala mo kami. 11 At ibinilin ni Abimelech sa buong bayan, na sinabi, Ang gumalaw sa lalaking ito o sa kaniyang asawa ay tunay na papatayin. 12 At si Isaac ay naghasik sa lupaing yaon, at umani siya ng taong yaon, ng tigisang daan at pinagpala siya ng Panginoon. 13 At naging dakila ang lalake at lalo't lalong naging dakila hanggang sa naging totoong dakila. 14 At siya'y may tinatangkilik na mga kawan, at mga tinatangkilik na mga bakahan, at malaking sangbahayan: at kinainggitan siya ng mga Filisteo. 15 Lahat ng mga balon ngang hinukay ng mga bataan ng kaniyang ama, nang mga kaarawan ni Abraham na kaniyang ama, ay pinagtabunan ng mga Filisteo, na mga pinuno ng lupa. 16 At sinabi ni Abimelech kay Isaac; Humiwalay ka sa amin, sapagka't ikaw ay makapupong matibay kay sa amin. 17 At umalis si Isaac doon, at humantong sa libis ng Gerar, at tumahan doon. 18 At muling hinukay ni Isaac ang mga balon ng tubig na kanilang hinukay nang mga kaarawan ni Abraham na kaniyang ama; sapagka't pinagtabunan ng mga Filisteo, pagkamatay ni Abraham: at kaniyang mga pinanganlan ng ayon sa mga pangalang inilagay ng kaniyang ama. 19 At humukay sa libis ang mga bataan ni Isaac, at nangakasumpong doon ng isang balon ng tubig na bumubukal. 20 At nakipagtalo ang mga pastor ni Gerar sa mga pastor ni Isaac, na sinasabi, Amin ang tubig; at kaniyang tinawag ang pangalan ng balon, na Esec; sapagka't ipinakipagkaalit sa kaniya. 21 At sila'y humukay ng ibang balon; at kanilang pinagtalunan din: at kaniyang tinawag ang pangalan na Sitnah. 22 At bumunot siya roon, at humukay ng ibang balon; at hindi nila pinagtalunan: at kaniyang tinawag ang pangalan na Rehoboth; at kaniyang sinabi, Sapagka't ngayo'y binigyan tayo ng Panginoon ng kaluwagan, at lalago tayo sa lupain. 23 At mula roon ay umahon siya sa Beerseba. 24 At napakita sa kaniya ang Panginoon ng gabi ring yaon, at nagsabi, Ako ang Dios ni Abraham na iyong ama: huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo, at ikaw ay aking pagpapalain, at aking pararamihin ang iyong binhi, alangalang kay Abraham na aking lingkod. 25 At si Isaac ay nagtayo roon ng isang dambana, at kaniyang sinambitla ang pangalan ng Panginoon, at itinindig niya roon ang kaniyang tolda: at humukay roon ang mga bataan ni Isaac ng isang balon. 26 Nang magkagayo'y si Abimelech ay naparoon sa kaniya mula sa Gerar, at si Ahuzath na kaniyang kaibigan, at si Phicol na kapitan ng kaniyang hukbo. 27 At sinabi sa kanila ni Isaac, Bakit kayo naparirito sa akin, dangang kayo'y nangapopoot sa akin at pinalayas ninyo ako sa inyo? 28 At sinabi nila, Malinaw na aming nakita, na ang Panginoon ay sumasaiyo: at aming sinabi, Magkaroon ng pagsusumpaan tayo, kami at ikaw at makipagtipan kami sa iyo: 29 Na hindi ka gagawa sa amin ng masama, gaya naman namin na hindi ka namin ginalaw, at wala kaming ginawa sa iyong di mabuti, at pinayaon ka naming payapa: ikaw ngayon ang pinagpala ng Panginoon. 30 At pinaghandaan niya sila, at sila'y nagkainan at naginuman. 31 At sila'y gumising ng madaling araw, at sila'y nagpanumpaan: at sila'y pinagpaalam ni Isaac, at nagsialis na payapa sa kaniya. 32 At nangyari, nang araw ding yaon, na nagsidating ang mga bataan ni Isaac, at siya'y binalitaan tungkol sa balon nilang hinukay, at sinabi sa kaniya, Nakasumpong kami ng tubig. 33 At tinawag niyang Seba: kaya't ang pangalan ng bayang yaon ay Beerseba hanggang ngayon. 34 At nang si Esau ay may apat na pung taon ay nagasawa kay Judit, na anak ni Beeri na Heteo, at kay Basemat na anak ni Elon na Heteo: 35 At sila'y nakasama ng loob kay Isaac at kay Rebeca.
Genesis 27
1 At nangyari, nang matanda na si Isaac, at malabo na ang kaniyang mga mata, na ano pa't hindi na siya makakita, ay tinawag si Esau na kaniyang anak na panganay, at sinabi sa kaniya, Anak ko: at kaniyang sinabi, Narito ako. 2 At sinabi niya, Narito, ako'y matanda, at hindi ko nalalaman ang kaarawan ng aking kamatayan. 3 Ngayon nga'y kunin mo ipinamamanhik ko sa iyo, ang iyong almas, ang iyong lalagyan ng pana, at ang iyong busog, at lumabas ka sa parang, at ihuli mo ako ng usa; 4 At igawa mo ako ng masarap na pagkain, na aking ibig, at dalhin mo rito sa akin, upang ako'y kumain; upang ikaw ay basbasan ko bago ako mamatay. 5 At pinakikinggan ni Rebeca nang nagsasalita si Isaac kay Esau na kaniyang anak. At naparoon si Esau sa parang upang manghuli ng usa, at upang madala. 6 At isinaysay ni Rebeca kay Jacob na kaniyang anak na sinasabi, Narito, narinig ko ang iyong ama na nagsasalita kay Esau na iyong kapatid, na sinasabi, 7 Dalhan mo ako ng usa, at igawa mo ako ng pagkaing masarap, upang ako'y kumain, at ikaw ay aking basbasan sa harap ng Panginoon, bago ako mamatay, 8 Ngayon nga, anak ko, sundin mo ang aking tinig, ayon sa iniutos ko sa iyo. 9 Pumaroon ka ngayon sa kawan, at dalhin mo rito sa akin ang dalawang mabuting anak ng kambing; at gagawin kong masarap na pagkain sa iyong ama, ayon sa kaniyang ibig. 10 At dadalhin mo sa iyong ama, upang kumain, ano pa't ikaw ay kaniyang basbasan bago siya mamatay. 11 At sinabi ni Jacob kay Rebeca na kaniyang ina, Narito, si Esau na aking kapatid ay taong mabalahibo, at ako'y taong makinis. 12 Marahil ay hihipuin ako ng aking ama, at aariin niya akong parang nagdaraya sa kaniya; at ang aking mahihita ay sumpa at hindi basbas. 13 At sinabi sa kaniya ng kaniyang ina, Sa akin mapunta ang sumpa sa iyo, anak ko: sundin mo lamang ang aking tinig, at yumaon ka, na dalhin mo sa akin. 14 At siya'y yumaon at dinala sa kaniyang ina: at gumawa ang kaniyang ina ng masarap na pagkain, na ibig ng kaniyang ama. 15 At kinuha ni Rebeca ang mainam na damit ni Esau, na kaniyang anak na panganay, na nasa kaniya sa bahay, at isinuot kay Jacob na kaniyang bunsong anak: 16 At ang mga balat ng mga anak ng kambing ay ibinalot sa kaniyang mga kamay, at sa kinis ng kaniyang leeg. 17 At kaniyang ibinigay ang pagkaing masarap, at ang tinapay na kaniyang inihanda, sa kamay ni Jacob na kaniyang anak. 18 At siya'y lumapit sa kaniyang ama, at nagsabi, Ama ko; at sinabi niya: Narito ako; sino ka, anak ko? 19 At sinabi ni Jacob sa kaniyang ama, Ako'y si Esau na iyong panganay; ginawa ko ang ayon sa sinabi mo sa akin: bumangon ka, ipinamamanhik ko sa iyo, maupo ka at kumain ka ng aking usa, upang basbasan ako ng iyong kaluluwa. 20 At sinabi ni Isaac sa kaniyang anak, Ano't kay dali mong nakasumpong, anak ko? At sinabi niya, Sapagka't binigyan ako ng mabuting kapalaran ng Panginoon mong Dios. 21 At sinabi ni Isaac kay Jacob, Lumapit ka rito, ipinamamanhik ko sa iyo upang hipuin kita, anak ko, kung tunay na ikaw ang aking anak na si Esau o hindi. 22 At lumapit si Jacob kay Isaac na kaniyang ama: at hinipo siya, at sinabi, Ang tinig ay tinig ni Jacob, nguni't ang mga kamay ay mga kamay ni Esau. 23 At hindi siya nakilala, sapagka't ang kaniyang kamay ay mabalahibo, gaya ng mga kamay ni Esau na kaniyang kapatid: at sa gayo'y binasbasan siya. 24 At sinabi niya, Ikaw bang tunay ang aking anak na si Esau? At sinabi niya, Ako nga. 25 At kaniyang sinabi, Ilapit mo sa akin, at kakain ako ng usa ng aking anak, upang basbasan ka ng aking kaluluwa. At kaniyang inilapit sa kaniya at kumain siya: at siya'y dinalhan niya ng alak, at uminom. 26 At sinabi sa kaniya ni Isaac na kaniyang ama, Lumapit ka ngayon at humalik ka sa akin, anak ko. 27 At siya'y lumapit at humalik siya sa kaniya: at naamoy ng ama ang amoy ng kaniyang mga suot, at siya'y binasbasan, na sinabi, Narito, ang amoy ng aking anak Ay gaya ng amoy ng isang parang na pinagpala ng Panginoon: 28 At bigyan ka ng Dios ng hamog ng langit, At ng taba ng lupa, At ng saganang trigo at alak: 29 Ang mga bayan ay mangaglingkod nawa sa iyo. At ang mga bansa ay mangagsiyukod sa iyo: Maging panginoon ka nawa ng iyong mga kapatid, At magsiyukod sa iyo ang mga anak ng iyong ina: Sumpain nawa ang mga sumusumpa sa iyo. At maging mapapalad ang mga magpapala sa iyo. 30 At nangyari pagkatapos ng pagbabasbas ni Isaac kay Jacob, at bahagya nang kaaalis ni Jacob sa harap ni Isaac na kaniyang ama, ay dumating si Esau na kaniyang kapatid, na galing sa kaniyang panghuhuli. 31 At siya ma'y gumawa ng masarap na pagkain, at dinala niya sa kaniyang ama; at sinabi niya sa kaniyang ama, Bumangon ang ama ko, at kumain ng usa ng kaniyang anak, upang basbasan ako ng iyong kaluluwa. 32 At sinabi ni Isaac na kaniyang ama sa kaniya, Sino ka? At kaniyang sinabi, Ako ang iyong anak, ang iyong panganay na si Esau. 33 At nangilabot na mainam si Isaac, at sinabi, Sino nga yaong kumuha ng usa at dinala sa akin, at ako'y kumain niyaon bago ka dumating, at aking binasbasan siya? oo, at siya'y magiging mapalad! 34 Nang marinig ni Esau ang mga salita ng kaniyang ama ay humiyaw ng malakas at ng di kawasang kapanglawan: at sinabi sa kaniyang ama. Basbasan mo ako, ako naman, Oh ama ko. 35 At kaniyang sinabi, Naparito ang iyong kapatid sa pamamagitan ng daya, at kinuha ang basbas sa iyo. 36 At kaniyang sinabi, Hindi ba matuwid ang pagkatawag sa kaniyang Jacob? sapagka't kaniyang inagawan ako nitong makalawa: kaniyang kinuha ang aking pagkapanganay; at, narito, ngayo'y kinuha ang basbas sa akin. At kaniyang sinabi, Hindi mo ba ako ipinaglaan ng basbas. 37 At sumagot si Isaac, at sinabi kay Esau. Narito, inilagay ko siyang panginoon mo, at sa kaniya'y ibinigay kong lingkod ang lahat niyang mga kapatid; at sa trigo at sa bagong alak, ay kinandili ko siya; at sa iyo'y ano ngang magagawa ko ngayon anak ko? 38 At sinabi ni Esau sa kaniyang ama, Wala ka ba, kundi isa lamang basbas, ama ko? Basbasan mo ako, ako naman, Oh ama ko. At humiyaw si Esau at umiyak. 39 At sumagot si Isaac na kaniyang ama, at sinabi sa kaniya, Narito, magiging sadya sa taba ng lupa ang iyong tahanan, At sa hamog ng langit mula sa itaas; 40 At sa iyong tabak ay mabubuhay ka, at sa iyong kapatid ay maglilingkod ka; At mangyayari na pagka nakalaya ka, Papagpagin mo sa iyong leeg ang pamatok niya. 41 At kinapootan ni Esau si Jacob, dahil sa basbas na ibinasbas sa kaniya ng kaniyang ama; at sinasabi ni Esau sa sarili, Malapit na ang mga araw ng pagluluksa sa aking ama; kung magkagayo'y papatayin ko si Jacob na aking kapatid. 42 At ang mga salita ni Esau na kaniyang panganay ay nangaibalita kay Rebeca; at kaniyang pinasuguan at tinawag si Jacob, na kaniyang bunso at sa kaniya'y sinabi, Narito, ang iyong kapatid na si Esau ay naaaliw tungkol sa iyo, na inaakalang patayin ka. 43 Ngayon nga, anak ko, sundin mo ang aking tinig; at bumangon ka, at tumakas ka hanggang kay Laban na aking kapatid, sa Haran; 44 At dumoon ka sa kaniyang ilang araw hanggang sa mapawi ang galit ng iyong kapatid. 45 Hanggang ang galit sa iyo, ng iyong kapatid ay mapawi at malimutan niya ang ginawa mo sa kaniya: kung magkagayo'y pasusuguan kita at ipasusundo kita mula roon: bakit kapuwa mawawala kayo sa akin sa isang araw? 46 At sinabi ni Rebeca kay Isaac, Ako'y yamot na sa aking buhay, dahil sa mga anak na babae ni Heth: kung si Jacob ay magasawa sa mga anak ni Heth na gaya ng mga ito, ng mga anak ng lupaing ito, ano pang kabuluhan sa akin ng aking buhay?
Genesis 28
1 At tinawag ni Isaac si Jacob, at siya'y binasbasan, at siya'y pinagbilinan, na sinabi sa kaniya, Huwag kang magaasawa sa mga anak ng Canaan. 2 Tumindig ka, pumaroon ka sa Padan-aram, sa bahay ni Bethuel, na ama ng iyong ina, at magasawa ka roon sa mga anak ni Laban, na kapatid na lalake ng iyong ina. 3 At ikaw ay pagpalain nawa ng Dios na Makapangyarihan sa lahat, at ikaw ay palaguin, at ikaw ay paramihin, upang ikaw ay maging kapisanan ng mga bayan; 4 At ibigay nawa sa iyo ang pagpapala kay Abraham, sa iyo, at sangpu sa iyong binhi; upang iyong ariin ang lupaing iyong pinaglakbayan, na ibinigay ng Dios kay Abraham. 5 At pinapagpaalam ni Isaac si Jacob: at naparoon siya sa Padan-aram kay Laban, anak ni Bethuel na taga Siria, na kapatid ni Rebeca, na ina ni Jacob at ni Esau. 6 Nakita nga ni Esau na binasbasan ni Isaac si Jacob, at siya'y pinaparoon sa Padan-aram, upang doon magasawa; at nang siya'y basbasan ay ipinagbilin sa kaniya, na sinasabi, Huwag kang magaasawa sa mga anak ng Canaan. 7 At sumunod si Jacob sa kaniyang ama at sa kaniyang ina, at naparoon sa Padan-aram; 8 At nakita ni Esau na hindi nakalulugod ang mga anak ng Canaan kay Isaac na kaniyang ama; 9 At naparoon si Esau kay Ismael, at nagasawa kay Mahaleth, anak ni Ismael, na anak ni Abraham, na kapatid na babae ni Nabaioth, bukod pa sa mga asawang mayroon na siya. 10 At umalis si Jacob sa Beerseba at napasa dakong Haran. 11 At dumating sa isang dako, at nagparaan ng buong gabi roon, sapagka't lumubog na ang araw; at kumuha ng isa sa mga bato sa dakong yaon, at inilagay sa kaniyang ulunan, at nahiga sa dakong yaon upang matulog. 12 At nanaginip, at narito, ang isang hagdan, na ang puno ay nasa lupa, at ang dulo ay umaabot sa langit; at narito, ang mga anghel ng Dios na nagmamanhik manaog doon. 13 At, narito, ang Panginoon ay nasa kataastaasan niyaon, at nagsabi, Ako ang Panginoon, ang Dios ni Abraham na iyong ama, at ang Dios ni Isaac: ang lupang kinahihigaan mo ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong binhi; 14 At ang iyong binhi ay magiging parang alabok sa lupa, at kakalat ka sa kalunuran, at sa silanganan, at sa hilagaan, at sa timugan at sa iyo at sa iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng angkan sa lupa. 15 At, narito't ako'y sumasa iyo, at iingatan kita saan ka man pumaroon, at pababalikin kita sa lupaing ito sapagka't hindi kita iiwan hanggang hindi ko magawa ang sinalita ko sa iyo. 16 At nagising si Jacob sa kaniyang panaginip, at nagsabi, Tunay na ang Panginoon ay nasa dakong ito, at hindi ko nalalaman. 17 At siya'y natakot, at kaniyang sinabi, Kakilakilabot na dako ito! ito'y hindi iba kundi bahay ng Dios, at ito ang pintuan ng langit. 18 At si Jacob ay bumangong maaga ng kinaumagahan, at kinuha ang batong kaniyang inilagay sa ulunan niya, at kaniyang itinayo na pinakaalaala, at kaniyang binuhusan ng langis sa ibabaw. 19 At ang ipinangalan niya sa dakong yaon ay Betel: datapuwa't ang pangalan ng bayan nang una ay Luz. 20 At si Jacob ay nagpanata, na sinasabi, Kung sasaakin ang Dios, at ako'y iingatan sa daang ito na aking nilalakaran, at ako'y bibigyan ng tinapay na makakain, at damit na maisusuot, 21 Na ano pa't ako'y makabalik na payapa sa bahay ng aking ama, ay ang Panginoon nga ang magiging aking Dios, 22 At ang batong ito na aking itinayo na pinakaalaala ay magiging bahay ng Dios; at sa lahat ng ibigay mo sa akin ay walang pagsalang ang ikasangpung bahagi ay ibibigay ko sa iyo.
Genesis 29
1 Nang magkagayo'y nagpatuloy si Jacob ng kaniyang paglalakbay, at napasa lupain ng mga anak ng silanganan. 2 At siya'y tumingin, at nakakita ng isang balon sa parang, at narito, may tatlong kawan ng mga tupa na nagpapahinga sa tabi roon: sapagka't sa balong yaon pinaiinom ang mga kawan: at ang batong nasa ibabaw ng labi ng balon ay malaki. 3 At doon nagkakatipon ang lahat ng kawan: at kanilang iginugulong ang batong nasa ibabaw ng labi ng balon, at pinaiinom ang mga tupa, at muling inilalagay ang bato sa ibabaw ng labi ng balon, sa dako niyaon. 4 At sinabi sa kanila ni Jacob, Mga kapatid ko, taga saan kayo? At kanilang sinabi, Taga Haran kami. 5 At sinabi niya sa kanila, Nakikilala ba ninyo si Laban na anak ni Nachor? At kanilang sinabi, Nakikilala namin siya. 6 At sinabi niya sa kanila, Siya ba'y mabuti? At, kanilang sinabi, Siya'y mabuti: at, narito, si Raquel na kaniyang anak ay dumarating na dala ang mga tupa. 7 At sinabi niya, Narito, maaga pa, ni hindi oras tipunin ang mga hayop: painumin ninyo ang mga tupa, at inyo silang pasabsabin. 8 At kanilang sinabi, Hindi namin magagawa hanggang sa magkatipon ang lahat ng kawan, at igugulong ang bato mula sa labi ng balon; gayon nga aming pinaiinom ang mga tupa. 9 Samantalang nakikipagusap pa siya sa kanila, ay dumating si Raquel na dala ang mga tupa ng kaniyang ama; sapagka't siya ang nagaalaga ng mga iyon. 10 At nangyari, nang makita ni Jacob si Raquel na anak ni Laban, na kapatid ng kaniyang ina, at ang mga tupa ni Laban na kapatid ng kaniyang ina, na lumapit si Jacob at iginulong ang bato mula sa labi ng balon, at pinainom ang kawan ni Laban, na kapatid ng kaniyang ina. 11 At hinagkan ni Jacob si Raquel; at humiyaw ng malakas at umiyak. 12 At kay Raquel ay sinaysay ni Jacob na siya'y kapatid ni Laban, na kaniyang ama, at anak siya ni Rebeca: at siya'y tumakbo at isinaysay sa kaniyang ama. 13 At nangyari, nang marinig ni Laban ang mga balita tungkol kay Jacob, na anak ng kaniyang kapatid, ay tumakbo siya na kaniyang sinalubong, at kaniyang niyakap at kaniyang hinagkan, at kaniyang dinala sa kaniyang bahay. At isinaysay ni Jacob kay Laban ang lahat ng mga bagay na ito. 14 At sinabi sa kaniya ni Laban, Tunay na ikaw ay aking buto at aking laman. At dumoon sa kaniyang isang buwan. 15 At sinabi ni Laban kay Jacob, Sapagka't ikaw ay aking kapatid ay nararapat ka bang maglingkod sa akin ng walang bayad? sabihin mo sa akin kung ano ang magiging kaupahan mo. 16 At may dalawang anak na babae si Laban: ang pangalan ng panganay ay Lea, at ang pangalan ng bunso ay Raquel. 17 At ang mga mata ni Lea ay mapupungay; datapuwa't si Raquel ay maganda at kahalihalina. 18 At sininta ni Jacob si Raquel; at kaniyang sinabi, Paglilingkuran kitang pitong taon dahil kay Raquel na iyong anak na bunso. 19 At sinabi ni Laban, Magaling ang ibigay ko siya sa iyo, kay sa ibigay ko sa iba: matira ka sa akin. 20 At naglingkod si Jacob dahil kay Raquel, na pitong taon; at sa kaniya'y naging parang ilang araw, dahil sa pagibig na taglay niya sa kaniya. 21 At sinabi ni Jacob kay Laban, Ibigay mo sa akin ang aking asawa, sapagka't naganap na ang aking mga araw upang ako'y sumiping sa kaniya. 22 At pinisan ni Laban ang lahat ng tao roon at siya'y gumawa ng isang piging. 23 At nangyari nang kinagabihan, na kaniyang kinuha si Lea na kaniyang anak at dinala niya kay Jacob, at siya'y sumiping sa kaniya. 24 At sa kaniyang anak na kay Lea ay ibinigay na pinaka alilang babae ang kaniyang alilang si Zilpa. 25 At nangyari, na sa kinaumagahan, narito't si Lea: at kaniyang sinabi kay Laban: Ano itong ginawa mo sa akin? Hindi ba kita pinaglingkuran dahil kay Raquel? Bakit mo nga ako dinaya? 26 At sinabi ni Laban, Hindi ginagawa ang ganyan dito sa aming dako, na ibinibigay ang bunso, bago ang panganay. 27 Tapusin mo ang kaniyang sanglingo, at ibibigay rin naman namin sa iyo ang isa, dahil sa paglilingkod na gagawin mong pitong taon pa, sa akin. 28 At gayon ang ginawa ni Jacob, at tinapos niya ang sanglingo nito, at ibinigay ni Laban sa kaniya si Raquel na kaniyang anak na maging asawa niya. 29 At sa kaniyang anak na kay Raquel ay ibinigay ni Laban na pinaka alilang babae ang kaniyang alilang si Bilha. 30 At sumiping din naman si Jacob kay Raquel, at kaniya namang inibig si Raquel ng higit kay Lea, at naglingkod siya kay Laban na pitong taon pa. 31 At nakita ng Panginoon na si Lea ay kinapopootan niya, at binuksan ang kaniyang bahay-bata; datapuwa't si Raquel ay baog. 32 At naglihi si Lea, at nanganak ng isang lalake, at tinawag niya ang kaniyang pangalan na Ruben; sapagka't kaniyang sinabi, Sapagka't nilingap ng Panginoon ang aking kapighatian; dahil sa ngayo'y mamahalin ako ng aking asawa. 33 At naglihi uli, at nanganak ng isang lalake; at nagsabi, Sapagka't narinig ng Panginoon na ako'y kinapopootan ay ibinigay rin naman sa akin ito: at pinanganlan niyang Simeon. 34 At naglihi uli at nanganak ng isang lalake; at nagsabi, Ngayo'y masasama na sa akin ang aking asawa, sapagka't nagkaanak ako sa kaniya ng tatlong lalake: kaya't pinanganlan niyang Levi. 35 At muling naglihi at nanganak ng isang lalake, at nagsabi, Ngayo'y aking pupurihin ang Panginoon: kaya't pinanganlang Juda; at hindi na nanganak.
Genesis 30
1 At nang makita ni Raquel, na hindi siya nagkakaanak kay Jacob, ay nainggit si Raquel sa kaniyang kapatid; at sinabi kay Jacob, Bigyan mo ako ng anak, o kung hindi ay mamamatay ako! 2 At nagningas ang galit ni Jacob laban kay Raquel; at nagsabi, Ako ba'y nasa kalagayan ng Dios, na nagkait sa iyo ng bunga ng bahay-bata? 3 At sinabi niya, Narito ang aking alilang si Bilha, sumiping ka sa kaniya; upang manganak sa ibabaw ng aking mga tuhod, at magkaroon din naman ako ng anak sa pamamagitan niya. 4 At ibinigay niyang asawa si Bilha na kaniyang alila: at sinipingan ni Jacob. 5 At naglihi si Bilha, at nagkaanak kay Jacob, ng isang lalake. 6 At sinabi ni Raquel, Hinatulan ako ng Dios, at dininig din naman ang aking tinig, at binigyan ako ng anak: kaya't pinanganlang Dan. 7 At si Bilhang alila ni Raquel ay naglihi uli at ipinanganak ang kaniyang ikalawang anak kay Jacob. 8 At sinabi ni Raquel, Ako'y nakipagbaka ng malaking pakikipagbaka sa aking kapatid, at ako'y nanaig: at siya'y pinanganlang Nephtali. 9 Nang makita ni Lea, na siya'y hindi na nanganganak, ay kinuha si Zilpa na kaniyang alila at ibinigay na asawa kay Jacob. 10 At si Zilpa na alila ni Lea ay nagkaanak ng isang lalake kay Jacob. 11 At sinabi ni Lea, Kapalaran! at pinanganlang Gad. 12 At ipinanganak ni Zilpa na alila ni Lea, ang kaniyang ikalawang anak kay Jacob. 13 At sinabi ni Lea, Mapalad ako! sapagka't tatawagin akong mapalad ng mga babae: at tinawag niya ang kaniyang pangalan na Aser. 14 At yumaon si Ruben nang panahon ng paggapas ng trigo, at nakasumpong ng mga mandragoras sa bukid, at dinala sa kaniyang inang kay Lea. Nang magkagayo'y sinabi ni Raquel kay Lea, Ipinamamanhik ko sa iyo na bigyan mo ako ng mga mandragoras ng iyong anak. 15 At kaniyang sinabi, Kakaunti pa bang bagay na iyong kinuha ang aking asawa? at ibig mo pa ring kunin ang mga mandragoras ng aking anak? At sinabi ni Raquel, Kaya't sisiping siya sa iyo ngayong gabi, dahil sa mga mandragoras ng iyong anak. 16 At si Jacob ay umuwing galing sa bukid ng hapon, at sinalubong siya ni Lea, at sa kaniya'y sinabi, Sa akin ka dapat sumiping; sapagka't tunay na ikaw ay aking inupahan ng mga mandragoras ng aking anak. At sumiping siya sa kaniya ng gabing yaon. 17 At dininig ng Dios si Lea: at siya'y naglihi at kaniyang ipinanganak kay Jacob ang kaniyang ikalimang anak. 18 At sinabi ni Lea, Ibinigay sa akin ng Dios ang aking kaupahan, sapagka't ibinigay ko ang aking alila sa aking asawa: at kaniyang pinanganlang Issachar. 19 At naglihi uli si Lea, at kaniyang ipinanganak ang kaniyang ikaanim na anak kay Jacob. 20 At sinabi ni Lea, Binigyan ako ng Dios ng isang mabuting kaloob; ngayo'y makikisama na sa akin ang aking asawa, sapagka't nagkaanak ako sa kaniya ng anim na lalake: at kaniyang pinanganlang Zabulon. 21 At pagkatapos ay nanganak siya ng babae, at kaniyang pinanganlang Dina. 22 At naalala ng Dios si Raquel, at dininig ng Dios, at binuksan ang kaniyang bahay-bata. 23 At siya'y naglihi at nanganak ng lalake; at kaniyang sinabi, Inalis ng Dios sa akin ang kakutyaan ko: 24 At kaniyang tinawag ang pangalan niya na Jose, na sinasabi, Dagdagan pa ako ng Panginoon ng isang anak. 25 At nangyari, nang maipanganak ni Raquel si Jose, na sinabi ni Jacob kay Laban, Papagpaalamin mo ako upang ako'y makaparoon sa aking dakong tinubuan at sa aking lupain. 26 Ibigay mo sa akin ang aking mga asawa at ang aking mga anak, na siyang kadahilanan ng ipinaglingkod ko sa iyo, at papagpaalamin mo ako: sapagka't talastas mo ang paglilingkod na ipinaglingkod ko sa iyo. 27 At sinabi sa kaniya ni Laban, Kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa harap ng iyong mga mata, matira ka: aking napagkilala, na pinagpala ako ng Panginoon dahil sa iyo. 28 At kaniyang sinabi, Sabihin mo sa akin ang iyong kaupahan, at ibibigay ko sa iyo. 29 At sinabi niya sa kaniya, Nalalaman mo kung paanong pinaglingkuran kita, at kung anong lagay ng iyong mga hayop dahil sa akin. 30 Sapagka't kakaunti ang tinatangkilik mo bago ako dumating, at naging isang karamihan; at pinagpala ka ng Panginoon saan man ako pumihit; at ngayo'y kailan naman ako maghahanda ng sa aking sariling bahay? 31 At sa kaniya'y sinabi, Anong ibibigay ko sa iyo? At sinabi ni Jacob, Huwag mo akong bigyan ng anoman: kung ito'y iyong gawin sa akin, ay muli kong papastulin at aalagaan ang iyong kawan. 32 Dadaanan ko ang lahat mong kawan ngayon, na aking ihihiwalay doon ang lahat ng batikbatik at may dungis, at ang lahat na maitim sa mga tupa, at ang may dungis at batikbatik sa mga kambing: at siyang magiging aking kaupahan. 33 Gayon ako sasagutan ng aking katuwiran sa haharapin, pagparito mo, tungkol sa aking kaupahan, na nasa harap mo; yaong lahat na walang batik at walang dungis sa mga kambing, at hindi maitim sa mga tupa, na masusumpungan sa akin, ay maibibilang mong nakaw. 34 At sinabi ni Laban, Narito, mangyari nawa ayon sa iyong sabi. 35 At inihiwalay ni Laban ng araw ding yaon ang mga lalaking kambing na may batik at may dungis, at ang lahat ng babaing kambing na may batik at may dungis, lahat ng mayroong kaunting puti, at lahat ng maitim sa mga tupa, at ibinigay sa mga kamay ng kaniyang mga anak; 36 At siya'y naglakad ng tatlong araw ang pagitan kay Jacob; at pinakain ni Jacob ang nalabi sa mga kawan ni Laban. 37 At kumuha si Jacob ng mga sanga ng alamo, at almendro at kastano; at pinagbabakbakan ng mga batik na mapuputi, at kaniyang pinalitaw na gayon ang puti na nasa mga sanga. 38 At kaniyang inilagay ang mga sangang kaniyang binakbakan sa mga bangbang, sa harap ng kawan, sa mga pinagpapainuman; na pinaparoonan ng mga kawan upang uminom; at nangaglilihi pagka nagsisiparoon upang uminom. 39 At nangaglilihi ang mga kawan sa harap ng mga sanga at nanganganak ang mga kawan ng mga may guhit, may batik at may dungis. 40 At ang mga korderong ito ay inihihiwalay ni Jacob, at inihaharap ang kawan sa dakong may batik, at ang lahat ng maitim sa kawan ni Laban; sa kaniyang ibinukod ang mga kawan niya rin, at hindi isinama sa kawan ni Laban. 41 At nangyari, na kailan ma't maglilihi ang mga malakas sa kawan, ay inilalagay ni Jacob ang mga sanga sa harap ng mga mata ng kawan sa mga bangbang, upang sila'y papaglihihin sa gitna ng mga sanga. 42 Datapuwa't pagka ang kawan ay mahina ay hindi niya inilalagay, kaya't ang mahina ay nagiging kay Laban at ang malakas ay kay Jacob. 43 At ang lalake ay lumagong mainam; at nagkaroon ng malalaking kawan, at ng mga aliping babae at lalake, at ng mga kamelyo at ng mga asno.
Genesis 31
1 At narinig ni Jacob ang mga salita ng mga anak ni Laban, na nagsisipagsabi, Kinuha ni Jacob ang lahat ng sa ating ama; at doon sa mga sa ating ama ay tinamo niya ang buong karangalang ito. 2 At minasdan ni Jacob ang mukha ni Laban, at narito't hindi sumasa kaniyang gaya ng dati. 3 At sinabi ng Panginoon kay Jacob, Magbalik ka sa lupain ng iyong mga magulang, at sa iyong kamaganakan; at ako'y sasaiyo. 4 At si Jacob ay nagsugo at tinawag si Raquel at si Lea sa bukid, sa kaniyang kawan, 5 At sinabi sa kanila, Nakikita ko ang mukha ng inyong ama, na hindi sumasaakin na gaya ng dati; datapuwa't ang Dios ng aking ama ay sumaakin. 6 At nalalaman ninyo, na ang aking buong lakas ay ipinaglingkod ko sa inyong ama. 7 At dinaya ako ng inyong ama, at binagong makasangpu ang aking kaupahan; datapuwa't hindi pinahintulutan siya ng Dios, na gawan ako ng masama. 8 Kung kaniyang sinabing ganito, Ang mga may batik ang magiging kaupahan mo; kung magkagayo'y nanganganak ang lahat ng kawan ng mga may batik: at kung kaniyang sinabing ganito, Ang mga may guhit ang magiging kaupahan mo; kung magkagayo'y ang lahat ng kawan ay manganganak ng mga may guhit. 9 Ganito inalis ng Dios ang mga hayop ng inyong ama, at ibinigay sa akin. 10 At nangyari, na sa panahong ang kawan ay naglilihi, ay itiningin ko ang aking mga mata, at nakita ko sa panaginip, at narito, ang mga kambing na lalake na nakatakip sa kawan ay mga may guhit, may batik at may dungis. 11 At sinabi sa akin ng anghel ng Dios, sa panaginip, Jacob: at sinabi ko, Narito ako. 12 At kaniyang sinabi, Itingin mo ngayon ang iyong mga mata, tingnan mo na ang lahat ng kambing na natatakip sa kawan ay may guhit, may batik at may dungis: sapagka't aking nakita ang lahat na ginagawa sa iyo ni Laban. 13 Ako ang Dios ng Betel, na doon mo pinahiran ng langis ang batong pinakaalaala, at doon ka gumawa ng panata sa akin: ngayo'y tumindig ka, umalis ka sa lupaing ito, at bumalik ka sa lupaing pinanganakan sa iyo. 14 At nagsisagot si Raquel at si Lea, at sa kaniya'y sinabi, Mayroon pa ba kaming natitirang bahagi o mana sa bahay ng aming ama? 15 Hindi ba inaari niya kaming taga ibang bayan? sapagka't ipinagbili niya kami at kaniyang lubos nang kinain ang aming halaga. 16 Sapagka't ang buong kayamanang inalis ng Dios sa aming ama, ay amin yaon at sa aming mga anak: ngayon nga, gawin mo ang lahat ng sinabi sa iyo ng Dios. 17 Nang magkagayo'y tumindig si Jacob, at pinasakay sa mga kamello ang kaniyang mga anak at ang kaniyang mga asawa; 18 At dinala ang kaniyang lahat na hayop, at ang kaniyang buong pag-aaring tinipon, ang hayop na kaniyang napakinabang, na kaniyang tinipon, sa Padan-aram, upang pumaroon kay Isaac na kaniyang ama, sa lupain ng Canaan. 19 Si Laban nga ay yumaon upang gupitan ang kaniyang mga tupa: at ninakaw ni Raquel ang mga larawang tinatangkilik ng kaniyang ama. 20 At tumanan si Jacob na di nalalaman ni Laban na taga Siria, sa di niya pagbibigay alam na siya'y tumakas. 21 Ganito tumakas si Jacob sangpu ng buong kaniya; at bumangon at tumawid sa ilog Eufrates, at siya'y tumungo sa bundok ng Gilead. 22 At binalitaan si Laban sa ikatlong araw, na tumakas si Jacob. 23 At ipinagsama niya ang kaniyang mga kapatid, at hinabol niyang pitong araw; at kaniyang inabutan sa bundok ng Gilead. 24 At naparoon ang Dios kay Laban na taga Siria, sa panaginip sa gabi, at sa kaniya'y sinabi, Ingatan mong huwag kang magsalita kay Jacob ng mabuti o masama man, 25 At inabutan ni Laban si Jacob, At naitirik na ni Jacob ang kaniyang tolda sa bundok; at si Laban sangpu ng kaniyang mga kapatid ay nagtirik din sa bundok ng Gilead. 26 At sinabi ni Laban kay Jacob, Anong ginawa mo na tumanan ka ng di ko nalalaman, at dinala mo ang aking mga anak na parang mangabihag sa tabak? 27 Bakit ka tumakas ng lihim, at tumanan ka sa akin; at hindi mo ipinaalam sa akin, upang ikaw ay napagpaalam kong may sayahan at may awitan, may tambol at may alpa; 28 At hindi mo man lamang ipinahintulot sa aking humalik sa aking mga anak na lalake at babae? Ngayon nga'y gumawa ka ng kamangmangan. 29 Nasa kapangyarihan ng aking kamay ang gawan ko kayo ng masama: nguni't ang Dios ng inyong ama ay kinausap ako kagabi, na sinasabi, Ingatan mong huwag kang magsalita kay Jacob ng mabuti o masama man. 30 At ngayon, bagaman iyong inibig yumaon, sapagka't pinagmimithian mong datnin ang bahay ng iyong ama ay bakit mo ninakaw ang aking mga dios? 31 At sumagot si Jacob, at sinabi kay Laban, Sapagka't ako'y natakot: sapagka't sinabi kong baka mo alising sapilitan sa akin ang iyong mga anak. 32 Kaya kung kanino mo masumpungan ang iyong mga dios, ay huwag mabuhay: sa harap ng ating mga kapatid ay iyong kilalanin kung anong mayroon akong iyo, at dalhin mo sa iyo. Sapagka't hindi nalalaman ni Jacob na si Raquel ang nagnakaw. 33 At pumasok si Laban sa tolda ni Jacob, at sa tolda ni Lea, at sa tolda ng dalawang alilang babae, datapuwa't hindi niya nasumpungan; at lumabas sa tolda ni Lea, at pumasok sa tolda ni Raquel. 34 Nakuha nga ni Raquel ang mga larawan, at naisiksik sa mga daladalahan ng kamello at kaniyang inupuan. At inapuhap ni Laban ang buong palibot ng tolda, nguni't hindi niya nasumpungan. 35 At sinabi niya sa kaniyang ama, Huwag magalit ang aking panginoon na ako'y hindi makatindig sa harap mo; sapagka't ako'y mayroon ng kaugalian ng mga babae. At kaniyang hinanap, datapuwa't hindi masumpungan ang mga larawan. 36 At naginit si Jacob at nakipagtalo kay Laban, at sumagot si Jacob, at sinabi kay Laban, Ano ang aking sinalangsang at ang aking kasalanan, upang ako'y habulin mong may pagiinit? 37 Yamang inapuhap mo ang lahat ng aking kasangkapan, anong nasumpungan mong kasangkapan, ng iyong bahay? Ilagay mo rito sa harap ng aking mga kapatid at ng iyong mga kapatid, upang hatulan nila tayong dalawa. 38 Ako'y natira sa iyo nitong dalawang pung taon: ang iyong mga babaing tupa, at ang iyong mga babaing kambing ay hindi nawalan ng kanilang mga anak, at ang mga tupang lalake ng iyong kawan ay hindi ko kinain. 39 Ang nilapa ng mga ganid ay hindi ko dinala sa iyo; ako ang nagbata ng kawalan; sa aking kamay mo hiningi, maging nanakaw sa araw, o nanakaw sa gabi. 40 Ganito nakaraan ako; sa araw ay pinupugnaw ako ng init, at ng lamig sa gabi; at ang pagaantok ay tumatakas sa aking mga mata. 41 Nitong dalawang pung taon ay natira ako sa iyong bahay; pinaglingkuran kitang labing apat na taon dahil sa iyong dalawang anak, at anim na taon dahil sa iyong kawan: at binago mo ang aking kaupahan na makasangpu. 42 Kung hindi sumaakin ang Dios ng aking ama, ang Dios ni Abraham, at ang Katakutan ni Isaac, ay walang pagsalang palalayasin mo ako ngayong walang dala. Nakita ng Dios ang aking kapighatian, ang kapaguran ng aking mga kamay, at sinaway ka niya kagabi. 43 At sumagot si Laban at sinabi kay Jacob, Ang mga anak na babaing ito, ay aking mga anak at itong mga anak ay mga anak ko, at ang mga kawan ay mga kawan ko, at ang lahat ng iyong nakikita ay akin: at anong magagawa ko ngayon sa mga anak kong babae, o sa kanilang mga anak na ipinanganak nila? 44 At ngayo'y halika, gumawa tayo ng isang tipan, ako't ikaw na maging patotoo sa akin at sa iyo. 45 At kumuha si Jacob ng isang bato, at itinindig na pinakaalaala. 46 At sinabi ni Jacob sa kaniyang mga kapatid, Manguha kayo ng mga bato; at kumuha sila ng mga bato at kanilang ginawang isang bunton: at sila'y nagkainan doon sa malapit sa bunton. 47 At pinanganlan ni Laban na Jegarsahadutha, datapuwa't pinanganlan ni Jacob na Galaad. 48 At sinabi ni Laban, Ang buntong ito ay saksi sa akin at sa iyo ngayon. Kaya't ang pangalan niya'y tinawag na Galaad; 49 At Mizpa sapagka't kaniyang sinabi, Bantayan ng Panginoon ako at ikaw, pag nagkakahiwalay tayo. 50 Kung pahirapan mo ang aking mga anak, o kung magasawa ka sa iba bukod sa aking mga anak, ay wala tayong ibang kasama; tingnan mo, ang Dios ay saksi sa akin at sa iyo. 51 At sinabi ni Laban kay Jacob, Narito, ang buntong ito at ang batong pinakaalaalang ito, na aking inilagay sa gitna natin. 52 Maging saksi ang buntong ito, at saksi ang batong ito, na hindi ko lalagpasan ang buntong ito sa dako mo, at hindi mo lalagpasan ang buntong ito at ang batong pinakaalaalang ito sa pagpapahamak sa amin. 53 Ang Dios ni Abraham at ang Dios ni Nachor, ang Dios ng ama nila ay siyang humatol sa atin. At si Jacob ay sumumpa ng ayon sa Katakutan ng kaniyang amang si Isaac. 54 At naghandog si Jacob ng hain sa bundok, at tinawag ang kaniyang mga kapatid upang magsikain ng tinapay: at sila'y nagsikain ng tinapay, at sila'y nagparaan ng buong gabi sa bundok. 55 At bumangong maaga sa kinaumagahan si Laban, at hinagkan ang kaniyang mga anak na lalake at babae, at pinagbabasbasan: at yumaon at umuwi si Laban.
Genesis 32
1 At ipinagpatuloy ni Jacob ang kaniyang paglakad, at sinalubong siya ng mga anghel ng Dios. 2 At sinabi ni Jacob nang makita niya sila, Ito'y hukbo ng Dios: at tinawag niya ang pangalan ng dakong yaon na Mahanaim. 3 At si Jacob ay nagpasugo sa unahan niya kay Esau, na kaniyang kapatid sa lupain ng Seir, na parang ng Edom. 4 At inutusan niya sila, na sinasabi, Ganito ninyo sabihin sa aking panginoong kay Esau, Ganito ang sabi ng iyong lingkod na si Jacob, Dumoon ako kay Laban at ako'y natira roon hanggang ngayon. 5 At mayroon akong mga baka, at mga asno, at mga kawan, at mga aliping lalake at babae: at ako'y nagpasugo upang magbigay alam sa aking panginoon, upang makasumpong ng biyaya sa iyong paningin. 6 At ang mga sugo ay nagsipagbalik kay Jacob, na nagsipagsabi, Dumating kami sa iyong kapatid na kay Esau, at siya rin naman ay sumasalubong sa iyo, at apat na raang tao ang kasama niya. 7 Nang magkagayo'y natakot na mainam si Jacob at nahapis at kaniyang binahagi ang bayang kasama niya, at ang mga kawan, at ang mga bakahan, at ang mga kamelyo ng dalawang pulutong. 8 At kaniyang sinabi, Kung dumating si Esau sa isang pulutong, at kaniyang saktan, ang pulutong ngang natitira ay tatanan. 9 At sinabi ni Jacob, Oh Dios ng aking amang si Abraham, at Dios ng aking amang si Isaac, Oh Panginoon, na nagsabi sa akin, Magbalik ka sa iyong lupain at sa iyong kamaganakan, at gagawan kita ng magaling: 10 Hindi ako marapat sa kababababaan ng lahat ng kaawaan, at ng buong katotohanan na iyong ipinakita sa iyong lingkod: sapagka't dala ko ang aking tungkod, na dinaanan ko ang Jordang ito; at ngayo'y naging dalawang pulutong ako. 11 Iligtas mo ako, ipinamamanhik ko sa iyo, sa kamay ng aking kapatid, sa kamay ni Esau; sapagka't ako'y natatakot sa kaniya, baka siya'y dumating at ako'y saktan niya, ang ina pati ng mga anak. 12 At ikaw ang nagsabi, Tunay na ikaw ay gagawan ko ng magaling, at gagawin ko ang iyong binhi na parang buhangin sa dagat, na hindi mabibilang dahil sa karamihan. 13 At siya'y nagparaan doon ng gabing yaon; at kumuha ng mayroon siya na ipagkakaloob kay Esau na kaniyang kapatid; 14 Dalawang daang kambing na babae, at dalawang pung lalaking kambing; dalawang daang tupang babae, at dalawang pung tupang lalake, 15 Tatlong pung kamelyong inahin na pati ng kanilang mga anak; apat na pung baka at sangpung toro, dalawang pung asna at sangpung anak ng mga yaon. 16 At ipinagbibigay sa kamay ng kaniyang mga bataan, bawa't kawan ay bukod; at sinabi sa kaniyang mga bataan, Lumagpas kayo sa unahan ko, at iiwanan ninyo ng isang pagitan ang bawa't kawan. 17 At iniutos sa una, na sinasabi, Pagka ikaw ay nasumpungan ni Esau na aking kapatid, at ikaw ay tinanong na sinasabi, Kanino ka? at saan ka paroroon? at kanino itong nangasa unahan mo. 18 Kung magkagayo'y sasabihin mo, Sa iyong lingkod na kay Jacob; isang kaloob nga, na padala sa aking panginoong kay Esau: at, narito, siya'y nasa hulihan din naman namin. 19 At iniutos din sa ikalawa, at sa ikatlo, at sa lahat ng sumusunod sa mga kawan, na sinasabi, Sa ganitong paraan sasalitain ninyo kay Esau, pagkasumpong ninyo sa kaniya; 20 At sasabihin ninyo, Saka, narito, ang iyong lingkod na si Jacob, ay nasa hulihan namin, sapagka't kaniyang sinabi, Paglulubagin ko ang kaniyang galit sa pamamagitan ng kaloob na sumasaunahan ko, at pagkatapos ay makikita ko ang kaniyang mukha; marahil ay tatanggapin niya ako. 21 Gayon isinaunahan niya ang mga kaloob; at siya'y natira ng gabing yaon sa pulutong. 22 At siya'y bumangon ng gabing yaon, at isinama niya ang kaniyang dalawang asawa, at ang kaniyang dalawang alilang babae, at ang kaniyang labing isang anak at tumawid sa tawiran ng Jaboc. 23 At sila'y kaniyang isinama at itinawid sa batis, at kaniyang itinawid ang kaniyang tinatangkilik. 24 At naiwang magisa si Jacob: at nakipagbuno ang isang lalake sa kaniya, hanggang sa magbukang liwayway. 25 At nang makita nitong siya'y hindi manaig sa kaniya ay hinipo ang kasukasuan ng hita niya; at ang kasukasuan ni Jacob ay sinaktan samantalang nakikipagbuno sa kaniya. 26 At sinabi, Bitawan mo ako, sapagka't nagbubukang liwayway na. At kaniyang sinabi, Hindi kita bibitawan hanggang hindi mo ako mabasbasan. 27 At sinabi niya sa kaniya, Ano ang pangalan mo? At kaniyang sinabi, Jacob. 28 At sinabi niya, Hindi na tatawaging Jacob ang iyong pangalan, kundi Israel; sapagka't ikaw ay nakipagpunyagi sa Dios at sa mga tao, at ikaw ay nanaig. 29 At siya'y tinanong ni Jacob, at sinabi, Ipinamamanhik ko sa iyong sabihin mo sa akin ang iyong pangalan. At kaniyang sinabi, Bakit nagtatanong ka ng aking pangalan? At siya'y binasbasan doon. 30 At tinawag ni Jacob ang pangalan ng dakong yaon na Peniel; sapagka't aniya'y nakita ko ang Dios ng mukhaan, at naligtas ang aking buhay. 31 At sinikatan siya ng araw ng siya'y nagdadaan sa Penuel; at siya'y napipilay sa hita niya. 32 Kaya't hindi kumakain ang mga anak ni Israel ng litid ng balakang na nasa kasukasuan ng hita, hanggang ngayon: sapagka't hinipo ng taong yaon ang kasukasuan ng hita ni Jacob, sa litid ng pigi.
Genesis 33
1 At itiningin ni Jacob ang kaniyang mga mata at tumingin, at, narito, si Esau ay dumarating, at kasama niya'y apat na raang tao. At kaniyang binahagi ang mga bata kay Lea at kay Raquel, at sa dalawang alilang babae. 2 At inilagay niya ang mga alila na kasama ng kanilang mga anak na pinakapanguna, at si Lea na kasama ng kaniyang mga anak na pinakapangalawa, at si Raquel at si Jose na pinakahuli. 3 At siya naman ay lumagpas sa unahan nila, at yumukod sa lupa na makapito, hanggang sa nalapit sa kaniyang kapatid. 4 At tumakbo si Esau na sinalubong siya, at niyakap siya at niyapos siya sa leeg, at hinagkan siya: at nagiyakan, 5 At itiningin ni Esau ang mga mata niya, at nakita ang mga babae at ang mga bata, at sinabi, Sinosino itong mga kasama mo? At kaniyang sinabi, Ang mga anak na ipinagkaloob ng Dios sa iyong lingkod. 6 Nang magkagayo'y nagsilapit ang mga alilang babae, sila at ang kanilang mga anak, at nagsiyukod. 7 At lumapit din si Lea at ang kaniyang mga anak, at nagsiyukod: at pagkatapos ay nagsilapit si Jose at si Raquel, at nagsiyukod. 8 At kaniyang sinabi, Anong palagay mo sa buong karamihang ito na nasumpungan ko? At kaniyang sinabi, Nang makasundo ng biyaya sa paningin ng aking panginoon. 9 At sinabi ni Esau, Mayroon akong kasiya; kapatid ko, ariin mo ang iyo. 10 At sinabi sa kaniya ni Jacob, Hindi, ipinamamanhik ko sa iyo, na kung ngayo'y nakasundo ako ng biyaya sa iyong paningin, ay tanggapin mo nga ang aking kaloob sa aking kamay: yamang nakita ko ang iyong mukha, na gaya ng nakakakita ng mukha ng Dios, at ikaw ay nalugod sa akin. 11 Tanggapin mo, ipinamamanhik ko sa iyo, ang kaloob na dala sa iyo; sapagka't ipinagkaloob sa akin ng Dios, at mayroon ako ng lahat. At ipinilit sa kaniya, at kaniyang tinanggap. 12 At kaniyang sinabi, Yumaon tayo at tayo'y lumakad, at ako'y mangunguna sa iyo. 13 At sinabi niya sa kaniya, Nalalaman ng aking panginoon na ang mga bata ay mahihina pa at ang mga kawan at ang mga baka ay nagpapasuso: at kung ipagmadali sa isa lamang araw ay mamamatay ang lahat ng kawan. 14 Magpauna ang aking panginoon sa kaniyang lingkod: at ako'y mamamatnubay na dahandahan, ayon sa hakbang ng mga hayop na nasa aking unahan, at ng hakbang ng mga bata, hanggang sa makarating ako sa aking panginoon sa Seir. 15 At sinabi ni Esau, Pahintulutan mong iwan ko sa iyo ang ilan sa mga taong kasama ko. At kaniyang sinabi, Ano pang dahil nito? Makasundo nawa ako ng biyaya sa paningin ng aking panginoon. 16 Gayon nagbalik si Esau ng araw ding yaon sa kaniyang lakad sa Seir. 17 At si Jacob ay naglakbay sa Succoth, at nagtayo ng isang bahay para sa kaniya, at iginawa niya ng mga balag ang kaniyang hayop: kaya't tinawag ang pangalan ng dakong yaon na Succoth. 18 At dumating si Jacob na payapa sa bayan ng Sichem, na nasa lupain ng Canaan, nang siya'y manggaling sa Padan-aram; at siya'y humantong sa tapat ng bayan. 19 At binili ang pitak ng lupa na pinagtayuan ng kaniyang tolda, sa kamay ng mga anak ni Hamor, na ama ni Sichem, ng isang daang putol na salapi. 20 At siya'y nagtindig doon ng isang dambana, at tinawag niyang El-Elohe-Israel.
Genesis 34
1 At lumabas si Dina na anak ni Lea, na ipinanganak nito kay Jacob, upang tingnan ang mga anak na babae ng lupaing yaon. 2 At siya'y nakita ni Sichem, anak ni Hamor, na Heveo, na prinsipe sa lupain; at siya'y kinuha at sumiping sa kaniya, at siya'y pinangayupapa. 3 At inilakip niya ang kaniyang kaluluwa kay Dina, na anak ni Jacob at kaniyang sininta ang dalaga, at nakiusap ng kalugodlugod sa dalaga. 4 At si Sichem ay nagsalita sa kaniyang amang kay Hamor, na sinabi, Ipakamit mo sa akin ang dalagang ito na maging asawa ko. 5 Nabalitaan nga ni Jacob na dinahas ang kaniyang anak na si Dina; at ang kaniyang mga anak ay nasa kasamahan ng mga hayop niya sa parang: at tumahimik si Jacob hanggang sa sila'y dumating. 6 At nilabas ni Hamor na ama ni Sichem si Jacob upang makiusap sa kaniya. 7 At ang mga anak ni Jacob ay nagsiuwi mula sa parang nang kanilang mabalitaan: at nangagdamdam ang mga lalake, at nagningas ang kanilang galit, sapagka't gumawa ng kaululan sa Israel, na sinipingan ang anak ni Jacob; bagay na di nararapat gawin. 8 At nakiusap si Hamor sa kanila, na sinasabi, Ang kaluluwa ni Sichem na aking anak ay sumasa iyong anak; ipinamamanhik ko sa inyo na ipagkaloob ninyo sa kaniya na maging asawa niya. 9 At magsipagasawa kayo sa amin; ibigay ninyo sa amin ang inyong mga anak na babae, at ibibigay namin sa inyo ang aming mga anak na babae. 10 At tatahan kayong kasama namin; at ang lupain ay sasa harap ninyo; tumahan kayo at mangalakal kayo riyan at magkaroon kayo ng mga pag-aari riyan. 11 At sinabi ni Sichem sa ama ni Dina, at sa mga kapatid niya, Makasundo nawa ako ng biyaya sa inyong mga mata at ang sabihin ninyo sa akin ay aking ibibigay. 12 Hingin ninyo sa akin ang walang bilang na bigay-kaya at kaloob, at aking ibibigay ayon sa sabihin ninyo sa akin; ipagkaloob lamang ninyo sa akin ang dalaga na maging asawa ko. 13 At nagsisagot na may pagdaraya ang mga anak ni Jacob kay Sichem at kay Hamor na kaniyang ama, at sila'y nagsalitaan, sapagka't kaniyang dinahas si Dina na kanilang kapatid. 14 At sinabi niya sa kanila, Hindi namin magagawa ito, na ibigay ang aming kapatid sa isang hindi tuli; sapagka't isang kasiraan ng puri namin. 15 Sa ganitong paraan lamang papayag kami sa inyo: kung kayo'y magiging gaya namin, na mangatuli ang lahat ng lalake sa inyo; 16 Ay ibibigay nga namin sa inyo ang aming mga anak na babae, at makikisama kami sa inyong mga anak na babae, at tatahan kami sa inyo, at tayo'y magiging isa lamang bayan. 17 Datapuwa't kung ayaw ninyo kaming pakinggan, na kayo'y mangatuli; ay dadalhin nga namin ang aming anak na babae at kami ay yayaon. 18 At ang kanilang mga salita ay kinalugdan ni Hamor at ni Sichem, na anak ni Hamor. 19 At hindi iniliban ng binata ang paggawa niyaon, sapagka't nalugod siya sa anak na babae ni Jacob: at siya ang pinarangalang higit sa buong sangbahayan ng kaniyang ama. 20 At si Hamor at si Sichem na kaniyang anak ay napasa pintuang-bayan ng kanilang bayan, at sila'y nakiusap sa mga tao sa kanilang bayan, na sinasabi. 21 Ang mga taong ito ay tahimik sa atin; kaya't magsitahan sila sa lupain at magsipangalakal sila riyan; sapagka't narito, ang lupain, ay may malabis na kaluwangan sa kanila; tayo'y makisama sa kanilang mga anak na babae, at ating ibigay sa kanila ang ating mga anak. 22 Sa ganito lamang paraan papayagan tayo ng mga taong iyan, sa pagtahan sa atin, na maging isa lamang bayan, kung patuli ang lahat ng lalake sa atin, na gaya naman nila na mga tuli. 23 Di ba magiging atin ang kanilang mga baka at ang kanilang mga pag-aari at ang lahat nilang hayop? Atin lamang silang payagan, at tatahan sa atin. 24 At pinakinggan si Hamor at si Sichem na kaniyang anak, ng lahat na lumalabas sa pintuan ng kaniyang bayan; at ang lahat ng lalake ay nagtuli, ang lahat ng lumalabas sa pintuan ng kaniyang bayan. 25 At nangyari, nang ikatlong araw, nang sila'y nangasasaktan, na ang dalawa sa mga anak ni Jacob, si Simeon at si Levi, na mga kapatid ni Dina, na kumuha ang bawa't isa ng kaniyang tabak, at sila'y lihim na pumasok sa bayan, at kanilang pinatay ang lahat ng mga lalake. 26 At kanilang pinatay si Hamor at si Sichem na kaniyang anak, sa talim ng tabak, at kanilang kinuha si Dina sa bahay ni Sichem, at sila'y nagsialis. 27 Nagsiparoon ang mga anak ni Jacob sa mga patay, at kanilang sinamsaman ang bayan, sapagka't kanilang dinahas ang kapatid nila. 28 Kinuha nila ang kanilang mga kawan at ang kanilang mga bakahan, at ang kanilang mga asno, at ang nasa bayan, at ang nasa parang; 29 At ang kanilang buong yaman, at ang lahat ng kanilang mga anak, at mga asawa, ay dinala nilang bihag at samsam, sa makatuwid baga'y lahat na nasa bahay. 30 At sinabi ni Jacob kay Simeon at kay Levi, Ako'y inyong binagabag, na pinapaging mapagtanim ninyo ako sa mga tumatahan sa lupain, sa mga Cananeo, at sa mga Pherezeo; at akong may kaunting tao, ay magpipisan sila laban sa akin, at ako'y sasaktan nila; at lilipulin ako at ang aking sangbahayan. 31 At kanilang sinabi, Aariin ba niya ang aming kapatid na parang isang patutot?
Genesis 35
1 At sinabi ng Dios kay Jacob, Tumindig ka, umahon ka sa Bethel, at tumahan ka roon; at gumawa ka roon ng isang dambana sa Dios na napakita sa iyo nang ikaw ay tumatakas mula sa harap ng iyong kapatid na si Esau. 2 Nang magkagayo'y sinabi ni Jacob sa kaniyang sangbahayan, at sa lahat niyang kasama. Ihiwalay ninyo ang mga dios ng iba na nangasa inyo, at magpakalinis kayo, at magbago kayo ng inyong mga suot: 3 At tayo'y magsitindig at magsisampa tayo sa Bethel; at gagawa ako roon ng dambana sa Dios na sumagot sa akin sa araw ng aking kahapisan, at sumaakin sa daan na aking nilakaran. 4 At kanilang ibinigay kay Jacob ang lahat ng ibang pinaka dios na nasa kamay nila, at ang mga hikaw na nasa kanilang mga tainga; at itinago ni Jacob sa ilalim ng punong encina na malapit sa Sichem. 5 At sila'y naglakbay; at ang isang malaking sindak mula sa Dios ay sumabayan na nasa mga palibot nila, at hindi nila hinabol ang mga anak ni Jacob. 6 Sa gayo'y naparoon si Jacob sa Luz, na nasa lupain ng Canaan (na siyang Bethel), siya at ang buong bayang kasama niya. 7 At siya'y nagtayo roon ng isang dambana at tinawag niya ang dakong yaon na El-beth-el; sapagka't ang Dios ay napakita sa kaniya roon, nang siya'y tumatakas sa harap ng kaniyang kapatid. 8 At namatay si Debora na yaya ni Rebeca, at nalibing sa paanan ng Bethel, sa ilalim ng encina, na ang pangalan ay tinawag na Allon-bacuth. 9 At ang Dios ay napakita uli kay Jacob, nang siya'y manggaling sa Padan-aram, at siya'y pinagpala. 10 At sinabi sa kaniya ng Dios, Ang pangalan mo'y Jacob; ang pangalan mo'y hindi na tatawagin pang Jacob kundi Israel ang itatawag sa iyo: at tinawag ang kaniyang pangalan na Israel. 11 At sinabi sa kaniya ng Dios, Ako ang Dios na Makapangyarihan sa lahat; ikaw ay lumago at dumami ka; isang bansa at isang kapisanan ng mga bansa ang magmumula sa iyo, at mga hari ay lalabas sa iyong balakang; 12 At ang lupaing ibinigay ko kay Abraham at kay Isaac, ay ibibigay ko sa iyo, at sa iyong lahi pagkamatay mo ay ibibigay ko ang lupain. 13 At ang Dios ay napailanglang mula sa tabi niya sa dakong pinakipagusapan sa kaniya. 14 At si Jacob ay nagtayo ng isang batong pinakaalaala sa dakong pinakipagusapan sa kaniya ng Dios, haliging bato: at binuhusan niya ng isang inuming handog at binuhusan niya ng langis. 15 At tinawag ni Jacob na Bethel ang dakong pinakipagusapan sa kaniya ng Dios. 16 At sila'y naglakbay mula sa Bethel; at may kalayuan pa upang dumating sa Ephrata: at nagdamdam si Raquel, at siya'y naghihirap sa panganganak. 17 At nangyari, nang siya'y naghihirap sa panganganak, na sinabi sa kaniya ng hilot, Huwag kang matakot, sapagka't magkakaroon ka ng isa pang anak na lalake. 18 At nangyari, nang nalalagot ang kaniyang hininga (sapagka't namatay siya), ay kaniyang pinanganlang Benoni: datapuwa't pinanganlan ng kaniyang ama na Benjamin. 19 At namatay si Raquel at inilibing sa daang patungo sa Ephrata (na siyang Bethlehem). 20 At nagtayo si Jacob ng isang batong pinakaalaala sa ibabaw ng kaniyang libingan: na siyang batong pinakaalaala ng libingan ni Raquel hanggang ngayon. 21 At naglakbay si Israel at iniladlad ang kaniyang tolda sa dako pa roon ng moog ng Eder. 22 At nangyari, samantalang tumatahan si Israel sa lupaing yaon, na si Ruben ay yumaon at sumiping kay Bilha, na babae ng kaniyang ama; at ito'y nabalitaan ni Israel. Labing dalawa nga ang anak na lalake ni Jacob. 23 Ang mga anak ni Lea, ay: si Ruben, na panganay ni Jacob, at si Simeon, at si Levi, at si Juda at si Issachar, at si Zabulon. 24 Ang mga anak ni Raquel, ay: si Jose at si Benjamin: 25 At ang mga anak ni Bilha, na alila ni Raquel, ay: si Dan at si Nephtali: 26 At ang mga anak ni Zilpa na alilang babae ni Lea, ay: si Gad at si Aser: ito ang mga anak ni Jacob na ipinanganak sa kaniya sa Padan-aram. 27 At naparoon si Jacob kay Isaac na kaniyang ama, sa Mamre, sa Kiriat-arba (na siyang Hebron), na doon tumahan si Abraham at si Isaac. 28 At ang mga naging araw ni Isaac ay isang daan at walong pung taon. 29 At nalagot ang hininga ni Isaac at namatay, at siya'y nalakip sa kaniyang bayan, matanda at puspos ng mga araw: at inilibing siya ng kaniyang mga anak na si Esau at si Jacob.
Genesis 36
1 Ito nga ang mga lahi ni Esau (na siyang Edom). 2 Si Esau ay nagasawa sa mga anak ng Canaan; kay Ada na anak ni Elon na Hethoh, at kay Aholibama, anak ni Ana na anak ni Zibeon na Heveo. 3 At kay Basemath na anak ni Ismael, na kapatid ni Nabaiot. 4 At ipinanganak si Eliphaz ni Ada kay Esau; at ipinanganak ni Basemath si Reuel; 5 At ipinanganak ni Aholibama si Jeus, at si Jaalam at si Cora; ito ang mga anak ni Esau, na ipinanganak sa kaniya sa lupain ng Canaan. 6 At dinala ni Esau ang kaniyang mga asawa, at ang kaniyang mga anak na lalake at babae, at ang lahat ng tao sa kaniyang bahay, at ang kaniyang hayop, at ang lahat ng kaniyang kawan, at ang lahat niyang tinatangkilik na kaniyang tinipon sa lupain ng Canaan; at napasa ibang lupaing bukod kay Jacob na kaniyang kapatid. 7 Sapagka't ang kanilang pag-aari ay totoong napakalaki para sa kanila na tumahang magkasama at ang lupain na kanilang pinaglakbayan ay hindi makaya sila, sapagka't napakarami ang kanilang hayop. 8 At tumahan si Esau sa bundok ng Seir: si Esau ay siyang Edom. 9 At ito ang mga lahi ni Esau, na ama ng mga Edomita sa bundok ng Seir: 10 Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Esau: si Eliphas, na anak ni Ada na asawa ni Esau, si Reuel na anak ni Basemath, na asawa ni Esau. 11 At ang mga anak ni Eliphaz, ay si Teman, si Omar, si Zepho, si Gatham at si Cenaz. 12 At si Timna ay babae ni Eliphaz na anak ni Esau; at ipinanganak niya kay Eliphaz si Amalec; ito ang mga anak ni Ada na asawa ni Esau. 13 At ito ang mga anak ni Reuel; si Nahat, si Zera, si Samma at si Mizza: ito ang mga anak ni Basemath na asawa ni Esau. 14 At ito ang mga anak ni Aholibama, na anak ni Ana, na anak ni Zibeon, na asawa ni Esau: at ipinanganak niya kay Esau: si Jeus at si Jaalam at si Cora. 15 Ito ang mga pangulo sa mga anak ni Esau: ang mga anak ni Eliphaz, na panganay ni Esau; ang pangulong Teman, ang pangulong Omar, ang pangulong Zepho, ang pangulong Cenaz, 16 Ang pangulong Cora, ang pangulong Gatam, ang pangulong Amalec: ito ang mga pangulong nagmula kay Eliphaz sa lupain ng Edom; ito ang mga anak ni Ada. 17 At ito ang mga anak ni Reuel na anak ni Esau; ang pangulong Nahath, ang pangulong Zera, ang pangulong Samma ang pangulong Mizza: ito ang mga pangulong nagmula kay Reuel sa lupain ng Edom; ito ang mga anak ni Basemath, na asawa ni Esau. 18 At ito ang mga anak ni Aholibama na asawa ni Esau; ang pangulong Jeus, ang pangulong Jaalam, ang pangulong Cora: ito ang mga pangulong nagmula kay Aholibama na anak ni Ana, na asawa ni Esau. 19 Ito ang mga anak ni Esau, at ito ang kanilang mga pangulo: na siyang Edom. 20 Ito ang mga anak ni Seir na Horeo, na nagsisitahan sa lupain; si Lotan at si Sobal, at si Zibeon, at si Ana, 21 At si Dison, at si Ezer, at si Disan: ito ang mga pangulong nagmula sa mga Horeo, na mga angkan ni Seir sa lupain ng Edom. 22 At ang mga anak ni Lotan, ay si Hori at si Heman; at ang kapatid na babae ni Lotan ay si Timna. 23 At ito ang mga anak ni Sobal; si Alvan, at si Manahath, at si Ebal, si Zepho, at si Onam. 24 At ito ang mga anak ni Zibeon; si Aja at si Ana: ito rin ang si Ana na nakasumpong ng maiinit na bukal sa ilang, nang pinapanginginain ang mga asno ni Zibeon na kaniyang ama. 25 At ito ang mga anak ni Ana; si Dison at si Aholibama, na anak na babae ni Ana. 26 At ito ang mga anak ni Dizon: si Hemdan, at si Eshban, at si Ithram, at si Cheran. 27 Ito ang mga anak ni Ezer: si Bilhan, at si Zaavan at si Acan. 28 Ito ang mga anak ni Disan: si Huz at si Aran. 29 Ito ang mga pangulong nagmula sa mga Horeo; ang pangulong Lotan, ang pangulong Sobal, ang pangulong Zibeon, ang pangulong Ana, 30 Ang pangulong Dison, ang pangulong Ezer, ang pangulong Disan: ito ang mga pangulong nagmula sa mga Horeo ayon sa kanilang mga pangulo, sa lupain ng Seir. 31 At ito ang mga hari na nagsipaghari sa lupain ng Edom bago maghari ang sinomang hari sa angkan ni Israel. 32 At si Bela na anak ni Beor ay naghari sa Edom; at ang pangalan ng kaniyang bayan ay Dinaba. 33 At namatay si Bela, at naghari na kahalili niya si Jobab na anak ni Zera, na taga Bozra. 34 At namatay si Jobab at naghari na kahalili niya si Husam, na taga lupain ng mga Temaneo. 35 At namatay si Husam, at naghari na kahalili niya si Adad, na anak ni Badad, na siya ring sumakit kay Midian sa parang ni Moab: at ang pangalan ng kaniyang bayan ay Avita. 36 At namatay si Adad at naghari na kahalili niya si Samla na taga Masreca. 37 At namatay si Samla at naghari na kahalili niya si Saul, na taga Rehoboth na tabi ng Ilog. 38 At namatay si Saul, at naghari na kahalili niya si Baalanan na anak ni Achbor. 39 At namatay si Baalanan na anak ni Achbor, at naghari na kahalili niya si Adar; at ang pangalan ng kaniyang bayan ay Pau; at ang pangalan ng kaniyang asawa ay Meetabel na anak ni Matred, na anak na babae ni Mezaab. 40 At ito ang mga pangalan ng mga pangulong nagmula kay Esau, ayon sa kanikaniyang angkan, ayon sa kanikaniyang dako, alinsunod sa kanikaniyang pangalan; ang pangulong Timma, ang pangulong Alva, ang pangulong Jetheth; 41 Ang pangulong Aholibama, ang pangulong Ela, ang pangulong Pinon. 42 Ang pangulong Cenaz, ang pangulong Teman, ang pangulong Mibzar. 43 Ang pangulong Magdiel, ang pangulong Hiram: ito ang mga pangulo ni Edom, ayon sa kanikaniyang tahanan sa lupain na kanilang pag-aari. Ito'y si Esau na ama ng mga Edomita.
Genesis 37
1 At tumahan si Jacob sa lupaing pinangibahang lupain ng kaniyang ama, sa lupain ng Canaan. 2 Ito ang lahi ni Jacob. Si Jose, na may labing pitong taon, ay nagpapastol ng kawan na kasama ng kaniyang mga kapatid; at siya'y batang kasamahan ng mga anak ni Bilha at ng mga anak ni Zilpa, na mga asawa ng kaniyang ama; at ibinalita ni Jose sa kanilang ama ang kasamaan nila. 3 Minamahal nga ni Israel si Jose ng higit kay sa lahat niyang anak, sapagka't siya ang anak ng kaniyang katandaan: at siya'y iginawa ng isang tunika na may sarisaring kulay. 4 At nakita ng kaniyang mga kapatid na siya'y minamahal ng kanilang ama ng higit kay sa lahat niyang kapatid; at siya'y kinapootan, at hindi nila mapagsalitaan siya ng payapa. 5 At nanaginip si Jose ng isang panaginip, at isinaysay sa kaniyang mga kapatid: at lalo pa nilang kinapootan siya. 6 At sinabi niya sa kanila. Pakinggan ninyo, ipinamamanhik ko sa inyo, itong panaginip na aking napanaginip: 7 Sapagka't, narito, tayo'y nagtatali ng mga bigkis ng trigo sa bukid, at, narito, na tumindig ang aking bigkis, at tumuwid din naman at, narito, ang inyong mga bigkis ay napasa palibot at yumukod sa aking bigkis. 8 At sa kaniya'y sinabi ng kaniyang mga kapatid, Maghahari ka ba sa amin? o papapanginoon ka sa amin? At lalo pa siyang kinapootan nila dahil sa kaniyang mga panaginip at sa kaniyang mga salita. 9 At siya'y nanaginip pa ng ibang panaginip, at isinaysay sa kaniyang mga kapatid, at sinabi, Narito, ako'y nanaginip pa ng isang panaginip; at narito, na ang araw, at ang buwan at ang labing isang bituin ay yumukod sa akin. 10 At kaniyang isinaysay sa kaniyang ama at sa kaniyang mga kapatid; at sinaway siya ng kaniyang ama, at sa kaniya'y sinabi, Anong panaginip itong iyong napanaginip? Tunay bang ako at ang iyong ina at ang iyong mga kapatid ay yuyukod sa lupa sa harap mo? 11 At ang kaniyang mga kapatid ay nainggit sa kaniya: datapuwa't iningatan ng kaniyang ama ang salita sa pagiisip. 12 At yumaon ang kaniyang mga kapatid upang magpastol ng kawan ng kanilang ama, sa Sichem. 13 At sinabi ni Israel kay Jose, Di ba nagpapastol ng kawan sa Sichem ang iyong mga kapatid? Halika, at uutusan kita sa kanila. At sinabi niya sa kaniya, Narito ako. 14 At kaniyang sinabi sa kaniya, Yumaon ka, tingnan mo kung mabuti ang lagay ng iyong mga kapatid, at kung mabuti ang lagay ng kawan; at balitaan mo ako. Gayon sinugo siya mula sa libis ng Hebron, at siya'y naparoon sa Sichem. 15 At nasumpungan siya ng isang tao, at, narito, na siya'y naggagala sa parang; at siya'y tinanong ng taong yaon, na sinasabi, Anong hinahanap mo? 16 At kaniyang sinabi, Hinahanap ko ang aking mga kapatid; ipinamamanhik ko sa iyo na sabihin mo sa akin kung saan sila nagpapastol. 17 At sinabi ng tao, Nagsialis na sila: sapagka't narinig kong kanilang sinabi, Tayo na sa Dotan. At sinundan ni Jose ang kaniyang mga kapatid, at nasumpungan niya sila sa Dotan. 18 At kanilang natanawan siya sa malayo, at bago nakalapit sa kanila ay nagbanta sila laban sa kaniya na siya'y patayin. 19 At nagsangusapan, Narito, dumarating itong mapanaginipin. 20 Halikayo ngayon, siya'y ating patayin, at siya'y ating itapon sa isa sa mga balon, at ating sasabihin, Sinakmal siya ng isang masamang hayop: at ating makikita kung anong mangyayari sa kaniyang mga panaginip. 21 At narinig ni Ruben, at iniligtas siya sa kanilang kamay; at sinabi, Huwag nating kitlin ang kaniyang buhay. 22 At sinabi ni Ruben sa kanila, Huwag kayong magbubo ng dugo; itapon ninyo sa balong ito na nasa ilang, datapuwa't huwag ninyong pagbuhatan ng kamay; upang iligtas sa kanilang kamay ng mapabalik sa kaniyang ama. 23 At nangyari, nang dumating si Jose sa kaniyang mga kapatid, na hinubdan siya ng kaniyang tunika, ng tunikang may sarisaring kulay na kaniyang suot; 24 At kanilang sinunggaban, at kanilang itinapon sa balon: at ang balon ay tuyo, walang tubig. 25 At nagsiupo upang kumain ng tinapay, at kanilang itiningin ang kanilang mga mata at tumingin sila, at, narito, ang isang pulutong na mga Ismaelita na nagsisipanggaling sa Gilead sangpu ng kanilang mga kamelyo at may dalang mga pabango, at mga balsamo, at mga mirra, na kanilang dadalhin sa Egipto. 26 At sinabi ni Juda sa kaniyang mga kapatid. Anong ating mapapakinabang kung ating patayin ang ating kapatid, at ilihim ang kaniyang dugo? 27 Halikayo, at atin siyang ipagbili sa mga Ismaelita, at huwag natin siyang pagbuhatan ng kamay; sapagka't siya'y ating kapatid, atin din laman. At dininig siya ng kaniyang mga kapatid. 28 At nagsisipagdaan ang mga mangangalakal na mga Midianita; at kanilang isinampa si Jose sa balon, at ipinagbili nila si Jose sa mga Ismaelita ng dalawang pung putol na pilak. At dinala si Jose sa Egipto. 29 At nagbalik si Ruben sa balon; at, narito, na si Jose ay wala sa balon; at kaniyang hinapak ang kaniyang mga suot. 30 At siya'y nagbalik sa kaniyang mga kapatid, at kaniyang sinabi, Wala ang bata; at ako, saan ako paroroon? 31 At kanilang kinuha ang tunika ni Jose, at sila'y pumatay ng isang lalaking kambing, at kanilang inilubog ang tunika sa dugo: 32 At kanilang ipinadala ang tunikang may sarisaring kulay, at dinala sa kanilang ama; at kanilang sinabi, Ito'y aming nasumpungan: kilalanin mo ngayon, kung tunika ng iyong anak o hindi. 33 At kaniyang kinilala, at sinabi, Siya ngang tunika ng aking anak; sinakmal siya ng isang masamang hayop; si Jose ay walang pagsalang nilapa. 34 At hinapak ni Jacob ang kaniyang mga suot, at kaniyang nilagyan ng magaspang na damit ang kaniyang mga balakang, at tinangisang maraming araw ang kaniyang anak. 35 At nagsitindig ang lahat niyang mga anak na lalake at babae upang siya'y aliwin; datapuwa't tumanggi siyang maaliw; at kaniyang sinabi, Sapagka't lulusong akong tumatangis sa aking anak hanggang sa Sheol. At tinangisan siya ng kaniyang ama. 36 At ipinagbili siya ng mga Midianita sa Egipto kay Potiphar, puno ni Faraon, na kapitan ng bantay.
Genesis 38
1 At nangyari nang panahong yaon, na humiwalay si Juda sa kaniyang mga kapatid, at nagdaan sa isang Adullamita na ang pangalan ay Hira. 2 At nakita roon ni Juda ang anak na babae ng isang Cananeo, na tinatawag na Sua; at kinuha niya at kaniyang sinipingan. 3 At naglihi, at nanganak ng lalake; at tinawag niya ang kaniyang pangalang Er. 4 At naglihi uli, at nanganak ng lalake; at tinawag niya ang kaniyang pangalang Onan. 5 At muling naglihi at nanganak ng lalake; at tinawag niya ang kaniyang pangalang Selah: at si Juda ay nasa sa Chezib nang siya'y manganak. 6 At pinapag-asawa ni Juda si Er na kaniyang panganay, at ang pangalan niyao'y Thamar. 7 At si Er, na panganay ni Juda, ay naging masama sa paningin ng Panginoon; at siya'y pinatay ng Panginoon. 8 At sinabi ni Juda kay Onan, Sumiping ka sa asawa ng iyong kapatid, at tuparin mo sa kaniya ang tungkulin ng kapatid ng asawa, at ipagbangon mo ng binhi ang iyong kapatid. 9 At nalalaman ni Onan na hindi magiging kaniya ang binhi; at nangyari, na pagka sisiping siya sa asawa ng kaniyang kapatid, ay pinatutulo niya sa lupa, nang huwag lamang niyang bigyan ng binhi ang kaniyang kapatid. 10 At ang bagay na ginawa niya ay masama sa paningin ng Panginoon, at siya'y pinatay rin naman. 11 Nang magkagayo'y sinabi ni Juda kay Thamar na kaniyang manugang na babae: Manatili kang bao sa bahay ng iyong ama, hanggang sa lumaki si Selah na aking anak: sapagka't sinabi niya, Marahil ay hindi siya mamamatay ng gaya ng kaniyang mga kapatid. At yumaon si Thamar at tumahan sa bahay ng kaniyang ama. 12 At nagdaan ang maraming araw; at namatay ang anak na babae ni Sua, na asawa ni Juda; at nagaliw si Juda, at umahon sa Timnath sa mga manggugupit sa kaniyang mga tupa, siya at ang kaniyang kaibigang si Hira na Adullamita. 13 At naibalita kay Thamar, na sinasabi, Narito, ang iyong biyanang lalake ay umaahon sa Timnath upang pagupitan ang kaniyang mga tupa. 14 At siya'y nagalis ng suot pagkabao, at nagtakip ng kaniyang lambong, at pagkapagtakip ay naupo sa pasukan ng Enaim, na nasa daan ng Timnath; sapagka't kaniyang nakikita, na si Selah ay malaki na, at hindi pa siya ibinibigay na asawa. 15 Nang makita siya ni Juda ay ipinalagay siyang patutot, sapagka't siya'y nagtakip ng kaniyang mukha. 16 At lumapit sa kaniya, sa tabi ng daan, at sinabi, Narito nga, ipinamamanhik ko sa iyo na ako'y pasipingin mo sa iyo: sapagka't hindi niya nakilalang kaniyang manugang. At kaniyang sinabi, Anong ibibigay mo sa akin sa iyong pagsiping sa akin? 17 At kaniyang sinabi, Padadalhan kita ng isang anak ng kambing na mula sa kawan. At kaniyang sinabi, Bibigyan mo ba ako ng sangla hanggang sa maipadala mo? 18 At kaniyang sinabi, Anong sangla ang ibibigay ko sa iyo? At kaniyang sinabi, Ang iyong singsing, at ang iyong pamigkis, at ang tungkod na dala mo sa kamay. At kaniyang ipinagbibigay sa kaniya, at sumiping sa kaniya; at siya'y naglihi sa pamamagitan niya. 19 At siya'y bumangon, at yumaon, at siya'y nagalis ng kaniyang lambong, at isinuot ang mga kasuutan ng kaniyang pagkabao. 20 At ipinadala ni Juda ang anak ng kambing sa pamamagitan ng kamay ng kaniyang kaibigan, na Adullamita, upang tanggapin ang sangla sa kamay ng babae: datapuwa't hindi niya nasumpungan. 21 Nang magkagayo'y kaniyang itinanong sa mga tao sa dakong yaon na sinasabi, Saan nandoon ang patutot na nasa tabi ng daan sa Enaim? At kanilang sinabi, Walang naparitong sinomang patutot. 22 At nagbalik siya kay Juda, at sinabi, Hindi ko nasumpungan: at sinabi rin naman ng mga tao sa dakong yaon, Walang naging patutot rito. 23 At sinabi ni Juda, Pabayaang ariin niya, baka tayo'y mapahiya: narito, aking ipinadala itong anak ng kambing at hindi mo siya nasumpungan. 24 At nangyari, na pagkaraan ng tatlong buwan, humigit kumulang, ay naibalita kay Juda, na sinasabi, Ang iyong manugang na si Thamar ay nagpatutot; at, narito, siya'y buntis sa pakikiapid. At sinabi ni Juda, Siya'y ilabas upang sunugin. 25 Nang siya'y ilabas, ay nagpasabi siya sa kaniyang biyanan. Sa lalaking may-ari ng mga ito, ay nagdalangtao ako: at kaniyang sinabi pang, Ipinamamanhik ko sa iyo, na kilalanin mo kung kanino ang mga ito, ang singsing, ang pamigkis, at ang tungkod. 26 At nangakilala ni Juda, at sinabi, Siya'y matuwid kay sa akin; sapagka't hindi ko ibinigay sa kaniya si Selah na aking anak. At hindi na niya muling sinipingan pa. 27 At nangyari, na sa pagdaramdam niya, na, narito, kambal ang nasa kaniyang tiyan. 28 At nangyari, nang nanganganak siya, na inilabas ng isa ang kamay: at hinawakan ng hilot at tinalian sa kamay ng isang sinulid na mapula, na sinasabi, Ito ang unang lumabas. 29 At nangyari, na pagkaurong ng kaniyang kamay, na, narito, ang kaniyang kapatid ang lumabas. At kaniyang sinabi, Bakit nagpumiglas ka? kaya't tinawag ang pangalan niyang Phares. 30 At pagkatapos ay lumabas ang kaniyang kapatid, na siyang may sinulid na mapula sa kamay: at tinawag na Zara ang kaniyang pangalan.
Genesis 39
1 At ibinaba si Jose sa Egipto; at binili siya ni Potiphar, puno ni Faraon, na kapitan ng bantay, na lalaking taga Egipto, sa kamay ng mga Ismaelita na nagdala sa kaniya roon. 2 At ang Panginoon ay suma kay Jose, at naging lalaking mapalad; at siya'y nasa bahay ng kaniyang panginoong taga Egipto. 3 At nakita ng kaniyang panginoon, na ang Panginoon ay sumasakaniya, at ang lahat ng kaniyang ginagawa ay pinagpapala ng Panginoon sa kaniyang kamay. 4 At nakasumpong si Jose ng biyaya sa kaniyang paningin, at pinaglingkuran niya siya: at sa kaniya'y ipinamahala niya ang bahay, at ang lahat niyang tinatangkilik ay isinakaniyang kamay. 5 At nangyari, na mula sa panahon na siya'y pamahalain sa kaniyang bahay, at sa lahat ng kaniyang tinatangkilik, ay pinagpala ng Panginoon ang bahay ng taga Egiptong yaon dahil kay Jose; at ang pagpapala ng Panginoon ay sumalahat ng kaniyang tinatangkilik, sa bahay at sa parang. 6 At kaniyang ipinamahala ang lahat niyang tinatangkilik sa kamay ni Jose; at hindi siya nakikialam ng anomang kaniya, liban sa tinapay na kaniyang kinakain. At si Jose ay may magandang pagmumukha at kahalihalina. 7 At nangyari, pagkatapos ng mga bagay na ito, na tinitigan si Jose ng asawa ng kaniyang panginoon at sinabi, Sipingan mo ako. 8 Datapuwa't siya'y tumanggi at sinabi niya sa asawa ng kaniyang panginoon, Narito, ang aking panginoon ay hindi nakikialam sa akin tungkol sa nasa bahay, at lahat ng kaniyang tinatangkilik ay ipinamahala sa aking kamay; 9 Walang sinomang dakila kay sa akin sa bahay na ito; walang ipinagkait sa aking anomang bagay, kung di ikaw lamang, sapagka't ikaw ay kaniyang asawa: paano ngang aking magagawa itong malaking kasamaan, at kasalanan laban sa Dios? 10 At nangyari, na nakikiusap man siya kay Jose araw-araw, ay hindi nakikinig sa kaniya na siya'y sipingan, o pakisamahan. 11 At nangyari nang panahong ito, na siya'y pumasok sa bahay upang gawin niya ang kaniyang gawain at wala sinoman sa mga tao sa bahay doon sa loob. 12 At siya'y pinigilan niya sa kaniyang suot, na sinasabi, Sipingan mo ako: at iniwan niya ang kaniyang suot sa kamay niya at tumakas, at lumabas. 13 At nangyari, na pagkakita niyang iniwan ang kaniyang suot sa kamay niya, at tumakas sa labas, 14 Na siya'y tumawag ng mga tao sa kaniyang bahay, at sinalita sa kanila, na sinasabi, Tingnan ninyo, na dinalhan niya tayo ng isang Hebreo, upang tayo'y tuyain; pinasok niya ako upang ako'y sipingan, at ako'y naghihiyaw ng malakas: 15 At nangyari nang marinig niyang ako'y nagtaas ng tinig at naghihiyaw, na iniwan ang kaniyang suot sa aking siping, at tumakas, at lumabas. 16 At kaniyang iningatan ang suot niya sa kaniyang siping, hanggang sa umuwi ang kaniyang panginoon sa kaniyang bahay. 17 At sinalita niya sa kaniya ng ayon sa mga salitang ito, na sinasabi, Pinasok ako ng aliping Hebreo na iyong dinala sa atin, upang tuyain ako: 18 At nangyari, na sapagka't nagtaas ako ng aking tinig at ako'y naghihiyaw, ay kaniyang iniwan ang suot niya sa aking siping, at tumakas sa labas. 19 At nangyari, na pagkarinig ng kaniyang panginoon ng mga salita na sinalita sa kaniya ng kaniyang asawa, na sinasabi, Ganitong paraan ang ginawa sa akin ng iyong alipin; ay nagalab ang kaniyang galit. 20 At dinala ng kaniyang panginoon si Jose, at inilagay sa bilangguan, sa dakong pinagkukulungan ng mga bilanggo ng hari: at siya'y natira roon sa bilangguan. 21 Datapuwa't ang Panginoon ay suma kay Jose, at iginawad sa kaniya ang awa, at pinagkalooban ng biyaya sa paningin ng katiwala sa bilangguan. 22 At ipinamahala ng katiwala sa bilangguan sa mga kamay ni Jose ang lahat na mga bilanggo na nasa bilangguan; at ang lahat ng ginagawa roon ay siya ang gumagawa. 23 Hindi tinitingnan ng katiwala ng bilangguan ang anomang bagay na nasa kaniyang kamay, sapagka't ang Panginoo'y suma kay Jose; at ang kaniyang ginagawa ay pinagpapala ng Panginoon.
Genesis 40
1 At nangyari, na pagkatapos ng mga bagay na ito, na ang katiwala ng saro ng hari sa Egipto at ang kaniyang magtitinapay ay nangagkasala laban sa kanilang panginoon na hari sa Egipto. 2 At naginit si Faraon laban sa kaniyang dalawang tagapamahala, sa puno ng mga katiwala ng saro at sa puno ng mga magtitinapay. 3 At pinagpipiit sa bilangguan, sa bahay ng kapitan ng bantay, sa bilangguang kinabibilangguan ni Jose. 4 At ibinigay ng kapitan ng bantay kay Jose ang pamamahala sa kanila at pinaglingkuran niya sila: at sila'y natirang kaunting panahon sa bilangguan. 5 At ang katiwala at ang magtitinapay ng hari sa Egipto na nangabibilango sa bilangguan, ay kapuwa nanaginip ng kanikaniyang panaginip sa isang gabi, na bawa't isa ayon sa paliwanag ng kanikaniyang panaginip. 6 At pinaroonan sila ni Jose sa kinaumagahan, at sila'y tiningnan, at, narito, sila'y mapanglaw. 7 At kaniyang tinanong ang mga tagapamahala ni Faraon, na mga kasama niya sa bilangguan sa bahay ng kaniyang panginoon, na sinasabi, Bakit kayo'y mapanglaw ngayon? 8 At kanilang sinabi sa kaniya, Kami ay nanaginip ng panaginip, at walang sinomang makapagpaliwanag. At sinabi sa kanila ni Jose, Hindi ba ukol sa Dios ang mga paliwanag? Isinasamo ko sa inyo, na inyong saysayin sa akin. 9 At sinaysay ng puno ng mga katiwala ng saro kay Jose ang kaniyang panaginip, at nagsabi sa kaniya, Sa aking panaginip, narito, ang isang puno ng ubas ay nasa harap ko; 10 At sa puno ng ubas, ay may tatlong sanga: at yao'y pawang sumupling, na namulaklak, at ang mga buwig niyaon, ay nangagtaglay ng mga ubas na hinog. 11 At ang saro ni Faraon ay nasa aking kamay; at kumuha ako ng mga ubas at aking pinagpipiga sa saro ni Faraon, at ibinigay ko ang saro sa kamay ni Faraon. 12 At sinabi ni Jose sa kaniya, Ito ang kapaliwanagan niyaon, ang tatlong sanga ay tatlong araw; 13 Sa loob ng tatlong araw ay ititindig ni Faraon ang iyong ulo, at isasauli ka sa iyong katungkulan: at ibibigay mo ang saro ni Faraon sa kaniyang kamay, na gaya ng karaniwang ginagawa mong dati ng ikaw ay kaniyang katiwala. 14 Datapuwa't alalahanin mo ako kung ikaw ay mapabuti na, at isinasamo ko sa iyo, na pagpakitaan mo ako ng kagandahang loob, at banggitin mo ako kay Faraon, at ako'y alisin mo sa bahay na ito: 15 Sapagka't ako'y tunay na ninakaw sa lupain ng mga Hebreo: at dito naman ay wala akong ginawang anoman, upang ako'y ilagay nila sa bilangguan. 16 Nang makita ng puno ng mga magtitinapay, na mabuti ang kapaliwanagan ay nagsabi kay Jose, Ako'y nanaginip din, at narito, tatlong bakol ng tinapay na mabuti ay nasa ibabaw ng aking ulo: 17 At sa kaibaibabawan ng bakol ay mayroon ng lahat na sarisaring pagkaing niluto para kay Faraon; at kinakain ng mga ibon sa bakol na nasa ibabaw ng aking ulo. 18 At si Jose ay sumagot, at nagsabi, Ito ang kapaliwanagan niyaon; ang tatlong bakol, ay tatlong araw; 19 Sa loob ng tatlo pang araw ay itataas ni Faraon ang iyong ulo, at ibibitin ka sa isang punong kahoy; at kakanin ng mga ibon ang iyong laman. 20 At nangyari nang ikatlong araw, na siyang kapanganakan kay Faraon, na gumawa siya ng isang piging sa lahat ng kaniyang lingkod: at itinindig niya ang ulo ng puno ng mga katiwala ng saro, at ang ulo ng puno ng mga magtitinapay. 21 At ibinalik niya ang puno ng mga katiwala ng saro sa kaniyang pagkakatiwala ng saro; at ibinigay niya ang saro sa kamay ni Faraon: 22 Datapuwa't ang puno ng mga magtitinapay, ay ibinitin sa isang puno ng kahoy: gaya ng ipinaliwanag sa kanila ni Jose. 23 Gayon ma'y hindi na naalaala si Jose ng puno ng mga katiwala ng saro, kundi nalimutan siya.
Genesis 41
1 At nangyari, sa katapusan ng dalawang taong ganap, na si Faraon ay nanaginip: at, narito, na siya'y nakatayo sa tabi ng ilog. 2 At, narito may nagsiahon sa ilog na pitong bakang magagandang anyo at matatabang laman; at nanginain sa talahiban. 3 At, narito, na ibang pitong baka, na nagsiahon sa ilog na nasa likuran nila, mga pangit na anyo, at payat; at nagsihinto roon sa tabi ng mga unang baka, sa tabi ng ilog. 4 At ang pitong bakang magagandang anyo at matataba, ay nilamon ng mga bakang pangit ang anyo at payat. Sa gayo'y nagising si Faraon. 5 At siya'y natulog at nanaginip na bilang ikalawa; at, narito may sumupling na pitong uhay na mabibintog at mabubuti, na may isa lamang tangkay. 6 At, narito, may pitong uhay na payat at tinutuyo ng hanging silanganan, na nagsitubong kasunod ng mga yaon. 7 At nilamon ng mga uhay na payat ang pitong uhay na mabibintog at malulusog. At nagising si Faraon, at, narito, isang panaginip. 8 At nangyari, sa kinaumagahan, na ang kaniyang diwa ay nagulumihanan at siya'y nagsugo at kaniyang ipinatawag ang lahat ng mago sa Egipto, at ang lahat ng pantas doon: at isinaysay ni Faraon sa kanila ang kaniyang panaginip: datapuwa't walang makapagpaliwanag kay Faraon. 9 Nang magkagayo'y nagsalita ang puno ng mga katiwala kay Faraon, na sinasabi, Naaalaala ko sa araw na ito ang aking mga sala: 10 Nguni't si Faraon laban sa kaniyang mga alila, at ibinilanggo ako sa bahay ng kapitan ng bantay, ako at ang puno ng mga magtitinapay. 11 At nanaginip kami ng panaginip sa isang gabi, ako at siya: kami ay kapuwa nanaginip ayon sa kapaliwanagan ng panaginip ng isa't isa sa amin. 12 At nandoong kasama namin ang isang binata, isang Hebreo, na alipin ng kapitan ng bantay; at siya naming pinagsaysayan, at kaniyang ipinaliwanag sa amin ang aming panaginip; ipinaliwanag niya ayon sa panaginip ng bawat isa sa amin. 13 At nangyari, na kung paano ang kaniyang pagkapaliwanag sa amin, ay nagkagayon; ako'y pinabalik sa aking katungkulan, at ipinabitin ang isa. 14 Nang magkagayo'y nagsugo si Faraon at ipinatawag si Jose, at siya'y inilabas na madalian sa bilangguan: siya'y nagahit at nagbihis ng suot, at naparoon kay Faraon. 15 At sinabi ni Faraon kay Jose, Ako'y nanaginip ng isang panaginip, at walang makapagpaliwanag: at nabalitaan kita, na pagkarinig mo ng isang panaginip ay naipaliwanag mo. 16 At sumagot si Jose kay Faraon, na sinasabi, Wala sa akin; Dios ang magbibigay ng sagot sa kapayapaan kay Faraon. 17 At sinalita ni Faraon kay Jose, Sa aking panaginip ay narito, nakatayo ako sa tabi ng ilog: 18 At, narito, may nagsiahon sa ilog na pitong bakang matatabang laman at magagandang anyo, at nanginain sa talahiban: 19 At, narito, may ibang pitong baka na nagsiahon sa likuran nila, mga payat, at napakapangit ang anyo, at payat na kailan ma'y hindi ako nakakita sa buong lupain ng Egipto ng ibang kawangis ng mga yaon sa kapangitan. 20 At kinain ng mga bakang payat at pangit, ang pitong nauunang bakang matataba: 21 At nang kanilang makain, ay hindi man lamang maalaman na sila'y kanilang nakain; kundi ang kanilang anyo ay pangit ding gaya ng una. Sa gayo'y nagising ako. 22 At nakakita ako sa aking panaginip, at, narito, pitong uhay ay tumataas sa isang tangkay, mapipintog at mabubuti. 23 At, narito, may pitong uhay na lanta, mga pipi at tinutuyo ng hanging silanganan na nagsitaas na kasunod ng mga yaon: 24 At nilamon ng mga uhay na lanta ang pitong uhay na mabubuti: at aking isinaysay sa mga mago: datapuwa't walang makapagpahayag niyaon sa akin. 25 At sinabi ni Jose kay Faraon, Ang panaginip ni Faraon ay iisa; ang gagawin ng Dios ay ipinahayag kay Faraon: 26 Ang pitong bakang mabubuti ay pitong taon; at ang pitong uhay na mabubuti ay pitong taon; ang panaginip ay iisa. 27 At ang pitong bakang payat at mga pangit, na nagsiahong kasunod ng mga yaon ay pitong taon, at gayon din ang pitong uhay na tuyo, na pinapaspas ng hanging silanganan; kapuwa magiging pitong taong kagutom. 28 Iyan ang bagay na sinalita ko kay Faraon: ang gagawin ng Dios, ipinaalam kay Faraon. 29 Narito, dumarating ang pitong taong may malaking kasaganaan sa buong lupain ng Egipto; 30 At may dadating, pagkatapos ng mga iyan, na pitong taong kagutom; at malilimutan iyang buong kasaganaan sa lupain ng Egipto; at pupuksain ng kagutom ang lupain; 31 At ang kasaganaan ay hindi malalaman sa lupain, dahil sa kagutom na sumusunod; sapagka't magiging napakahigpit. 32 At kaya't pinagibayo ang panaginip kay Faraon na makalawa, ay sapagka't bagay na itinatag ng Dios, at papangyayarihing madali ng Dios. 33 Ngayon nga'y humanap si Faraon ng isang taong matalino at pantas, at ilagay sa lupain ng Egipto. 34 Gawing ganito ni Faraon, at maglagay ng mga tagapamahala sa lupain, na paglimahing bahagi ang lupain ng Egipto sa loob ng pitong taon ng kasaganaan. 35 At kanilang tipunin ang lahat ng pagkain nitong mabubuting taon na dumarating, at magkamalig ng trigo sa kapangyarihan ng kamay ni Faraon, na pinakapagkain sa mga bayan at ingatan. 36 At ang pagkain ay kamaligin na itaan sa lupain sa pitong taong kagutom na mangyayari sa lupain ng Egipto; upang huwag mapuksa ang lupain sa kagutom. 37 At ang bagay ay minabuti ng mga mata ni Faraon, at ng mga mata ng kaniyang mga lingkod. 38 At sinabi ni Faraon sa kaniyang mga lingkod, Makakasumpong kaya tayo ng isang gaya nito, na taong kinakasihan ng espiritu ng Dios? 39 At sinabi ni Faraon kay Jose, Yamang ipinabatid sa iyo ng Dios: ang lahat ng ito, ay walang matalino o pantas na gaya mo: 40 Ikaw ay magpupuno sa aking bahay, at ayon sa iyong salita ay pamamahalaan mo ang aking buong bayan: sa luklukang hari lamang magiging mataas ako sa iyo. 41 At sinabi ni Faraon kay Jose, Tingnan mo, ikaw ay inilagay ko sa buong lupain ng Egipto. 42 At inalis ni Faraon sa kamay niya ang kaniyang tandang singsing at inilagay sa kamay ni Jose, at siya'y sinuutan ng magandang lino at nilagyan siya ng isang kuwintas na ginto sa palibot ng kaniyang leeg; 43 At siya'y pinasakay niya sa ikalawang karro na tinatangkilik ni Faraon at isinisigaw sa unahan niya. Lumuhod kayo: at inihalal siya na puno sa buong lupain ng Egipto. 44 At sinabi ni Faraon kay Jose, Ako'y si Faraon, at kung wala ka ay hindi magtataas ang sinomang tao ng kaniyang kamay o ng kaniyang paa sa buong lupain ng Egipto. 45 At pinanganlan ni Faraon si Jose na Zaphnath-paanea, at ibinigay na asawa sa kaniya si Asenath, na anak ni Potiphera, na saserdote sa On. At lumabas si Jose, sa lupain ng Egipto. 46 At si Jose ay may tatlong pung taon nang tumayo sa harap ni Faraon na hari sa Egipto. At si Jose ay umalis sa harap ni Faraon, at nilibot ang buong lupain ng Egipto. 47 At sa pitong taong sagana ay nagdulot ang lupa ng sagana. 48 At tinipon ni Jose ang lahat na pagkain sa pitong taon na tinamo sa lupain ng Egipto: at inimbak ang nangasabing pagkain sa mga bayan; na ang pagkain sa bukid na nasa palibot ng bawa't bayan ay inimbak sa bawa't kinauukulan ding bayan. 49 At si Jose ay nagkamalig ng trigo na parang buhangin sa dagat, na napakarami hanggang sa hindi nabilang; sapagka't walang bilang. 50 At bago dumating ang taong kagutom ay ipinanganak kay Jose ang dalawang lalake, na ipinanganak sa kaniya ni Asenath na anak ni Potiphera, na saserdote sa On. 51 At tinawag ni Jose ang pangalan ng panganay na Manases, sapagka't aniya'y, Ipinalimot ng Dios sa akin ang lahat ng aking kapagalan at ang buong bahay ng aking ama. 52 At ang ipinangalan sa ikalawa ay Ephraim: Sapagka't ako'y pinalago ng Dios sa lupain ng aking kadalamhatian. 53 At ang pitong taon ng kasaganaan na nagkaroon sa lupain ng Egipto ay natapos. 54 At ang pitong taon ng kagutom ay nagpasimulang dumating, ayon sa sinabi ni Jose: at nagkagutom sa lahat ng lupain; datapuwa't sa buong lupain ng Egipto ay may tinapay. 55 At nang ang buong lupain ng Egipto ay magutom, ay dumaing ng tinapay ang bayan kay Faraon: at sinabi ni Faraon sa lahat ng mga Egipcio, Pumaroon kayo kay Jose; ang kaniyang sabihin sa inyo ay inyong gawin. 56 At ang kagutom ay nasa ibabaw ng buong lupa: at binuksan ni Jose ang lahat ng kamalig at nagbili sa mga Egipcio; at lumala ang kagutom sa lupain ng Egipto. 57 At lahat ng mga taga ibang lupain ay nagsiparoon kay Jose upang magsibili ng trigo; sapagka't lumala ang kagutom sa buong lupa.
Genesis 42
1 Nabalitaan nga ni Jacob na may trigo sa Egipto, at sinabi ni Jacob sa kaniyang mga anak, Bakit kayo nangagtitinginan? 2 At kaniyang sinabi, Narito, aking narinig na may trigo sa Egipto: bumaba kayo roon, at bumili kayo roon ng sa ganang atin, upang tayo'y mabuhay at huwag mamatay. 3 At ang sangpung kapatid ni Jose ay bumaba, na bumili ng trigo sa Egipto. 4 Datapuwa't si Benjamin na kapatid ni Jose, ay hindi sinugo ni Jacob na kasama ng kaniyang mga kapatid; sapagka't aniya'y, Baka sakaling may mangyari sa kaniyang anomang kapahamakan. 5 At ang mga anak ni Israel ay nagsiparoong bumili, na kasalamuha ng nagsisiparoon: sapagka't nagkakagutom sa lupain ng Canaan. 6 At si Jose ang tagapamahala sa lupain; siya ang nagbibili ng trigo sa lahat ng mga tao sa lupain: at nagsidating ang mga kapatid ni Jose at nangagpatirapa sa kaniya, na ang kanilang mga mukha ay pasubasob. 7 At nakita ni Jose ang kaniyang mga kapatid, at kaniyang nangakilala, datapuwa't siya'y nagkunwaring iba sa kanila, at sila'y kinausap niya ng magilas; at sinabi sa kanila, Saan kayo nagsipanggaling? At sinabi nila, Sa lupain ng Canaan, upang bumili ng pagkain. 8 At nakilala ni Jose ang kaniyang mga kapatid, datapuwa't hindi nila siya nakilala. 9 At naalaala ni Jose ang mga panaginip na kaniyang napanaginip, tungkol sa kanila, at sa kanila'y sinabi, Kayo'y mga tiktik; upang tingnan ninyo ang kahubaran ng lupain kaya kayo naparito. 10 At kanilang sinabi sa kaniya, Hindi panginoon ko, kundi ang iyong mga lingkod ay nagsiparito upang bumili ng pagkain. 11 Kaming lahat ay anak ng isa lamang lalake; kami ay mga taong tapat, ang iyong mga lingkod ay hindi mga tiktik. 12 At kaniyang sinabi sa kanila, Hindi, kungdi upang tingnan ang kahubaran ng lupain kaya kayo naparito. 13 At kanilang sinabi, Kaming iyong mga lingkod ay labing dalawang magkakapatid, na mga anak ng isa lamang lalake sa lupain ng Canaan; at, narito, ang bunso ay nasa aming ama ngayon, at ang isa'y wala na. 14 At sinabi sa kanila ni Jose, Iyan ang sinasalita ko sa inyo, na aking sinasabi, Kayo'y mga tiktik; 15 Dito ko kayo susubukin: alangalang sa buhay ni Faraon ay hindi kayo aalis dito, malibang pumarito ang inyong kapatid na bunso. 16 Suguin ninyo ang isa sa inyo, na dalhin dito ang inyong kapatid, at kayo'y mangabibilanggo; upang masubok ang inyong mga salita, kung may katotohanan sa inyo: o kung hindi alangalang sa buhay ni Faraon, ay tunay na mga tiktik kayo. 17 At kaniyang inilagay silang lahat na magkakasama sa bilangguan na tatlong araw. 18 At sinabi ni Jose sa kanila sa ikatlong araw, Gawin ninyo ito at mangabuhay kayo; sapagka't natatakot ako sa Dios: 19 Kung kayo'y mga taong tapat, ay matira ang isa sa inyong magkakapatid na bilanggo sa bahay na pinagbilangguan sa inyo; datapuwa't kayo'y yumaon, magdala kayo ng trigo dahil sa kagutom sa inyong mga bahay: 20 At dalhin ninyo sa akin ang inyong kapatid na bunso; sa ganito'y matototohanan ang inyong mga salita, at hindi kayo mangamamatay. At kanilang ginawang gayon. 21 At sila'y nagsabisabihan, Katotohanang tayo'y salarin tungkol sa ating kapatid, sapagka't nakita natin ang kahapisan ng kaniyang kaluluwa, nang namamanhik sa atin, at hindi natin siya dininig; kaya't dumarating sa atin ang kahapisang ito. 22 At si Ruben ay sumagot sa kanila, na nagsasabi, Di ba nagsalita ako sa inyo, na aking sinasabi, Huwag kayong magkasala laban sa bata; at ayaw kayong makinig? kaya naman, narito, ang kaniyang dugo ay nagsasakdal. 23 At hindi nila nalalaman na sila'y pinakikinggan ni Jose; sapagka't may tagapagpaliwanag sa kanila. 24 At siya'y humiwalay sa kanila, at umiyak; at siya'y bumalik sa kanila, at sila'y kinausap at kinuha sa kanila si Simeon, at siya'y tinalian sa harap ng kanilang mga mata. 25 Nang magkagayo'y ipinagutos ni Jose na punuin ang kanilang mga bayong ng trigo, at ibalik ang salapi ng bawa't isa sa kanikaniyang bayong, at sila'y bigyan ng mababaon sa daan: at ginawa sa kanilang gayon. 26 At kanilang pinasanan ng trigo ang kanilang mga asno, at sila'y yumaon mula roon. 27 At pagbubukas ng isa ng kaniyang bayong upang bigyan ng pagkain ang kaniyang asno sa tuluyan, ay nakita niya ang kaniyang salapi; at, narito, nasa labi ng kaniyang bayong. 28 At sinabi niya sa kaniyang mga kapatid, Ang salapi ko ay nasauli; at, narito, nasa aking bayong: at kumutob ang kanilang puso; at nangagtinginan na nanganginginig, na nagsasabihan, Ano itong ginawa ng Dios sa atin? 29 At sila'y dumating kay Jacob na kanilang ama sa lupain ng Canaan, at isinaysay nila sa kaniya ang lahat na nangyari sa kanila; na sinasabi: 30 Ang lalaking panginoon sa lupaing yaon ay kinausap kami na magilas, at inari kaming mga tiktik sa lupain. 31 At aming sinabi sa kaniya, Kami ay mga taong tapat; hindi kami mga tiktik: 32 Kami ay labing dalawang magkakapatid, na mga anak ng aming ama; ang isa'y wala na, at ang bunso ay nasa aming ama ngayon sa lupain ng Canaan. 33 At sinabi sa amin ng lalaking yaon, ng panginoon sa lupain, Dito ko makikilala na kayo'y mga taong tapat: magiwan kayo sa akin ng isa sa inyong magkakapatid, at magsipagdala kayo ng trigo dahil sa kagutom sa inyong mga bahay, at kayo'y yumaon. 34 At dalhin ninyo rito sa akin ang inyong kapatid na bunso: kung gayo'y makikilala ko, na kayo'y hindi mga tiktik, kundi kayo'y mga taong tapat: sa ganito'y isasauli ko sa inyo ang inyong kapatid at kayo'y mangangalakal sa lupain. 35 At nangyari na pagaalis ng laman ng kanilang mga bayong, na, narito, sa bayong ng bawa't isa ay nakalagay ang balot ng kanikaniyang salapi: at nang makita nila at ng kanilang ama ang kanilang mga balot ng salapi, ay nangatakot. 36 At sinabi sa kanila ng kanilang amang si Jacob, Inalis na ninyo sa akin ang aking mga anak: si Jose ay wala, at si Simeon ay wala, at aalisin pa ninyo si Benjamin: lahat ng bagay na ito ay laban sa akin. 37 At nagsalita, si Ruben sa kaniyang ama, na sinasabi, Ipapatay mo ang aking dalawang anak kung siya'y hindi ko dalhin sa iyo; ibigay mo sa aking kamay, at siya'y aking ibabalik sa iyo. 38 At kaniyang sinabi, Hindi yayaon ang aking anak na kasama ninyo; sapagka't ang kaniyang kapatid ay patay na, at siya lamang ang natitira; kung mangyari sa kaniya ang anomang kapahamakan sa daan na inyong paroroonan, ay pabababain nga ninyo ang aking mga uban sa Sheol na may kapanglawan.
Genesis 43
1 At ang kagutom ay mahigpit sa lupain. 2 At nangyari, nang makain na nila ang trigong kanilang dinala mula sa Egipto, na sinabi sa kanila ng kanilang ama, Kayo'y pumaroong muli, ibili ninyo tayo ng kaunting pagkain. 3 At si Juda ay nagsalita sa kaniya, na sinasabi, Ipinahayag sa aming mahigpit ng lalaking yaon, na sinasabi, Hindi ninyo makikita ang aking mukha, maliban na ipagsama ninyo ang inyong kapatid. 4 Kung pasasamahin mo sa amin ang aming kapatid, ay bababa kami, at ibibili ka namin ng pagkain. 5 Datapuwa't kung hindi mo paparoroonin ay hindi kami bababa: sapagka't sinabi sa amin ng lalaking yaon, Hindi ninyo makikita ang aking mukha, malibang kasama ninyo ang inyong kapatid. 6 At sinabi ni Israel, Bakit ninyo ako ginawan ng masama, na inyong sinabi sa lalake na mayroon pa kayong ibang kapatid? 7 At kanilang sinabi, Tinanong kami ng buong siyasat, tungkol sa amin, at tungkol sa aming kamaganakan, na sinasabi, Buhay pa ba ang inyong ama? May iba pa ba kayong kapatid? At isinaysay namin sa kaniya ayon sa mga salitang ito: saan namin malalaman, kaniyang sasabihin, Ibababa ninyo rito ang inyong kapatid? 8 At sinabi ni Juda kay Israel na kaniyang ama. Pasamahin mo sa akin ang bata at kami ay magsisitindig at magsisiyaon; upang tayo'y mabuhay at huwag mamatay, kami, at ikaw, at gayon din ang aming mga bata. 9 Ako ang mananagot sa kaniya; sa aking kamay hahanapin mo siya; kung hindi ko ibalik sa iyo, at ilagay sa harap mo, ay pasanin ko ang sala magpakailan pa man: 10 Sapagka't kung hindi tayo nagluwat, ay nakapagbalik na kaming makalawa. 11 At sinabi sa kanila ng kanilang amang si Israel, Kung gayon, ngayo'y gawin ninyo ito: magdala kayo sa inyong bayong ng mga piling bunga ng lupain, at dalhan ninyo ang lalaking yaon ng kaloob, ng kaunting balsamo at kaunting pulot, pabango, at mirra, mga pile at almendras. 12 At magdala kayo ng ibayong halaga ng salapi sa inyong kamay; at ang salaping nabalik sa labi ng inyong mga bayong ay dalhin ninyong muli sa inyong kamay; marahil ay kalituhan: 13 Dalhin din ninyo ang inyong kapatid, at magtindig kayo at pumaroon kayong muli sa lalaking yaon. 14 At pagkalooban nawa kayo ng Dios na Makapangyarihan sa lahat ng kaawaan sa harap ng lalaking yaon, upang isauli sa inyo ang inyong isang kapatid at si Benjamin. At kung mawalan ako ng mga anak, ay mawalan ako. 15 At dinala ng mga lalake ang kaloob na yaon, at ibayong halaga ng salapi ang dinala sa kanilang kamay, at si Benjamin; at nagsipagtindig, at nagsibaba sa Egipto, at nagsiharap kay Jose. 16 At nang makita ni Jose si Benjamin na kasama nila, ay sinabi niya sa katiwala ng kaniyang bahay: Dalhin mo ang mga lalaking iyan sa bahay, at magpatay ka ng mga hayop, at ihanda mo; sapagka't ang mga lalaking iyan ay magsisipananghaling kasalo ko. 17 At ginawa ng lalake ang ayon sa iniutos sa kaniya ni Jose; at dinala ng katiwala ang mga lalaking yaon sa bahay ni Jose. 18 At ang mga lalake ay nangatakot, sapagka't sila'y dinala sa bahay ni Jose; kanilang sinabi: Dahil sa salaping isinauli sa ating mga bayong ng una, ay dinala tayo rito; upang hanapan tayo ng dahilan, at tayo'y ibagsak niya, at tayo'y ariin niyang mga alipin, at pati ng atin mga asno. 19 At sila'y nagsilapit sa katiwala ng bahay ni Jose, at kinausap nila sa pintuan ng bahay. 20 At sinabi nila, Oh panginoon ko, tunay na kami ay bumaba ng una na bumili ng pagkain: 21 At nangyari, nang dumating kami sa tuluyan, na binuksan namin ang aming mga bayong, at, narito, ang salapi ng bawa't isa sa amin ay nasa labi ng kanikaniyang bayong, ang salapi namin sa tunay na timbang: at aming muling dinala sa aming kamay. 22 At nagdala kami ng ibang salapi sa aming kamay upang ibili ng pagkain; hindi namin nalalaman kung sino ang naglagay ng aming salapi sa aming mga bayong. 23 At kaniyang sinabi, Mapayapa kayo; huwag kayong matakot, ang Dios ninyo at ang Dios ng inyong ama ang nagbigay sa inyo ng kayamanang natatago sa inyong mga bayong: tinanggap ko ang inyong salapi. At inilabas si Simeon sa kanila. 24 At dinala ng katiwala ang mga lalake sa bahay ni Jose, at sila'y binigyan ng tubig, at nangaghugas ng kanilang mga paa; at binigyan ng pagkain ang kanilang mga asno. 25 At kanilang inihanda ang kaloob sa pagdating ni Jose sa tanghali; sapagka't kanilang narinig na doon sila magsisikain ng tinapay. 26 At nang dumating si Jose sa bahay, ay dinala nila sa kaniya sa loob ng bahay, ang kaloob na nasa kanilang kamay, at sila'y nagpatirapa sa harap niya. 27 At sila'y kaniyang tinanong tungkol sa kanilang kalagayan, at sinabi, Wala bang sakit ang inyong ama, ang matanda na inyong sinalita? buhay pa ba? 28 At kanilang sinabi, Walang sakit ang iyong lingkod na aming ama, buhay pa. At sila'y nagsiyukod at nagsigalang. 29 At itiningin niya ang kaniyang mga mata, at nakita si Benjamin na kapatid niya, na anak ng kaniyang ina, at sinabi, Ito ba ang inyong kapatid na bunso, na inyong sinalita sa akin? At kaniyang sinabi, Pagpalain ka nawa ng Dios, anak ko. 30 At nagmadali si Jose; sapagka't nagniningas ang kaniyang loob dahil sa kaniyang kapatid: at humanap ng dakong maiiyakan; at pumasok sa kaniyang silid, at umiyak doon. 31 At siya'y naghilamos at lumabas; at nagpigil ng loob, at nagsabi, Maghain kayo ng tinapay. 32 At kanilang hinainan siyang bukod, at silang bukod, at ang mga Egipcio na kumakaing kasama niya ay bukod: sapagka't ang mga taga Egipcio ay hindi makakaing kasalo ng mga Hebreo; sapagka't kasuklamsuklam ito sa mga Egipcio. 33 At sila'y nagsiupo sa harap niya, ang panganay ayon sa kaniyang pagkapanganay, at ang bunso ayon sa kaniyang pagkabunso: at ang mga lalake ay nangamamangha na nagtitinginan. 34 At sila'y idinampot ni Jose sa harap niya ng mga ulam: datapuwa't ang ulam ni Benjamin ay humihigit kay sa mga bahagi ng alin man sa kanila ng makalima. At nangaginuman at nangakipagkatuwa sa kaniya.
Genesis 44
1 At kaniyang iniutos sa katiwala ng kaniyang bahay, na sinasabi, Punuin mo ng mga pagkain ang mga bayong ng mga lalaking ito, kung gaano ang kanilang madadala: at ilagay mo ang salapi ng bawa't isa sa labi ng kanikaniyang bayong. 2 At ilagay mo ang aking saro, ang sarong pilak, sa labi ng bayong ng bunso, at ang salapi ng kaniyang trigo. At ginawa niya ang ayon sa salita na sinalita ni Jose. 3 At pagliliwanag ng kinaumagahan, ay pinapagpaalam ang mga lalake, sila at ang kanilang mga asno. 4 Nang sila'y mangakalabas na sa bayan, at hindi pa sila nalalayo, ay sinabi ni Jose sa katiwala ng kaniyang bahay, Bumangon ka habulin mo ang mga lalake; at pagka sila'y iyong inabutan, ay sabihin mo sa kanila, Bakit iginanti ninyo ay kasamaan sa kabutihan? 5 Hindi ba ang sarong ito ang iniinuman ng aking panginoon, at tunay na kaniyang ipinanghuhula? Kayo'y gumawa ng masama sa paggawa ng ganiyan. 6 At kaniyang inabutan sila, at kaniyang sinalita sa kanila ang mga ito. 7 At kanilang sinabi sa kaniya, Bakit sinalita ng aking panginoon ang mga salitang ito? Huwag itulot ng Dios na gumawa ang iyong mga lingkod ng ganiyang bagay. 8 Narito, ang salapi na aming nasumpungan sa labi ng aming mga bayong ay aming isinauli sa iyo mula sa lupain ng Canaan: paano ngang kami ay magnanakaw sa bahay ng iyong panginoon ng pilak o ginto? 9 Yaong kasumpungan sa iyong mga lingkod, ay mamatay, at pati kami ay magiging alipin ng aming panginoon. 10 At kaniyang sinabi, Mangyari nga ang ayon sa inyong mga salita; yaong kasumpungan ay magiging aking alipin; at kayo'y mawawalan ng sala. 11 Nang magkagayo'y nagmadali sila, at ibinaba ng bawa't isa ang kaniyang bayong sa lupa, at binuksan ng bawa't isa ang kaniyang bayong. 12 At kaniyang sinaliksik, na pinasimulan sa panganay at niwakasan sa bunso; at nasumpungan ang saro sa bayong ni Benjamin. 13 Nang magkagayo'y kanilang hinapak ang kanilang mga suot, at pinasanan ng bawa't isa ang kaniyang asno, at nagsibalik sa bayan. 14 At si Juda at ang kaniyang mga kapatid ay dumating sa bahay ni Jose at siya'y nandoon pa, at sila'y nangagpatirapa sa lupa sa harap niya. 15 At sinabi sa kanila ni Jose, Anong gawa itong inyong ginawa? Hindi ba ninyo nalalaman na ang isang tao na gaya ko ay tunay na makahuhula? 16 At sinabi ni Juda: Anong aming sasabihin sa aming panginoon? anong aming sasalitain? o paanong kami ay magpapatotoo? Inilitaw ng Dios ang kasamaan ng iyong mga lingkod: narito, kami ay alipin ng aming panginoon, kami sampu niyaong kinasumpungan ng saro. 17 At kaniyang sinabi, Huwag nawang itulot ng Dios na ako'y gumawa ng ganiyan; ang taong kinasumpungan ng saro, ay siyang magiging aking alipin; datapuwa't tungkol sa inyo ay pumaroon kayong payapa sa inyong ama. 18 Nang magkagayo'y lumapit si Juda sa kaniya, at nagsabi, Oh panginoon ko, ipinamamanhik ko sa iyo na papagsalitain ang iyong lingkod, ng isang salita sa mga pakinig ng aking panginoon, at huwag nawang magalab ang iyong loob laban sa iyong lingkod; sapagka't ikaw ay parang si Faraon. 19 Tinanong ng aking panginoon ang kaniyang mga lingkod, na sinasabi; Kayo ba'y mayroong ama o kapatid? 20 At aming sinabi sa aking panginoon, Kami ay may ama, isang matanda, at isang anak sa kaniyang katandaan, isang munting bata at ang kaniyang kapatid ay namatay, at siya lamang ang naiwan ng kaniyang ina, at minamahal siya ng kaniyang ama. 21 At sinabi mo sa iyong mga lingkod, Dalhin ninyo rito sa akin, upang mamasdan ko siya ng aking mga mata. 22 At aming sinabi sa aking panginoon, Hindi maiiwan ng bata ang kaniyang ama: sapagka't kung iiwan niya ang kaniyang ama, ay mamamatay ang ama niya. 23 At iyong sinabi sa iyong mga lingkod, Hindi na ninyo makikita ang aking mukha, malibang inyong ipagsamang bumaba ang inyong kapatid na bunso. 24 At nangyari nang panhikin namin ang inyong lingkod na aking ama, ay aming isinaysay sa kaniya ang mga salita ng aking panginoon. 25 At sinabi ng aming ama, Pumaroon kayo uli, ibili ninyo tayo ng kaunting pagkain. 26 At aming sinabi, Hindi kami makabababa: kung ang aming bunsong kapatid ay kasama namin ay bababa nga kami: sapagka't hindi namin makikita ang mukha ng lalaking yaon, malibang ang aming bunsong kapatid ay kasama namin. 27 At sinabi ng iyong lingkod na aming ama sa amin, Inyong talastas na ang aking asawa ay nagkaanak sa akin ng dalawang lalake: 28 At ang isa'y umalis sa akin, at aking sinabi, Tunay na siya'y nalapa; at hindi ko siya nakita mula noon. 29 At kung inyong kunin pa ang isang ito sa akin, at may mangyaring sakuna sa kaniya, ay inyong ibababa ang aking uban sa Sheol na may kapanglawan. 30 Ngayon nga'y kung ako'y dumating sa iyong lingkod na aking ama, at ang bata ay hindi namin kasama; sapagka't ang kaniyang buhay ay natatali sa buhay ng batang iyan; 31 Ay mangyayari nga na pagka kaniyang nakitang ang bata ay di namin kasama, na mamamatay siya: at ibababa sa Sheol na may kapanglawan ng iyong mga lingkod ang mga uban ng iyong lingkod na aming ama. 32 Sapagka't ang iyong lingkod ang siyang nanagot sa bata sa aking ama, na nagsasabi: Kung hindi ko siya dalhin sa iyo, ay papasanin ko nga ang kasalanan sa aking ama magpakailan man. 33 Ngayon nga, ay ipahintulot mo na ang iyong lingkod, aking isinasamo sa iyo, ay maiwan na kahalili ng bata na pinakaalipin ng aking panginoon; at iyong ipahintulot na ang bata ay umahong kasama ng kaniyang mga kapatid. 34 Sapagka't paanong paroroon ako sa aking ama, at ang bata'y di ko kasama? Baka aking makita pa ang sakunang sasapit sa aking ama.
Genesis 45
1 Nang magkagayon ay hindi nakapagpigil si Jose sa harap nilang lahat na nakatayo sa siping niya; at sumigaw, Paalisin ninyo ang lahat ng tao sa aking harap. At walang taong tumayo na kasama niya samantalang si Jose ay napakikilala sa kaniyang mga kapatid. 2 At siya'y umiyak ng malakas: at narinig ng mga Egipcio, at narinig ng sangbahayan ni Faraon. 3 At sinabi ni Jose sa kaniyang mga kapatid, Ako'y si Jose; buhay pa ba ang aking ama? At ang kaniyang mga kapatid ay hindi mangakasagot sa kaniya: sapagka't sila'y nagugulumihanan sa kaniyang harap. 4 At sinabi ni Jose sa kaniyang mga kapatid, Lumapit kayo sa akin, isinasamo ko sa inyo. At sila'y lumapit. At kaniyang sinabi: Ako'y si Jose na inyong kapatid, na inyong ipinagbili upang dalhin sa Egipto. 5 At ngayo'y huwag kayong magdalamhati, o magalit man sa inyong sarili na inyo akong ipinagbili rito: sapagka't sinugo ako ng Dios sa unahan ninyo upang magadya ng buhay. 6 Sapagka't may dalawang taon nang ang kagutom ay nasa lupain; at may limang taon pang hindi magkakaroon ng pagbubukid, o pagaani man. 7 At sinugo ako ng Dios sa unahan ninyo upang papanatilihin kayong pinakalahi sa lupa, at upang iligtas kayong buhay sa pamamagitan ng dakilang pagliligtas. 8 Hindi nga kayo ang nagsugo sa akin dito, kundi ang Dios: at kaniya akong ginawang ama kay Faraon, at panginoon sa buo niyang bahay, at tagapamahala ng buong lupain ng Egipto. 9 Magmadali kayo, at pumaroon kayo sa aking ama, at sabihin ninyo sa kaniya: Ganito ang sabi ng iyong anak na si Jose: Ginawa akong panginoon ng Dios sa buong Egipto: pumarito ka sa akin, huwag kang magluwat. 10 At ikaw ay tatahan sa lupain ng Gosen, at malalapit ka sa akin, ikaw at ang iyong mga anak, at ang mga anak ng iyong mga anak, at ang iyong mga kawan, at ang iyong mga bakahan, at ang iyong buong tinatangkilik. 11 At doo'y kakandilihin kita; sapagka't may limang taong kagutom pa; baka ikaw ay madukha, ikaw at ang iyong sangbahayan, at ang lahat ng iyo. 12 At, narito, nakikita ng inyong mga mata at ng mga mata ng aking kapatid na si Benjamin, na ang aking bibig ang nagsasalita sa inyo. 13 At inyong sasaysayin sa aking ama ang aking buong kaluwalhatian sa Egipto, at ang inyong buong nakita; at kayo'y magmamadali at inyong ibababa rito ang aking ama. 14 At siya'y humilig sa leeg ng kaniyang kapatid na si Benjamin, at umiyak; at si Benjamin ay umiyak sa ibabaw ng kaniyang leeg. 15 At kaniyang hinagkan ang lahat niyang kapatid, at umiyak sa kanila: at pagkatapos ay nakipagsalitaan sa kaniya ang kaniyang mga kapatid. 16 At ang kabantugang yaon ay naibalita sa sangbahayan ni Faraon, na sinasabi, Nagsidating ang mga kapatid ni Jose: at ikinalugod ni Faraon, at ng kaniyang mga lingkod. 17 At sinabi ni Faraon kay Jose, Sabihin mo sa iyong mga kapatid, Ito'y gawin ninyo: pasanan ninyo ang inyong mga hayop, at kayo'y yumaon, umuwi sa lupain ng Canaan; 18 At dalhin ninyo ang inyong ama at ang inyong mga sangbahayan, at pumarito kayo sa akin: at aking ibibigay sa inyo ang pinakamabuti sa lupain ng Egipto, at kakanin ninyo ang katabaan ng lupain. 19 Ngayo'y inuutusan ka, ito'y gawin ninyo; kumuha kayo ng mga kariton sa lupain ng Egipto para sa inyong mga bata, at sa inyong mga asawa, at dalhin ninyo rito ang inyong ama, at kayo'y pumarito. 20 Huwag din ninyong lingapin ang inyong pag-aari; dahil sa ang buti ng buong lupain ng Egipto ay inyo. 21 At ginawang gayon ng mga anak ni Israel: at binigyan sila ni Jose ng mga kariton, ayon sa utos ni Faraon, at sila'y binigyan ng mababaon sa daan. 22 Sa kanilang lahat ay nagbigay siya ng mga pangpalit na bihisan; nguni't kay Benjamin ay nagbigay siya ng tatlong daang putol na pilak, at limang pangpalit na bihisan. 23 At sa kaniyang ama ay nagpadala siya ng ganitong paraan; sangpung asnong may pasang mabuting mga bagay sa Egipto, at sangpung asna na may pasang trigo at tinapay at pagkain ng kaniyang ama sa daan. 24 Sa ganito ay kaniyang pinapagpaalam ang kaniyang mga kapatid, at sila'y yumaon: at kaniyang sinabi sa kanila, Huwag kayong magkaaalit sa daan. 25 At sila'y sumumpa mula sa Egipto, at naparoon sa lupain ng Canaan, kay Jacob na kanilang ama. 26 At kanilang isinaysay sa kaniya, na sinasabi, Si Jose ay buhay pa, at siya'y puno sa buong lupain ng Egipto. At ang kaniyang puso ay nanglupaypay, sapagka't di niya pinaniwalaan sila. 27 At kanilang isinaysay sa kaniya ang lahat ng salita ni Jose, na kaniyang sinabi sa kanila: nang kaniyang makita ang mga karitong ipinadala ni Jose upang dalhin sa kaniya, ay nagsauli ang diwa ni Jacob na kanilang ama. 28 At sinabi ni Israel, Siya na; si Jose na aking anak ay buhay pa: ako'y paroroon at titingnan ko siya, bago ako mamatay.
Genesis 46
1 At si Israel ay naglakbay na dala ang lahat niyang tinatangkilik, at napasa Beerseba, at naghandog ng mga hain sa Dios ng kaniyang amang si Isaac. 2 At kinausap ng Dios si Israel sa mga panaginip sa gabi, at sinabi, Jacob, Jacob. At sinabi niya, Narito ako: 3 At kaniyang sinabi, Ako'y Dios, ang Dios ng iyong ama, huwag kang matakot na bumaba sa Egipto: sapagka't doo'y gagawin kitang isang dakilang bansa: 4 Ako'y bababang kasama mo sa Egipto; at tunay na iaahon kita uli, at ipapatong ni Jose ang kaniyang kamay sa iyong mga mata. 5 At bumangon si Jacob mula sa Beerseba; at dinala ng mga anak ni Israel si Jacob na kanilang ama, at ang kanilang mga bata, at ang kanilang mga asawa, sa mga kariton na ipinadala ni Faraon kay Jacob. 6 At kanilang dinala ang kanilang mga hayop, at ang kanilang mga pag-aari na kanilang inimpok sa lupain ng Canaan, at na pasa Egipto, si Jacob at ang buong binhi niya na kasama niya. 7 Ang kaniyang mga anak na lalake at babae, at ang mga anak na lalake at babae ng kaniyang mga anak na kasama niya, at ang kaniyang buong binhi ay dinala niyang kasama niya sa Egipto. 8 At ito ang mga pangalan ng mga anak ni Israel, na napasa Egipto, ni Jacob at ng kaniyang mga anak: si Ruben na anak na panganay ni Jacob. 9 At ang mga anak ni Ruben; si Hanoch, at si Phallu, at si Hezron, at si Carmi. 10 At ang mga anak ni Simeon; si Jemuel, at si Jamin, at si Ohad, at si Jachin, at si Zohar, at si Saul na anak ng isang babaing taga Canaan. 11 At ang mga anak ni Levi; si Gerson, si Coat at si Merari. 12 At ang mga anak ni Juda; si Er, at si Onan, at si Sela, at si Phares, at si Zara; nguni't si Er at si Onan ay namatay sa lupain ng Canaan. At ang mga anak ni Phares, si Hezron at si Hamul. 13 At ang mga anak ni Issachar; si Thola, at si Phua, at si Job, at si Simron. 14 At ang mga anak ni Zabulon; si Sered; at si Elon, at si Jahleel. 15 Ito ang mga anak ni Lea, na kaniyang ipinanganak kay Jacob sa Padan-aram, sangpu ng kaniyang anak na babaing si Dina: ang lahat na taong kaniyang mga anak na lalake at babae ay tatlong pu't tatlo. 16 At ang mga anak ni Gad; si Ziphion, at si Aggi, si Suni, at si Ezbon, si Heri, at si Arodi, at si Areli. 17 At ang mga anak ni Aser; si Jimna; at si Ishua, at si Isui, at si Beria, at si Sera na kanilang kapatid na babae: at ang mga anak ni Beria; si Heber, at si Malchel. 18 Ito ang mga anak ni Zilpa na siyang ibinigay ni Laban kay Lea na kaniyang anak na babae, at ang mga ito ay kaniyang ipinanganak kay Jacob, na labing anim na tao. 19 Ang mga anak ni Raquel na asawa ni Jacob; si Jose at si Benjamin. 20 At kay Jose ay ipinanganak sa lupain ng Egipto si Manases at si Ephraim, na ipinanganak sa kaniya ni Asenath, na anak ni Potiphera na saserdote sa On. 21 At ang mga anak ni Benjamin; si Bela; at si Becher, at si Asbel, si Gera, at si Naaman, si Ehi, at si Ros, si Muppim, at si Huppim, at si Ard. 22 Ito ang mga anak ni Raquel na ipinanganak kay Jacob: lahat ay labing apat. 23 At ang mga anak ni Dan; si Husim. 24 At ang mga anak ni Nephtali; si Jahzeel, at si Guni, at si Jezer, at si Shillem. 25 Ito ang mga anak ni Bilha, na siyang ibinigay ni Laban kay Raquel na kaniyang anak, at ang mga ito ang ipinanganak niya kay Jacob; lahat na tao ay pito. 26 Lahat na tao na sumama kay Jacob sa Egipto, na nagsilabas sa kaniyang mga balakang, bukod pa ang mga asawa ng mga anak ni Jacob, ang lahat na tao ay anim na pu't anim; 27 At ang mga anak ni Jose na ipinanganak sa kaniya sa Egipto, ay dalawang katao; ang lahat na tao sa sangbahayan ni Jacob, na napasa Egipto, ay pitongpu. 28 At pinapagpauna niya si Juda kay Jose, upang ituro ang daan na patungo sa Gosen; at sila'y nagsidating sa lupain ng Gosen. 29 At inihanda ni Jose ang kaniyang karro, at sumampang sinalubong si Israel na kaniyang ama sa Gosen; at siya'y humarap sa kaniya, at yumakap sa kaniyang leeg, at umiyak sa kaniyang leeg na matagal. 30 At sinabi ni Israel kay Jose, Ngayo'y mamatay na ako yamang nakita ko na ang iyong mukha, na ikaw ay buhay pa. 31 At sinabi ni Jose sa kaniyang mga kapatid, at sa sangbahayan ng kaniyang ama, Ako'y aahon, at aking sasaysayin kay Faraon, at aking sasabihin sa kaniya. Ang aking mga kapatid, at ang sangbahayan ng aking ama, na nangasa lupain ng Canaan, ay naparito sa akin; 32 At ang mga lalake ay mga pastor, sapagka't sila'y naging tagapagalaga ng hayop, at kanilang dinala ang kanilang mga kawan, at ang kanilang mga bakahan, at ang lahat nilang tinatangkilik. 33 At mangyayaring, pagka tatawagin kayo ni Faraon, at sasabihin, Ano ang inyong hanapbuhay? 34 Na inyong sasabihin, Ang iyong mga lingkod ay naging tagapagalaga ng hayop mula sa aming pagkabata hanggang ngayon, kami at ang aming mga magulang; upang kayo'y matira sa lupain ng Gosen; sapagka't bawa't pastor ay kasuklamsuklam sa mga Egipcio.
Genesis 47
1 Nang magkagayo'y pumasok si Jose at isinaysay kay Faraon, at sinabi, Ang aking ama, at ang aking mga kapatid, at ang kanilang mga kawan, at ang kanilang mga bakahan, at ang lahat nilang tinatangkilik, ay dumating na mula sa lupain ng Canaan; at, narito, sila'y nasa lupain ng Gosen. 2 At sa kaniyang mga kapatid ay nagsama siya ng limang lalake, at mga iniharap niya kay Faraon. 3 At sinabi ni Faraon sa kaniyang mga kapatid, Ano ang inyong hanapbuhay? At kanilang sinabi kay Faraon, Ang iyong mga lingkod ay mga pastor, kami at gayon din ang aming mga magulang. 4 At kanilang sinabi kay Faraon, Upang makipamayan sa bayang ito ay naparito kami; sapagka't walang makain ang mga kawan ng iyong mga lingkod; dahil sa ang kagutom ay mahigpit sa lupain ng Canaan: ngayon nga, ay isinasamo namin sa iyo, na pahintulutan mo na ang iyong mga lingkod ay tumahan sa lupain ng Gosen. 5 At sinalita ni Faraon kay Jose, na sinasabi, Ang iyong ama at ang iyong mga kapatid ay naparito sa iyo: 6 Ang lupain ng Egipto ay nasa harap mo; sa pinakamabuti sa lupain ay patirahin mo ang iyong ama at ang iyong mga kapatid; sa lupain ng Gosen patirahin mo sila: at kung may nakikilala kang mga matalinong lalake sa kanila, ay papamahalain mo sa aking hayop. 7 At ipinasok ni Jose si Jacob na kaniyang ama, at itinayo niya sa harap ni Faraon, at binasbasan ni Jacob si Faraon. 8 At sinabi ni Faraon kay Jacob, Ilan ang mga araw ng mga taon ng iyong buhay? 9 At sinabi ni Jacob kay Faraon, Ang mga araw ng mga taon ng aking pakikipamayan ay isang daan at tatlong pung taon; kaunti at masasama ang mga naging araw ng mga taon ng aking buhay, at hindi umabot sa mga araw ng mga taon ng buhay ng aking mga magulang sa mga araw ng kanilang pakikipamayan. 10 At binasbasan ni Jacob si Faraon at umalis sa harapan ni Faraon. 11 At itinatag ni Jose ang kaniyang ama, at ang kaniyang mga kapatid, at sila'y binigyan ng pag-aari sa lupain ng Egipto, sa pinakamabuti sa lupain, sa lupain ng Rameses, gaya ng iniutos ni Faraon. 12 At pinakain ni Jose ng tinapay ang kaniyang ama, at ang kaniyang mga kapatid, at ang buong sangbahayan ng kaniyang ama, ayon sa kanikaniyang sangbahayan. 13 At walang tinapay sa buong lupain; sapagka't ang kagutom ay totoong malala, na ano pa't ang lupain ng Egipto, at ang lupain ng Canaan ay nanglulupaypay dahil sa kagutom. 14 At tinipon ni Jose ang lahat ng salapi na nasumpungan sa lupain ng Egipto, at sa lupain ng Canaan, dahil sa trigong kanilang binibili: at ipinasok ni Jose ang salapi sa bahay ni Faraon. 15 At nang ang salapi ay maubos na lahat sa lupain ng Egipto, at sa lupain ng Canaan, ay naparoon kay Jose ang lahat ng mga Egipcio, at nagsabi; Bigyan mo kami ng tinapay: sapagka't bakit kami mamamatay sa iyong harap? dahil sa ang aming salapi ay naubos. 16 At sinabi ni Jose, Ibigay ninyo ang inyong mga hayop; at bibigyan ko kayo dahil sa inyong mga hayop; kung naubos na ang salapi. 17 At kanilang dinala ang kanilang mga hayop kay Jose, at binigyan sila ni Jose ng tinapay na pinakapalit sa mga kabayo, at sa mga kawan, at sa mga bakahan, at sa mga asno; at kaniyang pinakain sila ng tinapay na pinakapalit sa kanilang lahat na hayop sa taong yaon. 18 At nang matapos ang taong yaon ay naparoon sila sa kaniya ng ikalawang taon, at kanilang sinabi sa kaniya: Hindi namin ililihim sa aming panginoon, na kung paanong ang aming salapi ay naubos, at ang mga kawan ng hayop ay sa aking panginoon; wala nang naiiwan sa paningin ng aking panginoon kundi ang aming katawan at ang aming mga lupa. 19 Bakit nga kami mamamatay sa harap ng iyong mga mata, kami at ang aming lupa? bilhin mo ng tinapay kami at ang aming lupa at kami at ang aming lupa ay paaalipin kay Faraon: at bigyan mo kami ng binhi, upang kami ay mabuhay, at huwag mamatay, at ang lupa ay huwag masira. 20 Sa ganito'y binili ni Jose ang buong lupain ng Egipto para kay Faraon; sapagka't ipinagbili ng bawa't isa sa mga Egipcio ang kaniyang bukid, dahil sa ang kagutom ay totoong mahigpit sa kanila: at ang lupain ay naging kay Faraon. 21 At tungkol sa mga tao ay kanilang ibinago sila sa mga bayan mula sa isang dulo ng hanganan ng Egipto hanggang sa kabilang dulo, 22 Ang lupa lamang ng mga saserdote ang hindi niya nabili: sapagka't ang mga saserdote'y may bahagi kay Faraon, at kanilang kinakain ang kanilang bahagi na ibinibigay sa kanila ni Faraon; kaya hindi nila ipinagbili ang kanilang lupa. 23 Nang magkagayo'y sinabi ni Jose sa bayan: Narito, aking binili kayo ng araw na ito, at ang inyong lupa'y para kay Faraon: narito, ito ang ipangbibinhi ninyo, at inyong hahasikan ang lupa. 24 At mangyayari sa pag-aani ay inyong ibibigay ang ikalimang bahagi kay Faraon, at ang apat na bahagi ay sa inyo, sa binhi sa bukid at sa inyong pagkain, at sa inyong mga kasangbahay, at pinakapagkain sa inyong mga bata. 25 At kanilang sinabi, Iyong iniligtas ang aming buhay: makasumpong nawa kami ng biyaya sa paningin ng aking panginoon, at kami ay maging mga alipin ni Faraon. 26 At ginawang kautusan ni Jose sa lupain ng Egipto sa araw na ito, na mapapasa kay Faraon ang ikalimang bahagi, liban lamang ang lupa ng mga saserdote na hindi naging kay Faraon. 27 At si Israel ay tumahan sa lupain ng Egipto, sa lupain ng Gosen; at sila'y nagkaroon ng mga pag-aari roon, at pawang sagana at totoong dumami. 28 At si Jacob ay tumira sa lupain ng Egipto na labing pitong taon; kaya't ang mga araw ni Jacob, ang mga taon ng kaniyang buhay, ay isang daan at apat na pu't pitong taon. 29 At ang panahon ay lumalapit na dapat nang mamatay si Israel: at kaniyang tinawag ang kaniyang anak na si Jose, at sinabi niya sa kaniya, Kung ngayo'y nakasumpong ako ng biyaya sa iyong paningin, ay ilagay mo, isinasamo ko sa iyo, ang iyong kamay sa ilalim ng aking hita, at pagpakitaan mo ako ng kaawaan at katotohanan; isinasamo ko sa iyong huwag mo akong ilibing sa Egipto: 30 Kundi pagtulog kong kasama ng aking mga magulang ay dadalhin mo ako mula sa Egipto, at ililibing mo ako sa kanilang libingan. At kaniyang sinabi, Aking gagawin ang gaya ng iyong sabi. 31 At kaniyang sinabi, Sumumpa ka sa akin: at sumumpa siya sa kaniya. At yumukod si Israel sa ulunan ng higaan.
Genesis 48
1 At nangyari, pagkatapos ng mga bagay na ito, na sinabi ng isa kay Jose, Narito, ang iyong ama ay may sakit: at kaniyang ipinagsama ang kaniyang dalawang anak, si Manases at si Ephraim. 2 At may nagsaysay kay Jacob, at nagsabi, Narito, pinaparituhan ka ng anak mong si Jose: at si Israel ay nagpakalakas at umupo sa higaan. 3 At sinabi ni Jacob kay Jose, Ang Dios na Makapangyarihan sa lahat ay napakita sa akin sa Luz sa lupain ng Canaan, at binasbasan ako. 4 At sinabi sa akin, Narito, palalaguin kita, at pararamihin kita, at gagawin kitang isang kapisanan ng mga bayan; at aking ibibigay ang lupaing ito sa iyong lahi pagkamatay mo, na pinakaari magpakailan man. 5 At ang iyo ngang dalawang anak na ipinanganak sa iyo sa lupain ng Egipto bago ako naparito sa iyo sa Egipto, ay akin; si Ephraim at si Manases, gaya ni Ruben at ni Simeon ay magiging akin. 6 At ang iyong mga anak, na iyong mga naging anak na sumunod sa kanila ay magiging iyo; sila'y tatawagin ayon sa pangalan ng kanilang mga kapatid sa kanilang mana. 7 At tungkol sa akin, nang ako'y dumating mula sa Padan, si Raquel ay namatay sa akin sa lupain ng Canaan sa daan, nang kulang pa ng kaunti upang dumating sa Ephrata: at aking inilibing siya roon sa daan ng Ephrata (na siya ring Bethlehem). 8 At nakita ni Israel ang mga anak ni Jose, at sinabi, Sino sino ito? 9 At sinabi ni Jose sa kaniyang ama, Sila'y aking mga anak, na silang mga ibinigay ng Dios sa akin dito. At kaniyang sinabi, Isinasamo ko sa iyo, na iyong dalhin sila rito sa akin, at sila'y aking babasbasan. 10 Ang mga mata nga ni Israel ay malabo na dahil sa katandaan, na ano pa't hindi na siya makakita. At kaniyang inilapit sila sa kaniya; at sila'y kaniyang hinagkan, at niyakap. 11 At sinabi ni Israel kay Jose, Hindi ko akalaing makita ang iyong mukha: at, narito, ipinakita sa akin ng Dios pati ng iyong binhi. 12 At sila'y pinagkuha ni Jose sa pagitan ng kaniyang mga tuhod; at siya'y nagpatirapa sa lupa. 13 At kapuwa dinala ni Jose, si Ephraim sa kaniyang kanang kamay, sa dakong kaliwang kamay ni Israel, at si Manases sa kaniyang kaliwang kamay, sa dakong kanang kamay ni Israel, at inilapit niya sa kaniya. 14 At iniunat ni Israel ang kaniyang kanang kamay, at ipinatong sa ulo ni Ephraim, na siyang bunso, at ang kaniyang kaliwang kamay ay sa ulo ni Manases, na pinapatnubayang sadya ang kaniyang mga kamay; sapagka't si Manases ang panganay. 15 At kaniyang binasbasan si Jose, at sinabi, Ang Dios na sa harap niya ay lumakad ang aking mga magulang na si Abraham at si Isaac, ang Dios na nagpakain sa akin sa buong buhay ko hanggang sa araw na ito, 16 Ang anghel na tumubos sa akin sa buong kasamaan, ay siya nawang magpala sa mga batang ito; at tawagin nawa sila sa aking pangalan, at sa pangalan ng aking mga magulang na si Abraham at si Isaac; at magsidami nawa silang totoo sa ibabaw ng lupa. 17 At nang makita ni Jose na ipinatong ng kaniyang ama ang kaniyang kanang kamay sa ulo ni Ephraim, ay minasama niya; at itinaas niya ang kamay ng kaniyang ama, upang ilipat sa ulo ni Manases mula sa ulo ni Ephraim. 18 At sinabi ni Jose sa kaniyang ama, Hindi ganyan, ama ko: sapagka't ito ang panganay; ipatong mo ang iyong kanang kamay sa kaniyang ulo. 19 At tumanggi ang kaniyang ama, at sinabi, Talastas ko, anak ko, talastas ko; siya man ay magiging isang bayan, at siya man ay magiging dakila: gayon ma'y ang kaniyang kapatid na bata ay magiging lalong dakila kay sa kaniya, at ang kaniyang binhi ay magiging isang makapal na bansa. 20 At kaniyang binasbasan sila ng araw na yaon, na sinasabi Sa iyo magbabasbas ang Israel, na magsasabi, Gawin ka nawa ng Dios na gaya ni Ephraim at gaya ni Manases, at kaniyang ipinagpauna si Ephraim bago si Manases. 21 At sinabi ni Israel kay Jose, Narito, ako'y namamatay: nguni't ang Dios ay sasainyo, at dadalhin kayo uli sa lupain ng inyong mga magulang. 22 Bukod dito'y binigyan kita ng isang bahaging higit kay sa iyong mga kapatid, na aking kinuha ng aking tabak at ng aking busog sa kamay ng Amorrheo.
Genesis 49
1 At tinawag ni Jacob ang kaniyang mga anak, at sinabi, Magpipisan kayo, upang maisaysay ko sa inyo ang mangyayari sa inyo sa mga huling araw. 2 Magpipisan kayo at kayo'y makinig, kayong mga anak ni Jacob; At inyong pakinggan si Israel na inyong ama. 3 Ruben, ikaw ang aking panganay, ang aking kapangyarihan, at siyang pasimula ng aking kalakasan; Siyang kasakdalan ng kamahalan, at siyang kasakdalan ng kapangyarihan. 4 Kumukulong parang tubig na umaawas, hindi ka magtataglay ng kasakdalan, Sapagka't, sumampa ka sa higaan ng iyong ama: Hinamak mo nga; sumampa sa aking higaan. 5 Si Simeon at si Levi ay magkapatid; Mga almas na marahas ang kanilang mga tabak. 6 Oh kaluluwa ko, huwag kang pumasok sa kanilang payo; Sa kanilang kapisanan, ay huwag kang makiisa, kaluwalhatian ko; Sapagka't sa kanilang galit ay pumatay ng tao: At sa kanilang sariling kalooban ay pumutol ng hita ng baka. 7 Sumpain ang kanilang galit, sapagka't mabangis; At ang kanilang pagiinit, sapagka't mabagsik. Aking babahagihin sila sa Jacob. At aking pangangalatin sila sa Israel. 8 Juda, ikaw ay pupurihin ng iyong mga kapatid: Ang iyong kamay ay magpapahinga sa leeg ng iyong mga kaaway: Ang mga anak ng iyong ama ay yuyukod sa harap mo. 9 Si Juda'y isang anak ng leon, Mula sa panghuhuli, anak ko umahon ka: Siya'y yumuko, siya'y lumugmok na parang leon; At parang isang leong babae; sinong gigising sa kaniya? 10 Ang setro ay hindi mahihiwalay sa Juda, Ni ang tungkod ng pagkapuno sa pagitan ng kaniyang mga paa, Hanggang sa ang Shiloh ay dumating; At sa kaniya tatalima ang mga bansa. 11 Naitatali ang kaniyang batang asno sa puno ng ubas. At ang guya ng kaniyang asno sa puno ng piling ubas; Nilabhan niya ang kaniyang suot sa alak, At ang kaniyang damit sa katas ng ubas. 12 Ang kaniyang mga mata ay mamumula sa alak, At ang kaniyang mga ngipin ay mamumuti sa gatas. 13 Si Zabulon ay tatahan sa daongan ng dagat: At siya'y magiging daongan ng mga sasakyan; At ang kaniyang hangganan ay magiging hanggang Sidon. 14 Si Issachar ay isang malakas na asno, Na lumulugmok sa gitna ng mga tupahan: 15 At nakakita siya ng dakong pahingahang mabuti, At ng lupang kaayaaya; At kaniyang iniyukod ang kaniyang balikat upang pumasan, At naging aliping mangaatag. 16 Si Dan ay hahatol sa kaniyang bayan, Gaya ng isa sa angkan ni Israel. 17 Si Dan ay magiging ahas sa daan, At ulupong sa landas, Na nangangagat ng mga sakong ng kabayo, Na ano pa't nahuhulog sa likuran ang sakay niyaon. 18 Aking hinintay ang iyong pagliligtas, Oh Panginoon. 19 Si Gad, ay hahabulin ng isang pulutong: Nguni't siya ang hahabol sa kanila. 20 Hinggil kay Aser, ay lulusog ang tinapay niya, At gagawa ng masasarap na pagkain. 21 Si Nephtali ay isang usang babaing kawala: Siya'y nagbabadya ng maririkit na pananalita. 22 Si Jose ay sangang mabunga, Sangang mabunga na nasa tabi ng bukal; Ang kaniyang mga sanga'y gumagapang sa pader. 23 Pinamanglaw siya ng mga mamamana, At pinana siya, at inusig siya: 24 Nguni't ang kaniyang busog ay nanahan sa kalakasan, At pinalakas ang mga bisig ng kaniyang mga kamay, Sa pamamagitan ng mga kamay ng Makapangyarihan ni Jacob, (Na siyang pinagmulan ng pastor, ang bato ng Israel), 25 Sa pamamagitan nga ng Dios ng iyong ama, na siyang tutulong sa iyo, At sa pamamagitan ng Makapangyarihan sa lahat, na siyang magpapala sa iyo, Ng pagpapala ng langit sa itaas, Pagpapala ng mga kalaliman na nalalagay sa ibaba, Pagpapala ng mga dibdib at ng bahay-bata. 26 Ang mga basbas ng iyong ama na humigit sa basbas ng aking mga kanunuan Hanggang sa wakas ng mga burol na walang hanggan: Mangapapasa ulo ni Jose, At sa tuktok ng ulo niya na bukod tangi sa kaniyang mga kapatid. 27 Si Benjamin ay isang lobo na mangaagaw: Sa kinaumagaha'y kaniyang kakanin ang huli, At sa kinahapunan ay kaniyang babahagihin ang samsam. 28 Ang lahat ng ito ang labing dalawang angkan ng Israel: at ito ang sinalita ng ama nila sa kanila, at sila'y binasbasan; bawa't isa'y binasbasan ng ayon sa basbas sa kanikaniya, 29 At kaniyang ipinagbilin sa kanila, at sinabi sa kanila: Ako'y malalakip sa aking bayan: ilibing ninyo ako sa kasamahan ng aking mga magulang sa yungib na nasa parang ni Ephron na Hetheo, 30 Sa yungib na nasa parang ng Machpela, na nasa tapat ng Mamre, sa lupain ng Canaan, na binili ni Abraham, na kalakip ng parang kay Ephron na Hetheo, na pinakaaring libingan: 31 Na doon nila inilibing si Abraham at si Sara na kaniyang asawa; na doon nila inilibing si Isaac at si Rebeca na kaniyang asawa; at doon ko inilibing si Lea: 32 Sa parang at sa yungib na nandoon na binili sa mga anak ni Heth. 33 At nang matapos si Jacob na makapagbilin sa kaniyang mga anak, ay kaniyang itinaas at itinikom ang kaniyang mga paa sa higaan, at nalagot ang hininga, at nalakip sa kaniyang bayan.
Genesis 50
1 At yumakap si Jose sa mukha ng kaniyang ama, at umiyak sa ibabaw niya, at hinalikan niya siya. 2 At iniutos ni Jose sa kaniyang mga lingkod na manggagamot, na embalsamahin ang kaniyang ama: at inembalsama ng mga manggagamot si Israel. 3 At apat na pung araw ang ginanap sa kaniya; sapagka't gayon ginaganap ang mga araw ng pagembalsama; at tinangisan siya ng mga Egipcio ng pitong pung araw. 4 At nang makaraan ang mga araw ng pagiyak sa kaniya ay nagsalita si Jose sa sangbahayan ni Faraon, na sinasabi, Kung ngayo'y nakasumpong ako ng biyaya sa inyong mga mata ay salitain ninyo, isinasamo ko sa inyo, sa mga pakinig ni Faraon, na inyong sabihin, 5 Pinanumpa ako ng ama ko, na sinasabi, Narito, ako'y namamatay: sa libingan na aking hinukay sa akin sa lupain ng Canaan, ay doon mo ako ililibing. Ngayon nga'y pahintulutan ninyo akong umahon, isinasamo ko sa inyo, at aking ilibing ang aking ama, at babalik uli ako. 6 At sinabi ni Faraon, Umahon ka, at ilibing mo ang iyong ama, ayon sa kaniyang ipinasumpa sa iyo. 7 At umahon si Jose upang ilibing ang kaniyang ama: at kasama niyang umahon ang lahat ng lingkod ni Faraon, ang mga matanda sa kaniyang sangbahayan, at ang lahat na matanda sa lupain ng Egipto; 8 At ang buong sangbahayan ni Jose, at ang kaniyang mga kapatid, at ang sangbahayan ng kaniyang ama: ang kanila lamang mga bata, at ang kanilang mga kawan, at ang kanilang bakahan, ang iniwan nila sa lupain ng Gosen. 9 At umahong kasama niya ang mga karro at mga nangangabayo: at yao'y naging totoong malaking pulutong. 10 At sila'y dumating sa giikan ni Atad, na nasa dako pa roon ng Jordan, at doo'y nanaghoy sila ng malakas at kapaitpait na panaghoy: at kaniyang pinanangisan ang kaniyang ama na pitong araw. 11 At nang makita ng mga nananahan sa lupaing yaon, ng mga Cananeo, ang panaghoy sa giikan ni Atad, ay kanilang sinabi, Ito'y isang kahambalhambal na panaghoy ng mga Egipcio kaya't ang pangalang itinawag ay Abel-mizraim, nasa dako pa roon ng Jordan. 12 At ginawa sa kaniya ng kaniyang mga anak ang ayon sa iniutos sa kanila. 13 Sapagka't dinala siya ng kaniyang mga anak sa lupain ng Canaan, at inilibing siya sa yungib ng Machpela, na binili ni Abraham sangpu ng parang na pinakaaring libingan, kay Ephron na Hetheo, sa tapat ng Mamre. 14 At bumalik si Jose sa Egipto, siya, at ang kaniyang mga kapatid, at ang lahat na umahong kasama niya sa paglilibing sa kaniyang ama, pagkatapos na mailibing ang kaniyang ama. 15 At nang makita ng mga kapatid ni Jose, na ang kanilang ama'y namatay, ay kanilang sinabi, Marahil si Jose ay mapopoot sa atin, at lubos na gagantihin sa atin ang buong kasamaan na ating ginawa sa kaniya. 16 At ipinasabi nila kay Jose, Iniutos ng iyong ama bago namatay, na sinasabi, 17 Ganito sasabihin ninyo kay Jose. Ipatawad mo, isinasamo ko sa iyo ngayon, ang pagsalangsang ng iyong mga kapatid, at ang kanilang kasalanan; at ngayon, ay aming isinasamo sa iyo, na ipatawad mo ang mga pagsalangsang ng mga lingkod ng Dios ng iyong ama. At si Jose ay umiyak ng kanilang salitain sa kaniya. 18 At naparoon ang kaniyang mga kapatid naman at nagpatirapa sa harap niya; at kanilang sinabi, Narito, kaming iyong mga lingkod. 19 At sinabi ni Jose sa kanila, Huwag kayong matakot, sapagka't nasa kalagayan ba ako ng Dios? 20 At tungkol sa inyo ay inyong ipinalagay na kasamaan laban sa akin; nguni't ipinalagay ng Dios na kabutihan upang mangyari ang gaya sa araw na ito, na iligtas ang buhay ng maraming tao. 21 Kaya nga huwag kayong matakot: aking pakakanin kayo at ang inyong mga bata. At kaniyang inaliw sila at kaniyang pinagsalitaan sila na may kagandahang loob. 22 At si Jose ay tumahan sa Egipto, siya at ang sangbahayan ng kaniyang ama: at si Jose ay nabuhay na isang daan at sangpung taon. 23 At nakita ni Jose ang mga anak ni Ephraim hanggang sa ikatlong salin ng lahi; ang mga anak man ni Machir na anak ni Manases ay ipinanganak sa mga tuhod ni Jose. 24 At sinabi ni Jose sa kaniyang mga kapatid: Ako'y namamatay: nguni't tunay na dadalawin kayo ng Dios, at dadalhin kayo mula sa lupaing ito hanggang sa lupain na kaniyang isinumpa kay Abraham, kay Isaac at kay Jacob. 25 At ipinasumpa ni Jose sa mga anak ni Israel, na sinasabi, Tunay na dadalawin kayo ng Dios, at inyong iaahon ang aking mga buto mula rito. 26 Sa gayo'y namatay si Jose na may isang daan at sangpung taon: at kanilang inembalsama siya, at siya'y inilagay sa isang kabaong sa Egipto.
Exodo 1
1 Ito nga ang mga pangalan ng mga anak ni Israel, na nagsipasok sa Egipto: (bawa't lalake at ang kani-kaniyang sangbahayan ay sumama kay Jacob.) 2 Si Ruben, si Simeon, si Levi, at si Juda; 3 Si Issachar, si Zabulon at si Benjamin; 4 Si Dan at si Nephtali, si Gad at si Aser. 5 At lahat ng tao na lumabas sa balakang ni Jacob ay pitong pung tao: at si Jose ay nasa Egipto na. 6 At namatay si Jose, at ang lahat niyang kapatid at ang buong lahing yaon. 7 At ang mga anak ni Israel ay lumago, at kumapal na maigi at dumami, at naging totoong makapangyarihan; at ang lupain ay napuno nila. 8 May bumangon ngang isang bagong hari sa Egipto, na hindi kilala si Jose. 9 At sinabi niya sa kaniyang bayan, Narito, ang bayan ng mga anak ni Israel ay higit at lalong malakas kay sa atin: 10 Hayo't tayo'y magpakadunong sa kanila; baka sila'y dumami, at mangyari, na, pagka nagkadigma, ay makisanib pati sila sa ating mga kaaway, at lumaban sa atin, at magsilayas sa lupain. 11 Kaya't nangaglagay sila ng mga tagapagpaatag, upang dalamhatiin sila sa atang sa kanila. At kanilang ipinagtayo si Faraon ng mga bayan na kamaligan, na dili iba't ang Phithom at Raamses. 12 Datapuwa't habang dinadalamhati nila sila, ay lalong dumadami at lalong kumakapal. At kinapootan nila ang mga anak ni Israel. 13 At pinapaglingkod na may kabagsikan ng mga Egipcio ang mga anak ni Israel: 14 At kanilang pinapamuhay sila ng masaklap sa pamamagitan ng mahirap na paglilingkod, sa argamasa at sa laryo, at sa lahat ng sarisaring paglilingkod sa bukid, at sa lahat ng paglilingkod nila na ipinapaglingkod sa kanila, na may kabagsikan. 15 At ang hari sa Egipto ay nagsalita sa mga hilot na Hebrea, na ang pangalan ng isa ay Siphra, at ang pangalan ng isa ay Phua: 16 At kaniyang sinabi, Paghilot ninyo sa mga babaing Hebrea, at pagtingin ninyo sa kanila sa dakong panganganakan; kung lalake, ay papatayin nga ninyo: datapuwa't kung babae ay inyong bubuhayin. 17 Datapuwa't ang mga hilot ay nangatakot sa Dios at hindi ginawa ang gaya ng iniutos sa kanila ng hari sa Egipto, kundi iniligtas na buhay ang mga batang lalake. 18 At ipinatawag ng hari sa Egipto ang mga hilot, at sinabi sa kanila, Bakit ninyo ginawa ang bagay na ito, at inyong iniligtas na buhay ang mga batang lalake? 19 At sinabi ng mga hilot kay Faraon, Sapagka't ang mga babaing Hebrea ay hindi gaya ng mga babaing Egipcia; sapagka't sila'y maliliksi, at nakapanganak na, bago dumating ang hilot sa kanila. 20 At ang Dios ay gumawa ng mabuti sa mga hilot: at ang bayan ay kumapal, at naging totoong makapangyarihan. 21 At nangyari, na sapagka't ang mga hilot ay natakot sa Dios, ay iginawa niya sila ng mga sangbahayan. 22 At iniutos ni Faraon sa kaniyang buong bayan, na sinasabi, Itatapon ninyo sa ilog bawa't lalake na ipanganak, at bawa't babae ay ililigtas ninyong buhay.
Exodo 2
1 At isang lalake sa lipi ni Levi ay yumaon, at nagasawa sa isang anak na babae ng lipi ni Levi. 2 At ang babae ay naglihi, at nanganak ng isang lalake: at nang kaniyang makita na maganda, ay kaniyang itinagong tatlong buwan. 3 At nang hindi na niya maitatagong malaon ay ikinuha niya ng isang takbang yantok, at pinahiran niya ng betun at ng sahing; at kaniyang isinilid ang bata roon, at inilagay sa katalahiban sa tabi ng ilog. 4 At tumayo sa malayo ang kaniyang kapatid na babae, upang maalaman ang mangyayari sa bata. 5 At ang anak na babae ni Faraon ay lumusong upang maligo sa ilog; at nagsipaglakad ang kaniyang mga abay sa tabi ng ilog; at kaniyang nakita ang takba sa katalahiban, at ipinakuha sa kaniyang abay. 6 At kaniyang binuksan, at nakita niya ang bata: at narito, ang sanggol ay umiyak. At kaniyang kinaawaan at sinabi, Ito'y isa sa mga anak ng mga Hebreo. 7 Nang magkagayo'y sinabi ng kaniyang kapatid na babae sa anak ni Faraon, Yayaon ba ako at itatawag kita ng isang sisiwa sa mga babaing Hebrea, na makapagalaga sa iyo ng batang ito? 8 At sinabi sa kaniya ng anak ni Faraon, Yumaon ka. At ang dalaga ay yumaon, at tinawag ang ina ng bata. 9 At sinabi ng anak ni Faraon, sa kaniya, Dalhin mo ang batang ito, at alagaan mo sa akin, at bibigyan kita ng iyong kaupahan. At kinuha ng babae ang bata, at inalagaan. 10 At ang bata ay lumaki, at kaniyang dinala sa anak ni Faraon, at siya'y kaniyang inaring anak. At kaniyang pinanganlang Moises, at sinabi, Sapagka't aking sinagip siya sa tubig. 11 At nangyari nang mga araw na yaon, ng malaki na si Moises, na kaniyang nilabas ang kaniyang mga kapatid, at minasdan ang atang sa kanila: at kaniyang nakita ang isang Egipcio, na nananakit ng isang Hebreo, na isa sa kaniyang mga kapatid. 12 At siya'y nagmasid sa magkabikabilang dako, at nang siya'y walang makitang tao, ay kaniyang pinatay ang Egipcio at kaniyang tinabunan sa buhanginan. 13 At siya'y lumabas ng ikalawang araw, at, narito, na may dalawang lalaking Hebreo, na nagbababag: at kaniyang sinabi roon sa umaapi, Bakit mo sinasaktan ang iyong kasama? 14 At sinabi niya, Sinong naglagay sa iyong pangulo at hukom sa amin? Iniisip mo bang patayin ako, na gaya ng pagpatay mo sa Egipcio? At natakot si Moises, at nagsabi, Tunay na ang bagay na yaon ay nahayag. 15 Nang mabalitaan nga ni Faraon ang bagay na ito, ay minithi niyang patayin si Moises. Datapuwa't si Moises ay tumakas sa harapan ni Faraon, at tumahan sa lupain ng Madian: at siya'y umupo sa tabi ng isang balon. 16 Ang saserdote nga sa Madian ay may pitong anak na babae: at sila'y naparoon at umigib ng tubig, at kanilang pinuno ang mga inuman upang painumin ang kawan ng kanilang ama. 17 At ang mga pastor ay dumating, at sila'y pinalayas: datapuwa't si Moises ay tumayo, at sila'y tinulungan, at pinainom ang kanilang kawan. 18 At nang sila'y dumating kay Raquel na kanilang ama, ay sinabi niya, Bakit kayo tumindig na madali ngayon? 19 At kanilang sinabi, Ipinagsanggalang kami ng isang Egipcio sa kamay ng mga pastor, at saka iniigib pa niya kami ng tubig, at pinainom ang kawan. 20 At kaniyang sinabi sa mga anak niya, At saan naroon siya? bakit ninyo iniwan ang lalaking yaon? tawagin ninyo siya upang makakain ng tinapay. 21 At si Moises ay natuwa na makisuno sa lalaking yaon: at kaniyang pinapag-asawa kay Moises si Zephora na kaniyang anak. 22 At nanganak ng isang lalake, at kaniyang pinanganlan ng Gersom; sapagka't kaniyang sinabi, Ako'y nakipamayan sa ibang bayan. 23 At nangyari pagkaraan ng maraming araw na ang hari sa Egipto ay namatay; at ang mga anak ni Israel ay nagbuntong hininga dahil sa pagkaalipin, at sila'y dumaing at ang kanilang daing ay umabot sa Dios dahil sa pagkaalipin. 24 At dininig ng Dios ang kanilang hibik, at naalaala ng Dios ang kaniyang tipan kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, 25 At nilingap ng Dios ang mga anak ni Israel, at sila'y kinilala ng Dios.
Exodo 3
1 Inalagaan nga ni Moises ang kawan ni Jethro na kaniyang biyanan, na saserdote sa Madian: at kaniyang pinatnubayan ang kawan sa likuran ng ilang, at napasa bundok ng Dios, sa Horeb. 2 At ang anghel ng Panginoon ay napakita sa kaniya, sa isang ningas ng apoy na mula sa gitna ng isang mababang punong kahoy; at siya'y nagmasid, at, narito, ang kahoy ay nagniningas sa apoy, at ang kahoy ay hindi natutupok. 3 At sinabi ni Moises, Ako'y liliko ngayon, at titingnan ko itong dakilang panoorin, kung bakit ang kahoy ay hindi natutupok. 4 At nang makita ng Panginoon na panonoorin niya, ay tinawag siya ng Dios mula sa gitna ng mababang punong kahoy, at sinabi, Moises, Moises. At kaniyang sinabi, Narito ako. 5 At sinabi, Huwag kang lumapit dito, hubarin mo ang iyong panyapak sa iyong mga paa, sapagka't ang dakong iyong kinatatayuan ay banal na lupa. 6 Bukod dito ay sinabi, Ako ang Dios ng iyong ama ang Dios ni Abraham, ang Dios ni Isaac, at ang Dios ni Jacob. At si Moises nga ay nagtakip ng kaniyang mukha; sapagka't siya'y natakot na tumingin sa Dios. 7 At sinabi ng Panginoon, Akin ngang nakita ang kadalamhatian ng aking bayan na nasa Egipto, at aking dininig ang kanilang daing dahil sa mga tagapagpaatag sa kanila; sapagka't talastas ko ang kanilang kapanglawan. 8 At ako'y bumaba upang iligtas sila sa kamay ng mga Egipcio at upang sila'y isampa sa isang mabuting lupain at malawak, mula sa lupaing yaon, sa isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot sa dako ng Cananeo, at ng Hetheo, at ng Amorrheo, at ng Pherezeo, at ng Heveo at ng Jebuseo. 9 At ngayon narito, ang daing ng mga anak ni Israel ay umabot sa akin; saka aking nakita ang kapighatian na ipinipighati sa kanila ng mga Egipcio. 10 Halika nga ngayon, at ikaw ay aking susuguin kay Faraon, upang iyong ilabas sa Egipto ang aking bayan na mga anak ni Israel. 11 At sinabi ni Moises sa Dios, Sino ako, upang pumaroon kay Faraon, at upang ilabas sa Egipto ang mga anak ni Israel? 12 At kaniyang sinabi, Tunay na ako'y sasaiyo; at ito'y magiging tanda sa iyo, na ikaw ay aking sinugo: pagka iyong nailabas na sa Egipto ang bayan ay maglilingkod kayo sa Dios sa bundok na ito. 13 At sinabi ni Moises sa Dios, Narito, pagdating ko sa mga anak ni Israel, at sasabihin ko sa kanila, Sinugo ako sa inyo ng Dios ng inyong mga magulang; at sasabihin nila sa akin: Ano ang kaniyang pangalan? anong sasabihin ko sa kanila? 14 At sinabi ng Dios kay Moises, AKO YAONG AKO NGA; at kaniyang sinabi, Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, Sinugo ako sa inyo ni AKO NGA. 15 At sinabi pa ng Dios kay Moises, Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, Sinugo ako sa inyo ng Panginoon, ng Dios ng inyong mga magulang, ng Dios ni Abraham, ng Dios ni Isaac, at ng Dios ni Jacob: ito ang aking pangalan magpakailan man, at ito ang aking pinakaalaala sa lahat ng mga lahi. 16 Yumaon ka at tipunin mo ang mga matanda sa Israel, at sabihin mo sa kanila, Ang Panginoon, ang Dios ng inyong mga magulang, ang Dios ni Abraham, ni Isaac, at ni Jacob; ay napakita sa akin, na nagsasabi, tunay na kayo'y aking dinalaw, at aking nakita ang ginagawa sa inyo sa Egipto. 17 At aking sinabi, Aking aalisin kayo sa kapighatian sa Egipto at dadalhin ko kayo, sa lupain ng Cananeo, at ng Hetheo, at ng Amorrheo, at ng Pherezeo, at ng Heveo, at ng Jebuseo, sa isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot. 18 At kanilang didinggin ang iyong tinig: at ikaw ay paroroon, ikaw at ang mga matanda sa Israel, sa hari sa Egipto, at inyong sasabihin sa kaniya, Ang Panginoon, ang Dios ng mga Hebreo, ay nakipagtagpo sa amin: at ngayo'y pahintulutan mo kami na maglakbay, na tatlong araw sa ilang, upang kami ay makapaghain sa Panginoon naming Dios. 19 At talastas ko, na hindi kayo pababayaang yumaon ng hari sa Egipto, kung hindi sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay. 20 At aking iuunat ang aking kamay, at sasaktan ko ang Egipto ng aking buong kababalaghan na aking gagawin sa gitna niyaon at pagkatapos niyaon ay pahihintulutan niya kayong yumaon. 21 At pagkakalooban ko ang bayang ito ng biyaya sa paningin ng mga Egipcio: ay mangyayari, na pagyaon ninyo, ay hindi kayo yayaong walang dala: 22 Kundi bawa't babae ay hihingi sa kaniyang kapuwa, at sa tumatahan sa kaniyang bahay, ng mga hiyas na pilak, at mga hiyas na ginto at mga damit: at inyong ipagsusuot sa inyong mga anak na lalake at babae; at inyong sasamsaman ang mga Egipcio.
Exodo 4
1 At si Moises ay sumagot at nagsabi, Datapuwa't, narito, hindi nila paniniwalaan ako, ni didinggin ang aking tinig sapagka't kanilang sasabihin, Ang Panginoon ay hindi napakita sa iyo. 2 At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Ano iyang nasa iyong kamay? At kaniyang sinabi, Isang tungkod. 3 At kaniyang sinabi, Ihagis mo sa lupa. At kaniyang inihagis sa lupa, at naging isang ahas; at si Moises ay tumakas sa harap ng ahas. 4 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Iunat mo ang iyong kamay, at sunggaban mo sa buntot: (at kaniyang iniunat ang kaniyang kamay, at kaniyang hinawakan, at naging isang tungkod sa kaniyang kamay). 5 Upang sila'y maniwala, na ang Dios ng iyong mga magulang, ang Dios ni Abraham, ang Dios ni Isaac, at ang Dios ni Jacob ay napakita sa iyo. 6 At sinabi pa sa kaniya ng Panginoon, Ipasok mo ang iyong kamay, sa iyong sinapupunan. At kaniyang ipinasok ang kamay niya sa kaniyang sinapupunan: at nang kaniyang ilabas, ay narito, ang kaniyang kamay ay may ketong, na maputing parang niebe. 7 At kaniyang sinabi, Ipasok mo uli ang iyong kamay sa iyong sinapupunan. (At kaniyang ipinasok uli ang kamay niya sa kaniyang sinapupunan, at nang kaniyang ilabas sa kaniyang sinapupunan, ay narito, nagsauling gaya ng kaniyang dating laman). 8 At mangyayari, na kung sila'y hindi maniniwala sa iyo, ni makikinig sa tinig ng unang tanda, ay kanilang paniniwalaan ang tinig ng huling tanda. 9 At mangyayari na kung sila'y hindi maniniwala sa dalawang tandang ito, ni hindi makikinig sa iyong tinig, ay kukuha ka ng tubig sa ilog, at iyong ibubuhos sa tuyong lupa, at ang tubig na iyong kukunin sa ilog ay magiging dugo sa tuyong lupa. 10 At sinabi ni Moises sa Panginoon, Oh Panginoon, ako'y hindi marikit mangusap, kahit ng panahong nakaraan, kahit mula ng magsalita ka sa iyong lingkod: sapagka't ako'y kimi sa pangungusap at umid sa dila. 11 At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Sinong gumawa ng bibig ng tao? o sinong gumawa ng pipi, o bingi, o may paningin, o bulag sa tao? Hindi ba akong Panginoon? 12 Ngayon nga'y yumaon ka, at ako'y sasaiyong bibig, at ituturo ko sa iyo kung ano ang iyong sasalitain. 13 At kaniyang sinabi, Oh Panginoon, magsugo ka, isinasamo ko sa iyo, sa pamamagitan ng kamay niyaong iyong susuguin. 14 At ang galit ng Panginoon ay nagningas laban kay Moises, at kaniyang sinabi, Wala ba si Aarong kapatid mo na Levita? Nalalaman kong siya'y makapagsasalitang mabuti. At saka, narito, siya'y lumalabas upang salubungin ka; at pagkakita niya sa iyo, ay matutuwa sa kaniyang puso. 15 At ikaw ay magsasalita sa kaniya, at iyong isasabibig niya ang mga salita; at ako'y sasaiyong bibig at sasakaniyang bibig, at aking ituturo sa inyo, kung ano ang inyong gagawin. 16 At siya ang makikipagusap sa lagay mo sa bayan: at mangyayari na siya'y magiging sa iyo'y bibig, at ikaw ay magiging sa kaniya'y parang Dios. 17 At tatangnan mo sa iyong kamay ang tungkod na ito, na iyong ipaggagawa ng mga tanda. 18 At si Moises ay yumaon, at bumalik kay Jethro na kaniyang biyanan, at nagsabi sa kaniya, Pahintulutan mo akong yumaon, isinasamo ko sa iyo, at bumalik sa aking mga kapatid na nasa Egipto, at titingnan ko, kung sila'y nabubuhay pa. At sinabi ni Jethro kay Moises, Yumaon kang payapa. 19 At sinabi ng Panginoon kay Moises sa Madian, Yumaon ka, bumalik ka sa Egipto: sapagka't namatay na ang lahat ng tao, na nagmimithi ng iyong buhay. 20 At ipinagsama ni Moises ang kaniyang asawa at ang kaniyang mga anak, at kaniyang ipinagsasakay sa isang asno, at siya'y bumalik sa lupain ng Egipto: at tinangnan ni Moises ang tungkod ng Dios sa kaniyang kamay. 21 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Pagkabalik mo sa Egipto, iyong gawin nga sa harap ni Faraon ang lahat ng kababalaghan na aking itiniwala sa iyong kamay: datapuwa't aking papagmamatigasin ang kaniyang puso, at hindi niya tutulutang yumaon ang bayan. 22 At iyong sasabihin kay Faraon, Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang Israel ay aking anak, aking panganay: 23 At aking sinabi sa iyo, Pahintulutan mong ang aking anak ay yumaon, upang siya'y makapaglingkod sa akin; at ayaw mo siyang payaunin, narito, aking papatayin ang iyong anak, ang iyong panganay. 24 At nangyari sa daan, sa dakong panuluyanan, na sinalubong ng Panginoon siya, at pinagsikapang patayin siya. 25 Nang magkagayo'y sumunggab si Sephora ng isang batong matalim, at pinutol ang balat ng masama ng kaniyang anak, at inihagis sa kaniyang paanan; at kaniyang sinabi, Tunay na ikaw sa akin ay isang asawang mabagsik. 26 Sa gayo'y kaniyang binitiwan siya. Nang magkagayo'y kaniyang sinabi, Isang asawa kang mabagsik, dahil sa pagtutuli. 27 At sinabi ng Panginoon kay Aaron, Pumaroon ka sa ilang na salubungin mo si Moises. At siya'y pumaroon, at nasalubong niya sa bundok ng Dios, at kaniyang hinagkan. 28 At isinaysay ni Moises kay Aaron ang lahat ng salita ng Panginoon, na ipinagbilin sa kaniyang sabihin, at ang lahat ng tandang ipinagbilin sa kaniyang gawin. 29 At si Moises at si Aaron ay naparoon at tinipon ang lahat ng matanda sa mga anak ni Israel: 30 At sinalita ni Aaron ang lahat ng salita na sinalita ng Panginoon kay Moises, at ginawa ang mga tanda sa paningin ng bayan. 31 At ang bayan ay naniwala: at nang kanilang marinig na dinalaw ng Panginoon ang mga anak ni Israel, at kaniyang nakita ang kanilang kapighatian, ay iniyukod nga nila ang kanilang mga ulo at sumamba.
Exodo 5
1 At pagkatapos nito, si Moises at si Aaron ay nagsipasok, at sinabi kay Faraon, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Bayaan mong ang aking bayan ay yumaon upang ipagdiwang nila ako ng isang kapistahan sa ilang. 2 At sinabi ni Faraon, Sino ang Panginoon na aking pakikinggan ang kaniyang tinig, upang pahintulutan kong yumaon ang Israel? Hindi ko nakikilala ang Panginoon at saka hindi ko pahihintulutang yumaon ang Israel. 3 At kanilang sinabi, Ang Dios ng mga Hebreo ay nakipagtagpo sa amin; pahintulutan mo nga kaming maglakbay na tatlong araw sa ilang, at maghain sa Panginoon naming Dios, baka hulugan niya kami ng salot o ng tabak. 4 At sinabi sa kanila ng hari sa Egipto, Bakit kinakalagan ninyo, Moises at Aaron, ang bayan sa kanilang mga gawain? pumaroon kayo sa mga atang sa inyo. 5 At sinabi ni Faraon, Narito, ang mga tao sa lupain ay marami na ngayon, at inyong pinapagpapahinga sila sa mga atang sa kanila. 6 At ng araw ring yaon ay nagutos si Faraon sa mga tagapagpaatag sa bayan at sa kanilang mga puno, na sinasabi, 7 Huwag na ninyong bibigyan ang bayan, ng dayami sa paggawa ng laryo, na gaya ng dati: sila ang pumaroon at magtipon ng dayami sa ganang kanilang sarili. 8 At ang bilang ng mga laryo, na kanilang ginagawang dati ay siya rin ninyong iaatang sa kanila; wala kayong babawasin: sapagka't sila'y mga pagayongayon; kaya't sila'y dumadaing, na nagsasabi, Bayaan mo kaming yumaon at maghain sa aming Dios. 9 Pabigatin ninyo ang gawain ng mga lalake upang kanilang pagpagalan at huwag nilang pakitunguhan ang mga kabulaanang salita. 10 At ang mga tagapagpaatag sa bayan, ay nagsilabas, at kanilang sinalita sa bayan, na sinasabi, Ganito ang sabi ni Faraon, Hindi ko kayo bibigyan ng dayami. 11 Yumaon kayo ng inyong sarili, kumuha kayo ng dayami kung saan kayo makakakuha: sapagka't walang babawasin kaunti man sa inyong gawain. 12 Kaya't ang bayan ay nangalat sa buong lupain ng Egipto, na humahanap ng pinagputulan ng trigo na panghalili sa dayami. 13 At hinihigpitan sila ng mga tagapagpaatag, na sinasabi, Tapusin ninyo ang inyong mga gawa, ang inyong gawain sa araw-araw, na gaya nang mayroong kayong dayami. 14 At ang mga pinuno sa mga anak ni Israel na ipinaglalagay sa kanila ng mga tagapagpaatag ni Faraon, ay nangapalo, at sa kanila'y sinabi, Bakit hindi ninyo tinapos ang inyong gawain kahapon at ngayon, sa paggawa ng laryo, na gaya ng dati? 15 Nang magkagayo'y ang mga pinuno sa mga anak ni Israel ay naparoon at dumaing kay Faraon, na nagsasabi, Bakit mo ginaganyan ang iyong mga alipin? 16 Walang anomang dayami, na ibinibigay sa iyong mga alipin, at kanilang sinasabi sa amin, Gumawa kayo ng laryo: at, narito, ang iyong mga alipin ay nangapapalo; nguni't ang sala'y nasa iyong sariling bayan. 17 Datapuwa't kaniyang sinabi, Kayo'y mga pagayongayon, kayo'y mga pagayongayon: kaya't inyong sinasabi, Bayaan mo kaming yumaon at maghain sa Panginoon. 18 Kayo nga'y yumaon ngayon at gumawa; sapagka't walang anomang dayaming ibibigay sa inyo, at gayon ma'y inyong ibibigay ang bilang ng mga laryo. 19 At nakita ng mga pinuno ng mga anak ni Israel, na sila'y nasa masamang kalagayan, nang sabihin, Walang mababawas na anoman sa inyong mga laryo sa inyong gawain sa araw-araw. 20 At kanilang nasalubong si Moises at si Aaron na nagsitayo sa daan, pagkapanggaling kay Faraon: 21 At sinabi nila sa kanila, Kayo nawa'y tunghan ng Panginoon, at hatulan; sapagka't ang aming katayuan ay ginawa mong nakamumuhi sa mga mata ni Faraon, at sa mga mata ng kaniyang mga lingkod, na naglagay ng tabak sa kanilang kamay upang kami ay patayin. 22 At si Moises ay bumalik sa Panginoon, at nagsabi, Panginoon, bakit mo ginawan ng kasamaan ang bayang ito? bakit mo sinugo ako? 23 Sapagka't mula nang ako'y pumaroon kay Faraon na magsalita sa iyong pangalan, ay kaniyang ginawan ng kasamaan ang bayang ito: at ni hindi mo man iniligtas ang iyong bayan.
Exodo 6
1 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ngayo'y iyong makikita kung ano ang gagawin ko kay Faraon, sapagka't sa pamamagitan ng isang malakas na kamay ay payayaunin niya sila, at sa pamamagitan ng isang malakas na kamay ay palalayasin niya sila sa kaniyang lupain. 2 At ang Dios ay nagsalita kay Moises, at nagsabi sa kaniya, Ako'y si Jehova. 3 At ako'y napakita kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob na Dios na Makapangyarihan sa lahat; nguni't sa pamamagitan ng aking pangalang Jehova, noon ay hindi ako napakilala sa kanila. 4 At akin ding pinapagtibay ang aking tipan sa kanila na ibibigay ko sa kanila ang lupain ng Canaan, ang lupain ng kanilang pakikipamayan, na kanilang pinakipamayanan. 5 At bukod dito'y aking narinig ang hibik ng mga anak ni Israel na mga binibinbin ng mga Egipcio sa pagkaalipin; at aking naalaala ang aking tipan. 6 Kaya't sabihin mo sa mga anak ni Israel, Ako'y si Jehova at aking ilalabas kayo sa ilalim ng mga atang sa mga Egipcio, at aking hahanguin kayo sa pagkaalipin sa kanila, at aking tutubusin kayo na may unat na kamay at may mga dakilang kahatulan: 7 At kayo'y aking aariin na pinakabayan ko at ako'y magiging sa inyo'y Dios, at inyong makikilala na ako'y si Jehova ninyong Dios, na naglalabas sa inyo sa ilalim ng mga atang sa mga Egipcio. 8 At aking dadalhin kayo sa lupain, na siyang pinagtaasan ko ng aking kamay na aking ibibigay kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob; at aking ibibigay sa inyo na pinakamana: ako'y si Jehova. 9 At sinalitang gayon ni Moises sa mga anak ni Israel; datapuwa't hindi sila nakinig kay Moises, dahil sa yamot, at dahil sa mabagsik na pagkaalipin. 10 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi, 11 Pumasok ka, salitain mo kay Faraon na hari sa Egipto, na kaniyang pahintulutang umalis sa lupain niya ang mga anak ni Israel. 12 At si Moises ay nagsalita sa harap ng Panginoon, na sinasabi, Narito ang mga anak ni Israel ay hindi nakinig sa akin; paano ngang si Faraon ay makikinig sa akin, na ako'y may mga labing di tuli? 13 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises at kay Aaron, at pinagbilinan sila hinggil sa mga anak ni Israel, at kay Faraon, na hari sa Egipto, upang ilabas ang mga anak ni Israel sa lupain ng Egipto. 14 Ito ang mga pangulo sa mga angkan ng kanilang mga magulang; ang mga anak ni Ruben na panganay ni Israel; si Hanoch, at si Phallu, at si Hezron, at si Carmi: ito ang mga angkan ni Ruben. 15 At ang mga anak ni Simeon; si Jemuel, at si Jamin, at si Ohad, at si Jachin, at si Zoar, at si Saul na anak sa isang babaing taga Canaan: ito ang mga angkan ni Simeon. 16 At ito ang mga pangalan ng mga anak ni Levi ayon sa kanilang lahi; si Gerson, at si Coath, at si Merari; at ang mga naging taon ng buhay ni Levi ay isang daan at tatlong pu't pitong taon. 17 Ang mga anak ni Gerson; si Libni at si Shimi, ayon sa kanikanilang angkan. 18 At ang mga anak ni Coath; si Amram, at si Izhar, at si Hebron, at si Uzziel; at ang mga naging taon ng buhay ni Coath ay isang daan at tatlong pu't tatlong taon. 19 At ang mga anak ni Merari; si Mahali at si Musi. Ito ang mga angkan ng mga Levita ayon sa kanilang lahi. 20 At nagasawa si Amram kay Jochebed na kapatid na babae ng kaniyang ama, at ipinanganak nito sa kaniya si Aaron at si Moises: at ang mga naging taon ng buhay ni Amram ay isang daan at tatlong pu't pitong taon. 21 At ang mga anak ni Izhar; si Cora, at si Nepheg, at si Zithri. 22 At ang mga anak ni Uzziel; si Misael, at si Elzaphan, at si Zithri. 23 At nagasawa si Aaron kay Elisabeth, na anak ni Aminadab, na kapatid ni Naason; at ipinanganak nito sa kaniya si Nadab at si Abiu, si Eleazar at si Ithamar. 24 At ang mga anak ni Cora; si Assir, at si Elcana, at si Abiasaph; ito ang mga angkan ng mga Corita. 25 At si Eleazar na anak ni Aaron, ay nagasawa sa isa sa mga anak ni Phutiel; at ipinanganak niya si Phinees. Ito ang mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang ng mga Levita ayon sa kanilang mga angkan. 26 Ito'y yaong si Aaron at si Moises, na siyang pinagsabihan ng Panginoon. Ilabas ninyo ang mga anak ni Israel sa lupaing Egipto ayon sa kanilang mga hukbo. 27 Ito ang mga nagsalita kay Faraon na hari sa Egipto, upang ilabas ang mga anak ni Israel sa Egipto: ang mga ito'y si Moises at si Aaron. 28 At nangyari ng araw na magsalita ang Panginoon kay Moises sa lupain ng Egipto, 29 Na sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, Ako nga ang Panginoon; salitain mo kay Faraon na hari sa Egipto, ang lahat ng aking sinasalita sa iyo. 30 At sinabi ni Moises sa harap ng Panginoon, Narito ako'y may mga labing di tuli, at paanong si Faraon ay makikinig sa akin?
Exodo 7
1 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Tingnan mo, ginawa kitang dios kay Faraon: at si Aaron na iyong kapatid ay magiging iyong propeta. 2 Iyong sasalitaing lahat ang aking iniuutos sa iyo: at sasalitain kay Faraon ni Aaron na iyong kapatid upang kaniyang pahintulutan ang mga anak ni Israel ay lumabas sa kaniyang lupain. 3 At aking papagmamatigasin ang puso ni Faraon, at aking pararamihin ang aking mga tanda at ang aking mga kababalaghan sa lupain ng Egipto. 4 Nguni't si Faraon ay hindi makikinig sa inyo, at aking ipapatong sa Egipto ang aking kamay at ilalabas ko ang aking mga hukbo, ang aking bayan, na mga anak ni Israel, sa lupaing Egipto sa pamamagitan ng mga dakilang kahatulan. 5 At malalaman ng mga taga Egipto na ako ang Panginoon, pagka iniunat ko sa Egipto ang aking kamay, at pagka inilabas ko ang mga anak ni Israel sa gitna nila. 6 At ginawang gayon ni Moises at ni Aaron: kung paanong iniutos ng Panginoon sa kanila, ay gayon ginawa nila. 7 At si Moises ay may walong pung taon gulang, at si Aaron ay may walong pu't tatlong taong gulang nang sila'y magsalita kay Faraon. 8 At nagsalita ang Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi, 9 Pagsasalita ni Faraon sa inyo, na sasabihin, Magpakita kayo ng isang kababalaghan sa ganang inyo; ay iyo ngang sasabihin kay Aaron: Kunin mo ang iyong tungkod, at ihagis mo sa harap ni Faraon, na magiging isang ahas. 10 At si Moises at si Aaron ay naparoon kay Faraon, at kanilang ginawang gayon gaya ng iniutos ng Panginoon, at inihagis ni Aaron ang kaniyang tungkod sa harap ni Faraon at sa harap ng kaniyang mga lingkod at naging ahas. 11 Nang magkagayo'y tinawag naman ni Faraon ang mga marunong at ang mga manghuhula, at sila naman na mga mahiko sa Egipto, ay gumawa sa gayon ding paraan ng kanilang mga pag-enkanto. 12 Sapagka't inihagis ng bawa't isa ang kanikaniyang tungkod, at nangaging ahas: nguni't nilamon ng tungkod ni Aaron ang mga tungkod nila. 13 At ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at hindi niya dininig sila; gaya ng sinalita ng Panginoon. 14 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ang puso ni Farao'y nagmatigas, ayaw niyang paalisin ang bayan. 15 Pumaroon ka kay Faraon kinaumagahan; narito, siya'y pasasa tubig; at ikaw ay tatayo sa tabi ng ilog upang matagpuan mo siya; at ang tungkod na naging ahas ay iyong tatangnan sa iyong kamay. 16 At iyong sasabihin sa kaniya, Sinugo ako sa iyo ng Panginoon, ng Dios ng mga Hebreo, na sinasabi, Pahintulutan mong ang aking bayan ay yumaon, upang sila'y makapaglingkod sa akin sa ilang at, narito, hanggang ngayo'y hindi mo dininig. 17 Ganito ang sabi ng Panginoon, Dito mo makikilala, na ako ang Panginoon: narito, aking papaluin ng tungkod, na nasa aking kamay, ang tubig, na nasa ilog at magiging dugo. 18 At ang mga isda, na nasa ilog ay mamamatay, at ang ilog ay babaho; at ang mga Egipcio ay masusuklam na uminom ng tubig sa ilog. 19 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Sabihin mo kay Aaron, Kunin mo ang iyong tungkod, at iunat mo ang iyong kamay sa tubig sa Egipto, sa kanilang mga ilog, sa kanilang mga bangbang, at sa kanilang mga lawa at sa lahat nilang tipunan ng tubig, upang mga maging dugo; at magkakadugo sa buong lupain ng Egipto, maging sa mga sisidlang kahoy at maging sa mga sisidlang bato. 20 At ginawang gayon ni Moises at ni Aaron, gaya ng iniutos ng Panginoon; at kaniyang itinaas ang tungkod, at pinalo ang tubig, na nasa ilog, sa paningin ni Faraon, at sa paningin ng kaniyang mga lingkod; at ang lahat ng tubig, na nasa ilog ay naging dugo. 21 At ang isda, na nasa tubig ay namatay; at ang ilog ay bumaho at ang mga Egipcio ay hindi makainom ng tubig sa ilog; at nagkadugo sa buong lupain ng Egipto. 22 At ang mga mahiko sa Egipto ay gumawa ng gayon din, sa pamamagitan ng kanilang mga enkanto; at ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at hindi niya dininig sila; gaya ng sinalita ng Panginoon. 23 At si Faraon ay pumihit at umuwi sa kaniyang bahay, na hindi man lamang nabagbag ang kaniyang puso. 24 At lahat ng mga Egipcio ay humukay sa palibot ng ilog, upang makasumpong ng tubig na mainom; sapagka't sila'y hindi makainom ng tubig sa ilog. 25 At naganap ang pitong araw, pagkatapos na masalot ng Panginoon ang ilog.
Exodo 8
1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, Pasukin mo si Faraon at sabihin mo sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Tulutan mong yumaon ang aking bayan, upang ako'y mapaglingkuran nila. 2 At kung ayaw mo silang payaunin, ay narito, aking sasalutin ng mga palaka ang inyong buong lupain: 3 At ang ilog ay mapupuno ng mga palaka, na magsisiahon at magsisipasok sa iyong bahay, at sa iyong tulugan, at sa iyong higaan, at sa bahay ng iyong mga lingkod, at sa iyong bayan, at sa iyong mga hurno, at sa iyong mga masa ng tinapay. 4 At kapuwa aakyatin ng mga palaka ikaw at ang iyong bayan, at lahat ng iyong mga lingkod. 5 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Sabihin mo kay Aaron, Iunat mo ang iyong kamay pati ng iyong tungkod sa mga ilog, sa mga bangbang, at sa mga lawa, at magpaahon ka ng mga palaka sa lupain ng Egipto. 6 At iniunat ni Aaron ang kaniyang kamay sa tubig sa Egipto; at ang mga palaka ay nagsiahon, at tinakpan ang lupain ng Egipto. 7 At ang mga mahiko ay gumawa ng gayon din sa pamamagitan ng kanilang mga enkanto, at nagpaahon ng mga palaka sa lupain ng Egipto. 8 Nang magkagayo'y tinawag ni Faraon si Moises at si Aaron, at sinabi, Manalangin kayo sa Panginoon, na alisin ang mga palaka sa akin, at sa aking bayan; at aking tutulutang yumaon, ang bayan upang sila'y makapaghain sa Panginoon. 9 At sinabi ni Moises kay Faraon, Magkaroon ka ng kaluwalhatiang ito sa akin: anong oras isasamo kita, at ang iyong mga lingkod, at ang iyong bayan, upang ang mga palaka ay malipol sa iyo at sa iyong mga bahay, at mangatira na lamang sa ilog? 10 At kaniyang sinabi, Sa kinabukasan. At sinabi ni Moises, Mangyayari ayon sa iyong salita: upang iyong maalaman na walang gaya ng Panginoon naming Dios. 11 At ang mga palaka ay magsisialis sa iyo, at sa iyong bahay, at sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan; mangatitira na lamang sa ilog. 12 At si Moises at si Aaron ay umalis sa harap ni Faraon: at si Moises ay dumaing sa Panginoon tungkol sa mga palaka na kaniyang dinala kay Faraon. 13 At ginawa ng Panginoon ayon sa salita ni Moises, at ang mga palaka ay namatay sa mga bahay, sa mga looban at sa mga parang. 14 At kanilang pinagpisan sa buntonbunton: at ang lupa ay bumaho. 15 Nguni't nang makita ni Faraon na may pahinga ay pinapagmatigas ang kaniyang puso, at hindi niya dininig sila; gaya ng sinalita ng Panginoon. 16 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Sabihin mo kay Aaron: Iunat mo ang iyong tungkod, at paluin mo ang alabok ng lupa, upang maging mga kuto sa lupaing Egipto. 17 At kaniyang ginawang gayon; at iniunat ni Aaron ang kaniyang kamay pati ng kaniyang tungkod, at pinalo ang alabok ng lupa, at nagkakuto sa tao at sa hayop; lahat ng alabok ng lupa ay naging mga kuto sa buong lupain ng Egipto. 18 At ang mga mahiko ay gumawa ng gayon sa pamamagitan ng kanilang mga enkanto, upang maglabas ng mga kuto, nguni't hindi nila nagawa: at nagkakuto sa tao at sa hayop. 19 Nang magkagayo'y sinabi ng mga mahiko kay Faraon, Ito'y daliri ng Dios: at ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at hindi niya dininig sila; gaya ng sinalita ng Panginoon. 20 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Bumangon kang maaga sa kinaumagahan, at tumayo ka sa harap ni Faraon; narito, siya'y pasasa tubig, at sabihin mo sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon: Payaunin mo ang aking bayan upang sila'y makapaglingkod sa akin. 21 Saka kung hindi mo payayaunin ang aking bayan ay magsusugo ako ng pulupulutong na langaw sa iyo, at sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan, at sa loob ng iyong mga bahay: at ang mga bahay ng mga Egipcio ay mapupuno ng pulupulutong na langaw, at gayon din ang lupa na kinaroroonan nila. 22 At aking ihihiwalay sa araw na yaon ang lupain ng Gosen, na kinatatahanan ng aking bayan, upang huwag magkaroon doon ng pulupulutong na langaw: ng iyong maalaman na ako ang Panginoon sa gitna ng lupa. 23 At aking paghihiwalayin ang aking bayan at ang iyong bayan: sa kinabukasan mangyayari ang tandang ito. 24 At ginawang gayon ng Panginoon, at nagsipasok ang mga makapal na pulupulutong na langaw sa bahay ni Faraon, at sa bahay ng kaniyang mga lingkod: at sa buong lupain ng Egipto ay nasisira ang lupa dahil sa mga pulupulutong na langaw. 25 At tinawag ni Faraon si Moises at si Aaron, at sinabi, Yumaon kayo, maghain kayo sa inyong Dios sa lupain. 26 At sinabi ni Moises, Hindi marapat na aming gawing ganyan; sapagka't aming ihahain ang mga kasuklamsuklam ng mga Egipcio, sa Panginoon naming Dios: narito, ihahain ba namin ang kasuklamsuklam ng mga Egipcio sa harap ng kanilang mga mata at di ba nila kami babatuhin? 27 Kami ay yayaong tatlong araw na maglalakbay sa ilang, at maghahain sa Panginoon naming Dios, ayon sa kaniyang iniutos sa amin. 28 At sinabi ni Faraon, Aking payayaunin kayo upang kayo'y makapaghain sa Panginoon ninyong Dios sa ilang; huwag lamang kayong pakakalayo: tuloy idaing ninyo ako. 29 At sinabi ni Moises, Narito iiwan kita, at aking idadalangin sa Panginoon, na ang mga pulupulutong na langaw ay magsialis bukas kay Faraon, sa kaniyang mga lingkod, at sa kaniyang bayan: nguni't huwag nang magdaya pa si Faraon, na huwag na di payaunin ang bayan, upang maghain sa Panginoon. 30 At iniwan ni Moises si Faraon, at nanalangin sa Panginoon. 31 At ginawa ng Panginoon ang ayon sa salita ni Moises; at inialis niya ang mga pulupulutong na langaw kay Faraon, sa kaniyang mga lingkod, at sa kaniyang bayan; na walang natira kahit isa. 32 At pinapagmatigas ding muli ni Faraon ang kaniyang puso at hindi pinayaon ang bayan.
Exodo 9
1 Nang magkagayon ay sinabi ng Panginoon kay Moises, Pasukin mo si Faraon, at saysayin mo sa kaniya. Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga Hebreo: Payaunin mo ang aking bayan, upang ako'y mapaglingkuran nila. 2 Sapagka't kung tatanggihan mong payaunin sila, at sila'y pipigilin mo pa, 3 Ay narito, ang kamay ng Panginoon ay nakapatong sa iyong hayop na nasa parang, nakapatong sa mga kabayo, nakapatong sa mga asno, nakapatong sa mga kamello, nakapatong sa mga bakahan, at nakapatong sa mga kawan; na magkakaroon ng malaking pagkakasalot. 4 At gagawan ng katangian ng Panginoon ang hayop ng Israel at ang hayop ng Egipto: at walang mamamatay sa lahat ng ukol sa mga anak ni Israel. 5 At ang Panginoon ay nagtakda ng panahon, na sinasabi, Bukas ay gagawin ng Panginoon ang bagay na ito sa lupain. 6 At ginawa ng Panginoon ang bagay na yaon ng kinabukasan, at ang lahat ng hayop sa Egipto ay namatay: nguni't sa hayop ng mga anak ni Israel ay walang namatay kahit isa. 7 At si Faraon ay nagsugo, at narito, walang namatay kahit isa sa kawan ng mga Israelita. Nguni't ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at hindi niya pinayaon ang bayan. 8 At sinabi ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, Dumakot kayo ng isang dakot na abo sa hurno, at isaboy ni Moises sa himpapawid sa paningin ni Faraon. 9 At magiging durog na alabok sa buong lupain ng Egipto, at magiging bukol na naknakin sa tao, at sa hayop, sa buong lupain ng Egipto. 10 At sila'y kumuha ng abo sa hurno, at tumayo sa harap ni Faraon, at isinaboy ni Moises sa himpapawid; at naging bukol na naknakin sa tao at sa hayop. 11 At ang mga mahiko ay hindi makatayo sa harap ni Moises dahil sa mga bukol; sapagka't nagkabukol ang mga mahiko at ang mga Egipcio. 12 At pinapagmatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon, at hindi niya dininig sila gaya ng sinalita ng Panginoon kay Moises. 13 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Bumangon kang maaga sa kinaumagahan, at tumayo ka sa harap ni Faraon, at sabihin mo sa kaniya: Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga Hebreo: Payaunin mo ang aking bayan, upang ako'y mapaglingkuran nila. 14 Sapagka't ngayo'y ibubugso ko na ang lahat ng aking salot sa iyong puso, at sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan upang iyong maalaman na walang gaya ko sa buong lupa. 15 Sapagka't ngayo'y iniunat ko na ang aking kamay, upang salutin kita, at ang iyong bayan, at nawala ka na sa lupa: 16 Datapuwa't totoong totoo, na dahil dito ay pinatayo kita, upang maipakilala sa iyo ang aking kapangyarihan, at upang ang aking pangalan ay mahayag sa buong lupa. 17 Nagmamalaki ka pa ba laban sa aking bayan, na ayaw mo silang payaunin? 18 Narito, bukas, sa ganitong oras, ay magpapaulan ako ng malakas na granizo, na kailan ma'y hindi nagkaroon sa Egipto mula nang araw na itayo hanggang ngayon. 19 Ngayon nga'y magsugo ka, ipasilong mo ang iyong mga hayop at lahat ng iyong tinatangkilik sa parang; sapagka't bawa't tao at hayop na maabutan sa parang, at hindi masisilong, ay lalakpakan ng granizo at mamamatay. 20 Yaong natakot sa salita ng Panginoon, sa mga lingkod ni Faraon ay nagpauwing madali ng kaniyang mga bataan at ng kaniyang hayop sa mga bahay: 21 At yaong nagwalang bahala sa salita ng Panginoon ay nagpabaya ng kaniyang mga bataan at ng kaniyang kawan sa parang. 22 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Iunat mo ang iyong kamay sa dakong langit, upang magkaroon ng granizo sa buong lupain ng Egipto, na lumagpak sa tao, at sa hayop, at sa bawa't halaman sa parang sa buong lupain ng Egipto. 23 At iniunat ni Moises ang kaniyang tungkod sa dakong langit; at ang Panginoo'y nagsugo ng kulog at granizo, at may apoy na lumagpak sa lupa; at ang Panginoo'y nagpaulan ng granizo sa lupain ng Egipto. 24 Sa gayo'y nagkaroon ng granizo at apoy, na nagniningning sa granizo, at napakalakas, na kailan ma'y hindi nagkaroon sa buong lupain ng Egipto mula nang maging bansa. 25 At sinalot ng granizo ang buong lupain ng Egipto, ang lahat na nasa parang, maging tao at maging hayop, at sinalot ng granizo ang lahat ng halaman sa parang, at binali ang lahat ng punong kahoy sa parang. 26 Sa lupain lamang ng Gosen, na kinaroroonan ng mga anak ni Israel, hindi nagkaroon ng granizo. 27 At si Faraon ay nagsugo, at ipinatawag si Moises at si Aaron, at sinabi sa kanila, Ako'y nagkasala ngayon: ang Panginoo'y matuwid; at ako at ang aking bayan ay masama. 28 Dalanginan ninyo ang Panginoon; sapagka't nagkaroon na ng sukat na malalakas na kulog at granizo; at kayo'y aking payayaunin, at di ko na kayo bibinbinin. 29 At sinabi ni Moises sa kaniya, Pagkalabas ko sa bayan, ay aking ilalahad ang aking mga kamay sa Panginoon; at ang mga kulog ay titigil, at hindi na magkakaroon pa ng anomang granizo; upang iyong maalaman na ang lupa'y sa Panginoon. 30 Nguni't tungkol sa iyo at sa iyong mga lingkod, ay nalalaman ko, na di pa kayo matatakot sa Panginoong Dios. 31 At ang lino at ang cebada ay nasaktan; sapagka't ang cebada ay naguuhay na at ang lino ay namumulaklak na. 32 Datapuwa't ang trigo at ang espelta ay hindi nasaktan: sapagka't hindi pa tumutubo. 33 At si Moises ay lumabas sa bayan na galing kay Faraon, at inilahad ang kaniyang mga kamay sa Panginoon: at ang mga kulog at ang granizo ay tumigil, at ang ulan ay di na lumagpak sa lupa. 34 At nang makita ni Faraon, na ang ulan, at ang granizo, at ang mga kulog ay tumigil, ay lalong nagkasala pa, at nagmatigas ang kaniyang puso, siya at ang kaniyang mga lingkod. 35 At ang puso ni Farao'y nagmatigas, at hindi niya pinayaon ang mga anak ni Israel; gaya ng sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
Exodo 10
1 At sinabi ng Panginoon kay Moises: Pasukin mo si Faraon, sapagka't aking pinapagmatigas ang kaniyang puso, at ang puso ng kaniyang mga lingkod; upang aking maipakilala itong aking mga tanda sa gitna nila: 2 At upang iyong maisaysay sa mga pakinig ng iyong anak, at sa anak ng iyong anak, kung anong mga bagay ang ginawa ko sa Egipto, at ang aking mga tandang ginawa sa gitna nila; upang inyong maalaman, na ako ang Panginoon. 3 At pinasok ni Moises at ni Aaron si Faraon at sinabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga Hebreo, Hanggang kailan tatanggi kang mangayupapa sa harap ko? payaunin mo ang aking bayan, upang ako'y mapaglingkuran nila. 4 O kung tatanggihan mong payaunin ang aking bayan, ay narito, bukas ay magdadala ako ng mga balang sa iyong hangganan: 5 At kanilang tatakpan ang ibabaw ng lupa, na walang makakakita ng ibabaw ng lupa: at kanilang kakanin ang naiwan sa nangaligtas, na itinira sa inyo ng granizo, at kanilang kakanin ang bawa't kahoy na itinutubo sa inyo ng parang: 6 At ang inyong mga bahay ay mapupuno, at ang mga bahay ng lahat mong lingkod, at ang mga bahay ng mga Egipcio: na hindi nakita ng inyong mga magulang, mula nang araw na sila'y mapasa lupa hanggang sa araw na ito. At siya'y pumihit at nilisan si Faraon. 7 At sinabi sa kaniya ng mga lingkod ni Faraon, Hanggang kailan magiging isang silo sa atin ang taong ito? payaunin mo ang mga taong iyan upang sila'y makapaglingkod sa Panginoon nilang Dios: hindi mo pa ba natatalastas, na ang Egipto'y giba na? 8 At si Moises at si Aaron ay pinapagbalik kay Faraon, at kaniyang sinabi sa kanila, Kayo'y yumaon, maglingkod kayo sa Panginoon ninyong Dios: datapuwa't sino sino yaong magsisiyaon? 9 At sinabi ni Moises: Kami ay yayaon sangpu ng aming mga bata at sangpu ng mga matanda, sangpu ng aming mga anak na lalake at babae, sangpu ng aming mga kawan at sangpu ng aming mga bakahan, kami ay yayaon; sapagka't kami ay nararapat magdiwang ng isang pista sa Panginoon. 10 At kaniyang sinabi sa kanila, Sumainyo nawa ang Panginoon, na gaya ng aking pagpapayaon sa inyo, at sa inyong mga bata: magingat kayo; sapagka't ang kasamaan ay nasa harap ninyo. 11 Huwag ganyan: yumaon kayong mga lalake, at maglingkod sa Panginoon; sapagka't iyan ang inyong ninanasa. At sila'y pinaalis sa harap ni Faraon. 12 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Iunat mo ang iyong kamay sa lupain ng Egipto, upang magdala ng mga balang, at bumaba sa lupain ng Egipto, at kumain ng lahat na halaman sa lupain, yaong lahat na iniwan ng granizo. 13 At iniunat ni Moises ang kaniyang tungkod sa lupain ng Egipto, at ang Panginoo'y nagpahihip ng hanging silanganan sa lupain ng buong araw na yaon, at ng buong gabi; at nang maumaga, ang hanging silanganan ay nagdala ng mga balang. 14 At ang mga balang ay bumaba sa buong lupain ng Egipto, at nagsipagpahinga sa lahat ng hangganan ng Egipto; totoong napakakapal; bago noon ay hindi nagkaroon ng gayong balang, at hindi na magkakaroon pa, pagkatapos noon, ng gayon. 15 Sapagka't tinakpan ng mga yaon ang balat ng buong lupa, na ano pa't ang lupain ay nagdilim; at kinain ang lahat na halaman sa lupain, at ang lahat na bunga ng mga kahoy na iniwan ng granizo; at walang natirang anomang sariwang bagay, maging sa punong kahoy o sa halaman sa parang, sa buong lupain ng Egipto. 16 Nang magkagayo'y tinawag na madali ni Faraon si Moises at si Aaron, at kaniyang sinabi, Ako'y nagkasala laban sa Panginoon ninyong Dios, at laban sa inyo. 17 Ngayon nga'y ipatawad mo, isinasamo ko sa iyo, ang aking kasalanan, na ngayon na lamang at idalangin ninyo sa Panginoon ninyong Dios, na kaniya lamang ilayo sa akin ang kamatayang ito. 18 At nilisan niya si Faraon, at nanalangin sa Panginoon. 19 At pinapagbalik ng Panginoon ang isang napakalakas na hanging kalunuran, na siyang nagpaitaas sa mga balang, at tumangay ng mga yaon sa Dagat na Mapula; walang natira kahit isang balang sa buong hangganan ng Egipto. 20 Datapuwa't pinapagmatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon, at hindi niya pinayaon ang mga anak ni Israel. 21 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Iunat mo ang iyong kamay sa dakong langit, upang magdilim sa lupain ng Egipto, ng kadiliman na mahihipo. 22 At iniunat ni Moises ang kaniyang kamay sa dakong langit; at nagsalimuutan ang dilim sa buong lupain ng Egipto, na tatlong araw; 23 Sila'y hindi nagkikita, at walang tumindig na sinoman sa kinaroroonan sa loob ng tatlong araw; kundi lahat ng mga anak ni Israel ay nagilaw sa kanikaniyang tahanan. 24 At tinawag ni Faraon si Moises, at sinabi, Yumaon kayo, maglingkod kayo sa Panginoon; inyo lamang iwan ang inyong mga kawan at ang inyong mga bakahan; isama rin naman ninyo ang inyong mga bata. 25 At sinabi ni Moises, ikaw ay nararapat ding magbigay sa aming kamay ng mga hain at mga handog na susunugin, upang aming maihain sa Panginoon naming Dios. 26 Ang aming hayop man ay yayaong kasama namin; wala kahit isang paa na maiiwan; sapagka't sa kanila kami nararapat kumuha ng aming ipaglilingkod sa Panginoon naming Dios; at hindi namin nalalaman kung ano ang aming nararapat ipaglingkod sa Panginoon, hanggang sa kami ay dumating doon. 27 Datapuwa't pinapagmatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon, at hindi niya pinayaon sila. 28 At sinabi ni Faraon sa kaniya, Umalis ka sa harap ko, iyong pagingatang huwag mo nang makitang muli ang aking mukha; sapagka't sa araw na iyong makita ang aking mukha ay mamamatay ka. 29 At sinabi ni Moises, Mabuti ang sabi mo, hindi ko na muling makikita ang iyong mukha.
Exodo 11
1 At sinabi ng Panginoon kay Moises, May isang salot pa akong dadalhin kay Faraon at sa Egipto; pagkatapos niyaon ay pahihintulutan niyang kayo'y umalis dito: pagpapahintulot niya sa inyong yumaon, ay tunay na kayo'y samasamang palalayasin niya rito. 2 Magsalita ka ngayon sa pakinig ng bayan, at humingi ang bawa't lalake sa kaniyang kapuwa, at bawa't babae sa kaniyang kapuwa, ng mga hiyas na pilak, at ng mga hiyas na ginto. 3 At pinagbiyayaan ng Panginoon ang bayan, sa paningin ng mga Egipcio. Saka si Moises ay lalaking naging dakila sa lupain ng Egipto, sa paningin ng mga lingkod ni Faraon, at sa paningin ng bayan. 4 At sinabi ni Moises, Ganito ang sinasabi ng Panginoon, Sa may hating gabi ay lalabas ako sa gitna ng Egipto: 5 At lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto ay mamamatay, mula sa panganay ni Faraon, na nakaluklok sa kaniyang luklukan, hanggang sa panganay ng aliping babaing nasa likuran ng gilingan; at ang lahat ng mga panganay sa mga hayop. 6 At magkakaroon ng malakas na hiyawan sa buong lupain ng Egipto, na hindi nagkaroon ng kaparis, at hindi na magkakaroon pa ng kaparis. 7 Datapuwa't sa lahat ng anak ng Israel mula sa tao hanggang sa hayop, ay walang maggagalaw kahit isang aso ng kaniyang dila laban sa tao o sa hayop: upang inyong makilala kung paano ang pagkakalagay ng pagkakaiba ng Panginoon sa mga Egipcio at sa Israel. 8 At bababain ako nitong lahat na iyong lingkod, at magsisiyukod sa akin, na magsasabi, Umalis ka, at ang buong bayan na sumusunod sa iyo: at pagkatapos niyaon ay aalis ako. At siya'y umalis sa harap ni Faraon na may maalab na galit. 9 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Hindi kayo didinggin ni Faraon: upang ang aking mga kababalaghan ay dumami sa lupain ng Egipto. 10 At ginawa ni Moises at ni Aaron ang lahat ng mga kababalaghang ito sa harap ni Faraon: at pinapagmatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon, at hindi niya pinahintulutan ang mga anak ni Israel ay umalis sa kaniyang lupain.
Exodo 12
1 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises at kay Aaron sa lupain ng Egipto, na sinasabi, 2 Ang buwang ito'y magiging sa inyo'y pasimula ng mga buwan: siyang magiging unang buwan ng taon sa inyo. 3 Salitain ninyo sa buong kapisanan ng Israel na inyong sabihin: Sa ikasangpung araw ng buwang ito ay magsisikuha sila sa ganang kanila, bawa't lalake, ng isang kordero, ayon sa mga sangbahayan ng kanikanilang mga magulang, isang kordero sa bawa't sangbahayan: 4 At kung ang sangbahayan ay napakakaunti upang kumain ng isang kordero, ay siya nga at ang kaniyang malapit na kapitbahay ay magsasalosalo sa isa ayon sa bilang ng mga tao; ayon sa bawa't tao na kumakain gagawin ninyo ang pagbilang, sa kordero. 5 Ang inyong korderong pipiliin ay yaong walang kapintasan, isang lalake, na iisahing taon: inyong kukunin sa mga tupa, o sa mga kambing: 6 At inyong aalagaan hanggang sa ikalabing apat na araw ng buwang ito, at papatayin ng buong kapulungan ng kapisanan ng Israel, sa paglubog ng araw. 7 At kukuha sila ng dugo niyan, at ilalagay sa dalawang haligi ng pinto at sa itaas ng pintuan, sa mga bahay na kanilang kakainan. 8 At kanilang kakanin ang laman sa gabing yaon, na inihaw sa apoy, at tinapay na walang lebadura, kakanin nilang kaulam ng mapapait na gulay. 9 Huwag ninyong kaning hilaw, o luto man sa tubig, kundi inihaw sa apoy; ang kaniyang ulo pati ng kaniyang mga paa at pati ng kaniyang mga lamang loob. 10 At huwag kayong magtitira ng anoman niyaon hanggang sa kinaumagahan; kundi yaong matitira niyaon sa kinaumagahan ay inyong susunugin sa apoy. 11 At ganito ninyo kakanin; may bigkis ang inyong baywang, ang inyong mga pangyapak ay nakasuot sa inyong mga paa, at ang inyong tungkod ay tangnan ninyo sa inyong kamay; at inyong kakaning dalidali; siyang paskua ng Panginoon. 12 Sapagka't ako'y dadaan sa lupain ng Egipto sa gabing yaon, at aking lilipulin ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto, maging tao at maging hayop; at gagawa ako ng kahatulan laban sa lahat ng mga dios sa Egipto, ako ang Panginoon. 13 At ang dugo ay magiging sa inyo'y isang tanda sa mga bahay na inyong kinaroroonan: at pagka aking nakita ang dugo, ay lalampasan ko kayo, at walang salot na sasainyo, na papatay sa inyo, pananakit ko sa lupaing Egipto. 14 At ang araw na ito'y magiging sa inyo'y isang alaala, at inyong ipagdidiwang na pinakapista sa Panginoon; sa buong panahon ng inyong lahi ay inyong ipagdidiwang na pinakapista na bilang tuntunin magpakailan man. 15 Pitong araw na kakain kayo ng tinapay na walang lebadura; sa unang araw ay inyong ihihiwalay sa inyong mga bahay ang lebadura; sapagka't sinomang kumain ng tinapay na may lebadura mula sa unang araw hanggang sa ikapitong araw ay ihihiwalay sa Israel, ang taong yaon. 16 At sa unang araw ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagkakatipon at sa ikapitong araw man ay magkakaroon ding kayo ng isang banal na pagkakatipon; walang anomang gawa na gagawin sa mga araw na iyan, liban na yaong nararapat kanin ng bawa't tao, na siya lamang maaaring gawin ninyo. 17 At iyong ipangingilin ang pista ng tinapay na walang lebadura; sapagka't sa araw ring ito kinuha ko ang inyong mga hukbo sa lupain ng Egipto: kaya't inyong ipangingilin ang araw na ito sa buong panahon ng inyong lahi, na bilang tuntunin magpakailan man. 18 Sa unang buwan ng ikalabing apat na araw ng buwan sa paglubog ng araw ay kakain kayo ng tinapay na walang lebadura, hanggang sa ikadalawang pu't isang araw ng buwan, sa paglubog ng araw. 19 Pitong araw, na walang masusumpungang lebadura sa inyong mga bahay: sapagka't sinomang kumain niyaong may lebadura, ay ihihiwalay sa kapisanan ng Israel, ang taong yaon, maging taga ibang lupa, o maging ipinanganak sa lupain. 20 Huwag kayong kakain ng anomang bagay na may lebadura; sa lahat ng inyong mga tahanan ay kakain kayo ng tinapay na walang lebadura. 21 Nang magkagayo'y ipinatawag ni Moises ang lahat ng matanda sa Israel, at sinabi sa kanila, Kayo'y lumabas at kumuha kayo ng mga kordero ayon sa inyo-inyong sangbahayan, at magpatay kayo ng kordero ng paskua. 22 At kayo'y kukuha ng isang bigkis na hisopo, at inyong babasain sa dugo, na nasa palanggana, at inyong papahiran ng dugo na nasa palanggana, ang itaas ng pinto at ang dalawang haligi ng pinto: at sinoman sa inyo ay huwag lalabas sa pinto ng kaniyang bahay hanggang sa kinaumagahan. 23 Sapagka't ang Panginoon ay daraan upang sugatan ang mga Egipcio; at pagkakita niya ng dugo sa itaas ng pinto at sa dalawang haligi ng pinto, ay lalampasan ng Panginoon ang pintong yaon, at hindi niya papayagan ang manunugat ay pumasok sa inyong mga bahay na sugatan kayo. 24 At inyong ipangingilin ang bagay na ito, na pinakatuntunin sa iyo at sa iyong mga anak magpakailan man. 25 At mangyayaring pagdating ninyo sa lupain na ibibigay sa inyo ng Panginoon, gaya ng kaniyang ipinangako, ay inyong tutuparin ang paglilingkod na ito. 26 At mangyayaring pagsasabi sa inyo ng inyong mga anak: Anong ibig ninyong sabihin sa paglilingkod na ito? 27 Na inyong sasabihin: Siyang paghahain sa paskua ng Panginoon, na kaniyang nilampasan ang mga bahay ng mga anak ni Israel sa Egipto, nang kaniyang sugatan ang mga Egipcio, at iniligtas ang aming mga sangbahayan. At ang bayan ay nagyukod ng ulo at sumamba. 28 At ang mga anak ni Israel ay yumaon at ginawang gayon; kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, ay gayong ginawa nila. 29 At nangyari sa hating gabi, na nilipol ng Panginoon ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto, mula sa panganay ni Faraon na nakaluklok sa kaniyang luklukan, hanggang sa panganay ng bilanggo na nasa bilangguan; at lahat ng panganay sa mga hayop. 30 At si Faraon ay bumangon sa kinagabihan, siya at lahat ng kaniyang mga lingkod, at lahat ng mga Egipcio, at nagkaroon ng isang malakas na hiyawan sa Egipto; sapagka't walang bahay na di mayroong isang patay. 31 At kaniyang tinawag si Moises at si Aaron sa kinagabihan, at sinabi, Kayo'y bumangon, umalis kayo sa gitna ng aking bayan kayo at sangpu ng mga anak ni Israel; at kayo'y yumaong maglingkod sa Panginoon, gaya ng inyong sinabi. 32 Dalhin ninyo kapuwa ang inyong mga kawan at ang inyong mga bakahan, gaya ng inyong sinabi, at kayo'y yumaon: at pagpalain din naman ninyo ako. 33 At pinapagmadali ng mga Egipcio, ang bayan, na madaliang pinaalis sila sa lupain; sapagka't kanilang sinabi, Kaming lahat ay patay na. 34 At dinala ng bayan ang kanilang masa bago humilab, na nababalot ang kanilang mga masa sa kanikanilang damit sa ibabaw ng kanikanilang balikat. 35 At ginawa ng mga anak ni Israel ayon sa salita ni Moises; at sila'y humingi sa mga Egipcio ng mga hiyas na pilak, at mga hiyas na ginto, at mga damit: 36 At pinagbiyayaan ng Panginoon ang bayan sa paningin ng mga Egipcio, ano pa't ibinigay sa kanila anomang hingin nila. At kanilang hinubaran ang mga Egipcio. 37 At ang angkan ni Israel ay naglakbay mula sa Rameses hanggang sa Succoth, na may anim na raang libong lalake na naglakad, bukod pa ang mga bata. 38 At isang karamihang samasama ang sumampa rin namang kasabay nila; at mga kawan, at mga bakahan, na napakaraming hayop. 39 At kanilang nilutong mga munting tinapay na walang lebadura ang masa na kanilang kinuha sa Egipto, sapagka't hindi pa humihilab, sapagka't sila'y itinaboy sa Egipto, at hindi sila nakatigil o nakapaghanda man ng anomang pagkain. 40 Ang pakikipamayan nga ng mga anak ni Israel, na ipinakipamayan nila sa Egipto, ay apat na raan at tatlong pung taon. 41 At nangyari sa katapusan ng apat na raan at tatlong pung taon, ng araw ding yaon ay nangyari, na ang lahat ng mga hukbo ng Panginoon ay umalis sa lupain ng Egipto. 42 Ito ay isang gabing pangingilin sa Panginoon dahil sa paglalabas niya sa kanila sa lupain ng Egipto: ito ay yaong gabi ng Panginoon na ipangingilin ng lahat ng mga anak ni Israel sa buong panahon ng kanilang lahi. 43 At sinabi ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, Ito ang tuntunin sa paskua: walang sinomang taga ibang lupa na kakain niyaon: 44 Datapuwa't ang alipin ng bawa't lalake na nabili ng salapi, pagkatuli sa kaniya'y makakakain nga niyaon. 45 Ang nakikipamayan at ang alilang binabayaran ay hindi kakain niyaon. 46 Sa isang bahay kakanin; huwag kang magdadala ng laman sa labas ng bahay, ni sisira kayo ng kahit isang buto niyaon. 47 Ipangingilin ng buong kapisanan ng Israel. 48 At pagka ang isang taga ibang lupa ay makikipamayan kasama mo, at mangingilin ng paskua sa Panginoon, ay tuliin lahat ang kaniyang mga lalake at saka siya lumapit at ipangilin: at siya'y magiging parang ipinanganak sa lupain ninyo; datapuwa't sinomang di tuli ay hindi makakakain niyaon. 49 Isang kautusan magkakaroon sa ipinanganak sa lupain, at sa taga ibang bayan na nakikipamayang kasama ninyo. 50 Gayon ginawa ng lahat ng mga anak ni Israel; kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, gayon nila ginawa. 51 At nangyari nang araw ding yaon, na kinuha ng Panginoon ang mga anak ni Israel sa lupain ng Egipto, ayon sa kanilang mga hukbo.
Exodo 13
1 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi, 2 Pakabanalin mo sa akin ang lahat ng mga panganay, anomang nagbubukas ng bahay-bata sa mga anak ni Israel: maging sa tao at maging sa hayop ay akin. 3 At sinabi ni Moises sa bayan, Alalahanin ninyo ang araw na ito na inialis ninyo sa Egipto, sa bahay ng pagkaalipin; sapagka't sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay hinango kayo ng Panginoon sa dakong ito, wala sinomang kakain ng tinapay na may lebadura. 4 Sa araw na ito ay umaalis kayo ng buwan ng Abib. 5 At mangyayari, na pagkadala sa iyo ng Panginoon sa lupain ng Cananeo, at ng Hetheo, at ng Amorrheo, at ng Hebreo, at ng Jebuseo, na kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang, na ibibigay sa iyo, na lupang binubukalan ng gatas at pulot ay iyong ipangingilin ang paglilingkod na ito sa buwang ito. 6 Pitong araw na kakain ka ng tinapay na walang lebadura, at sa ikapitong araw ay magiging isang kapistahan sa Panginoon. 7 Tinapay na walang lebadura ang kakanin sa loob ng pitong araw, at huwag makakakita sa iyo, ng tinapay na may lebadura, ni makakakita ng lebadura sa iyo, sa lahat ng iyong mga hangganan. 8 At sasaysayin mo sa iyong anak sa araw na yaon, na iyong sasabihin: Dahil sa ginawa ng Panginoon sa akin nang ako'y umalis sa Egipto. 9 At sa iyo'y magiging pinakatanda sa ibabaw ng iyong kamay, at pinakaalaala sa pagitan ng iyong mga mata, upang ang kautusan ng Panginoon ay sumaiyong bibig: sapagka't sa pamamagitan ng malakas na kamay, ay inalis ka ng Panginoon sa Egipto. 10 Isasagawa mo nga ang palatuntunang ito sa kapanahunan nito taon taon. 11 At mangyayari, pagkadala sa iyo ng Panginoon sa lupain ng Cananeo, gaya ng isinumpa sa iyo at sa iyong mga magulang, at pagkabigay niyaon sa iyo, 12 Ay ihihiwalay mo para sa Panginoon yaong lahat na nagbubukas ng bahay-bata, at bawa't panganay na mayroon ka na mula sa hayop; ang mga lalake, ay sa Panginoon. 13 At bawa't panganay sa asno ay tutubusin mo ng isang kordero; at kung hindi mo tutubusin, ay iyo ngang babaliin ang kaniyang leeg: at lahat ng mga panganay na lalake sa iyong mga anak ay iyong tutubusin. 14 At mangyayari, na pagtatanong sa iyo ng iyong anak sa panahong darating, na sasabihin, Ano ito? na iyong sasabihin sa kaniya: Sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas tayo ng Panginoon sa Egipto, sa bahay ng pagkaalipin. 15 At nangyari, nang magmatigas si Faraon na hindi kami tulutang yumaon, ay pinatay ng Panginoon ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto, ang panganay ng tao at gayon din ang panganay ng hayop: kaya't aking inihahain sa Panginoon ang lahat ng nagbubukas ng bahay-bata na mga lalake; nguni't lahat ng panganay ng aking anak ay aking tinutubos. 16 At magiging pinakatanda sa iyong kamay, at pinakaalaala sa pagitan ng iyong mga mata: sapagka't sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas tayo ng Panginoon sa Egipto. 17 At nangyari, nang tulutan ni Faraon na ang bayan ay yumaon, na hindi sila pinatnubayan ng Dios sa daang patungo sa lupain ng mga Filisteo, bagaman malapit; sapagka't sinabi ng Dios, Baka sakaling ang bayan ay magsisi pagkakita ng pagbabaka, at magsipagbalik sa Egipto: 18 Kundi pinatnubayan ng Dios ang bayan sa palibot, sa daang patungo sa ilang sa tabi ng Dagat na Mapula: at ang mga anak ni Israel ay sumampang nangakasakbat mula sa lupain ng Egipto. 19 At dinala ni Moises ang mga buto ni Jose: sapagka't kaniyang ipinanumpang mahigpit sa mga anak ni Israel, na sinasabi, Tunay na dadalawin kayo ng Dios; at inyong isasampa ang aking mga buto mula rito na kasama ninyo. 20 At sila'y naglakbay mula sa Succoth, at humantong sa Etham, sa hangganan ng ilang. 21 At ang Panginoon ay nangunguna sa kanila sa araw, sa isang haliging ulap, upang patnubayan sila sa daan; at sa gabi, ay sa isang haliging apoy, upang tanglawan sila; upang sila'y makapaglakad sa araw at sa gabi. 22 Ang haliging ulap sa araw at ang haliging apoy sa gabi ay hindi humihiwalay sa harapan ng bayan.
Exodo 14
1 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi, 2 Salitain mo sa mga anak ni Israel, na sila'y bumalik at humantong sa tapat ng Pi-hahiroth, sa pagitan ng Migdol at ng dagat, sa tapat ng Baalzephon: sa tapat niyaon hahantong kayo, sa tabi ng dagat. 3 At sasabihin ni Faraon tungkol sa mga anak ni Israel: Nangasisilo sila sa lupain, sila'y naliligid ng ilang. 4 At aking papagmamatigasin ang puso ni Faraon, at kaniyang hahabulin sila at kayo'y magiimbot ng karangalan kay Faraon, at sa lahat niyang hukbo; at malalaman ng mga Egipcio, na ako ang Panginoon. At kanilang ginawang gayon. 5 At nasabi sa hari sa Egipto, na ang bayan ay tumakas: at ang puso ni Faraon at ng kaniyang mga lingkod ay nagbago tungkol sa bayan, at kanilang sinabi, Ano itong ating ginawa, na ating pinayaon ang Israel, upang huwag na tayong mapaglingkuran? 6 At inihanda ni Faraon ang kaniyang karro, at kaniyang ipinagsama ang kaniyang bayan: 7 At siya'y nagdala ng anim na raang piling karro, at lahat ng mga karro sa Egipto, at ng mga kapitan na namumuno sa lahat ng mga yaon. 8 At pinapagmatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon na hari sa Egipto, at hinabol niya ang mga anak ni Israel, sapagka't ang mga anak ni Israel ay nagsialis na may lubos na pagkakatiwala. 9 At hinabol sila ng mga Egipcio, ng lahat ng mga kabayo at ng karro ni Faraon, at ng kaniyang mga taong mangangabayo, at ng kaniyang hukbo, at inabutan sila noong nakahantong sa tabi ng dagat, na nasa siping ng Pi-hahirot, sa tapat ng Baal-zefon. 10 At nang si Faraon ay nalalapit, ay itiningin ng mga anak ni Israel ang kanilang mga mata, at, narito, ang mga Egipcio ay sumusunod sa kanila; at sila'y natakot na mainam: at ang mga anak ni Israel ay humibik sa Panginoon. 11 At kanilang sinabi kay Moises, Dahil ba sa walang libingan sa Egipto, kung kaya dinala mo kami rito upang mamatay sa ilang? bakit ka gumawa ng ganito sa amin, na inilabas mo kami sa Egipto? 12 Di ba ito ang sinalita namin sa iyo sa Egipto, na sinasabi, Pabayaan mo kami na makapaglingkod sa mga Egipcio? Sapagka't lalong mabuti sa amin ang maglingkod sa mga Egipcio kay sa kami ay mamatay sa ilang. 13 At sinabi ni Moises sa bayan, Huwag kayong matakot, tumigil kayo, at tingnan ninyo ang pagliligtas ng Panginoon na gagawin sa inyo ngayon: sapagka't ang mga Egipcio na inyong nakikita ngayon, ay hindi na ninyo uli makikita magpakailan man. 14 Ipakikipaglaban kayo ng Panginoon, at kayo'y tatahimik. 15 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Bakit humihibik ka sa akin? salitain mo sa mga anak ni Israel na sila'y magpatuloy na yumaon. 16 At itaas mo ang iyong tungkod, at iunat mo ang iyong kamay sa ibabaw ng dagat, at hawiin mo; at ang mga anak ni Israel ay dadaan sa gitna ng dagat sa ibabaw ng lupang tuyo. 17 At ako, narito, aking papagmamatigasin ang puso ng mga Egipcio at susundan nila sila: at ako'y magiimbot ng karangalan kay Faraon, at sa buo niyang hukbo, sa kaniyang mga karro, at sa kaniyang mga nangangabayo. 18 At malalaman ng mga Egipcio, na ako ang Panginoon, pagka ako ay nakapagimbot ng karangalan kay Faraon, sa kaniyang mga karro, at sa kaniyang mga nangangabayo. 19 At ang anghel ng Dios na nasa unahan ng kampamento ng Israel, ay humiwalay at napasa hulihan nila; at ang haliging ulap ay humiwalay sa harap nila at lumagay sa likod nila: 20 At lumagay sa pagitan ng kampamento ng Egipto at ng kampamento ng Israel; at mayroong ulap at kadiliman, gayon ma'y binigyan sila ng liwanag sa gabi at ang isa't isa ay hindi nagkalapit sa buong magdamag. 21 At iniunat ni Moises ang kaniyang kamay sa ibabaw ng dagat; at pinaghiwalay ng Panginoon ang dagat sa pamamagitan ng isang malakas na hanging silanganan ng buong magdamag, at ang dagat ay pinapaging tuyong lupa at ang tubig ay nahawi. 22 At ang mga anak ni Israel ay pumasok sa gitna ng dagat sa ibabaw ng tuyong lupa: at ang tubig ay naging isang kuta sa kanila, sa kanilang kanan at sa kanilang kaliwa. 23 At hinabol sila ng mga Egipcio, at nagsipasok na kasunod nila sa gitna ng dagat, lahat ng mga kabayo ni Faraon, ang kaniyang mga karro, at ang kaniyang mga nangangabayo. 24 At nangyari, sa pagbabantay sa kinaumagahan, na minasdan ng Panginoon ang hukbo ng mga Egipcio sa gitna ng haliging apoy at ulap, at niligalig ang hukbo ng mga Egipcio. 25 At inalisan ng gulong ang kanilang mga karro, na kanilang hinila ng buong hirap: na ano pa't sinabi ng mga Egipcio, Tumakas tayo sa harap ng Israel: sapagka't ipinakikipaglaban sila ng Panginoon sa mga Egipcio. 26 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Iunat mo ang iyong kamay sa dagat, upang ang tubig ay tumabon sa mga Egipcio, sa kanilang mga karro, at sa kanilang mga nangangabayo. 27 At iniunat ni Moises ang kaniyang kamay sa dagat, at ang dagat ay nagsauli sa kaniyang dating lakas, nang umumaga; at ang mga Egipcio ay nagsitakas, at nilaginlin ng Panginoon ang mga Egipcio sa gitna ng dagat. 28 At ang tubig ay nagsauli, at tinakpan ang mga karro, at ang mga nangangabayo, sa makatuwid baga'y ang buong hukbo ni Faraon na pumasok na sumunod sa kanila sa dagat; walang natira kahit isa sa kanila. 29 Datapuwa't ang mga anak ni Israel ay lumakad sa tuyong lupa sa gitna ng dagat; at ang tubig sa kanila ay naging isang kuta sa kanilang kanan at sa kanilang kaliwa. 30 Gayon iniligtas ng Panginoon ang Israel ng araw na yaon sa kamay ng mga Egipcio; at nakita ng Israel ang mga Egipcio na mga patay sa tabi ng dagat. 31 At nakita ng Israel ang dakilang gawa, na ginawa ng Panginoon sa mga Egipcio, at ang bayan ay natakot sa Panginoon: at sila'y sumampalataya sa Panginoon at sa kaniyang lingkod na kay Moises.
Exodo 15
1 Nang magkagayo'y inawit ni Moises at ng mga anak ni Israel ang awit na ito sa Panginoon, at sinalita, na sinasabi, Ako'y aawit sa Panginoon, sapagka't siya'y nagtagumpay ng kaluwaluwalhati: Ang kabayo at ang sakay niyaon ay kaniyang ibinulusok sa dagat. 2 Ang Panginoon ay aking lakas at awit, At siya'y naging aking kaligtasan: Ito'y aking Dios, at siya'y aking pupurihin. Dios ng aking ama, at siya'y aking tatanghalin. 3 Ang Panginoo'y isang mangdidigma: Panginoon ang kaniyang pangalan. 4 Ang mga karro ni Faraon at ang kaniyang hukbo ay ibinulusok niya sa dagat; At ang kaniyang mga piling kapitan ay ipinaglulubog sa Dagat na Mapula. 5 Ang mga kalaliman ang tumatabon sa kanila: Sila'y lumubog sa mga kalaliman, na parang isang bato. 6 Ang iyong kanan, Oh Panginoon, ay maluwalhati sa kapangyarihan. Ang iyong kanan, Oh Panginoon, ay dumudurog ng kaaway. 7 At sa kalakhan ng iyong karilagan ay ibinubuwal mo yaong bumabangon laban sa iyo: Iyong ipinakikita ang iyong pagiinit, at nililipol silang parang dayami. 8 At sa hihip ng iyong ilong ay natitipon ang tubig, Ang mga agos ay nagsilagay na parang isang bunton; Ang mga kalaliman ay namuo sa gitna ng dagat. 9 Sinabi ng kaaway, Aking hahabulin, aking aabutan, magbabahagi ako ng samsam, Ang aking nasa ay masisiyahan sa kanila; Aking bubunutin ang aking tabak, lilipulin sila ng aking kamay. 10 Ikaw ay nagpahihip ng iyong hangin, at tinabunan sila ng dagat. Sila'y lumubog na parang tingga sa makapangyarihang tubig. 11 Sinong gaya mo, Oh Panginoon, sa mga dios? Sinong gaya mo, maluwalhati sa kabanalan, Nakasisindak sa pagpuri, na gumagawa ng mga kababalaghan? 12 Iyong iniunat ang iyong kanang kamay, Nilamon sila ng lupa. 13 Iyong pinapatnubayan sa iyong awa ang bayan na iyong tinubos: Sa iyong kalakasan ay iyong inihahatid sila sa banal mong tahanan. 14 Narinig ng mga bayan; at sila'y nanginig: Mga sakit ang kumapit sa mga taga Filistia. 15 Nang magkagayo'y natulig ang mga pangulo sa Edom; Sa matatapang sa Moab, ay panginginig ang sumasakanila: Lahat ng taga Canaan ay nauubos. 16 Sindak at gulat ang suma-sakanila; Sa kadakilaan ng iyong bisig ay nagiging walang kibo sila na parang bato; Hanggang sa ang iyong bayan ay makaraan, Oh Panginoon, Hanggang sa makaraan ang bayang ito na iyong kinamtan. 17 Sila'y iyong papapasukin, at sila'y iyong itatayo sa bundok na iyong pamana, Sa dako, Oh Panginoon, na iyong ginawa sa iyo, upang iyong tahanan, Sa santuario, Oh Panginoon, na itinatag ng iyong mga kamay. 18 Ang Panginoon ay maghahari magpakailan man. 19 Sapagka't ang mga kabayo ni Faraon, ay nagsipasok pati ng kaniyang mga karro at pati ng kaniyang mga nangangabayo sa dagat, at pinapanumbalik ng Panginoon ang tubig ng dagat sa kanila; datapuwa't lumakad ang mga anak ni Israel sa tuyong lupa sa gitna ng dagat. 20 At si Miriam na propetisa na kapatid ni Aaron, ay tumangan ng isang pandereta sa kaniyang kamay; at sumunod ang lahat ng mga babae sa kaniya, na may mga pandereta at nagsayawan. 21 At sila'y sinagot ni Miriam, Umawit kayo sa Panginoon, sapagka't siya'y nagtagumpay ng kaluwaluwalhati; Ang kabayo at ang sakay niyaon ay ibinulusok niya sa dagat. 22 At pinatnubayan ni Moises ang Israel mula sa Dagat na Mapula, at sila'y lumabas sa ilang ng Shur; at sila'y lumakad na tatlong araw sa ilang, at hindi nakasumpong ng tubig. 23 At nang sila'y dumating sa Mara, ay hindi sila makainom ng tubig sa Mara, sapagka't mapait: kaya't ang pangalang itinawag ay Mara. 24 At inupasala ng bayan si Moises, na sinasabi, Anong aming iinumin? 25 At siya'y dumaing sa Panginoon; at pinapagkitaan siya ng Panginoon ng isang puno ng kahoy, at inihagis niya sa tubig, at ang tubig ay tumabang. Doon inatangan niya ng palatuntunan, at ng tagubilin at doon sila sinubok niya; 26 At sinabi, Kung iyong didinggin ng buong sikap ang tinig ng Panginoon mong Dios, at iyong gagawin ang matuwid sa kaniyang mga mata, at iyong didinggin ang kaniyang mga utos, at iyong gaganapin ang lahat niyang mga palatuntunan ay wala akong ilalagay na karamdaman sa iyo, na gaya ng inilagay ko sa mga Egipcio: sapagka't ako ang Panginoon na nagpapagaling sa iyo. 27 At sila'y dumating sa Elim, na doo'y mayroong labingdalawang bukal ng tubig, at pitongpung puno ng palma; at sila'y humantong doon sa tabi ng mga tubig.
Exodo 16
1 At sila'y naglakbay mula sa Elim, at ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel ay dumating sa ilang ng Sin, na nasa pagitan ng Elim at Sinai, nang ikalabing limang araw ng ikalawang buwan, pagkatapos na sila'y makaalis sa lupain ng Egipto. 2 At inupasala ng buong kapisanan ng mga anak ni Israel si Moises at si Aaron sa ilang: 3 At sinabi sa kanila ng mga anak ni Israel, Namatay na sana kami sa pamamagitan ng kamay ng Panginoon sa lupain ng Egipto, nang kami ay nauupo sa tabi ng mga palyok ng karne, nang kami ay kumakain ng tinapay hanggang sa mabusog; sapagka't kami ay inyong dinala sa ilang na ito, upang patayin ng gutom ang buong kapisanang ito. 4 Nang magkagayo'y sinabi ng Panginoon kay Moises, Narito, kayo'y aking pauulanan ng pagkain mula sa langit; at lalabasin at pupulutin ng bayan araw-araw ang bahagi sa bawa't araw; upang aking masubok sila, kung sila'y lalakad ng ayon sa aking kautusan, o hindi. 5 At mangyayari sa ikaanim na araw, na sila'y maghahanda ng kanilang dala, na ibayo ng kanilang pinupulot sa araw-araw. 6 At sinabi ni Moises at ni Aaron sa lahat ng mga anak ni Israel, Sa kinahapunan, ay inyong malalaman, na ang Panginoon ay siyang naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto. 7 At sa kinaumagahan, ay inyo ngang makikita ang kaluwalhatian ng Panginoon; sapagka't kaniyang naririnig ang inyong mga pagupasala laban sa Panginoon: at ano kami, na inyo kaming inuupasala? 8 At sinabi ni Moises, Ito'y mangyayari, pagbibigay ng Panginoon sa inyo sa kinahapunan ng karne na makakain, at sa kinaumagahan ng pagkain, na makabubusog; sapagka't naririnig ng Panginoon ang inyong mga pagupasala na inyong iniuupasala laban sa kaniya: at ano kami? ang inyong mga pagupasala ay hindi laban sa amin, kundi laban sa Panginoon. 9 At sinabi ni Moises kay Aaron, Sabihin mo sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, Lumapit kayo sa harap ng Panginoon; sapagka't kaniyang narinig ang inyong mga pagupasala. 10 At nangyari, pagkapagsalita ni Aaron sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, na sila'y tumingin sa dakong ilang, at, narito, ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa ulap. 11 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi, 12 Aking narinig ang mga pagupasala ng mga anak ni Israel: salitain mo sa kanila, na iyong sasabihin, Sa kinahapunan ay kakain kayo ng karne, at sa kinaumagahan, ay magpapakabusog kayo ng tinapay; at inyong makikilala na ako ang Panginoon ninyong Dios. 13 At nangyari sa kinahapunan na ang mga pugo ay nagsiahon at tinakpan ang kampamento at sa kinaumagahan, ay nalalatag sa palibot ng kampamento ang hamog. 14 At nang paitaas na ang hamog na nalalatag na, narito, sa balat ng ilang ay may munting bagay na mabilog at munti na gaya ng namuong hamog sa ibabaw ng lupa. 15 At nang makita ng mga anak ni Israel, ay nagsangusapan, Ano ito? sapagka't hindi nila nalalaman kung ano yaon. At sinabi ni Moises sa kanila, Ito ang pagkain na ibinigay ng Panginoon sa inyo upang kanin. 16 Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon, Pumulot ang bawa't tao ayon sa kaniyang kain; isang omer sa bawa't ulo, ayon sa bilang ng inyong mga tao, ang kukunin ng bawa't tao para sa mga nasa kaniyang tolda. 17 At gayon ginawa ng mga anak ni Israel, at may namulot ng marami, at may kaunti. 18 At nang timbangin sa omer, ang namulot ng marami ay walang higit, at ang namulot ng kaunti ay hindi nagkulang; bawa't tao ay pumulot ng ayon sa kaniyang kain. 19 At sinabi ni Moises sa kanila, Huwag magtira niyaon ang sinoman ng hanggang sa umaga. 20 Gayon ma'y hindi sila nakinig kay Moises; kungdi ang iba sa kanila ay nagtira niyaon hanggang sa umaga, at inuod at bumaho; at naginit sa kanila si Moises. 21 At sila'y namumulot tuwing umaga, bawa't tao ayon sa kaniyang kain: at pagka ang araw ay umiinit na, ay natutunaw. 22 At nangyari, na nang ikaanim na araw, ay pumulot sila ng pagkain na ibayo ang dami, dalawang omer sa bawa't isa: at lahat ng puno sa kapisanan ay naparoon at nagsaysay kay Moises. 23 At kaniyang sinabi sa kanila, Ito ang sinalita ng Panginoon, Bukas ay takdang kapahingahan, banal na sabbath sa Panginoon: ihawin ninyo ang inyong iihawin, at lutuin ninyo ang inyong lulutuin; at lahat na lalabis ay itago ninyo sa ganang inyo, na inyong itira hanggang sa kinabukasan. 24 At kanilang itinago hanggang sa kinaumagahan, gaya ng iniutos ni Moises: at hindi bumaho, ni nagkaroon ng anomang uod. 25 At sinabi ni Moises, Kanin ninyo yaon ngayon; sapagka't ngayo'y sabbath na ipinangingilin sa Panginoon: ngayo'y hindi kayo makakasumpong sa parang. 26 Anim na araw na inyong pupulutin; datapuwa't sa ikapitong araw ay sabbath, hindi magkakaroon. 27 At nangyari sa ikapitong araw, na lumabas ang iba sa bayan upang mamulot, at walang nasumpungan. 28 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Hanggang kailan tatanggihan ninyo ganapin ang aking mga utos at ang aking mga kautusan? 29 Tingnan ninyo, na sapagka't ibinigay ng Panginoon sa inyo ang sabbath, kung kaya't kaniyang ibinibigay sa inyo sa ikaanim na araw ang pagkain ng sa dalawang araw; matira ang bawa't tao sa kaniyang kinaroroonan, huwag umalis ang sinoman sa kaniyang kinaroroonan, sa ikapitong araw. 30 Kaya ang bayan ay nagpahinga sa ikapitong araw. 31 At yao'y pinanganlan ng sangbahayan ng Israel na Mana: at kaparis ng buto ng kulantro, maputi; at ang lasa niyaon ay kasinglasa ng manipis na tinapay na may pulot. 32 At sinabi ni Moises, Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon, Punuin ninyo ang isang omer ng mana, na inyong ingatan sa buong panahon ng inyong mga lahi; upang kanilang makita ang pagkain, na aking ipinakain sa inyo sa ilang nang kayo'y aking ilabas sa lupain ng Egipto. 33 At sinabi ni Moises kay Aaron, Kumuha ka ng isang palyok at sidlan mo ng isang omer na puno ng mana, at ilagay mo sa harap ng Panginoon, upang maingatan sa buong panahon ng inyong mga lahi. 34 Kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises, ay gayon inilagay ni Aaron sa harap ng Patotoo upang ingatan. 35 At ang mga anak ni Israel ay kumain ng mana na apat na pung taon, hanggang sa sila'y dumating sa lupaing tinatahanan; sila'y kumain ng mana hanggang sa sila'y dumating sa mga hangganan ng lupain ng Canaan. 36 Ang isang omer nga ay ikasangpung bahagi ng isang efa.
Exodo 17
1 At ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa ilang ng Sin, sa kanilang paglalakbay ayon sa utos ng Panginoon, at humantong sa Rephidim: at walang tubig na mainom ang bayan. 2 Kaya't ang bayan ay nakipagtalo kay Moises, at nagsabi, Bigyan mo kami ng tubig na aming mainom. At sinabi ni Moises sa kanila, Bakit kayo nakikipagtalo sa akin? bakit ninyo tinutukso ang Panginoon? 3 At ang bayan ay nauhaw at inupasala ng bayan si Moises, at sinabi, Bakit mo kami isinampa rito mula sa Egipto, upang patayin mo kami sa uhaw, at ang aming mga anak, at ang aming kawan? 4 At si Moises ay dumaing sa Panginoon, na nagsasabi, Anong aking gagawin sa bayang ito? kulang na lamang batuhin nila ako. 5 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Dumaan ka sa harap ng bayan, at ipagsama mo ang mga matanda sa Israel; at ang iyong tungkod na iyong ipinalo sa ilog, ay tangnan mo sa iyong kamay, at yumaon ka. 6 Narito, ako'y tatayo sa harap mo roon sa ibabaw ng bato sa Horeb; at iyong papaluin ang bato, at lalabasan ng tubig, upang ang bayan ay makainom. At gayon ginawa ni Moises sa paningin ng mga matanda sa Israel. 7 At tinawag nila ang pangalan ng dakong yaon, na Massah at Meribah, dahil sa pakikipagtalo ng mga anak ni Israel, at dahil sa kanilang tinukso ang Panginoon, na kanilang sinasabi, Ang Panginoon ba'y nasa gitna natin o wala? 8 Nang magkagayo'y dumating si Amalec, at nakipaglaban sa Israel sa Rephidim. 9 At sinabi ni Moises kay Josue, Ipili mo tayo ng mga lalake, at ikaw ay lumabas, lumaban ka kay Amalec; bukas ay tatayo ako sa taluktok ng burol, na aking tangan ang tungkod ng Dios sa aking kamay. 10 Gayon ginawa ni Josue, gaya ng sinabi ni Moises sa kaniya, at lumaban kay Amalec: at si Moises, si Aaron at si Hur ay sumampa sa taluktok ng burol. 11 At nangyari, pagka itinataas ni Moises ang kaniyang kamay, ay nananaig ang Israel: at pagka kaniyang ibinababa ang kaniyang kamay, ay nananaig si Amalec. 12 Datapuwa't ang mga kamay ni Moises ay nangalay; at sila'y kumuha ng isang bato, at inilagay sa ibaba, at kaniyang inupuan; at inalalayan ni Aaron at ni Hur ang kaniyang mga kamay, ang isa'y sa isang dako, at ang isa'y sa kabilang dako; at ang kaniyang mga kamay ay nalagi sa itaas hanggang sa paglubog ng araw. 13 At nilito ni Josue si Amalec, at ang kaniyang bayan, sa pamamagitan ng talim ng tabak. 14 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Isulat mo ito na pinakaalaala sa isang aklat, at ipagbigay alam mo kay Josue na aking ipalilimot ang pagalaala kay Amalec sa silong ng langit. 15 At nagtayo si Moises ng isang dambana, at pinanganlang Jehovanissi. 16 At kaniyang sinabi, Isinumpa ng Panginoon: ang Panginoon ay makikipagdigma kay Amalec sa buong panahon ng lahi nito.
Exodo 18
1 Si Jethro nga, saserdote sa Madian, biyanan ni Moises, ay nakabalita ng lahat na ginawa ng Dios kay Moises, at sa Israel na kaniyang bayan, kung paanong inilabas ng Panginoon ang Israel sa Egipto. 2 At ipinagsama ni Jethro, na biyanan ni Moises, si Sephora na asawa ni Moises, pagkatapos na kaniyang maipadala sa kanilang ama, 3 At ang dalawa niyang anak na lalake: na ang pangalan ng isa'y Gersom; sapagka't sinabi ni Moises, Ako'y nakipamayan sa ibang bayan. 4 At ang pangalan ng isa'y Elieser; sapagka't kaniyang sinabi, Ang Dios ng aking ama'y naging aking saklolo, at ako'y iniligtas sa tabak ni Faraon; 5 At si Jethro, na biyanan ni Moises, ay dumating, na kasama ang kaniyang mga anak at ang kaniyang asawa, kay Moises sa ilang na kaniyang hinantungan sa tabi ng bundok ng Dios: 6 At kaniyang ipinasabi kay Moises, Akong iyong biyanang si Jethro ay naparito sa iyo, at ang iyong asawa, at ang kaniyang dalawang anak na kasama niya. 7 At si Moises ay lumabas na sinalubong ang kaniyang biyanan, at kaniyang niyukuran at hinalikan. At sila'y nagtanungang isa't isa ng kanilang kalagayan; at sila'y pumasok sa tolda. 8 At isinaysay ni Moises sa kaniyang biyanan ang lahat ng ginawa ng Panginoon kay Faraon at sa mga Egipcio dahil sa Israel, ang buong hirap na kanilang naranasan sa daan, at kung paanong iniligtas ng Panginoon sila. 9 At ikinagalak ni Jethro ang buong kabutihang ginawa ng Panginoon sa Israel, na iniligtas sila sa kamay ng mga Egipcio. 10 At sinabi ni Jethro, Purihin ang Panginoon, na nagligtas sa inyo, sa kamay ng mga Egipcio, at sa kamay ni Faraon; na siyang nagligtas sa bayan sa kamay ng mga Egipcio. 11 Ngayo'y aking natatalastas na ang Panginoon ay lalong dakila kay sa lahat ng mga dios: oo, sa bagay na ipinagpalalo ng mga Egipcio laban sa mga Hebreo. 12 At si Jethro, na biyanan ni Moises, ay kumuha ng handog na susunugin at mga hain para sa Dios: at si Aaron ay naparoon, at ang lahat ng mga matanda sa Israel, upang kumain ng tinapay na kasalo ng biyanan ni Moises sa harap ng Dios. 13 At nangyari kinabukasan, na lumuklok si Moises upang hatulan ang bayan: at ang bayan ay tumayo sa palibot ni Moises mula sa umaga hanggang sa hapon. 14 At nang makita ng biyanan ni Moises ang lahat ng kaniyang ginagawa sa bayan, ay nagsabi, Anong bagay itong ginagawa mo sa bayan? bakit nauupo kang magisa, at ang buong bayan ay nakatayo sa palibot mo mula sa umaga hanggang sa hapon? 15 At sinabi ni Moises sa kaniyang biyanan, Sapagka't ang bayan ay lumalapit sa akin, upang sumangguni sa Dios. 16 Pagka sila'y may usap ay lumapit sa akin; at aking hinahatulang isa't isa, at aking ipinakikilala sa kanila ang mga palatuntunan ng Dios, at ang kaniyang mga kautusan. 17 At sinabi ng biyanan ni Moises sa kaniya, Ang bagay na iyong ginagawa ay hindi mabuti. 18 Tunay na ikaw ay manghihina, ikaw at ang bayang ito, na nasa iyo: sapagka't ang bagay ay totoong mabigat sa iyo; hindi mo makakayang magisa. 19 Dinggin mo ngayon ang aking tinig; papayuhan kita, at sumaiyo nawa ang Dios: ikaw ang maging tagapagakay sa bayan sa harap ng Dios, at dalhin mo ang mga usap sa Dios: 20 At ituturo mo sa kanila ang mga palatuntunan, at ang mga kautusan, at ipakikilala mo sa kanila ang daang nararapat lakaran, at ang gawang kanilang nararapat gawin. 21 Bukod dito'y hahanap ka sa buong bayan ng mga taong bihasa, gaya ng matatakutin sa Dios, na mga taong mapagpatotoo, na mga napopoot sa kasakiman; at siyang mga ilagay mo sa kanila, na magpuno sa mga lilibuhin, magpuno sa mga dadaanin, magpuno sa mga lilimangpuin, at magpuno sa mga sasangpuin: 22 At pahatulan mo sa kanila ang bayan sa buong panahon: at mangyayari, na bawa't malaking usap ay dadalhin nila sa iyo, datapuwa't bawa't munting usap, ay silasila ang maghahatulan: sa ganyan ay magiging magaan sa iyo, at magpapasan silang katulong mo. 23 Kung gagawin mo ang bagay na ito, at iuutos sa iyong ganyan ng Dios ay iyo ngang mababata, at ang buong bayan namang ito ay uuwing payapa. 24 Sa gayon, ay dininig ni Moises ang kaniyang biyanan, at ginawang lahat yaong sinabi. 25 At pumili si Moises ng mga lalaking bihasa sa buong Israel, at ginawa niyang pangulo sa bayan, na mga puno ng lilibuhin, mga puno ng dadaanin, mga puno ng lilimangpuin, at mga puno ng sasangpuin. 26 At kanilang hinatulan ang bayan sa buong panahon: ang mabibigat na usap ay kanilang dinadala kay Moises, datapuwa't bawa't munting usap ay silasila ang naghahatulan. 27 At tinulutan ni Moises ang kaniyang biyanan na magpaalam at siya'y umuwi sa sariling lupain.
Exodo 19
1 Sa ikatlong buwan, pagkatapos na ang mga anak ni Israel ay makaalis sa lupain ng Egipto, ay dumating sila ng araw ding yaon sa ilang ng Sinai. 2 At nang sila'y umalis sa Rephidim, at dumating sa ilang ng Sinai, ay humantong sila sa ilang; at doo'y humantong ang Israel sa harap ng bundok. 3 At si Moises ay lumapit sa Dios, at tinawag ng Panginoon siya mula sa bundok, na sinasabi, Ganito mo sasabihin sa sangbahayan ni Jacob, at sasaysayin sa mga anak ni Israel. 4 Inyong nakita ang aking ginawa sa mga Egipcio, at kung paanong dinala ko kayo sa mga pakpak ng agila, at kayo'y inilapit ko sa akin din. 5 Kaya't ngayon, kung tunay na inyong susundin ang aking tinig, at iingatan ang aking tipan, ay magiging isang tanging kayamanan nga kayo sa akin, na higit sa lahat ng bayan: sapagka't ang buong lupa ay akin; 6 At kayo'y magiging isang kaharian ng mga saserdote sa akin, at isang banal na bansa. Ito ang mga salita na inyong sasalitaan sa mga anak ni Israel. 7 At dumating si Moises at tinawag ang mga matanda sa bayan, at ipinahayag sa harap nila ang lahat ng salitang ito na iniutos ng Panginoon sa kaniya. 8 At ang buong bayan ay sumagot na magkakaisa, at nagsabi, Yaong lahat na sinalita ng Panginoon ay aming gagawin. At ipinagbigay alam ni Moises ang mga salita ng bayan sa Panginoon. 9 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Narito ako'y naparirito sa iyo sa isang salimuot na ulap upang marinig ng bayan pagka ako'y magsasalita sa iyo, at paniwalaan ka rin naman nila magpakailan man. At sinalita ni Moises ang mga salita ng bayan sa Panginoon. 10 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Pumaroon ka sa bayan at papagbanalin mo sila ngayon at bukas at labhan nila ang kanilang mga damit, 11 At humanda sa ikatlong araw: sapagka't sa ikatlong araw ay bababa ang Panginoon sa paningin ng buong bayan sa ibabaw ng bundok ng Sinai. 12 At lalagyan mo ng mga hangganan ang bayan sa palibot, na iyong sasabihin, Magingat kayo, na kayo'y huwag sumampa sa bundok, o sumalang sa hangganan: sinomang sumalang sa bundok ay papatayin na walang pagsala: 13 Walang kamay na hihipo sa kaniya, kundi, siya'y tunay na babatuhin, o papanain; maging hayop o tao ay hindi mabubuhay: pagka ang pakakak ay tumunog ng maluwat ay sasampa sila sa bundok. 14 At bumaba si Moises sa bayan mula sa bundok, at pinakabanal ang bayan, at sila'y naglaba ng kanilang mga damit. 15 At kaniyang sinabi sa bayan, humanda kayo sa ikatlong araw; huwag kayong sumiping sa babae. 16 At nangyari ng ikatlong araw, ng umaga, na kumulog at kumidlat, at may isang salimuot na ulap sa ibabaw ng bundok, at ang tunog ng pakakak ay napakalakas; at ang buong bayan na nasa kampamento ay nanginig. 17 At inilabas ni Moises ang bayan sa kampamento upang salubungin ang Dios; at sila'y tumayo sa paanan ng bundok. 18 At ang buong bundok ng Sinai ay umuusok, sapagka't ang Panginoon ay bumaba sa ibabaw niyaon na nasa apoy: at ang usok niyaon ay napaiilanglang na parang usok ng isang hurno, at ang buong bundok ay umuugang mainam. 19 At nang lumalakas ng lumalakas ang tunog ng pakakak ay nagsasalita si Moises, at sinasagot siya ng Dios sa pamamagitan ng tinig. 20 At ang Panginoon ay bumaba sa ibabaw ng bundok ng Sinai, sa taluktok ng bundok; at tinawag ng Panginoon si Moises sa taluktok ng bundok; at si Moises ay sumampa. 21 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Bumaba ka, pagbilinan mo ang bayan, baka sila'y lumagpas upang makita ang Panginoon, at mamatay ang karamihan sa kanila. 22 At gayon din ang mga saserdote, na lumalapit sa Panginoon ay papagbanalin mo, baka ang Panginoon ay hindi makapagpigil sa kanila. 23 At sinabi ni Moises sa Panginoon, Ang baya'y hindi makasasampa sa bundok ng Sinai: sapagka't iyong pinagbilinan kami, na iyong sinabi, lagyan mo ng hangganan sa palibot ang bundok, at iyong ariing banal. 24 At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Yumaon ka, bumaba ka; at ikaw ay sasampa, ikaw at si Aaron na iyong kasama: nguni't ang mga saserdote at ang bayan ay huwag lumampas sa mga hangganan upang lumapit sa Panginoon, baka siya ay hindi makapagpigil sa kanila. 25 Sa gayo'y bumaba si Moises sa bayan at isinaysay sa kanila.
Exodo 20
1 At sinalita ng Dios ang lahat ng salitang ito, na sinasabi, 2 Ako ang Panginoon mong Dios, na naglabas sa iyo sa lupain ng Egipto, sa bahay ng pagkaalipin. 3 Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko. 4 Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng anomang anyong nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa: 5 Huwag mong yuyukuran sila, o paglingkuran man sila; sapagka't akong Panginoon mong Dios, ay Dios na mapanibughuin, na aking dinadalaw ang katampalasanan ng mga magulang sa mga anak, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salin ng lahi ng mga napopoot sa akin; 6 At pinagpapakitaan ko ng kaawaan ang libolibong umiibig sa akin at tumutupad ng aking mga utos. 7 Huwag mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Dios sa walang kabuluhan; sapagka't hindi aariin ng Panginoong walang sala ang bumanggit ng kaniyang pangalan sa walang kabuluhan. 8 Alalahanin mo ang araw ng sabbath upang ipangilin. 9 Anim na araw na gagawa ka at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain. 10 Nguni't ang ikapitong araw ay sabbath sa Panginoon mong Dios: sa araw na iyan ay huwag kang gagawa ng anomang gawa, ikaw, ni ang iyong anak na lalake ni babae, ni ang iyong aliping lalake ni babae, ni ang iyong baka, ni ang iyong tagaibang lupa na nasa loob ng iyong mga pintuang daan: 11 Sapagka't sa anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, ang dagat, at lahat ng nangaroon, at nagpahinga sa ikapitong araw; na ano pa't pinagpala ng Panginoon ang araw ng sabbath, at pinakabanal. 12 Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupa na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios. 13 Huwag kang papatay. 14 Huwag kang mangangalunya. 15 Huwag kang magnanakaw. 16 Huwag kang magbibintang sa iyong kapuwa. 17 Huwag mong iimbutin ang bahay ng iyong kapuwa, huwag mong iimbutin ang asawa ng iyong kapuwa, ni ang kaniyang aliping lalake o babae, ni ang kaniyang baka, ni ang kaniyang asno, ni anomang bagay ng iyong kapuwa. 18 At nakikita ng buong bayan ang mga kulog, at ang mga kidlat, at ang tunog ng pakakak at ang bundok na umuusok: at nang makita ng bayan, ay nanginig sila, at tumayo sa malayo. 19 At sinabi nila kay Moises, Magsalita ka sa amin, at aming didinggin: datapuwa't huwag magsalita ang Dios sa amin, baka kami ay mamatay. 20 At sinabi ni Moises sa bayan, Huwag kayong matakot: sapagka't ang Dios ay naparito upang subukin kayo, at upang ang takot sa kaniya ay sumainyo, upang huwag kayong magkasala. 21 At ang bayan ay tumayo sa malayo, at si Moises ay lumapit sa salimuot na kadiliman na kinaroroonan ng Dios. 22 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ganito mo sasabihin sa mga anak ni Israel: Kayo ang nakakita na ako'y nakipagusap sa inyo mula sa langit. 23 Huwag kayong gagawa ng ibang mga dios na iaagapay sa akin; ng mga dios na pilak, o ng mga dios na ginto, huwag kayong gagawa para sa inyo. 24 Isang dambanang lupa ang inyong gagawin sa akin, at inyong ihahain doon ang inyong mga handog na susunugin, at ang inyong mga handog tungkol sa kapayapaan, ang inyong mga tupa, at ang inyong mga baka sa lahat ng dakong aking ipaaalaala ang aking pangalan, ay paparoonan kita at pagpapalain kita. 25 At kung igagawa mo ako ng isang dambanang bato, ay huwag mong itatayong may tapyas: sapagka't kung iyong gamitin ang iyong patalim doon, ay iyong nilapastangan yaon. 26 Ni huwag kang sasampa sa aking dambana sa pamamagitan ng mga baytang, upang ang inyong kahubaran ay huwag malitaw sa ibabaw niyaon.
Exodo 21
1 Ito nga ang mga hatol na igagawad mo sa harap nila. 2 Kung ikaw ay bumili ng isang aliping Hebreo, ay anim na taong maglilingkod siya; at sa ikapito ay aalis siyang laya na walang sauling bayad. 3 Kung siya'y pumasok na magisa, ay aalis na mag-isa: kung may asawa ay aalis nga ang kaniyang asawa na kasama niya. 4 Kung siya'y bigyan ng kaniyang panginoon ng asawa, at magkaanak sa kaniya ng mga lalake, o mga babae; ang asawa at ang kaniyang mga anak ay magiging sa kaniyang panginoon, at siya'y aalis na magisa. 5 Datapuwa't kung maliwanag na sabihin ng alipin, Aking iniibig ang aking panginoon, ang aking asawa, at ang aking mga anak; ako'y hindi aalis na laya: 6 Kung magkagayo'y dadalhin siya ng kaniyang panginoon sa Dios, at dadalhin siya sa pinto, o sa haligi ng pinto; at bubutasan ng kaniyang panginoon ang kaniyang tainga ng isang pangbutas; at paglilingkuran niya siya magpakailan man. 7 At kung ipagbili ng isang lalake ang kaniyang anak na babae na maging alipin, ay hindi siya aalis na gaya ng pagalis ng mga aliping lalake. 8 Kung siya'y hindi makapagpalugod sa kaniyang panginoon, na umayaw magasawa sa kaniya, ay ipatutubos nga niya siya: walang kapangyarihang ipagbili siya sa isang taga ibang lupa, yamang siya'y nadaya. 9 At kung pinapag-asawa ng bumili sa kaniyang anak na lalake, ay kaniyang ipalalagay siya ng ayon sa kaugalian sa mga anak na babae. 10 Kung siya'y magasawa sa iba, ang kaniyang pagkain, ang kaniyang damit at ang kaniyang kapangyarihang pagkaasawa ay hindi niya babawasan. 11 At kung hindi niya gawin ang tatlong bagay na ito sa kaniya ay aalis nga siya na walang bayad, na walang tubos na salapi. 12 Ang sumakit sa isang tao, na ano pa't mamatay ay papataying walang pagsala. 13 At kung hindi sinasadya ng isang tao, kundi Dios ang naghulog sa kaniyang kamay; ay lalaanan kita ng isang dako na kaniyang tatakasan. 14 At kung magtangka ang sinoman sa kaniyang kapuwa, na pumatay na may daya, ay alisin mo siya sa aking dambana, upang patayin. 15 At ang sumakit sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, ay papataying walang pagsala. 16 At ang magnakaw ng isang tao, at ipagbili, o masumpungan sa kaniyang kamay, ay papataying walang pagsala. 17 At ang lumait sa kaniyang ama, o sa kaniyang ina, ay papataying walang pagsala. 18 At kung may magbabag, at saktan ng isa ang isa, ng bato, o ng kaniyang suntok, at hindi mamatay, kundi mahiga lamang sa banig: 19 Kung makabangon uli, at makalakad sa tulong ng kaniyang tungkod, ay ligtas nga yaong sumakit sa kaniya; pagbabayaran lamang niya ang panahong nasayang, at kaniyang pagagalinging maigi. 20 At kung saktan ng sinoman ang kaniyang aliping lalake o babae, ng tungkod at mamatay sa kaniyang kamay; ay parurusahan siyang walang pagsala. 21 Gayon ma'y kung tumagal ng isang araw o dalawa, ay hindi siya parurusahan: sapagka't siya'y kaniyang salapi. 22 At kung may magbabag, at makasakit ng isang babaing buntis, na ano pa't makunan, at gayon ma'y walang karamdamang sumunod: ay tunay na papagbabayarin siya, ayon sa iatang sa kaniya ng asawa ng babae; at siya'y magbabayad ng ayon sa ipasiya ng mga hukom. 23 Datapuwa't kung may anomang karamdamang sumunod, magbabayad ka nga ng buhay kung buhay, 24 Mata kung mata, ngipin kung ngipin, kamay kung kamay, paa kung paa, 25 Paso kung paso, sugat kung sugat, bugbog kung bugbog. 26 At kung saktan ng sinoman ang mata ng kaniyang aliping lalake, o ang mata ng kaniyang aliping babae at mabulag, ay kaniyang palalayain dahil sa kaniyang mata. 27 At kung kaniyang bungalan ang kaniyang aliping lalake, o babae, ay kaniyang palalayain dahil sa kaniyang ngipin. 28 At kung ang isang baka ay manuwag ng isang lalake o ng isang babae, na ano pa't mamatay, ay babatuhing walang pagsala ang baka at ang kaniyang lama'y hindi kakanin; datapuwa't ang may-ari ng baka ay maliligtas. 29 Datapuwa't kung ang baka ay dating manunuwag sa panahong nakaraan, at naisumbong na sa may-ari at hindi niya kinulong, na ano pa't makamatay ng isang lalake, o isang babae: ay babatuhin ang baka at ang may-ari naman ay papatayin. 30 Kung siya'y atangan ng katubusan ay magbibigay nga siya ng katubusan sa kaniyang buhay anomang iatang sa kaniya. 31 Maging manuwag sa isang anak na lalake o babae man, ay gagawin sa kaniya ayon sa kahatulang ito. 32 Kung ang baka ay manuwag sa isang aliping lalake o babae, ay magbabayad ang may-ari ng tatlong pung siklong pilak sa kanilang panginoon, at ang baka ay babatuhin. 33 At kung ang sinoman ay magbubukas ng isang balon, o huhukay ng isang balon at hindi tatakpan, at ang isang baka, o ang isang asno ay mahulog sa loob, 34 Ay sasaulian ng may-ari ng balon; magbabayad siya ng salapi sa may-ari ng mga yaon, at ang patay na hayop ay magiging kaniya. 35 At kung ang baka ng sinoman ay sumakit sa baka ng iba, na ano pa't mamatay; ay kanila ngang ipagbibili ang bakang buhay, at kanilang paghahatiin ang halaga niyaon; at ang patay ay paghahatiin din nila. 36 O kung kilala, na ang baka ay dating manunuwag sa panahong nakaraan, at hindi kinulong ng may-ari; ay tunay ngang magbabayad siya, ng baka kung baka, at ang patay na hayop ay magiging kaniyang sarili.
Exodo 22
1 Kung ang isang lalake ay magnakaw ng isang baka, o ng isang tupa at patayin, o ipagbili: ay kaniyang pagbabayaran ng limang baka ang isang baka, at ng apat na tupa ang isang tupa. 2 Kung ang isang magnanakaw ay masumpungan, na naninira, at masaktan na ano pa't namatay ay hindi aariing mamamataytao ang pumatay. 3 Kung sikatan siya ng araw, ay aariin siyang mamamataytao; siya'y dapat magsauli ng kabayaran: kung siya'y wala ay ipagbibili siya dahil sa kaniyang ninakaw. 4 Kung ang ninakaw ay masumpungang buhay sa kaniyang kamay, maging baka, o asno, o tupa, ay magbabayad siya ng ibayo. 5 Kung ang sinoman ay magpastol sa isang bukid, o sa isang ubasan, at pawalan ang kaniyang hayop at pastulin sa bukid ng iba; sa pinakamainam sa kaniyang sariling parang, at sa pinakamainam sa kaniyang sariling ubasan, ay sasaulian niya. 6 Kung may magningas na apoy, at magtangay ng mga tinik, na ano pa't ang mga mandala, o ang mga uhay, o ang bukid ay masunog, ay tunay na magbabayad yaong nagpaningas ng apoy. 7 Kung ang sinoman ay magpatago sa kaniyang kapuwa ng salapi o pag-aari, at nakawin sa bahay ng taong yaon; kung masumpungan ang magnanakaw, ay magbabayad ng ibayo. 8 Kung hindi masumpungan ang magnanakaw, ay lalapit ang may-ari ng bahay sa Dios, upang maalaman kung hindi niya pinakialaman ang pag-aari ng kaniyang kapuwa. 9 Sapagka't lahat ng bagay na pagsalangsang, maging sa baka, sa asno, sa tupa, sa damit, o sa anomang bagay na nawala, na may magsabi, Ito nga ay akin; ay dadalhin sa harap ng Dios ang usap ng dalawa; yaong parurusahan ng Dios ay magbabayad ng ibayo sa kaniyang kapuwa. 10 Kung ang sinoman ay maghabilin sa kaniyang kapuwa ng isang asno, o ng isang baka, o ng isang tupa, o ng anomang hayop; at mamatay, o masasaktan, o maagaw, na walang nakakakitang sinoman: 11 Ay pamamagitanan silang dalawa ng pagsumpa sa Panginoon kung hindi niya pinakialaman ang pag-aari ng kaniyang kapuwa; at tatanggapin ng may-ari, at siya'y hindi magsasauli. 12 Datapuwa't kung kaniyang ninakaw sa kaniya ay sasaulian niya ang may-ari niyaon. 13 Kung nalapa ay dadalhing pinakapatotoo, at hindi sasaulian ang nalapa. 14 At kung ang sinoman ay humiram ng anoman sa kaniyang kapuwa, at masaktan, o mamatay, na hindi kaharap ang may-ari, ay walang pagsala na siya'y magsasauli. 15 Kung ang may-ari niyaon ay kaharap, ay hindi niya sasaulian; kung isang bagay na pinauupahan ay ihuhulog sa kaniyang kaupahan. 16 At kung dayain ng isang lalake ang isang dalaga, na hindi pa niya nagiging asawa at kaniyang sipingan, ay tunay na kaniyang ipagbabayad ng bigay-kaya upang maging asawa niya. 17 Kung itangging mainam ng kaniyang ama na ibigay sa kaniya, ay magbabayad siya ng salapi, ayon sa bigay-kaya sa mga dalaga. 18 Huwag mong babatahing mabuhay ang isang babaing manggagaway. 19 Sinomang makiapid sa isang hayop ay papataying walang pagsala. 20 Yaong maghain sa anomang dios, maliban sa Panginoon lamang, ay lubos na papatayin. 21 At ang taga ibang lupa ay huwag mong aapihin, o pipighatiin man; sapagka't kayo'y naging taga ibang lupa sa lupain ng Egipto. 22 Huwag mong papagdadalamhatiin ang sinomang babaing bao, o ulila. 23 Kung iyong dalamhatiin sila sa anomang paraan, at sila'y dumaing sa akin, ay walang pagsala, na aking didinggin ang kanilang daing; 24 At ang aking pagiinit ay magaalab, at aking papatayin kayo ng tabak; at ang inyong mga asawa ay magiging mga bao, at ang inyong mga anak ay mga ulila. 25 Kung magpautang ka ng salapi sa kanino man sa aking bayan na kasama mo na dukha, huwag kang magpapakamanunubo sa kaniya ni hihingan mo man siya ng tubo. 26 Kung iyong tanggapin sa anoman ang damit ng iyong kapuwa na pinakasangla, ay iyong isasauli sa kaniya bago lumubog ang araw; 27 Sapagka't iyan ang kaniya lamang pangbihis, siyang kaniyang pangdamit sa kaniyang balat: ano ngang kaniyang ipangtutulog? at mangyayari, na pagka siya'y dumaing sa akin, ay aking didinggin; sapagka't ako'y mapagbiyaya. 28 Huwag mong lalapastanganin ang Dios, ni susumpain man ang pinuno sa iyong bayan. 29 Huwag kang magmamakupad ng paghahandog ng iyong mga ani, at ng tulo ng iyong mga pigaan. Ang panganay sa iyong mga anak na lalake ay ibibigay mo sa akin. 30 Gayon din ang gagawin mo sa iyong mga baka, at sa iyong mga tupa: pitong araw na mapapa sa kaniyang ina; sa ikawalong araw ay ibibigay mo sa akin. 31 At kayo'y magpapakabanal na tao sa akin: na ano pa't huwag kayong kakain ng anomang laman, na nalapa ng ganid sa parang; inyong ihahagis sa mga asno.
Exodo 23
1 Huwag kang magkakalat ng kasinungalingan: huwag kang makikipagkayari sa masama, na maging saksi kang sinungaling. 2 Huwag kang susunod sa karamihan na gumawa ng masama; ni magbibigay patotoo man sa isang usap, na ang kiling ay sa karamihan upang sirain ang kahatulan: 3 Ni huwag mo ring kikilingan ang dukha sa kaniyang usap. 4 Kung iyong masumpungan ang baka ng iyong kaalit o ang kaniyang asno, na nakawala, ay tunay na ibabalik mo sa kaniya. 5 Kung iyong makita ang asno ng napopoot sa iyo, na nakalugmok sa ilalim ng kaniyang pasan, at ayaw mo mang alisan ng pasan, ay walang pagsalang iyong tutulungan pati ng may-ari niyaon. 6 Huwag mong sisirain ang kahatulan ng iyong dukha, sa kaniyang usap. 7 Layuan mo ang bagay na kasinungalingan, at ang walang sala at ang matuwid, ay huwag mong papatayin: sapagka't hindi ko patototohanan ang masama. 8 At huwag kang tatanggap ng suhol: sapagka't ang suhol ay bumubulag sa mga may paningin, at sinisira ang mga salita ng mga banal. 9 At ang taga ibang lupa ay huwag mong pipighatiin sapagka't talastas ninyo ang puso ng taga ibang lupa, yamang kayo'y naging mga taga ibang lupa, sa lupain ng Egipto. 10 Anim na taong hahasikan mo ang iyong lupa at aanihin mo ang bunga niyaon: 11 Datapuwa't sa ikapitong taon ay iyong iiwan at babayaan, upang kumain ang dukha sa iyong bayan: at ang kanilang iwan ay kakanin ng hayop sa bukid. Gayon din ang iyong gagawin sa iyong ubasan at sa iyong olibohan. 12 Anim na araw, na iyong gagawin ang iyong gawain, at sa ikapitong araw, ay magpapahinga ka: upang ang iyong baka at ang iyong asno ay makapagpahinga; at ang anak na lalake ng iyong aliping babae, at ang taga ibang lupa ay makapagpahinga. 13 At lahat ng mga bagay na aking sinabi sa inyo ay inyong ingatan: at huwag ninyong banggitin ang pangalan ng ibang dios, o marinig man sa inyong bibig. 14 Makaitlong magdidiwang ka ng pista sa akin, sa bawa't taon. 15 Ang pista ng tinapay na walang lebadura ay iyong ipagdidiwang; pitong araw na kakain ka ng tinapay na walang lebadura, gaya ng iniutos ko sa iyo, sa takdang panahon, sa buwan ng Abib (sapagka't niyaon ka umalis sa Egipto); at walang lalapit sa harap ko na walang dala: 16 At ang pista ng pagaani ng mga unang bunga ng iyong kapagalan, na iyong inihasik sa bukid: at ang pista ng pagaani, sa katapusan ng taon, nang pagaani mo ng iyong kapagalan sa bukid. 17 Makaitlo sa bawa't taon na ang lahat na iyong mga lalake ay haharap sa Panginoong Dios. 18 Huwag mong ihahandog ang dugo ng hain sa akin, na kasabay ng tinapay na may lebadura; o iiwan mo man ang taba ng aking pista sa buong magdamag hanggang sa kinaumagahan. 19 Ang mga pinakauna ng mga unang bunga ng iyong lupa ay iyong ipapasok sa bahay ng Panginoon mong Dios. Huwag mong lulutuin ang batang kambing sa gatas ng kaniyang ina. 20 Narito, aking sinusugo ang isang anghel sa unahan mo, upang ingatan ka sa daan, at upang dalhin ka sa dakong aking inihanda sa iyo. 21 Magingat kayo sa kaniya, at dinggin ninyo ang kaniyang tinig; huwag ninyong mungkahiin siya: sapagka't hindi niya patatawarin ang inyong pagsalangsang; sapagka't ang aking pangalan ay nasa kaniya. 22 Datapuwa't kung didinggin mong lubos ang kaniyang tinig, at gagawin mo ang lahat ng aking sinasalita; ay magiging kaaway nga ako ng iyong mga kaaway, kaalit ng iyong mga kaalit. 23 Sapagka't ang aking anghel ay magpapauna sa iyo at dadalhin ka sa Amorrheo, at sa Hetheo at sa Perezeo, at sa Cananeo, at sa Heveo, at sa Jebuseo, at aking lilipulin. 24 Huwag kang yuyukod sa kanilang mga dios, o maglilingkod man sa mga yaon, o gagawa man ng ayon sa kanilang mga gawa, kundi iyong iwawaksi at iyong pagpuputulputulin ang kanilang mga haligi na pinakaalaala. 25 At inyong paglilingkuran ang Panginoon ninyong Dios, at kaniyang babasbasan ang iyong tinapay at ang iyong tubig; at aking aalisin ang sakit sa gitna mo. 26 Walang babaing makukunan, o magiging baog man, sa iyong lupain: ang bilang ng iyong mga araw ay aking lulubusin. 27 Aking susuguin ang sindak sa unahan mo, at aking liligaligin ang buong bayan na iyong paroroonan, at aking patatalikurin sa iyo ang lahat ng iyong mga kaaway. 28 At aking susuguin ang mga putakti sa unahan mo, na magpapalayas sa Heveo, sa Cananeo at sa Hetheo, sa harap mo. 29 Hindi ko palalayasin sila sa harap mo sa isang taon; baka ang lupa'y maging ilang, at ang mga ganid sa parang ay magsidami laban sa iyo. 30 Untiunting aking palalayasin sila sa harap mo, hanggang sa ikaw ay kumapal at manahin mo ang lupain. 31 At aking itatatag ang iyong hangganan na mula sa Dagat na Mapula hanggang sa dagat ng Filistia at mula sa ilang hanggang sa Ilog ng Eufrates: sapagka't aking ibibigay ang mga nananahan sa lupain sa iyong kamay, at iyo silang palalayasin sa harap mo. 32 Huwag kang makikipagtipan sa kanila, ni sa kanilang mga dios. 33 Sila'y hindi tatahan sa iyong lupain, baka papagkasalahin ka nila laban sa akin: sapagka't kung ikaw ay maglingkod sa kanilang mga dios, ay tunay na magiging silo sa iyo.
Exodo 24
1 At kaniyang sinabi kay Moises, Sumampa ka sa kinaroroonan ng Panginoon, ikaw, at si Aaron, si Nadab, at si Abiu, at pitong pu ng mga matanda sa Israel; at sumamba kayo mula sa malayo: 2 At si Moises lamang ang lalapit sa Panginoon; datapuwa't sila'y hindi lalapit; o ang bayan man ay sasampang kasama niya. 3 At lumapit si Moises at isinaysay sa bayan ang lahat ng mga salita ng Panginoon, at ang lahat ng mga palatuntunan. At ang buong bayan ay sumagot ng paminsan, at nagsabi, Lahat ng mga salita na sinalita ng Panginoon, ay aming gagawin. 4 At sinulat ni Moises ang lahat ng mga salita ng Panginoon, at bumangon ng maaga sa kinaumagahan, at nagtayo ng isang dambana sa paanan ng bundok, at ng labing dalawang batong pinakaalaala, ayon sa labing dalawang lipi ng Israel. 5 At kaniyang sinugo ang mga binata ng mga anak ni Israel, na nagsipaghandog ng mga handog na susunugin at nagsipaghain sa Panginoon ng handog na baka tungkol sa kapayapaan. 6 At kinuha ni Moises ang kalahati ng dugo, at inilagay sa mga tasa; at ang kalahati ng dugo ay iniwisik sa ibabaw ng dambana. 7 At kaniyang kinuha ang aklat ng tipan, at binasa sa pakinig ng bayan: at kanilang sinabi, Lahat ng sinalita ng Panginoon ay aming gagawin, at kami ay magmamasunurin. 8 At kinuha ni Moises ang dugo at iniwisik sa bayan, at sinabi, Narito ang dugo ng tipan, na ipinakipagtipan ng Panginoon sa inyo tungkol sa lahat ng mga salitang ito. 9 Nang magkagayo'y sumampa si Moises, at si Aaron, si Nadab, at si Abiu, at pitongpu ng mga matanda sa Israel: 10 At kanilang nakita ang Dios ng Israel; at mayroon sa ilalim ng kaniyang mga paa na parang isang yaring lapag na batong zafiro, at paris din ng langit sa kaliwanagan. 11 At sa mga mahal na tao sa mga anak ni Israel ay hindi niya ipinatong ang kaniyang kamay: at sila'y tumingin sa Dios, at kumain at uminom. 12 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Sampahin mo ako sa bundok, at dumoon ka: at ikaw ay bibigyan ko ng mga tapyas na bato, at ng kautusan, at ng utos na aking isinulat, upang iyong maituro sa kanila. 13 At tumindig si Moises, at si Josue na kaniyang tagapangasiwa: at si Moises ay sumampa sa bundok ng Dios. 14 At kaniyang sinabi sa mga matanda, Hintayin ninyo kami rito hanggang sa kami ay bumalik sa inyo: at, narito si Aaron at si Hur ay kasama ninyo: sinomang magkaroon ng usap ay lumapit sa kanila. 15 At sumampa si Moises sa bundok at tinakpan ng ulap ang bundok. 16 At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nanahan sa ibabaw ng bundok ng Sinai, at tinakpan ng ulap na anim na araw: at sa ikapitong araw ay tinawag niya si Moises sa gitna ng ulap. 17 At ang anyo ng kaluwalhatian ng Panginoon ay paris ng apoy na manunupok sa ibabaw ng taluktok ng bundok, sa harap ng mga mata ng mga anak ni Israel. 18 At pumasok si Moises sa gitna ng ulap, at sumampa sa bundok: at si Moises ay natira sa bundok na apat na pung araw at apat na pung gabi.
Exodo 25
1 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi, 2 Salitain mo sa mga anak ni Israel, na sila'y magdala sa akin ng isang handog: ang bawa't tao na maganyak ang puso sa kagandahang loob ay kukunan ninyo ng handog sa akin. 3 At ito ang handog na inyong kukunin sa kanila; ginto, at pilak, at tanso; 4 At kayong bughaw, kulay-ube, at pula, at lino at balahibo ng kambing; 5 At mga balat ng lalaking tupa na tinina sa pula, at mga balat ng poka, at kahoy na akasia; 6 Langis sa ilawan, mga espesia sa langis na pangpahid, at sa mabangong pangsuob; 7 Mga batong onix, at mga batong pangkalupkop sa efod, at sa pektoral. 8 At kanilang igawa ako ng isang santuario; upang ako'y makatahan sa gitna nila. 9 Ayon sa lahat ng aking ipinakita sa iyo, sa anyo ng tabernakulo at sa anyo ng lahat ng kasangkapan niyaon ay gayon ninyo gagawin. 10 At sila'y gagawa ng isang kaban na kahoy na akasia: na may dalawang siko't kalahati ang haba niyaon, at may isang siko't kalahati ang luwang niyaon, at may isang siko't kalahati ang taas niyaon. 11 At iyong babalutin ng taganas na ginto; sa loob at sa labas ay iyong babalutin, at igagawa mo sa ibabaw ng isang kornisa sa palibot. 12 At ipagbububo mo ng apat na argolyang ginto, at ipaglalagay mo sa apat na paa niyaon, at dalawang argolya ang mapapasa isang tagiliran niyaon, at dalawang argolya sa kabilang tagiliran niyaon. 13 At gagawa ka ng mga pingga na kahoy na akasia at iyong babalutin ng ginto. 14 At iyong isusuot ang mga pingga sa loob ng mga argolya, sa mga tagiliran ng kaban, upang mabuhat ang kaban. 15 Ang mga pingga ay masusuot sa loob ng mga argolya ng kaban: hindi aalisin doon. 16 At iyong isisilid sa kaban ang mga kinalalagdaan ng patotoo na aking ibibigay sa iyo. 17 At gagawa ka ng isang luklukan ng awa, na taganas na ginto: na may dalawang siko't kalahati ang haba niyaon, at may isang siko't kalahati ang luwang niyaon. 18 At gagawa ka ng dalawang querubing ginto; na yari sa pamukpok iyong gagawin, sa dalawang dulo ng luklukan ng awa. 19 At gawin mo ang isang querubin sa isang dulo, at ang isang querubin sa kabilang dulo: kaputol ng luklukan ng awa, gagawin mo ang mga querubin sa dalawang dulo niyaon. 20 At ibubuka ng mga querubin ang kanilang pakpak na paitaas, na nilililiman ang luklukan ng awa, ng kanilang mga pakpak, na ang kanilang mukha ay nagkakaharap, sa dakong luklukan ng awa ihaharap ang mga mukha ng mga querubin. 21 At iyong ilalagay ang luklukan ng awa sa ibabaw ng kaban; at sa loob ng kaban, ay iyong ilalagay ang mga kinalalagdaan ng patotoo, na aking ibibigay sa iyo. 22 At diya'y makikipagkita ako sa iyo, at makikipanayam sa iyo mula sa ibabaw ng luklukan ng awa, sa gitna ng dalawang querubin na nangasa ibabaw ng kaban ng patotoo, tungkol sa lahat ng mga bagay na ibibigay ko sa iyong utos sa mga anak ni Israel. 23 At gagawa ka ng isang dulang na kahoy na akasia: na may dalawang siko ang haba niyaon, at isang siko ang luwang niyaon, at isang siko't kalahati ang taas niyaon. 24 At iyong babalutin ng taganas na ginto, at igagawa mo ng isang kornisang ginto sa palibot. 25 At igagawa mo ng isang gilid na may isang palad ng kamay ang luwang sa palibot, at igagawa mo ng isang kornisang ginto ang palibot ng gilid niyaon. 26 At igagawa mo ng apat na argolyang ginto, at ilalagay mo ang mga argolya sa apat na sulok na ukol sa apat na paa niyaon. 27 Malalapit sa gilid ang mga argolya, sa daraanan ng mga pingga, upang madala ang dulang. 28 At gagawin mo ang mga pingga na kahoy na akasia, at iyong babalutin ng ginto, upang ang dulang ay madala ng mga yaon. 29 At gagawa ka ng mga pinggan niyaon, at ng mga kutsara niyaon, at ng mga kopa niyaon, at ng mga tasa niyaon na pagbubuhusan; na iyong gagawing taganas na ginto. 30 At ilalagay mo sa dulang ang tinapay na handog sa harap ko na palagi. 31 At gagawa ka ng isang kandelerong taganas na ginto: yari sa pamukpok gagawin mo ang kandelero, ang tuntungan niyaon, at ang haligi niyaon; ang mga kopa niyaon, ang mga globito niyaon at ang mga bulaklak niyaon ay mga kaputol: 32 At magkakaroon ng anim na sangang lumalabas sa mga tagiliran niyaon; tatlong sanga ng kandelero'y sa isang tagiliran niyaon, at ang tatlong sanga ng kandelero ay sa kabilang tagiliran niyaon: 33 At magkakaroon ng tatlong kopang anyong bulaklak ng almendro sa isang sanga, isang globito at isang bulaklak; at tatlong kopang anyong bulaklak ng almendro sa kabilang sanga, isang globito at isang bulaklak; at gayon sa anim na sangang lumalabas sa kandelero. 34 At sa haligi ng kandelero'y magkakaroon ng apat na kopang anyong bulaklak ng almendro, sangpu ng mga globito niyaon, at ng mga bulaklak niyaon: 35 At magkakaroon ng isang globito sa ilalim ng dalawa sa mga sanga, at isang globito sa ilalim ng kabilang dalawa sa mga sanga na kaputol niyaon, at isang globito sa ilalim ng dalawang sangang nalalabi ayon sa anim na sanga na lumalabas sa kandelero. 36 Ang magiging mga globito at mga sanga niyaon ay kaputol: kabuoan niyaon ay isa lamang putol na yari sa pamukpok, na taganas na ginto. 37 At igagawa mo ng kaniyang mga ilawan, na pito: at kanilang sisindihan ang mga ilawan niyaon, upang lumiwanag sa dakong tapat ng kandelero. 38 At ang magiging mga gunting at mga pinggan niyaon ay taganas na ginto. 39 Isang talentong taganas na ginto gagawin, sangpu ng lahat ng kasangkapang ito. 40 At ingatan mo, na iyong gawin ayon sa anyo ng mga yaon na ipinakita sa iyo sa bundok.
Exodo 26
1 Bukod dito'y gagawin mo ang tabernakulo na may sangpung tabing; na linong pinili, at bughaw, at kulay-ube, at pula, na may mga querubin na gawa ng bihasang manggagawa, iyong gagawin. 2 Ang magiging haba ng bawa't tabing ay dalawang pu't walong siko, at ang luwang ng bawa't tabing ay apat na siko: lahat ng tabing ay magkakaroon ng isang kasukatan. 3 Limang tabing ay papagsusugpunging isa't isa; at ang ibang limang tabing ay papagsusugpunging isa't isa. 4 At gagawa ka ng mga presilyang bughaw sa gilid ng isang tabing sa hangganan ng pagkakasugpong, at gayon din gagawin mo sa gilid ng ikalawang tabing na nasa ikalawang pagkakasugpong. 5 Limang pung presilya ang iyong gagawin sa isang tabing, at limang pung presilya ang iyong gagawin sa gilid ng tabing na nasa ikalawang pagkakasugpong; ang mga presilya ay magkakatapat na isa't isa. 6 At limang pung pangawit na ginto ang iyong gagawin at pagsusugpungin mo ang mga tabing sa pamamagitan ng mga kawit; at magiging isa lamang. 7 At gagawa ka ng mga tabing na balahibo ng kambing na pinaka tolda sa ibabaw ng tabernakulo: labing isang tabing ang iyong gagawin. 8 Ang magiging haba ng bawa't tabing ay tatlong pung siko, at ang luwang ng bawa't tabing ay apat na siko: ang labing isang tabing ay magkakaroon ng isang sukat. 9 At iyong papagsusugpungin ang limang tabing, at gayon din ang anim na tabing, at iyong ititiklop ang ikaanim na tabing sa harapan ng tabernakulo. 10 At limang pung presilya ang iyong gagawin sa tagiliran ng isang tabing na nasa hangganan ng pagkakasugpong, at limang pung presilya sa tagiliran ng ikalawang pagkakasugpong. 11 At gagawa ka ng limang pung pangawit na tanso, at ikakabit mo ang mga pangawit sa mga presilya at pagsusugpungin mo ang tolda upang maging isa. 12 At ang dakong nakalawit na nalalabi sa mga tabing ng tolda, na siyang kalahati ng tabing na nalalabi ay ilalaylay sa likuran ng tabernakulo. 13 At ang siko ng isang dako at ang siko ng kabilang dako niyaong nalalabi sa haba ng mga tabing ng tolda, ay ilalaylay sa mga tagiliran ng tabernakulo, sa dakong ito at sa dakong yaon, upang takpan. 14 At gagawa ka ng isang pangtakip sa tolda na balat ng lalaking tupa na tininang pula, at isang pangtakip na balat ng poka, sa ibabaw. 15 At igagawa mo ng mga tabla ang tabernakulo, na kahoy na akasia na mga patayo. 16 Sangpung siko ang magiging haba ng isang tabla, at isang siko at kalahati ang luwang ng bawa't tabla. 17 Dalawang mitsa magkakaroon ang bawa't tabla na nagkakasugpong na isa't isa: ang gagawin mo sa lahat ng tabla ng tabernakulo. 18 At igagawa mo ng mga tabla ang tabernakulo: dalawang pung tabla sa tagilirang timugan sa dakong timugan. 19 At gagawa ka ng apat na pung tungtungang pilak upang ilagay sa ilalim ng dalawang pung tabla, dalawang tungtungan sa bawa't tabla na ukol sa kaniyang dalawang mitsa, at dalawang tungtungan sa ilalim ng ibang tabla na ukol sa kaniyang dalawang mitsa: 20 At sa ikalawang tagiliran ng tabernakulo, sa dakong hilagaan, ay dalawang pung tabla: 21 At ang kanilang apat na pung tungtungang pilak; dalawang tungtungan sa ilalim ng isang tabla, at dalawang tungtungan sa ilalim ng kabilang tabla. 22 At sa dakong hulihan ng tabernakulo, sa dakong kalunuran ay igagawa mo ng anim na tabla. 23 At igagawa mo ng dalawang tabla ang mga sulok ng tabernakulo sa dakong hulihan. 24 At pagpapatungin sa dakong ibaba, at gayon din na maugnay sa itaas niyaon sa isang argolya; gayon ang gagawin sa dalawa; para sa dalawang sulok. 25 At magkakaroon ng walong tabla, at ang kanilang mga tungtungang pilak ay labing anim na tungtungan: dalawang tungtungan sa ilalim ng isang tabla, at dalawang tungtungan sa ilalim ng kabilang tabla. 26 At gagawa ka ng mga barakilan, na kahoy na akasia; lima sa mga tabla ng isang tagiliran ng tabernakulo; 27 At limang barakilan sa mga tabla ng kabilang tagiliran ng tabernakulo, at limang barakilan sa mga tabla ng tagiliran ng tabernakulo sa dakong hulihan, na dakong kalunuran. 28 At ang gitnang barakilan ay daraan sa kalagitnaan ng mga tabla mula sa isang dulo hanggang sa kabila. 29 At iyong babalutin ng ginto ang mga tabla, at gigintuin mo ang kanilang mga argolya na pagdaraanan ng mga barakilan: at iyong babalutin ng ginto ang mga barakilan. 30 At iyong itatayo ang tabernakulo ayon sa anyo niyaon, na ipinakita sa iyo sa bundok. 31 At gagawa ka ng isang lambong na bughaw at kulay-ube, at pula at linong pinili: na may mga querubing mainam ang pagkayari: 32 At iyong isasampay sa apat na haliging akasia na balot ng ginto, na pati ng kanilang mga pangipit ay ginto rin: na nakapatong sa ibabaw ng apat na tungtungang pilak. 33 At iyong ibibitin ang lambong sa ilalim ng mga pangalawit, at iyong ipapasok doon sa loob ng lambong ang kaban ng patotoo: at paghihiwalayin sa inyo ng lambong ang dakong banal at ang kabanalbanalang dako. 34 At iyong ilalagay ang luklukan ng awa sa ibabaw ng kaban ng patotoo sa kabanalbanalang dako. 35 At iyong ilalagay ang dulang sa labas ng lambong, at ang kandelero ay sa tapat ng dulang sa tagiliran ng tabernakulo na dakong timugan: at ang dulang ay ilalagay mo sa dakong hilagaan. 36 At igagawa mo ng isang tabing ang pintuan ng tolda na kayong bughaw at kulay-ube, at pula, at linong pinili, na yari ng mangbuburda. 37 At igagawa mo ang tabing ng limang haliging akasia at babalutin mo ng ginto; na ang sima ng mga yaon ay ginto rin: at ipagbububo mo ng limang tungtungan.
Exodo 27
1 At gagawin mong kahoy ng akasia ang dambana, na limang siko ang haba at limang siko ang luwang; ang dambana ay gagawing parisukat: at ang taas ay magkakaroon ng tatlong siko. 2 At gagawin mo ang mga anyong sungay sa ibabaw ng apat na sulok niyaon: ang mga anyong sungay ay kaputol din, at iyong babalutin ng tanso. 3 At igagawa mo ng kaniyang mga kawa upang magalis ng mga abo, at ng mga pala, at ng mga mangkok, at ng mga pangalawit at ng mga suuban: lahat ng mga kasangkapa'y gagawin mong tanso. 4 At igagawa mo ng isang salang tanso na tila lambat ang yari, at ang ibabaw ng nilambat ay igagawa mo ng apat na argolyang tanso sa apat na sulok niyaon. 5 At ilalagay mo sa ibaba ng gilid ng dambana, sa dakong ibaba, upang ang nilambat ay umabot hanggang sa kalahatian ng dambana. 6 At igagawa mo ng mga pingga ang dambana, mga pinggang kahoy na akasia at babalutin mo ng tanso. 7 At ang mga pingga niyao'y isusuot sa mga argolya, at ang mga pingga ay ilalagay sa dalawang tagiliran ng dambana, pagka dinadala. 8 Gagawin mo ang dambana na kuluong sa pamamagitan ng mga tabla kung paano ang ipinakita sa iyo sa bundok, ay gayon gagawin nila. 9 At iyong gagawin ang looban ng tabernakulo: sa tagilirang timugan na dakong timugan ay magkakaroon ng mga tabing sa looban na linong pinili, na may isang daang siko ang haba sa isang tagiliran: 10 At ang ihahaligi doo'y dalawang pu, at ang mga tungtungan ng mga yaon ay dalawang pu na tanso; ang mga sima ng mga haligi at ang mga pilete niyaon ay pilak. 11 At gayon din sa tagilirang dakong hilagaan, sa kahabaan ay magkakaroon ng mga tabing na may isang daang siko ang haba, at ang mga haligi ng mga yaon ay dalawangpu, at ang mga tungtungan ng mga yaon ay dalawangpu na tanso; ang mga sima ng mga haligi at ang mga pilete ng mga yaon ay pilak. 12 At sa kaluwangan ng looban sa kalunuran ay magkakaroon ng mga tabing na may limangpung siko: ang haligi ng mga yaon ay sangpu at ang mga tungtungan ng mga yaon ay sangpu. 13 At sa kaluwangan ng looban sa dakong silanganan, sa dakong sinisikatan ng araw, ay magkakaroon ng limangpung siko. 14 Ang mga tabing sa isang dako ng pintuang-daan ay magkakaroon ng labinglimang siko: ang mga haligi ng mga yaon ay tatlo, at ang mga tungtungan ng mga yaon ay tatlo rin. 15 At sa kabilang dako'y magkakaroon ng mga tabing na ma'y labing limang siko: ang mga haligi ng mga yao'y tatlo, at ang mga tungtungan ng mga yao'y tatlo. 16 At sa pintuan ng looban ay magkakaroon ng isang tabing na may dalawang pung siko, na ang kayo'y bughaw, at kulay-ube, at pula, at kayong linong pinili, na yari ng mangbuburda: ang mga haligi ng mga yao'y apat, at ang mga tungtungan ng mga yao'y apat. 17 Lahat ng haligi sa palibot ng looban ay pagsusugpungin ng mga pileteng pilak; ang mga sima ng mga yaon ay pilak, at ang mga tungtungan ng mga yaon ay tanso. 18 Ang haba ng looban ay magkakaroon ng isang daang siko, at ang luwang ay limang pu magpasaan man, at ang taas ay limang siko, kayong linong pinili, at ang mga tuntungan ay tanso. 19 Lahat ng mga kasangkapan ng tabernakulo, sa buong paglilingkod doon, at lahat ng mga tulos niyaon, at lahat ng mga tulos ng looban ay tanso. 20 At iyong iuutos sa mga anak ni Israel na sila'y magdala sa iyo ng taganas na langis ng binayong oliba na pangilawan, upang papagningasing palagi ang ilawan. 21 Sa tabernakulo ng kapisanan sa labas ng lambong na nasa harap ng kaban ng patotoo, ay aayusin yaon ni Aaron at ng kaniyang mga anak mula sa hapon hanggang sa umaga sa harap ng Panginoon: magiging palatuntunan sa buong panahon ng kanilang lahi sa ikagagaling ng mga anak ni Israel.
Exodo 28
1 At ilapit mo sa iyo si Aarong iyong kapatid at ang kaniyang mga anak na kasama niya, mula sa gitna ng mga anak ni Israel, upang makapangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote, si Aaron, si Nadab at si Abiu, si Eleazar at si Ithamar, na mga anak ni Aaron. 2 At igagawa mo ng mga banal na kasuutan si Aarong iyong kapatid sa ikaluluwalhati at ikagaganda. 3 At iyong sasalitain sa lahat ng matalino, na aking pinagpupuspos ng diwa ng karunungan, na kanilang gawin ang kasuutan ni Aaron, upang siya'y italaga, na siya'y makapangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote. 4 At ito ang mga kasuutang kanilang gagawin; isang pektoral, at isang epod, at isang balabal, at isang tunika na tinahing guhitguhit na naaanyong pariparisukat, isang mitra at isang pamigkis: at kanilang igagawa ng mga banal na kasuutan si Aarong iyong kapatid, at ang kaniyang mga anak, upang makapangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote. 5 At kukuha sila ng ginto, at ng kayong bughaw, at ng kulay-ube, at ng pula, at ng lino. 6 At kanilang gagawin ang epod na ginto, at kayong bughaw, at kulay-ube, pula, at linong pinili, na yari ng bihasang mangbuburda. 7 Magkakaroon ng dalawang pangbalikat na nagkakasugpong sa dalawang dulo niyaon; upang magkasugpong. 8 At ang mainam na pagkayaring pamigkis na nasa ibabaw ng epod upang ibigkis, ay gagawing gaya ng pagkayari ng epod at kaputol, na ginto, kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at linong pinili. 9 At kukuha ka ng dalawang batong onix, at iyong iuukit na limbag sa ibabaw ng mga yaon ang mga pangalan ng mga anak ni Israel: 10 Anim sa kanilang mga pangalan ay sa isang bato, at ang mga pangalan ng anim na natitira ay sa isang bato, ayon sa kanilang kapanganakan. 11 Nayari ng manguukit sa bato, na gaya ng ukit ng isang panatak, iyong iuukit sa dalawang bato, ayon sa mga pangalan ng mga anak ni Israel: iyong gagawing napamumutihan ng mga kalupkop na ginto. 12 At iyong ilalagay ang dalawang bato sa ibabaw ng pangbalikat ng epod, upang maging mga batong pinakaalaala sa ikagagaling ng mga anak ni Israel: at papasanin ni Aaron ang kanilang mga pangalan sa harap ng Panginoon, sa ibabaw ng kaniyang dalawang balikat, na pinakaalaala. 13 At gagawa ka ng mga kalupkop na ginto: 14 At ng dalawang tanikalang taganas na ginto; parang pisi iyong gagawin na yaring pinili: at iyong ilalapat sa mga kalupkop ang mga tanikalang pinili. 15 At gagawin mo ang pektoral ng kahatulan, na gawa ng bihasang manggagawa; na gaya ng pagkayari ng epod iyong gagawin; gagawin mo na ginto, na bughaw, at kulay-ube, at pula, at linong pinili. 16 Gagawing parisukat at nakatiklop; isang dangkal magkakaroon ang haba niyaon, at isang dangkal ang luwang niyaon. 17 At iyong kakalupkupan ng mga kalupkop na mga bato, apat na hanay na bato: isang hanay na sardio, topacio, at karbungko ang magiging unang hanay; 18 At ang ikalawang hanay, ay isang esmeralda, isang zapiro, at isang diamante; 19 At ang ikatlong hanay ay isang hasinto, isang agata, at isang amatista; 20 At ang ikaapat na hanay ay isang berilo, isang onix, at isang haspe: pawang pamumutihan ng ginto sa kanilang mga kalupkop. 21 At ang mga bato ay iaayos sa mga pangalan ng mga anak ni Israel; labingdalawa, ayon sa mga pangalan nila; gaya ng ukit ng isang panatak, bawa't isa'y ayon sa kanilang pangalan, na magiging ukol sa labing dalawang lipi. 22 At gagawa ka sa ibabaw ng pektoral ng mga tanikalang parang pisi, yaring pinili, na taganas na ginto. 23 At igagawa mo ang ibabaw ng pektoral ng dalawang singsing na ginto, at ilalagay mo ang dalawang singsing sa dalawang sulok ng itaas ng pektoral. 24 At inyong ilalagay ang dalawang pinising tanikalang ginto sa dalawang singsing sa mga sulok ng pektoral. 25 At ang dalawang dulo ng dalawang tanikala ng pinili ay iyong ilalapat sa dalawang kalupkop, at iyong mga ilalagay sa mga pangbalikat ng epod, sa harapan. 26 At gagawa ka ng dalawang singsing na ginto, at mga ilalagay mo sa dalawang sulok ng pektoral sa laylayan niyaon na nasa dakong kabaligtaran ng epod. 27 At gagawa ka ng dalawang singsing na ginto, at iyong mga ikakapit sa dalawang pangbalikat ng epod, sa dakong ibaba, sa harapan, na malapit sa pagkakasugpong sa ibabaw ng mainam na pagkayaring pamigkis ng epod. 28 At kanilang itatali ang pektoral sa pamamagitan ng mga singsing niyaon sa mga singsing ng epod ng isang taling bughaw, upang mamalagi sa ibabaw ng mainam na pagkayaring pamigkis ng epod, at upang ang pektoral ay huwag makalag sa epod. 29 At dadalhin ni Aaron sa kaniyang sinapupunan ang mga pangalan ng mga anak ni Israel na nasa pektoral ng kahatulan pagka siya'y pumapasok sa dakong banal, na pinakaalaala sa harap ng Panginoon, na palagi. 30 At ilalagay mo sa pektoral ng kahatulan ang Urim at ang Tummim at mga ilalagay sa sinapupunan ni Aaron, pagka siya'y pumapasok sa harap ng Panginoon at dadalhing palagi ni Aaron sa harap ng Panginoon ang kahatulan sa mga anak ni Israel na nasa kaniyang sinapupunan. 31 At gagawin mo ang balabal ng epod na taganas na bughaw. 32 At magkakaroon ng isang pinakaleeg sa gitna niyaon: magkakaroon ito ng isang uriang tinahi sa palibot ng pinakaleeg, gaya ng butas ng isang koselete, upang huwag mapunit. 33 At ang saya niyaon ay igagawa mo ng mga granadang bughaw, at kulay-ube, at pula, sa palibot ng saya niyaon; at ng mga kampanilyang ginto sa gitna ng mga yaon sa palibot: 34 Isang kampanilyang ginto at isang granada, isang kampanilyang ginto at isang granada sa saya sa ibaba ng balabal sa palibot. 35 At isusuot ni Aaron upang mangasiwa: at ang tunog niyao'y maririnig pagka siya'y pumapasok sa dakong banal sa harap ng Panginoon, at pagka siya'y lumalabas, upang siya'y huwag mamatay. 36 At gagawa ka ng isang laminang taganas na ginto, at doo'y isusulat mong ukit na ayon sa ukit ng isang panatak, Banal sa Panginoon. 37 At iyong ilalagay sa isang listong bughaw, at malalagay sa ibabaw ng mitra; sa ibabaw ng harapan ng mitra malalagay. 38 At malalagay sa noo ni Aaron, at dadalhin ni Aaron ang kasamaan ng mga banal na bagay, na pakakabanalin ng mga anak ni Israel sa lahat nilang mga banal na kaloob; at malalagay na palagi sa kaniyang noo, upang tanggapin sa harap ng Panginoon. 39 At iyong hahabihin ang kasuutan na anyong parisukat, na lino, at iyong gagawin ang mitra na lino, at iyong gagawin ang pamigkis na yari ng mangbuburda. 40 At iyong igagawa ang mga anak ni Aaron ng mga kasuutan, at iyong igagawa sila ng mga pamigkis, at iyong igagawa sila ng mga tiara sa ikaluluwalhati at ikagaganda. 41 At iyong isusuot kay Aarong iyong kapatid at sa kaniyang mga anak na kasama niya; at iyong papahiran ng langis sila, at iyong itatalaga sila, at iyong papagbanalin sila, upang sila'y makapangasiwa sa akin, sa katungkulang saserdote. 42 At iyong igagawa sila ng mga salawal na lino, upang takpan ang laman ng kanilang kahubaran; mula sa mga balakang hanggang sa mga hita aabot. 43 At isusuot ni Aaron at ng kaniyang mga anak, pagka sila'y pumapasok sa tabernakulo ng kapisanan, o pagka sila'y lumalapit sa dambana upang mangasiwa sa dakong banal; upang sila'y huwag magdala ng kasamaan, at huwag mamatay: magiging isang palatuntunang walang hanggan sa kaniya at sa kaniyang binhi pagkamatay niya.
Exodo 29
1 At ito ang bagay na iyong gagawin sa kanila na ibukod sila, upang sila'y mangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote: kumuha ka ng isang guyang toro at ng dalawang lalaking tupang walang kapintasan. 2 At tinapay na walang lebadura, at mga munting tinapay na walang lebadura na hinaluan ng langis, at mga manipis na tinapay na walang lebadura na pinahiran ng langis: na gagawin mo sa mainam na harina ng trigo. 3 At iyong isisilid sa isang bakol, at dadalhin mo na nasa bakol, sangpu ng toro at ng dalawang tupang lalake. 4 At si Aaron at ang kaniyang mga anak ay iyong dadalhin sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, at iyong huhugasan sila ng tubig. 5 At iyong kukunin ang mga kasuutan, at iyong isusuot kay Aaron ang tunika niya, at ang balabal ng epod, at ang epod, at ang pektoral, at bibigkisan mo ng mainam na pagkayaring pamigkis ng epod: 6 At iyong ipuputong ang mitra sa kaniyang ulo, at ipapatong mo ang banal na korona sa mitra. 7 Saka mo kukunin ang langis na pangpahid, at ibubuhos mo sa ibabaw ng kaniyang ulo, at papahiran mo ng langis siya. 8 At iyong dadalhin ang kaniyang mga anak, at susuutan mo ng mga tunika sila. 9 At iyong bibigkisan sila ng mga pamigkis, si Aaron at ang kaniyang mga anak, at itatali mo ang mga tiara sa kanikaniyang ulo: at tatamuhin nila ang pagkasaserdote na pinakapalatuntunang palagi: at iyong papagbabanalin si Aaron at ang kaniyang mga anak. 10 At iyong dadalhin ang toro sa harap ng tabernakulo ng kapisanan: at ipapatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang kanilang kamay sa ulo ng toro. 11 At iyong papatayin ang toro sa harap ng Panginoon, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan. 12 At kukuha ka ng dugo ng toro, at ilalagay mo ng iyong daliri sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana; at iyong ibubuhos ang lahat ng dugo sa paanan ng dambana. 13 At kukunin mo ang buong taba na nakababalot sa bituka, at ang mga lamak ng atay, at ang dalawang bato, at ang taba na nasa ibabaw ng mga yaon, at susunugin mo sa ibabaw ng dambana. 14 Datapuwa't ang laman ng toro, at ang balat, at ang dumi ay iyong susunugin sa apoy sa labas ng kampamento: handog nga dahil sa kasalanan. 15 Kukunin mo rin ang isang lalaking tupa; at ipapatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang kanilang kamay sa ulo ng lalaking tupa. 16 At iyong papatayin ang lalaking tupa, at iyong kukunin ang dugo, at iyong iwiwisik sa palibot sa ibabaw ng dambana. 17 At iyong kakatayin ang tupa at huhugasan mo ang bituka, at ang mga hita, at ipapatong mo sa mga pinagputolputol at sa ulo. 18 At iyong susunugin ang buong tupa sa ibabaw ng dambana: handog na susunugin nga sa Panginoon; pinaka masarap na amoy na handog sa Panginoon, na pinaraan sa apoy. 19 At kukunin mo ang isang tupa; at ipapatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang kanilang kamay sa ulo ng tupa. 20 Saka mo papatayin ang tupa, at kukunin mo ang dugo, at ilalagay mo sa pingol ng kanang tainga ni Aaron, at sa pingol ng kanang tainga ng kaniyang mga anak, at sa hinlalaki ng kanilang kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanilang kanang paa, at iwiwisik mo ang dugong labis sa ibabaw ng dambana sa palibot. 21 At kukuha ka ng dugo na nasa ibabaw ng dambana, at ng langis na pangpahid, at iwiwisik mo kay Aaron, at sa kaniyang mga suot, at sa kaniyang mga anak na kasama niya: at ikapapaging banal niya at ng kaniyang mga suot, at ng kaniyang mga anak, at ng mga suot ng kaniyang mga anak na kasama niya. 22 Kukunin mo rin naman sa lalaking tupa ang taba, at ang matabang buntot, at ang tabang nakababalot sa mga bituka, at ang mga lamak ng atay, at ang dalawang bato, at ang taba na nasa ibabaw ng mga yaon, at ang kanang hita (sapagka't isang lalaking tupa na itinalaga), 23 At isang malaking tinapay, at isang munting tinapay na nilangisan, at isang manipis na tinapay sa bakol ng tinapay na walang lebadura na nasa harap ng Panginoon: 24 At iyong ilalagay ang kabuoan sa mga kamay ni Aaron, at sa mga kamay ng kaniyang mga anak; at iyong mga luluglugin na pinakahandog na niluglog sa harap ng Panginoon. 25 At iyong kukunin sa kanilang mga kamay, at iyong susunugin sa dambana sa ibabaw ng handog na susunugin, na pinaka masarap na amoy sa harap ng Panginoon: handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy. 26 At kukunin mo ang dibdib ng tupa na itinalaga ni Aaron, at luglugin mo na pinakahandog na niluglog sa harap ng Panginoon: at magiging iyong bahagi. 27 At iyong ihihiwalay ang dibdib ng handog na niluglog, at ang hita ng handog na itinaas, ang niluglog at ang itinaas, ng lalaking tupa na itinalaga na kay Aaron at sa kaniyang mga anak; 28 At magiging kay Aaron at sa kaniyang mga anak, na pinaka bahagi magpakailan man, na mula sa mga anak ni Israel: sapagka't isang handog na itinaas: at magiging isang handog na itinaas sa ganang mga anak ni Israel, na kinuha sa kanilang mga hain tungkol sa kapayapaan: na dili iba't kanilang handog ngang itinaas sa Panginoon. 29 At ang mga banal na kasuutan ni Aaron ay magiging sa kaniyang mga anak, pagkamatay niya, upang pahiran ng langis sa mga yaon, at upang italaga sa mga yaon. 30 Pitong araw na isusuot ng anak na magiging saserdote nakahalili niya, pagka siya'y pumapasok sa tabernakulo ng kapisanan upang mangasiwa sa dakong banal. 31 At kukunin mo ang lalaking tupa na itinalaga at lulutuin mo ang kaniyang laman sa dakong banal. 32 At kakanin ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang laman ng tupa, at ang tinapay na nasa bakol sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan. 33 At kanilang kakanin ang mga bagay na yaon, na ipinangtubos ng sala, upang italaga at pakabanalin sila: datapuwa't hindi kakain niyaon ang sinomang taga ibang lupa, sapagka't mga bagay na banal. 34 At kung may lumabis sa laman na itinalaga, o sa tinapay, hanggang sa kinaumagahan, ay iyo ngang susunugin sa apoy ang labis: hindi kakanin, sapagka't yao'y banal. 35 At ganito mo gagawin kay Aaron, at sa kaniyang mga anak, ayon sa lahat na aking iniutos sa iyo: pitong araw na iyong itatalaga sila. 36 At araw-araw ay maghahandog ka ng toro na pinakahandog, dahil sa kasalanan na pinakapangtubos: at iyong lilinisin ang dambana pagka iyong ipinanggagawa ng katubusan yaon; at iyong papahiran ng langis upang pakabanalin. 37 Pitong araw na iyong tutubusin sa sala ang dambana, at iyong pakakabanalin; at ang dambana ay magiging kabanalbanalan; anomang masagi sa dambana ay magiging banal. 38 Ito nga ang iyong ihahandog sa ibabaw ng dambana: dalawang kordero ng unang taon araw-araw na palagi. 39 Ang isang kordero ay iyong ihahandog sa umaga; at ang isang kordero ay iyong ihahandog sa hapon: 40 At kasama ng isang kordero na iyong ihahandog ang ikasangpung bahagi ng isang efa ng mainam na harina na may halong ikaapat na bahagi ng isang hin ng langis na hinalo; at ang ikaapat na bahagi ng isang hin na alak, ay pinakahandog na inumin. 41 At ang isang kordero ay iyong ihahandog sa hapon, at iyong gagawin ayon sa handog na harina sa umaga, at ayon sa inuming handog niyaon, na pinaka masarap na amoy, na handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy. 42 Magiging isang palaging handog na susunugin sa buong panahon ng inyong lahi sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, sa harap ng Panginoon; na aking pakikipagkitaan sa inyo, upang makipagusap ako roon sa iyo. 43 At doo'y makikipagtagpo ako sa mga anak ni Israel: at ang Tolda ay pakakabanalin sa pamamagitan ng aking kaluwalhatian. 44 At aking pakakabanalin ang tabernakulo ng kapisanan, at ang dambana; si Aaron man at ang kaniyang mga anak ay aking papagbabanalin upang mangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote. 45 At ako'y tatahan sa gitna ng mga anak ni Israel, at ako'y magiging kanilang Dios. 46 At kanilang makikilala, na ako ang Panginoon nilang Dios, na kumuha sa kanila sa lupain ng Egipto, upang ako'y tumahan sa gitna nila: ako ang Panginoon nilang Dios.
Exodo 30
1 At gagawa ka ng isang dambana na mapagsusunugan ng kamangyan: na kahoy na akasia iyong gagawin. 2 Isang siko magkakaroon ang haba niyaon, at isang siko ang luwang niyaon; parisukat nga: at dalawang siko magkakaroon ang taas niyaon: ang mga anyong sungay niyaon ay kaputol din. 3 At iyong babalutin ng taganas na ginto ang ibabaw niyaon, at ang mga tagiliran niyaon sa palibot, at ang mga sungay niyaon; at igagawa mo ng isang kornisang ginto sa palibot. 4 At igagawa mo yaon ng dalawang argolyang ginto sa ilalim ng kornisa, sa dakong itaas ng dalawang tagiliran iyong gagawin; at magiging suutan ng mga pingga upang mabuhat. 5 At ang iyong gagawing mga pingga ay kahoy na akasia, at iyong babalutin ng ginto. 6 At iyong ilalagay sa harap ng tabing na nasa siping ng kaban ng patotoo, sa harap ng luklukan ng awa na nasa ibabaw ng kaban ng patotoo, na aking pakikipagtagpuan sa iyo. 7 At magsusunog si Aaron sa ibabaw niyaon ng kamangyan na mababangong espesia: tuwing umaga pagka kaniyang inaayos ang mga ilawan, ay susunugin niya. 8 At pagka sinisindihan ni Aaron ang mga ilawan sa hapon, ay kaniyang susunugin, na isang kamangyang palagi sa harap ng Panginoon, sa buong panahon ng inyong mga lahi. 9 Huwag kayong maghahandog ng ibang kamangyan sa ibabaw niyaon, o ng handog na susunugin, o ng handog na harina man: at huwag kayong magbubuhos ng inuming handog sa ibabaw niyaon. 10 At si Aaron ay tutubos ng sala sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana, minsan sa isang taon: kaniyang tutubusin sa sala na minsan sa isang taon, ng dugo ng handog dahil sa kasalanan, sa buong panahon ng inyong mga lahi: kabanal-banalan nga sa Panginoon. 11 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi, 12 Pagbilang mo sa mga anak ni Israel, ayon sa mga nabilang sa kanila ay magbibigay nga ang bawa't isa sa kanila ng katubusan ng kaniyang kaluluwa sa Panginoon, pagka iyong binibilang sila; upang huwag magkaroon ng salot sa gitna nila pagka iyong binibilang sila. 13 Ito ang kanilang ibibigay, bawa't maraanan sa kanila na nangabibilang: kalahati ng isang siklo ayon sa siklo ng santuario: (ang isang siklo ay dalawang pung gera): kalahating siklo na pinakahandog sa Panginoon. 14 Bawa't maraanan sa kanila na nangabibilang, mula sa dalawang pung taong gulang na patanda, ay magbibigay ng handog sa Panginoon. 15 Ang mayaman ay hindi magbibigay ng higit, at ang dukha ay hindi magbibigay ng kulang sa kalahating siklo, pagbibigay nila ng handog sa Panginoon, upang ipangtubos sa inyong mga kaluluwa. 16 At iyong kukunin sa mga anak ni Israel ang pangtubos na salapi, at iyong gugugulin sa paglilingkod sa tabernakulo ng kapisanan; na maging pinakaalaala sa mga anak ni Israel sa harap ng Panginoon, upang ipangtubos sa inyong mga kaluluwa. 17 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi, 18 Gagawa ka rin ng isang hugasang tanso, at ang tungtungan ay tanso, upang paghugasan: at iyong ilalagay sa gitna ng tabernakulo ng kapisanan at ng dambana at iyong sisidlan ng tubig. 19 At si Aaron at ang kaniyang mga anak ay maghuhugas doon ng kanilang mga paa: 20 Pagka sila'y pumapasok sa tabernakulo ng kapisanan, ay maghuhugas sila ng tubig, upang sila'y huwag mamatay, o pagka sila'y lumalapit sa dambana na mangasiwa, upang magsunog ng handog na pinaraan sa apoy sa Panginoon. 21 Gayon sila maghuhugas ng kanilang mga kamay at ng kanilang mga paa upang huwag silang mamatay: at magiging isang palatuntunan magpakailan man sa kanila, sa kaniya at sa kaniyang binhi, sa buong panahon ng kanilang mga lahi. 22 Bukod dito'y nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi, 23 Magdala ka rin ng mga pinakamagaling na espesia, ng taganas na mira ay limang daang siklo, at ng mabangong kanela ay kalahati nito, dalawang daan at limang pu; at ng mabangong kalamo ay dalawang daan at limang pu, 24 At ng kasia, limang daan, ayon sa siklo ng santuario, at ng langis ng oliva ay isang hin: 25 At iyong gagawing banal na langis na pangpahid, isang pabangong kinatha ng ayon sa katha ng manggagawa ng pabango: siya ngang magiging banal na langis na pangpahid. 26 At iyong papahiran niyaon ang tabernakulo ng kapisanan, at ang kaban ng patotoo, 27 At ang dulang, at ang lahat ng mga kasangkapan niyaon, at ang kandelero at ang mga kasangkapan niyaon, at ang dambanang suuban. 28 At ang dambana ng handog na susunugin sangpu ng lahat ng mga kasangkapan, at ang hugasan at ang tungtungan. 29 At pakabanalin mo upang maging mga kabanalbanalan: lahat ng makahipo sa mga yao'y magiging banal. 30 At iyong papahiran ng langis si Aaron at ang kaniyang mga anak, at iyong papagbabanalin sila, upang sila'y mangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote. 31 At iyong sasalitain sa mga anak ni Israel, na iyong sasabihin, Ito'y magiging banal na langis na pangpahid sa akin sa buong panahon ng iyong mga lahi. 32 Sa laman ng tao ay huwag ninyong ibubuhos, ni huwag kayong gagawa ng gaya niyan sa pagkakatha: banal nga at aariin ninyong banal. 33 Sinomang kumatha ng gaya niyan, o sinomang gumamit niyan sa isang taga ibang lupa, ay ihihiwalay sa kaniyang bayan. 34 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Magdala ka ng mababangong espesia, estacte, at onycha, at galbano; mabangong espesia na may taganas na kamangyan: na magkakaisa ng timbang; 35 At iyong gagawing kamangyan, na isang pabangong ayon sa katha ng manggagawa ng pabango, na tinimplahan ng asin, na pulos at banal; 36 At iyong didikdikin ang iba niyan ng durog na durog at ilalagay mo sa harap ng kaban ng patotoo, sa loob ng tabernakulo ng kapisanan na aking pakikipagtagpuan sa iyo: aariin ninyong kabanalbanalan. 37 At ang kamangyan na inyong gagawin, ayon sa pagkakatha niyan ay huwag ninyong gagawin para sa inyo: aariin mong banal sa Panginoon. 38 Sinomang gumawa ng gaya niyan, upang amuyin ay ihihiwalay sa kaniyang bayan.
Exodo 31
1 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi, 2 Tingnan mo aking tinawag sa pangalan si Bezaleel na anak ni Uri, na anak ni Hur, sa lipi ni Juda: 3 At aking pinuspos siya ng Espiritu ng Dios, sa karunungan at pagkakilala, at kaalaman, at sa lahat ng sarisaring gawain, 4 Upang kumatha ng mga gawang kaayaaya, upang gumawa sa ginto, at sa pilak, at sa tanso, 5 At upang umukit ng mga batong pangkalupkop, upang gumawa ng mga nililok na kahoy, at upang gumawa sa lahat na sarisaring gawain. 6 At ako, narito, aking inihalal na kasama niya si Aholiab, na anak ni Ahisamac sa lipi ni Dan; at sa puso ng lahat na maalam na puso, ay aking isinilid ang karunungan, upang magawa nila ang lahat ng aking iniutos sa iyo: 7 Ang tabernakulo ng kapisanan at ang kaban ng patotoo, at ang luklukan ng awa na nasa ibabaw niyaon, at ang lahat ng kasangkapan ng Tolda: 8 At ang dulang at ang mga sisidlan niyaon at ang kandelerong dalisay, sangpu ng lahat na mga sisidlan; at ang dambana ng kamangyan; 9 At ang dambana ng handog na susunugin sangpu ng lahat ng mga sisidlan niyaon, at ang hugasan at ang tungtungan niyaon; 10 At ang mga kasuutang mabuting yari, at ang mga banal na kasuutan na pangsuot kay Aarong saserdote, at ang mga kasuutan sa kaniyang mga anak, upang mangasiwa sa katungkulang saserdote; 11 At ang langis na pangpahid, at ang kamangyan na mabangong mga kamangyan na itataan sa dakong banal: ayon sa lahat na iniutos ko sa iyo ay kanilang gagawin. 12 At ang Panginoo'y nagsalita kay Moises, na sinasabi, 13 Salitain mo rin sa mga anak ni Israel, na iyong sabihin, Katotohanang ipangingilin ninyo ang aking mga sabbath; sapagka't isang tanda sa akin at sa inyo sa buong panahon ng inyong mga lahi, upang inyong makilala na ako ang Panginoon na nagpapabanal sa inyo. 14 Inyong ipangingilin ang sabbath nga; sapagka't yao'y pangilin sa inyo: bawa't lumapastangan ay walang pagsalang papatayin: sapagka't sinomang gumawa ng anomang gawa sa araw na yaon, ay ihihiwalay ang taong yaon sa kaniyang bayan. 15 Anim na araw na gagawin ang gawain; datapuwa't ang ikapitong araw ay sabbath na takdang kapahingahan, pangilin sa Panginoon: sinomang gumawa ng anomang gawa sa araw ng sabbath, ay walang pagsalang papatayin. 16 Kaya't ang mga anak ni Israel ay mangingilin ng sabbath, na tutuparin ang sabbath sa buong panahon ng kanilang mga lahi, na pinakapalaging tipan. 17 Ito'y isang tanda sa akin at sa mga anak ni Israel magpakailan man: sapagka't sa anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, at sa ikapitong araw, ay nagpahinga at naginhawahan. 18 At kaniyang ibinigay kay Moises, pagkatapos na makipagsalitaan sa kaniya sa ibabaw ng bundok ng Sinai, ang dalawang tapyas ng patotoo, na mga tapyas na bato, na sinulatan ng daliri ng Dios.
Exodo 32
1 At nang makita ng bayan na nagluluwat si Moises ng pagpanaog sa bundok, ay nagpipisan ang bayan kay Aaron, at nagsabi sa kaniya, Tumindig ka at igawa mo kami ng mga dios na mangunguna sa amin; sapagka't tungkol sa Moises na ito, na lalaking nagsampa sa amin mula sa lupain ng Egipto, ay hindi namin maalaman kung anong nangyari sa kaniya. 2 At sinabi ni Aaron sa kanila, Alisin ninyo ang mga hikaw na ginto, na nasa tainga ng inyo-inyong asawa, ng inyong mga anak na lalake, at babae, at dalhin ninyo sa akin. 3 At inalis ng buong bayan ang mga hikaw na ginto na nangasa kanilang mga tainga, at dinala kay Aaron. 4 At kaniyang tinanggap sa kanilang kamay, at niyari sa pamamagitan ng isang buril, at ginawang isang guyang binubo, at kanilang sinabi, Ang mga ito ang maging iyong mga dios, Oh Israel, na nagsampa sa iyo mula sa lupain ng Egipto. 5 At nang makita ito ni Aaron, ay nagtayo siya ng isang dambana sa harapan niyaon: at itinanyag ni Aaron at sinabi, Bukas ay pista sa Panginoon. 6 At sila'y bumangong maaga nang kinabukasan, at naghandog ng mga handog na susunugin, at nagdala ng mga handog tungkol sa kapayapaan; at ang bayan ay umupong kumain at uminom, at tumindig upang magkatuwa. 7 At sinalita ng Panginoon kay Moises, Yumaon ka, bumaba ka, sapagka't ang iyong bayan, na iyong isinampa mula sa lupain ng Egipto ay nangagsisama: 8 Sila'y humiwalay na madali sa daan na aking iniutos sa kanila: sila'y gumawa ng isang guyang binubo, at kanilang sinamba, at kanilang hinainan, at kanilang sinabi, Ang mga ito'y iyong maging mga dios, Oh Israel, na nagsampa sa iyo mula sa lupain ng Egipto. 9 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Aking nakita ang bayang ito, at, narito, isang bayang may matigas na ulo; 10 Ngayo'y bayaan mo nga ako upang ang aking pagiinit ay magalab laban sa kanila, at upang aking lipulin sila: at ikaw ay aking gagawing dakilang bansa. 11 At dumalangin si Moises sa Panginoon niyang Dios, at sinabi, Panginoon, bakit ang iyong pagiinit ay pinapagaalab mo laban sa iyong bayan, na iyong inilabas sa lupain ng Egipto sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan at ng makapangyarihang kamay? 12 Bakit sasalitain ng mga Egipcio, na sasabihin, Dahil sa kasamaan, inilabas sila upang patayin sila sa mga bundok, at upang lipulin sila sa balat ng lupa? Iurong mo ang iyong mabangis na pagiinit, at pagsisihan mo ang kasamaang ito laban sa iyong bayan. 13 Alalahanin mo si Abraham, si Isaac, at si Israel na iyong mga lingkod, na silang iyong mga sinumpaan sa iyong sarili, at mga pinagsabihan, Aking pararamihin ang inyong binhi na gaya ng mga bituin sa langit, at lahat ng lupaing ito na aking sinalita ay aking ibibigay sa inyong binhi, at kanilang mamanahin magpakailan man. 14 At pinagsisihan ng Panginoon ang kasamaan na kaniyang sinabing kaniyang gagawin sa kaniyang bayan. 15 At si Moises ay pumihit, at bumaba sa bundok, na dala ang dalawang tapyas ng patotoo sa kaniyang kamay; mga tapyas na may sulat sa dalawang mukha niyaon; sa isang mukha at sa kabilang mukha ay may sulat. 16 At ang mga tapyas ay gawa ng Dios, at ang sulat ay sulat ng Dios, na nakaukit sa mga tapyas. 17 At ng marinig ni Josue ang ingay ng bayan na humihiyaw, ay sinabi kay Moises, May ingay ng pagbabaka sa kampamento. 18 At kaniyang sinabi, Hindi ingay ng pagtatagumpay, o ingay man ng pagkatalo, kundi ingay ng mga umaawit ang aking naririnig. 19 At nangyari paglapit niya sa kampamento, na kaniyang nakita ang guya at ang sayawan; at ang galit ni Moises ay naginit at kaniyang inihagis ang mga tapyas na nasa kaniyang mga kamay at nangasira sa paanan ng bundok. 20 At kaniyang kinuha ang guya na kanilang ginawa, at sinunog ng apoy, at giniling hanggang sa naging alabok, at isinaboy sa ibabaw ng tubig, at ipinainom sa mga anak ni Israel. 21 At sinabi ni Moises kay Aaron, Anong ginawa ng bayang ito sa iyo, na dinalhan mo sila ng isang malaking sala? 22 At sinabi ni Aaron, Huwag maginit ang galit ng aking panginoon: iyong kilala ang bayan, na sila'y mahilig sa kasamaan. 23 Sapagka't kanilang sinabi sa akin, Igawa mo kami ng mga dios na mangunguna sa amin: sapagka't tungkol sa Moises na ito, na lalaking nagsampa sa amin mula sa lupain ng Egipto ay hindi namin maalaman kung anong nangyari sa kaniya. 24 At aking sinabi sa kanila, Sinomang may ginto, ay magalis; na anopa't kanilang ibinigay sa akin: at aking inihagis sa apoy at lumabas ang guyang ito. 25 At nang makita ni Moises na ang bayan ay nakakawala; sapagka't pinabayaan ni Aarong makawala ng maging isang kabiruan sa gitna ng kanilang mga kaaway: 26 Ay tumayo nga si Moises sa pintuang-daan ng kampamento, at nagsabi, Sinomang sa Panginoon ang kiling ay lumapit sa akin. At lahat ng mga anak ni Levi ay nagpipisan sa kaniya. 27 At sinabi niya sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel: Ipatong ng bawa't lalake ang kaniyang tabak sa kaniyang hita, at yumaon kayong paroo't parito sa mga pintuang-daan, sa buong kampamento, at patayin ng bawa't lalake ang kaniyang kapatid na lalake, at ng bawa't lalake ang kaniyang kasama, at ng bawa't lalake ang kaniyang kapuwa. 28 At ginawa ng mga anak ni Levi ang ayon sa salita ni Moises: at nabuwal sa bayan ng araw na yaon, ang may tatlong libong katao. 29 At sinabi ni Moises, Italaga ninyo ang inyong sarili ngayon sa Panginoon, oo, bawa't lalake laban sa kaniyang anak na lalake, at laban sa kaniyang kapatid na lalake, upang kaniyang ipagkaloob sa inyo ang pagpapala sa araw na ito. 30 At nangyari ng kinabukasan, na sinabi ni Moises sa bayan, Kayo'y nagkasala ng malaking kasalanan: at ngayo'y sasampahin ko ang Panginoon; marahil ay aking matutubos ang inyong kasalanan. 31 At bumalik si Moises sa Panginoon, at nagsabi, Oh, ang bayang ito'y nagkasala ng malaking kasalanan, at gumawa sila ng mga dios na ginto. 32 Gayon ma'y ngayon, kung iyong ipatatawad ang kanilang kasalanan; at kung hindi, ay alisin mo ako, isinasamo ko sa iyo, sa iyong aklat na sinulat mo. 33 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ang magkasala laban sa akin ay siya kong aalisin sa aking aklat. 34 At ngayo'y yumaon ka, iyong patnubayan ang bayan sa dakong aking sinalita sa iyo: narito, ang aking anghel ay magpapauna sa iyo: gayon ma'y sa araw na aking dalawin sila ay aking dadalawin ang kanilang kasalanang ipinagkasala nila. 35 At sinaktan nga ng Panginoon ang bayan, sapagka't kanilang ginawa ang guya na ginawa ni Aaron.
Exodo 33
1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, Yumaon ka, sumampa ka mula rito, ikaw at ang bayan na iyong isinampa mula sa lupain ng Egipto, na patungo kayo sa lupain na aking isinumpa kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, na aking sinasabi, Sa iyong binhi ay aking ibibigay. 2 At aking susuguin ang isang anghel sa unahan mo: at aking palalayasin ang Cananeo, ang Amorrheo, at ang Hetheo, at ang Pherezeo, ang Heveo, at ang Jebuseo: 3 Sa isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot: sapagka't hindi ako sasampa sa gitna mo; sapagka't ikaw ay bayang may matigas na ulo; baka ikaw ay aking lipulin sa daan. 4 At nang marinig ng bayan ang masasamang balitang ito, ay nanangis sila: at walang taong nagsuot ng kaniyang mga pahiyas. 5 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Sabihin mo sa mga anak ni Israel, Kayo'y isang bayang may matigas na ulo: kung ako'y sumampa sa gitna mo na sangdali, ay lilipulin kita: kaya't ngayo'y alisin mo ang iyong mga pahiyas sa iyo upang aking maalaman kung anong aking gagawin sa iyo. 6 At ang mga anak ni Israel ay naghubad ng kanilang mga pahiyas mula sa bundok ng Horeb. 7 Kinaugalian nga ni Moises na dalhin ang tolda at itayo sa labas ng kampamento, na malayo sa kampamento at kaniyang tinawag iyon, Tabernakulo ng kapisanan. At nangyari na bawa't magsiyasat sa Panginoon ay lumalabas na pumaparoon sa tabernakulo ng kapisanan, na nasa labas ng kampamento. 8 At nangyari, pagka si Moises ay lumalabas na napasa sa Tolda, na ang buong bayan ay bumabangon at tumatayo, bawa't lalake sa pintuan ng kaniyang tolda at pinanonood si Moises hanggang sa makapasok sa Tolda. 9 At nangyari, pagka si Moises ay pumapasok sa Tolda ay bumababa ang haliging ulap at tumitigil sa pintuan ng Tolda ang Panginoon ay nakikipagsalitaan kay Moises. 10 At nakikita ng buong bayan ang haliging ulap at tumitigil sa pintuan ng Tolda; at ang buong bayan ay tumitindig at sumasamba, na bawa't isa'y sa tabi ng pintuan ng kaniyang tolda. 11 At nakikipagsalitaan ang Panginoon kay Moises ng mukhaan, gaya ng isang taong nakikipagsalitaan sa kaniyang kaibigan. At siya'y bumabalik uli sa kampamento, datapuwa't ang kaniyang tagapangasiwang si Josue, na anak ni Nun, na may kabataan pa, ay hindi umaalis sa Tolda. 12 At sinabi ni Moises sa Panginoon, Tingnan mo, iyong sinasabi sa akin: Isampa mo ang bayang ito: at hindi mo ipinakilala sa akin kung sino yaong susuguin mo na kasama ko. Gayon ma'y iyong sinabi, Aking nakikilala ka sa pangalan, at ikaw rin naman ay nakasumpong ng biyaya sa aking paningin. 13 Ngayon nga, isinasamo ko sa iyo, na kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, ay ituro mo sa akin ngayon ang iyong mga daan, upang ikaw ay aking makilala, na ano pa't ako'y makasumpong ng biyaya sa iyong paningin: at akalain mo, na ang bansang ito ay iyong bayan. 14 At kaniyang sinabi, Ako'y sasa iyo, at ikaw ay aking bibigyan ng kapahingahan. 15 At sinabi niya sa kaniya, Kung ikaw ay hindi sasa akin ay huwag mo na kaming pasampahin mula rito. 16 Sapagka't saan ngayon makikilala na ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, ako at ang iyong bayan? hindi ba dahil sa ikaw ay lumalakad na kasama namin, upang kami ay maging bukod, ako at ang iyong bayan, sa lahat ng bayan na nasa balat ng lupa? 17 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Akin ding gagawin ang bagay na ito na iyong sinalita: sapagka't ikaw ay nakasumpong ng biyaya sa aking paningin, at ikaw ay aking nakikilala sa pangalan. 18 At sinabi ni Moises, Ipakita mo sa akin, idinadalangin ko sa iyo, ang iyong kaluwalhatian. 19 At kaniyang sinabi, Aking papangyayarihin ang aking buong kabutihan sa harap mo, at aking itatanyag ang pangalan ng Panginoon sa harap mo; at ako'y magkakaloob ng biyaya sa kanino mang aking ibig pagkalooban, at ako'y magmamaawain sa kanino mang aking ibig kaawaan. 20 At kaniyang sinabi, Hindi mo makikita ang aking mukha: sapagka't hindi maaaring makita ako ng tao at mabuhay. 21 At sinabi ng Panginoon, Narito, may isang dako sa tabi ko, at ikaw ay tatayo sa ibabaw ng batong iyan: 22 At mangyayari, na samantalang ang aking kaluwalhatian ay dumadaan, na aking ilalagay ka sa isang bitak ng bato, at tatakpan kita ng aking kamay hanggang sa ako'y makaraan: 23 At aking aalisin ang aking kamay, at iyong makikita ang aking likod: datapuwa't ang aking mukha ay hindi makikita.
Exodo 34
1 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Humugis ka ng dalawang tapyas na bato na gaya ng una: at aking isusulat sa mga tapyas ang mga salita na nasa unang mga tapyas, na iyong sinira. 2 At iyong ihanda sa kinaumagahan, at sumampa ka sa kinaumagahan sa bundok ng Sinai at humarap ka roon sa akin sa taluktok ng bundok. 3 At sinomang tao ay huwag sasampang kasama mo, o makikita ang sinomang tao sa buong bundok; kahit ang mga kawan at ang mga bakahan ay huwag manginain sa harap ng bundok na yaon. 4 At siya'y humugis ng dalawang tapyas na bato na gaya ng una; at bumangon si Moises na maaga sa kinaumagahan, at sumampa sa bundok ng Sinai, gaya ng iniutos ng Panginoon sa kaniya, at kinuha sa kaniyang kamay ang dalawang tapyas na bato. 5 At ang Panginoon ay bumaba sa ulap, at tumayong kasama niya roon at itinanyag ang pangalan ng Panginoon. 6 At ang Panginoo'y nagdaan sa harap niya, na itinanyag, Ang Panginoon, ang Panginoong Dios na puspos ng kahabagan at mapagkaloob, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kaawaan at katotohanan; 7 Na gumagamit ng kaawaan sa libolibo, na nagpapatawad ng kasamaan, at ng pagsalangsang, at ng kasalanan: at sa anomang paraan ay hindi aariing walang sala ang salarin; na dinadalaw ang kasamaan ng mga ama sa mga anak, at sa mga anak ng mga anak, hanggang sa ikatlo at ika apat na salin. 8 At nagmadali si Moises, at itinungo ang kaniyang ulo sa lupa, at sumamba. 9 At kaniyang sinabi, Kung ngayo'y nakasumpong ako ng biyaya sa iyong paningin, Oh Panginoon, ay ipahintulot nawa ng Panginoon, isinasamo ko sa iyo, na pasa gitna namin; sapagka't isang bayang may matigas na ulo; at ipatawad mo ang aming kasamaan, at ang aming kasalanan, at ariin mo kaming iyong mana. 10 At kaniyang sinabi, Narito, ako'y nakikipagtipan sa harap ng iyong buong bayan at gagawa ako ng mga kababalaghan, na kailan ma'y hindi ginawa sa buong lupa, o sa alin mang bansa: at ang buong bayan sa gitna ng iyong kinaroroonan ay makakakita ng gawa ng Panginoon, sapagka't kakilakilabot na bagay ang aking gagawin sa pamamagitan mo. 11 Tuparin mo ang mga iniutos ko sa iyo sa araw na ito: narito, aking pinalalayas sa harap mo ang Amorrheo, at ang Cananeo, at ang Hetheo, at ang Pherezeo, at ang Jebuseo. 12 Magingat ka, na huwag kang makipagtipan sa mga tumatahan sa lupain na iyong pinaroroonan, baka maging isang silo sa gitna mo: 13 Kundi inyong iwawasak ang kanilang mga dambana, at inyong pagpuputolputulin ang kanilang mga haligi at inyong ibubuwal ang kanilang mga Asera. 14 Sapagka't hindi ka sasamba sa ibang dios: sapagka't ang Panginoon na ang pangalan ay Mapanibughuin; ay mapanibughuin ngang Dios: 15 Magingat ka; baka ikaw ay makipagtipan sa mga tumatahan sa lupain, at sila'y sumunod sa kanilang mga dios, at magsipaghain sa kanilang mga dios, at ikaw ay alukin ng isa at kumain ka ng kanilang hain; 16 At iyong papag-asawahin ang iyong mga anak na lalake at kanilang mga anak na babae, at ang kanilang mga anak na babae ay sumunod sa kanilang mga dios at pasunurin ang inyong mga anak na sumunod sa kanilang mga dios. 17 Huwag kang gagawa para sa iyo ng mga dios na binubo. 18 Ang kapistahan ng tinapay na walang lebadura ay iyong ipangingilin. Pitong araw na kakain ka ng tinapay na walang lebadura na gaya ng iniutos ko sa iyo, sa takdang panahon sa buwan ng Abib: sapagka't sa buwan ng Abib, ay umalis ka sa Egipto. 19 Yaong lahat na nagbubukas ng bahay-bata ay akin; at gayon din ang lahat ng hayop na lalake, ang panganay ng baka at ng tupa, 20 At ang panganay ng isang asno ay iyong tutubusin ng isang kordero: at kung hindi mo tutubusin ay iyo ngang babaliin ang kaniyang leeg. Lahat ng panganay sa iyong mga anak ay iyong tutubusin. At walang lalapit sa harapan ko na walang dala. 21 Anim na araw na gagawa ka, nguni't sa ikapitong araw ay magpapahinga ka: sa panahon ng pagbubukid at sa pagaani ay magpapahinga ka. 22 At iyong ipangingilin ang kapistahan ng mga sanglinggo, ang sa mga unang bunga ng pagaani ng trigo, at ang kapistahan ng pagaani sa katapusan ng taon. 23 Makaitlo nga sa isang taon na haharap ang lahat ng iyong mga lalake sa Panginoong Dios, na Dios ng Israel. 24 Sapagka't aking palalayasin ang mga bansa sa harap mo, at aking palalaparin ang iyong mga hangganan: at hindi pagnanasaan ng sinoman ang iyong lupain, pagka ikaw ay pumapanhik na humarap sa Panginoong iyong Dios, na makaitlo sa isang taon. 25 Huwag kang maghahandog ng dugo ng hain sa akin, na kasabay ng tinapay na may lebadura; o magtitira man ng hain sa kapistahan ng paskua hanggang sa kinaumagahan. 26 Ang pinakaunang bunga ng iyong lupa ay iyong dadalhin sa bahay ng Panginoon mong Dios. Huwag mong lulutuin ang batang kambing sa gatas ng kaniyang ina. 27 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Isulat mo ang mga salitang ito: sapagka't ayon sa tunog ng mga salitang ito, ay nakipagtipan ako sa iyo at sa Israel. 28 At siya'y natira doong kasama ng Panginoon, na apat na pung araw at apat na pung gabi; hindi man lamang siya kumain ng tinapay, o uminom man ng tubig. At isinulat ng Panginoon sa mga tapyas ang mga salita ng tipan, ang sangpung utos. 29 At nangyari, nang bumaba si Moises sa bundok ng Sinai, na dala ang tapyas na bato ng patotoo sa kamay niya, noong bumaba sa bundok ay hindi nalalaman ni Moises na ang balat ng kaniyang mukha ay nagliliwanag dahil sa pakikipagusap niya sa Dios. 30 At nang makita ni Aaron at ng lahat ng mga anak ni Israel si Moises, narito, ang balat ng kaniyang mukha ay nagliliwanag; at sila'y natakot na lumapit sa kaniya. 31 At tinawag sila ni Moises; at si Aaron at ang lahat ng puno sa Israel ay nagbalik sa kaniya: at si Moises ay nagsalita sa kanila. 32 At pagkatapos, ang lahat ng mga anak ni Israel ay lumapit; at kaniyang ibinigay sa kanila sa pamamagitan ng utos ang lahat ng salita ng Panginoon na sinalita sa kaniya sa bundok ng Sinai. 33 At pagkapagsalita sa kanila ni Moises ay naglagay siya ng isang lambong sa kaniyang mukha. 34 Datapuwa't pagka si Moises ay pumapasok sa harap ng Panginoon upang makipagsalitaan sa kaniya, ay nagaalis siya ng lambong hanggang siya'y makalabas; at siya'y lumabas at kaniyang sinalita sa mga anak ni Israel ang iniutos sa kaniya; 35 At nakita ng mga anak ni Israel ang mukha ni Moises, na ang balat ng mukha ni Moises ay nagliliwanag: at inilagay uli ni Moises ang lambong sa ibabaw ng kaniyang mukha, hanggang sa siya'y makapasok na nakipagsalitaan sa Dios.
Exodo 35
1 At pinulong ni Moises ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel, at sinabi sa kanila, Ito ang mga salita na iniutos ng Panginoon, na inyong gagawin. 2 Anim na araw na gagawa, datapuwa't ang ikapitong araw ay ipangingilin ninyo, isang sabbath na takdang kapahingahan sa Panginoon: sinomang gumawa ng anomang gawa sa araw na iyan ay papatayin. 3 Huwag kayong magpapaningas ng apoy sa inyong buong tahanan sa araw ng sabbath. 4 At sinalita ni Moises, sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, na sinasabi, Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon, na sinasabi, 5 Magsikuha kayo sa inyo ng isang handog na taan sa Panginoon; sinomang may kusang loob, ay magdala ng handog sa Panginoon; ginto, at pilak, at tanso; 6 At kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at lino, at balahibo ng kambing; 7 At mga balat ng tupang lalake na tininang pula, at mga balat ng poka, at kahoy na akasia; 8 At langis na pangilawan, at mga espesia sa langis na pangpahid, at sa mabangong kamangyan: 9 At mga batong onix, at mga batong pangkalupkop, na pang-epod, at pangpektoral. 10 At pumarito ang bawa't matalino sa inyo, at gawin ang lahat ng iniutos ng Panginoon; 11 Ang tabernakulo, ang tolda niyan, at ang takip niyan, ang mga kawit niyan, at ang mga tabla niyan, ang mga barakilan niyan, ang mga haligi niyan, at ang mga tungtungan niyan; 12 Ang kaban, at ang mga pingga niyan, ang luklukan ng awa, at ang lambong ng tabing; 13 Ang dulang at ang mga pingga niyan, at ang lahat ng kasangkapan niyan at ang tinapay na handog; 14 Ang kandelero rin naman na pangilaw, at ang mga kasangkapan niyan, at ang mga ilawan niyan, at ang langis na pangilawan; 15 At ang dambana ng kamangyan at ang mga pingga niyan, at ang langis na pangpahid, at ang mabangong kamangyan, at ang tabing na pangpintuan sa pintuan ng tabernakulo; 16 Ang dambana ng handog na susunugin, sangpu ng salang tanso niyan, at lahat ng mga kasangkapan niyan, ang hugasan at ang tungtungan niyan; 17 Ang mga tabing sa looban, ang mga haligi niyan, at ang mga tungtungan ng mga iyan, at ang tabing sa pintuan ng looban; 18 Ang mga tulos ng tabernakulo, at ang mga tulos ng looban, at ang mga panali ng mga iyan; 19 Ang mga mainam na yaring kasuutan sa pangangasiwa sa dakong banal, ang mga banal na kasuutan kay Aaron na saserdote, at ang mga kasuutan ng kaniyang mga anak, upang mangasiwa sa katungkulang saserdote. 20 At ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel ay umalis sa harap ni Moises. 21 At sila'y lumapit, lahat ng tao na napukaw ang kalooban, at lahat na pinapagkusa ng sariling diwa, at nagdala ng panghandog sa Panginoon, sa gawain sa tabernakulo ng kapisanan, at sa buong ipaglilingkod at sa mga banal na kasuutan. 22 At sila'y naparoon, mga lalake at mga babae, yaong lahat na nagkaroon ng kusang loob, at nagdala ng mga espile, at ng mga hikaw, at ng mga singsing na panatak, at ng mga pulsera, ng madlang hiyas na ginto; sa makatuwid baga'y lahat na naghandog ng handog na ginto sa Panginoon. 23 At bawa't taong may kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at lino, at balahibo ng mga kambing, at balat ng mga tupa na tininang pula, at ng mga balat ng poka, ay nangagdala. 24 Ang lahat na naghandog ng handog na pilak at tanso, ay nagdala ng handog sa Panginoon: at lahat ng taong may kahoy na akasia na magagamit sa anomang gawa na paglilingkod ay nagdala. 25 At lahat ng mga babaing matatalino ay nagsihabi ng kanilang mga kamay, at dinala ang kanilang mga hinabi, na kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at lino. 26 At lahat ng mga babae na napukaw ang kalooban, sa karunungan, ay nagsihabi ng balahibo ng mga kambing. 27 At ang mga pinuno ay nagdala ng mga batong onix, at ng mga batong pangkalupkop na gamit sa epod, at sa pektoral; 28 At ng mga espesia, at ng langis; na pangilawan, at langis na pangpahid, at pangmabangong kamangyan. 29 Ang mga anak ni Israel ay nagdala ng kusang handog sa Panginoon; bawa't lalake at babae, na ang puso'y nagkusang nagpadala ng magagamit sa lahat na gawain, na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises na gawin. 30 At sinabi ni Moises sa mga anak ni Israel, Tingnan ninyo, tinawag ng Panginoon sa pangalan si Bezaleel na anak ni Uri, na anak ni Hur, sa lipi ni Juda; 31 At kaniyang pinuspos siya ng Espiritu ng Dios, tungkol sa karunungan, sa pagkakilala, at sa kaalaman, at sa lahat ng sarisaring gawain; 32 At upang kumatha ng mga gawang kaayaaya, na gumawa sa ginto, at sa pilak, at sa tanso, 33 At sa pagputol ng mga batong pangkalupkop, at sa pagukit sa kahoy, na gumawa sa lahat ng sarisaring maiinam na gawa. 34 At isinapuso niya ang katalinuhan, na siya'y makapagturo, siya at gayon din si Aholiab, na anak ni Ahisamac, sa lipi ni Dan. 35 Sila'y kaniyang pinuspos ng karunungan sa puso upang gumawa ng lahat na sarisaring gawa, ng taga-ukit, at tagakatha, at ng mangbuburda sa kayong bughaw, at sa kulay-ube, sa pula, at sa lino, at ng manghahabi, ng mga gumagawa ng anomang gawain, at ng mga kumakatha ng maiinam na gawa.
Exodo 36
1 At si Bezaleel at si Aholiab ay gagawa, at lahat ng matalino na pinagkalooban ng Panginoon ng karunungan at pagkakilala na maalaman kung paanong paggawa ng lahat ng gawa sa paglilingkod sa santuario, ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon. 2 At tinawag ni Moises si Bezaleel at si Aholiab, at lahat ng marunong na pinagkalooban ng Panginoon ng karunungan sa puso, lahat ng may pusong napukaw na pumaroon sa gawang gagawin: 3 At kanilang tinanggap kay Moises ang lahat ng handog na dinala ng mga anak ni Israel na magagamit sa gawang paglilingkod sa santuario, upang gawin. At dinalhan pa nila siya ng kusang handog tuwing umaga. 4 At nagsidating ang lahat ng mga taong matatalino, na gumagawa ng lahat na gawa, sa santuario, na bawa't isa'y mula sa kaniyang gawain na ginagawa; 5 At sila'y nagsalita kay Moises, na nagsasabi, Ang baya'y nagdadala ng higit kay sa kinakailangan sa gawang paglilingkod, na iniutos gawin ng Panginoon. 6 At si Moises ay nagbigay utos at itinanyag nila sa buong kampamento na sinasabi, Huwag nang gumawa ang lalake o ang babae man ng anomang gawang handog sa santuario. Na ano pa't sinangsala na ang bayan sa pagdadala. 7 Sapagka't ang kagamitan na mayroon sila ay sapat na sa lahat ng gawa na gagawin, at higit pa. 8 At lahat ng matatalinong lalake sa gumagawa ng gawa, ay gumawa ng tabernakulo na may sangpung tabing, na linong pinili, at kayong bughaw, at kulay-ube, at pula na may mga querubin na niyari ng bihasang manggagawa. 9 Ang haba ng bawa't tabing ay dalawang pu't walong siko, at ang luwang ng bawa't tabing ay apat na siko: lahat ng tabing ay magkakaisang sukat. 10 At pinapagsugpong na isa't isa ang limang tabing: at ang ibang limang tabing ay pinapagsugpong na isa't isa. 11 At siya'y gumawa ng mga presilyang bughaw sa gilid ng tabing, sa gilid ng pagkakasugpong: gayon din ang ginawa niya sa gilid ng tabing na nasa dulo ng ikalawang pagkakasugpong. 12 Limangpung presilya ang ginawa niya sa isang tabing, at limangpung presilya ang ginawa niya sa gilid ng tabing na nasa ikalawang pagkakasugpong: ang mga presilya ay nagkakatapat na isa't isa. 13 At siya'y gumawa ng limangpung kawit na ginto, at pinapagsugpong ang mga tabing na ang isa'y sa isa, sa pamamagitan ng mga kawit: sa gayo'y naging isa ang tabernakulo. 14 At siya'y gumawa ng mga tabing na balahibo ng mga kambing na magagamit sa tolda na nasa ibabaw ng tabernakulo: labing isang tabing ang ginawa niya. 15 Ang haba ng bawa't tabing ay tatlong pung siko, at apat na siko ang luwang ng bawa't tabing; ang labing isang tabing ay magkakaisa ng sukat. 16 At kaniyang pinapagsugpong ang limang tabing at ang anim na tabing ay bukod. 17 At siya'y gumawa ng limangpung presilya sa gilid ng unang tabing, sa dulo ng pagkakasugpong, at limangpung presilya ang ginawa niya sa gilid ng tabing na nasa dulo ng ikalawang pagkakasugpong. 18 At siya'y gumawa ng limangpung kawit na tanso ng papagsugpungin ang tolda, upang maging isa. 19 At siya'y gumawa ng isang pantakip sa tolda na balat ng mga tupa na tininang pula, at ng isang takip na balat ng poka sa ibabaw. 20 At siya'y gumawa ng mga tabla para sa tabernakulo na kahoy na akasia, na pawang patayo. 21 Sangpung siko ang haba ng isang tabla, at isang siko't kalahati ang luwang ng bawa't tabla. 22 Bawa't tabla'y mayroong dalawang mitsa na nagkakasugpong na isa't isa: gayon ang ginawa niya sa lahat ng tabla ng tabernakulo. 23 At kaniyang iginawa ng mga tabla ang tabernakulo; dalawangpung tabla sa tagilirang timugan na dakong timugan: 24 At siya'y gumawa ng apat na pung tungtungang pilak sa ilalim ng dalawang pung tabla: dalawang tungtungan sa ilalim ng isang tabla na ukol sa kaniyang dalawang mitsa; at dalawang tungtungan sa ilalim ng isang tabla na ukol sa kaniyang dalawang mitsa. 25 At sa ikalawang tagiliran ng tabernakulo sa dakong hilagaan, ay gumawa siya ng dalawang pung tabla. 26 At ng kanilang apat na pung tungtungang pilak; dalawang tungtungan sa ilalim ng isang tabla, at dalawang tungtungan sa ilalim ng ibang tabla. 27 At sa dakong hulihan ng tabernakulo, sa kalunuran ay gumawa siya ng anim na tabla. 28 At dalawang tabla ang ginawa niya sa mga sulok ng tabernakulo sa dakong hulihan. 29 Na mga nasugpong sa tablang nauukol sa dakong ibaba at nauugnay na mainam hanggang sa itaas, sa isang argolya; gayon ginawa niya sa dalawang yaon sa dalawang sulok. 30 At mayroong walong tabla, at ang mga tungtungang pilak, ay labing anim na tungtungan; sa ilalim ng bawa't tabla ay dalawang tungtungan. 31 At siya'y gumawa ng mga barakilan na kahoy na akasia; lima sa mga tabla ng isang tagiliran ng tabernakulo, 32 At limang barakilan sa mga tabla ng kabilang tagiliran ng tabernakulo, at limang barakilan sa mga tabla ng tabernakulo sa dakong hulihan na dakong kalunuran. 33 At kaniyang pinaraan ang gitnang barakilan sa gitna ng mga tabla, mula sa isang dulo hanggang sa kabila. 34 At kaniyang binalot ang mga tabla ng ginto, at gininto niya ang kanilang mga argolya na mga daraanan ng mga barakilan, at binalot ang mga barakilan ng ginto. 35 At kaniyang ginawa ang lambong na kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at linong pinili na may mga querubin na gawa ng bihasang manggagawa. 36 At kanilang iginawa ng apat na haliging akasia, at pinagbalot ng ginto: ang kanilang mga sima ay ginto rin: at kaniyang mga ipinagbubo ng apat na tungtungang pilak. 37 At kaniyang iginawa ng tabing ang pintuan ng Tolda, na kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, linong pinili, na yari ng mangbuburda; 38 At iginawa niya ng limang haligi sangpu ng kanilang mga sima: at kaniyang binalot ang mga kapitel at ang kanilang mga pilete ng ginto; at ang kanilang limang tungtungan ay tanso.
Exodo 37
1 At kahoy na akasia ang ginawang kaban ni Bezaleel: na may dalawang siko't kalahati ang haba niyaon, at may isang siko't kalahati ang luwang niyaon, at may isang siko't kalahati ang taas niyaon: 2 At kaniyang binalot ng taganas na ginto sa loob at sa labas, at iginawa ng isang kornisang ginto sa palibot. 3 At ipinagbubo niya ng apat na argolyang ginto, sa apat na sulok niyaon; sa makatuwid baga'y dalawang argolya sa isang tagiliran. 4 At siya'y gumawa ng mga pingga na kahoy na akasia, at pinagbalot ng ginto. 5 At isinuot ang mga pingga sa mga argolya, sa mga tagiliran ng kaban, upang mabuhat ang kaban. 6 At gumawa siya ng isang luklukan ng awa na taganas na ginto: na may dalawang siko at kalahati ang haba, at may isang siko't kalahati ang luwang. 7 At siya'y gumawa ng dalawang querubing ginto; na niyari niya sa pamukpok sa dalawang dulo ng luklukan ng awa; 8 Isang querubin sa isang dulo, at isang querubin sa kabilang dulo: na kaputol ng luklukan ng awa, ginawa niya ang mga querubin sa dalawang dulo. 9 At ibinubuka ng mga querubin ang mga pakpak na paitaas, na nalililiman ng kanilang mga pakpak ang luklukan ng awa, na nagkakaharap ang kanilang mga mukha; sa dakong luklukan ng awa nakaharap ang mga mukha ng mga querubin. 10 At ginawa rin niya ang dulang na kahoy na akasia; na may dalawang siko ang haba niyaon, at isang siko ang luwang niyaon, at isang siko't kalahati ang taas niyaon: 11 At binalot niya ng taganas na ginto, at iginawa niya ng isang kornisang ginto sa palibot. 12 At iginawa niya ng isang gilid na may isang kamay ang luwang sa palibot, at iginawa ng isang ginintong kornisa ang gilid sa palibot. 13 At ipinagbubo ng apat na argolyang ginto, at inilagay ang mga argolya sa apat na sulok na ukol sa apat na paa niyaon. 14 Malapit sa gilid ang mga argolya, na daraanan ng mga pingga, upang mabuhat ang dulang. 15 At ginawa niya ang mga pingga na kahoy na akasia, at pinagbalot ng ginto, upang mabuhat ang dulang. 16 At ginawa niyang taganas na ginto ang mga kasangkapang nasa ibabaw ng dulang, ang mga pinggan niyaon, at ang mga kutsara niyaon, at ang mga tasa niyaon, at ang mga kopa niyaon, na pagbubuhusan. 17 At kaniyang ginawa ang kandelero na taganas na ginto: niyari niya sa pamukpuk ang kandelero, ang tungtungan niyaon at ang haligi niyaon; ang mga kopa niyaon, ang mga globito niyaon, at ang mga bulaklak ay kaputol niyaon: 18 At may anim na sangang lumalabas sa dalawang tagiliran niyaon; tatlong sanga ng kandelero ay sa isang tagiliran, at tatlong sanga ng kandelero ay sa kabilang tagiliran: 19 Tatlong kopang anyong bulaklak ng almendro sa isang sanga, isang globito at isang bulaklak; at tatlong kopang anyong bulaklak ng almendro sa kabilang sanga, isang globito at isang bulaklak; gayon sa anim na sangang lumalabas sa kandelero. 20 At sa kandelero'y may apat na kopang anyong bulaklak ng almendro, sangpu ng mga globito niyaon, at ng mga bulaklak niyaon: 21 At may isang globito sa ilalim ng dalawa sa mga sanga na kaputol niyaon, at isang globito sa ilalim ng kabilang dalawa sa mga sanga na kaputol niyaon, at isang globito sa ilalim ng dalawang sanga na kaputol niyaon, sapagka't ang anim na sanga ay lumalabas doon. 22 Ang mga globito at ang mga sanga ay kaputol ng kandelero: ang kabuoa'y isa lamang putol na yari sa pamukpok, taganas na ginto. 23 At kaniyang ginawa ang mga ilawan niyaong pito, at ang mga pangipit niyaon, at ang mga pinggan niyaon, na taganas na ginto. 24 Na isang talento na taganas na ginto ginawa niya, at ang lahat ng mga kasangkapan niyaon. 25 At kaniyang ginawa ang dambanang suuban na kahoy na akasia: isang siko ang haba niyaon, at isang siko ang luwang niyaon, parisukat at dalawang siko ang taas niyaon; ang mga anyong sungay niyaon ay kaputol din. 26 At kaniyang binalot ng taganas na ginto ang ibabaw niyaon, at ang mga tagiliran niyaon sa palibot, at ang mga anyong sungay niyaon: at kaniyang iginawa ng isang kornisang ginto sa palibot. 27 At iginawa niya ng dalawang gintong argolya sa ilalim ng kornisa, sa dakong itaas ng dalawang panig, sa ibabaw ng dalawang panig, na pagsusuutan ng mga pingga upang mabuhat. 28 At kaniyang ginawa ang mga pingga na kahoy na akasia, at mga binalot na ginto. 29 At kaniyang ginawa ang banal na langis na pangpahid, at ang taganas na kamangyan na mainam na pabango ayon sa katha ng manggagawa ng pabango.
Exodo 38
1 At kaniyang ginawa ang dambanang pagsusunugan ng handog na kahoy na akasia: limang siko ang haba niyaon, at limang siko ang luwang niyaon, parisukat; at tatlong siko ang taas niyaon. 2 At kaniyang ginawa ang mga anyong sungay niyaon sa ibabaw ng apat na sulok niyaon; ang mga anyong sungay niyaon ay kaputol din: at kaniyang binalot ng tanso. 3 At kaniyang ginawa ang lahat ng mga kasangkapan ng dambana: ang mga kawa, at ang mga pala, at ang mga mangkok, ang mga pangalawit, at ang mga suuban lahat ng kasangkapan ay kaniyang ginawang tanso. 4 At kaniyang iginawa ang dambana ng isang salang tanso na ayos lambat, sa ibaba ng gilid ng dambana sa palibot niyaon, sa dakong ibaba, na umaabot hanggang sa kalahatian ng dambana. 5 At siya'y nagbubo ng apat na argolya para sa apat na sulok ng pinakasalang tanso, sa mga dakong susuutan ng mga pingga. 6 At ginawa niya ang mga pingga na kahoy na akasia, at pinagbalot ng tanso. 7 At kaniyang isinuot ang mga pingga sa mga argolya na nasa mga tagiliran ng dambana, upang mabuhat; ginawa niya ang dambana na kuluong sa pamamagitan ng mga tabla. 8 At kaniyang ginawa ang hugasan na tanso, at ang tungtungan niyao'y tanso, na niyari sa mga salamin ang tanso ng mga tagapaglingkod na babae na naglilingkod sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan. 9 At kaniyang ginawa ang looban, sa tagilirang timugan na dakong timugan, ang tabing ng looban ay mga linong pinili na may isang daang siko: 10 Ang mga haligi ng mga yao'y dalawangpu, at ang mga tungtungan ay dalawangpu, tanso; ang mga sima ng mga haligi at ang mga pilete ay pilak. 11 At sa dakong hilagaan ay may isang daang siko, ang mga haligi ay dalawangpu, at ang mga tungtungan ay dalawangpu, tanso; ang mga sima ng mga haligi at ang mga pilete ay pilak. 12 At sa tagilirang kalunuran, may mga tabing na may limangpung siko, ang mga haligi ay sangpu, at ang mga tungtungan ay sangpu; ang mga sima ng mga haligi at ang mga pilete ay pilak. 13 At sa tagilirang silanganan na dakong silanganan ay may limangpung siko. 14 Ang mga tabing sa isang dako ng pintuang-daan ay may labinglimang siko; ang mga haligi ay tatlo, at ang mga tungtungan ay tatlo; 15 At gayon din sa kabilang dako: sa dakong ito at sa dakong yaon ng pintuang daan ng looban ay may mga tabing na tiglalabing limang siko; ang mga haligi niyaon, ay tatlo, at ang mga tungtungan niyaon ay tatlo. 16 Lahat ng mga tabing ng looban sa palibot, ay linong pinili. 17 At ang mga tungtungan para sa mga haligi ay tanso: ang mga sima ng mga haligi at ang mga pilete ay pilak; at ang mga balot ng mga kapitel ay pilak; at ang lahat ng haligi ng looban ay napipiletehan ng pilak. 18 At ang tabing sa pintuang daan ng looban ay yari ng mangbuburda, na kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at linong pinili: at may dalawangpung siko ang haba, at ang taas sa luwang ay may limang siko, na kabagay ng mga tabing sa looban. 19 At ang mga haligi ay apat, at ang mga tungtungan ay apat, tanso; ang mga sima ay pilak, at ang mga balot ng kapitel, at ang mga pilete ay pilak. 20 At lahat ng mga tulos ng tabernakulo, at ng looban sa palibot, ay tanso. 21 Ito ang mga bilang ng mga bagay sa tabernakulo, sa makatuwid baga'y sa tabernakulo ng patotoo, gaya ng binilang nila, ayon sa utos ni Moises para sa paglilingkod ng mga Levita sa pamamagitan ni Ithamar na anak ni Aaron na saserdote. 22 At ginawa ni Bezaleel na anak ni Uri, na anak ni Hur, sa lipi ni Juda, yaong lahat na iniutos ng Panginoon kay Moises. 23 At kasama niya si Aholiab, na anak ni Ahisamac, sa lipi ni Dan, na tagapagukit, at bihasang manggagawa, at mangbuburda sa bughaw at sa kulay-ube, at sa pula, at sa lino. 24 Lahat ng ginto na ginamit sa gagawin sa buong gawain sa santuario, sa makatuwid baga'y ang gintong handog ay dalawangpu't siyam na talento, at pitong daan at tatlongpung siklo, ayon sa siklo ng santuario. 25 At ang pilak niyaong mga nabilang sa kapisanan ay isang daang talento, at isang libo't pitong daan at pitongpu't limang siklo, ayon sa siklo ng santuario: 26 Na tigisang beka bawa't ulo, samakatuwid, kalahati ng isang siklo, ayon sa siklo ng santuario, sa bawa't isa na nasanib sa mga nabilang, magmula sa dalawangpung taong gulang na patanda, sa anim na raan at tatlong libo at limang daan at limangpung lalake. 27 At ang isang daang talentong pilak ay ginamit sa pagbububo ng mga tungtungan ng santuario, at ng mga tungtungan ng mga haligi ng lambong; isang daang tungtungan sa isang daang talento, isang talento sa bawa't tungtungan. 28 At sa isang libo't pitong daan at pitong pu't limang siklo, ay naigawa ng sima ang mga haligi at binalot ang mga kapitel, at iginawa ng mga pilete. 29 At ang tansong handog ay pitongpung talento, at dalawang libo at apat na raang siklo. 30 At siyang ipinaggawa ng mga tungtungan sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, at ng dambanang tanso, at ng salang tanso niyaon, at ng lahat ng kasangkapan ng dambana, 31 At ng mga tungtungan ng looban sa palibot, at ng mga tungtungan ng pintuan ng looban, at ng lahat ng mga tulos ng dampa, at ng lahat ng mga tulos ng looban sa palibot.
Exodo 39
1 At sa kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, ay gumawa sila ng mga kasuutang mainam ang pagkayari upang gamitin sa pangangasiwa sa dakong banal, at ginawang mga banal na kasuutan kay Aaron; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 2 At kaniyang ginawa ang epod na ginto, na kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at linong pinili. 3 At kanilang pinukpok ang ginto na pinanipis na pahaba at pinutol na ginawang kawad na ginto, upang itahi sa kayong bughaw, at sa kulay-ube, at sa pula, at sa lino na gawa ng bihasang manggagawa. 4 Kanilang iginawa ng mga pangbalikat, na nagkakasugpong: sa dalawang dulo ay nagkakasugpong. 5 At ang mainam na pagkayaring pamigkis, na nasa ibabaw ng epod upang ibigkis, ay kaputol at gaya ng pagkayari ng epod; na ginto, at kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, linong pinili; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 6 At kanilang ginawa ang mga batong onix na pinamutihan ng kalupkop na ginto, na ayos ukit ng isang panatak, ayon sa mga pangalan ng mga anak ni Israel. 7 At kaniyang inilagay sa ibabaw ng pangbalikat ng epod upang maging mga batong pinakaalaala sa ikagagaling ng mga anak ni Israel; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 8 At kaniyang ginawa ang pektoral, na gawa ng bihasang manggagawa, gaya ng pagkayari ng epod; na ginto, at kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at linong pinili. 9 Parisukat; kanilang ginawang nakatiklop ang pektoral: isang dangkal ang luwang niyaon, pagka nakatiklop. 10 At kanilang kinalupkupan ng apat na hanay na sarisaring bato: isang hanay ay sardio, topacio, at karbungko na siyang unang hanay. 11 At ang ikalawang hanay, ay isang esmeralda, isang zafiro, at isang diamante. 12 At ang ikatlong hanay, ay isang jacinto, isang agata, at isang ametista. 13 At ang ikaapat na hanay ay isang berilo, isang onix, at isang jaspe; na mga natatakpan ng mga pamuting ginto sa kanilang mga pagkakakalupkop. 14 At ang mga bato ay ayon sa mga pangalan ng mga anak ni Israel, labingdalawa, ayon sa kanilang mga pangalan; na ayos ukit ng isang panatak; bawa't isa'y ayon sa kaniyang pangalan, na ukol sa labingdalawang lipi. 15 At kanilang iginawa ang pektoral ng mga tanikalang parang tirintas na ayos pinili na taganas na ginto. 16 At sila'y gumawa ng dalawang pangkalupkop na ginto, at ng dalawang singsing na ginto; at inilagay ang dalawang singsing sa dalawang dulo ng pektoral. 17 At kanilang ikinabit ang dalawang tanikalang pinili na ginto sa dalawang singsing sa mga sulok ng pektoral. 18 At ang ibang dalawang dulo ng dalawang tanikalang ayos singsing ay kanilang ikinabit sa dalawang pangkalupkop, at mga ikinabit sa mga pangbalikat ng epod sa dakong harapan niyaon. 19 At sila'y gumawa ng ibang dalawang singsing na ginto, at mga inilagay sa dalawang sulok ng pektoral sa gilid niyaon, na nasa dakong kabaligtaran ng epod. 20 At sila'y gumawa ng dalawang singsing na ginto, at mga ikinabit sa dalawang pangbalikat ng epod sa dakong ibaba, sa may harapan, na malapit sa pagkakasugpong, sa ibabaw ng mainam na pagkayaring pamigkis ng epod. 21 At kanilang itinali ang pektoral sa pamamagitan ng mga singsing, sa mga singsing ng epod ng isang panaling bughaw upang mamalagi sa ibabaw ng mainam na pagkayaring pamigkis ng epod; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 22 At kaniyang ginawa ang balabal ng epod na yari ng manghahabi, na taganas na bughaw; 23 At ang butas ng balabal ay nasa gitna niyaon na gaya ng leeg ng isang koselete, na may isang uriang tinahi sa palibot ng pinakaleeg upang huwag mapunit. 24 At kanilang ginawan ang mga ribete ng balabal ng mga granadang kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at linong pinili. 25 At sila'y gumawa ng mga kampanilyang taganas na ginto, at inilagay ang mga kampanilya sa pagitan ng mga granada sa ibabaw ng ribete ng balabal sa palibot, sa pagitan ng mga granada; 26 Isang kampanilya at isang granada, isang kampanilya at isang granada, sa ibabaw ng ribete ng balabal sa palibot, upang ipangasiwa gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 27 At kanilang ginawa ang mga tunika na lino na yaring hinabi para kay Aaron, at sa kaniyang mga anak, 28 At ang mitra na lino, at ang mga mainam na tiara na lino, at ang mga salawal na lino na kayong pinili na lino, 29 At ang bigkis na linong pinili, at kayong bughaw at kulay-ube, at pula, na gawa ng mangbuburda; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 30 At kanilang ginawa ang lamina ng banal na korona na taganas na ginto, at sinulatan ng isang titik na ayos ukit ng isang panatak, Banal sa Panginoon. 31 At kanilang tinalian ng isang panaling bughaw, upang ilapat sa ibabaw ng mitra; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 32 Gayon natapos ang buong gawa sa tabernakulo ng kapisanan: at ginawa ng mga anak ni Israel ayon sa buong iniutos ng Panginoon kay Moises: gayon ginawa nila. 33 At kanilang dinala ang tabernakulo kay Moises, ang Tolda at ang lahat ng mga kasangkapan niyaon, ang mga kawit, ang mga tabla, ang mga barakilan, at ang mga haligi, at ang mga tungtungan; 34 At ang takip na mga balat ng mga tupa na tinina sa pula, at ang takip na balat ng mga poka, at ang lambong ng tabing; 35 Ang kaban ng patotoo at ang mga pingga niyaon, at ang luklukan ng awa; 36 Ang dulang, lahat ng mga sisidlan niyaon, at ang tinapay na handog; 37 Ang dalisay na kandelero, ang mga ilawan niyaon, ang mga ilawan na inayos, at lahat ng mga sisidlan niyaon, at ang langis na pangilawan; 38 At ang dambanang ginto, at ang langis na pangpahid, ang mabangong kamangyan, at ang tabing na gamit sa pintuan ng Tolda; 39 Ang dambanang tanso, at ang pinakasalang tanso, ang mga pingga at ang lahat ng mga sisidlan niyaon, ang hugasan at ang tungtungan; 40 Ang mga tabing ng looban, ang mga haligi, at ang mga tungtungan at ang tabing na pangpintuang-daan ng looban, ang mga panali, at ang mga tulos, at lahat ng mga kasangkapan sa paglilingkod sa tabernakulo, na gamit sa tabernakulo ng kapisanan; 41 Ang maiinam na pagkayaring kasuutan na gamit sa pangangasiwa sa dakong banal, at ang mga banal na kasuutan para kay Aaron na saserdote, at ang mga kasuutan ng kaniyang mga anak, upang mangasiwa sa katungkulang saserdote. 42 Ayon sa lahat na iniutos ng Panginoon kay Moises, ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel ang lahat ng gawa. 43 At nakita ni Moises ang lahat ng gawain, at, narito, kanilang nagawa na kung paanong iniutos ng Panginoon ay gayon nila ginawa: at pinagbabasbasan ni Moises.
Exodo 40
1 At sinalita ng Panginoon kay Moises na sinasabi, 2 Sa unang araw ng unang buwan ay iyong itatayo ang tabernakulo ng kapisanan. 3 At iyong isisilid doon ang kaban ng patotoo, at iyong tatabingan ang kaban ng lambong. 4 At iyong ipapasok ang dulang, at iyong aayusin ang mga bagay na nasa ibabaw niyaon; at iyong ipapasok ang kandelero at iyong sisindihan ang mga ilawan niyaon. 5 At iyong ilalagay ang dambanang ginto para sa kamangyan sa harap ng kaban ng patotoo, at ilalagay mo ang tabing ng pintuan sa tabernakulo. 6 At iyong ilalagay ang dambanang pagsusunugan ng handog sa harap ng pintuan ng tabernakulo ng kapisanan. 7 At iyong ilalagay ang hugasan sa pagitan ng tabernakulo at ng dambana, at iyong sisidlan ng tubig. 8 At iyong ilalagay ang looban sa palibot, at ibibitin mo ang tabing sa pintuang daan ng looban. 9 At kukuha ka ng langis na pangpahid, at papahiran mo ang tabernakulo, at lahat na nandoon, at iyong pakakabanalin, at lahat ng kasangkapan niyaon: at magiging banal. 10 At iyong papahiran ng langis ang dambanang pagsusunugan ng handog, at ang lahat ng kasangkapan, at iyong pakakabanalin ang dambana: at ang dambana ay magiging kabanalbanalan. 11 At iyong papahiran din naman ng langis ang hugasan at ang tungtungan, at iyong pakakabanalin. 12 At iyong dadalhin si Aaron at ang kaniyang mga anak sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, at iyong paliliguan ng tubig. 13 At iyong isusuot kay Aaron ang mga banal na kasuutan; at iyong papahiran ng langis siya, at iyong papagbanalin siya, upang siya'y makapangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote. 14 At iyong dadalhin ang kaniyang mga anak, at iyong susuutan sila ng mga kasuutan: 15 At iyong papahiran ng langis sila gaya ng iyong pagkapahid sa kanilang ama, upang sila'y makapangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote, at ang pagpapahid sa kanila ay maging sa kanila'y pinakatanda ng walang hanggang pagka-saserdote sa buong panahon ng kanilang lahi. 16 Gayon ginawa ni Moises, ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon sa kaniya, ay gayong ginawa niya. 17 At nangyari sa unang buwan nang ikalawang taon nang unang araw ng buwan, na ang tabernakulo'y itinayo. 18 At itinayo ni Moises ang tabernakulo, at inilagay ang mga tungtungan, at ipinatong ang mga malaking tabla, at isinuot ang mga barakilan, at itinayo ang mga haligi niyaon. 19 At kaniyang inunat ang tolda sa ibabaw ng tabernakulo, at kaniyang inilagay ang takip ng tabernakulo sa itaas ng ibabaw niyaon; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 20 At kaniyang kinuha at inilagay ang mga tabla ng patotoo sa loob ng kaban, at kaniyang inilagay ang mga pingga sa kaban, at kaniyang inilagay ang luklukan ng awa sa itaas ng ibabaw ng kaban: 21 At kaniyang ipinasok ang kaban sa tabernakulo, at inayos ang lambong ng tabing, at tinabingan ang kaban ng patotoo: gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 22 At kaniyang inilagay ang dulang sa loob ng tabernakulo ng kapisanan, sa dakong hilagaan ng tabernakulo, sa labas ng lambong. 23 At kaniyang inayos ang tinapay sa ibabaw ng dulang sa harap ng Panginoon, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 24 At kaniyang inilagay ang kandelero sa tabernakulo ng kapisanan, sa tapat ng dulang, sa tagilirang timugan ng tabernakulo. 25 At kaniyang sinindihan ang mga ilawan sa harap ng Panginoon; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 26 At kaniyang inilagay ang dambanang ginto sa loob ng tabernakulo ng kapisanan sa harap ng lambong. 27 At siya'y nagsunog doon ng kamangyan na mabangong espesia; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 28 At kaniyang inilagay ang tabing ng pintuan sa tabernakulo. 29 At kaniyang inilagay ang dambanang pagsusunugan ng handog sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, at pinaghandugan ng handog na susunugin, at ng handog na harina; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 30 At kaniyang inilagay ang hugasan sa pagitan ng tabernakulo, ng kapisanan at ng dambana, at sinidlan ng tubig upang paghugasan. 31 At si Moises at si Aaron at ang kaniyang mga anak, ay nagsipaghugas doon ng kanilang mga kamay at ng kanilang mga paa; 32 Pagka sila'y pumapasok sa tabernakulo ng kapisanan, at pagka sila'y lumalapit sa dambana ay naghuhugas sila: gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 33 At kaniyang inilagay ang looban sa palibot ng tabernakulo at ng dambana, at iniayos ang tabing ng pintuang daan ng looban. Gayon tinapos ni Moises ang gawain. 34 Nang magkagayo'y tinakpan ng ulap ang tabernakulo ng kapisanan, at pinuno ng Panginoon ng kaluwalhatian ang tabernakulo. 35 At si Moises ay hindi makapasok sa tabernakulo ng kapisanan, sapagka't lumagay sa ibabaw niyaon ang ulap, at pinuspos ng Panginoon ng kaluwalhatian ang tabernakulo. 36 At pagka ang ulap ay napaiitaas mula sa tabernakulo, ay nagpapatuloy ang mga anak ni Israel sa kanilang buong paglalakbay: 37 Datapuwa't kung ang ulap ay hindi napaiitaas, ay hindi nga sila naglalakbay hanggang sa araw na napaiitaas. 38 Sapagka't ang ulap ng Panginoon ay nasa ibabaw ng tabernakulo sa araw, at may apoy sa loob niyaon sa gabi, sa paningin ng buong lahi ng Israel, sa kanilang buong paglalakbay.
Levitico 1
1 At tinawag ng Panginoon si Moises at sinalita sa kaniya mula sa tabernakulo ng kapisanan, na sinasabi, 2 Salitain mo sa mga anak ni Israel at sabihin mo sa kanila, Pagka ang sinoman sa inyo ay naghahandog ng alay sa Panginoon, ang ihahandog ninyong alay ay galing sa mga hayop, sa mga bakahan at sa kawan. 3 Kung ang kaniyang alay ay handog na susunugin na kinuha sa bakahan, ang ihahandog niya'y isang lalake na walang kapintasan: sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan ihahandog niya, upang tanggapin sa harap ng Panginoon. 4 At ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo ng handog na susunugin; at tatanggapin sa ikagagaling niya, upang gumawa ng pakikipagkasundo sa kaniya. 5 At kaniyang papatayin ang guyang toro sa harap ng Panginoon: at ang mga anak ni Aaron, ang mga saserdote, ay siyang mangaghaharap ng dugo at iwiwisik ang dugo sa palibot ng dambana na nasa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan. 6 At lalaplapin ang handog na susunugin, at kakatayin. 7 At ang mga anak ni Aaron na saserdote ay magsisipaglagay ng apoy sa ibabaw ng dambana, at magsisipagayos ng kahoy sa apoy; 8 At aayusin ng mga anak ni Aaron, na mga saserdote, ang mga pinagputolputol, ang ulo, at ang taba, sa kahoy na nakapatong sa apoy na nasa ibabaw ng dambana: 9 Datapuwa't ang mga lamang loob at ang mga paa, ay huhugasan niya ng tubig. At susunugin ng saserdote ang kabuoan sa ibabaw ng dambana na pinakahandog na susunugin, isang handog nga na pinaraan sa apoy na pinakamasarap na amoy sa Panginoon. 10 At kung ang kaniyang alay ay kinuha sa kawan, sa mga tupa, o sa mga kambing, na pinakahandog na susunugin; ang kaniyang ihahandog ay isang lalaking walang kapintasan. 11 At kaniyang papatayin sa dakong hilagaan ng dambana, sa harap ng Panginoon: at iwiwisik ng mga anak ni Aaron, na mga saserdote, ang dugo niyaon sa ibabaw ng dambana sa palibot. 12 At kaniyang kakatayin pati ang ulo, at ang taba; at mga iaayos ng saserdote sa ibabaw ng kahoy na nasa apoy sa ibabaw ng dambana; 13 Datapuwa't ang mga lamang loob at ang mga paa ay huhugasan ng tubig. At ihahandog ng saserdote ang kabuoan, at susunugin sa dambana: isa ngang handog na susunugin na isang handog na pinaraan sa apoy na pinakamasarap na amoy sa Panginoon. 14 At kung ang kaniyang alay sa Panginoon ay handog na susunugin na mga ibon, ang ihahandog nga niyang alay ay mga batobato o mga inakay ng kalapati. 15 At dadalhin ng saserdote sa dambana, at pupugutan ng ulo yaon, at susunugin sa ibabaw ng dambana; at ang dugo'y pipigain sa tabi ng dambana: 16 At aalisin niya ang butsi pati ang mga balahibo, at ihahagis sa tabi ng dambana, sa dakong silanganan, sa kinalalagyan ng mga abo: 17 At babaakin na hahawakan sa mga pakpak, datapuwa't hindi pakakahatiin. At susunugin ng saserdote sa ibabaw ng dambana, sa ibabaw ng kahoy na nasa apoy: isa ngang handog na susunugin, na isang handog na pinaraan sa apoy na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.
Levitico 2
1 At pagka ang sinoman ay maghahandog sa Panginoon ng alay na handog na harina, ay mainam na harina ang kaniyang iaalay; at kaniyang bubuhusan ng langis, at lalagyan ng kamangyan: 2 At dadalhin niya sa mga saserdote, na mga anak ni Aaron; at siya'y kukuha ng isang dakot na mainam na harina at ng langis, sangpu ng buong kamangyan niyaon. At susunugin ng saserdote sa ibabaw ng dambana na pinakaalaala, na isang handog nga na pinaraan sa apoy na pinakamasarap na amoy sa Panginoon: 3 At ang kalabisan sa handog na harina ay mapapasa kay Aaron at sa kaniyang mga anak: kabanalbanalang bagay nga sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy. 4 At pagka ikaw ay maghahandog ng alay na handog na harina na luto sa hurno, ay mga munting tinapay na walang lebadura ang iaalay mo na mainam na harina, na hinaluan ng langis, o mga manipis na tinapay na walang lebadura, na hinaluan ng langis. 5 At kung ang iyong alay ay handog na harina, na luto sa kawali, ay mainam na harina ang iaalay mo na walang lebadura, na hinaluan ng langis. 6 Iyong pagpuputolputulin, at bubuhusan mo ng langis: isa ngang handog na harina. 7 At kung ang iyong alay ay handog na harina na luto sa kawaling bakal, ay yari sa mainam na harina na may langis ang iaalay mo. 8 At dadalhin mo sa Panginoon ang handog na harina na yari sa mga bagay na ito: at ihaharap sa saserdote at dadalhin niya sa dambana. 9 At kukuha ang saserdote ng handog na harina, na pinakaalaala rin niyaon, at susunugin sa ibabaw ng dambana: handog ngang pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon. 10 At ang kalabisan sa handog na harina ay mapapasa kay Aaron at sa kaniyang mga anak; kabanalbanalang bagay nga sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy. 11 Walang handog na harina na ihahandog kayo sa Panginoon, na magkakalebadura: sapagka't huwag kayong magsusunog ng anomang lebadura ni ng anomang pulot na pinaka handog, sa Panginoon, na pinaraan sa apoy. 12 Bilang pinakaalay na mga pangunang bunga ihahandog ninyo sa Panginoon: nguni't hindi sasampa sa dambana na parang masarap na amoy. 13 At titimplahan mo ng asin ang lahat ng alay na iyong handog na harina, ni huwag mong titiising magkulang sa iyong handog na harina ng asin ng tipan ng iyong Dios: lahat ng alay mo'y ihahandog mong may asin. 14 At kung maghahandog ka sa Panginoon ng handog na harina na pangunang bunga, ay ihahandog mong pinakahandog na harina ng iyong pangunang bunga ay sinangag sa apoy, mga murang butil na pinipi. 15 At bubuhusan mo ng langis yaon, at lalagyan mo sa ibabaw ng kamangyan: yaon nga'y handog na harina. 16 At susunugin ng saserdote na nakaalaala niyaon, ang bahagi ng butil na pinipi at ang bahagi ng langis, pati ng buong kamangyan niyaon: handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
Levitico 3
1 At kung ang kanilang alay ay haing mga handog tungkol sa kapayapaan; kung ang ihahandog niya ay sa bakahan maging lalake o babae, ay ihahandog niya na walang kapintasan sa harap ng Panginoon. 2 At kaniyang ipapatong ang kamay niya sa ulo ng kaniyang alay, at papatayin sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan: at iwiwisik ng mga anak ni Aaron, na mga saserdote, ang dugo sa ibabaw ng dambana, sa palibot. 3 At kaniyang ihahandog hinggil sa haing mga handog tungkol sa kapayapaan, na pinakahandog sa Panginoon na pinaraan sa apoy; ang tabang nakatatakip ng lamang loob at lahat ng tabang nasa ibabaw ng lamang loob, 4 At ang dalawang bato at ang tabang nasa ibabaw ng mga yaon, ang nasa siping ng mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay ay kaniyang aalisin na kalakip ng mga bato. 5 At susunugin ng mga anak ni Aaron sa dambana, sa ibabaw ng handog na susunugin na nasa ibabaw ng kahoy na nakapatong sa apoy; handog ngang pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon. 6 At kung ang kaniyang alay sa Panginoon na pinakahaing mga handog tungkol sa kapayapaan ay kinuha sa kawan; maging lalake o babae, ay ihahandog niya na walang kapintasan. 7 Kung isang kordero ang kaniyang ihahandog na pinakaalay niya, ay ihahandog nga niya sa harap ng Panginoon: 8 At kaniyang ipapatong ang kamay niya sa ulo ng kaniyang alay, at papatayin sa harap ng tabernakulo ng kapisanan: at iwiwisik ng mga anak ni Aaron ang dugo niyaon sa ibabaw ng dambana sa palibot. 9 At kaniyang ihahandog hinggil sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan ay isang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy; ang taba niyaon, ang buong matabang buntot, ay aalisin niya sa siping ng gulugod; at ang tabang nakatatakip ng lamang loob, at ang lahat ng tabang nasa ibabaw ng lamang loob. 10 At ang dalawang bato, at ang tabang nasa ibabaw niyaon, na malapit sa mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay, ay aalisin niya na kalakip ng mga bato. 11 At susunugin ng saserdote sa ibabaw ng dambana: pagkaing handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy. 12 At kung kambing ang kaniyang alay ay ihahandog nga niya sa harap ng Panginoon: 13 At ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo niyaon, at papatayin yaon sa harap ng tabernakulo ng kapisanan: at iwiwisik ng mga anak ni Aaron ang dugo sa ibabaw ng dambana sa palibot. 14 At ang ihahandog niya roon na kaniyang alay, na pinakahandog sa Panginoon, na pinaraan sa apoy; ang tabang nakatatakip ng lamang loob, lahat ng tabang nasa ibabaw ng lamang loob, 15 At ang dalawang bato, at ang tabang nasa ibabaw, na malapit sa mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay, ay aalisin niya na kalakip ng mga bato. 16 At mga susunugin ng saserdote sa ibabaw ng dambana; pagkaing handog nga na pinaraan sa apoy na pinakamasarap na amoy: lahat ng taba ay sa Panginoon. 17 Magiging palatuntunang palagi sa buong panahon ng inyong lahi, sa lahat ng inyong tahanan na hindi kayo kakain ng taba ni dugo man.
Levitico 4
1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 2 Salitain mo sa mga anak ni Israel, na iyong sabihin, Kung ang sinoman ay magkakasala ng hindi sinasadya sa alin man sa mga bagay na iniutos ng Panginoon na huwag gawin, at gagawin ng sinoman sa kanila; 3 Kung ang pinahirang saserdote ang magkasala ng gayon na magdala ng sala sa bayan, ay maghahandog nga siya sa Panginoon dahil sa kaniyang kasalanan na ipinagkasala, ng isang guyang toro, na walang kapintasan, na pinakahandog dahil sa kasalanan. 4 At dadalhin niya ang toro sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan sa harap ng Panginoon: at ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo ng toro, at papatayin ang toro sa harap ng Panginoon. 5 At ang pinahiran ng langis na saserdote ay kukuha ng dugo ng toro, at dadalhin sa tabernakulo ng kapisanan: 6 At ilulubog ng saserdote ang kaniyang daliri sa dugo, at magwiwisik na makapito ng dugo sa harap ng Panginoon, sa tapat ng tabing ng santuario. 7 At ang saserdote ay maglalagay ng dugong yaon sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana ng mabangong kamangyan sa harap ng Panginoon, na nasa tabernakulo ng kapisanan: at lahat ng dugo ng toro ay ibubuhos sa paanan ng dambanang pagsusunugan ng handog na nasa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan. 8 At aalisin ang lahat ng taba ng toro na handog dahil sa kasalanan; ang tabang nakakatakip sa lamang loob, at ang lahat ng tabang nasa ibabaw ng lamang loob, 9 At ang dalawang bato at ang tabang nasa ibabaw, na malapit sa mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay, ay aalisin na kalakip ng mga bato, 10 Na gaya ng pagaalis ng sa toro na hain na mga handog tungkol sa kapayapaan: at susunugin ng saserdote sa ibabaw ng dambanang pagsusunugan ng handog. 11 At ang balat ng toro at ang buong laman pati ng ulo at ng mga hita, at ng lamang loob, at ng dumi, 12 Sa makatuwid baga'y ang buong toro ay ilalabas niya sa labas ng kampamento sa isang dakong malinis, na pinagtatapunan ng mga abo, at doon susunugin sa apoy sa ibabaw ng kahoy: sa pinagtatapunan ng mga abo susunugin yaon. 13 At kung ang buong kapisanan ng Israel ay magkasala, at ang bagay ay malihim sa mga mata ng kapulungan, at sila'y nakagawa ng anoman sa mga bagay na iniutos ng Panginoon na huwag gawin, at naging salarin; 14 Pagka nakilala ang kasalanan ng kanilang ipinagkasala, ay maghahandog nga ang kapisanan ng isang guyang toro na pinakahandog dahil sa kasalanan, at dadalhin sa harap ng tabernakulo ng kapisanan. 15 At ipapatong ng mga matanda ng kapulungan, ang kanilang kamay sa ulo ng toro sa harap ng Panginoon: at papatayin ang toro sa harap ng Panginoon. 16 At ang saserdoteng pinahiran ng langis ay magdadala ng dugo ng toro sa tabernakulo ng kapisanan: 17 At ilulubog ng saserdote ang kaniyang daliri sa dugo, at iwiwisik na makapito sa harap ng Panginoon, sa harap ng tabing. 18 At maglalagay siya ng dugo sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana na nasa harap ng Panginoon, na nasa tabernakulo ng kapisanan, at ang lahat ng dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng dambanang pagsusunugan ng handog na nasa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan. 19 At aalisin niya ang lahat ng taba niyaon, at susunugin niya sa ibabaw ng dambana. 20 Gayon ang gagawin niya sa toro; kung paano ang ginawa niya sa torong handog dahil sa kasalanan, ay gayon gagawin niya rito: at itutubos sa kanila ng saserdote, at patatawarin sila. 21 At ilalabas niya ang toro sa kampamento, at susunugin niya, na gaya ng pagkasunog sa unang toro: handog nga dahil sa kasalanan ng kapisanan. 22 Pagka ang isang pinuno ay nagkasala, at nakagawa ng hindi sinasadya sa alinman sa lahat ng bagay na iniutos ng Panginoon niyang Dios na huwag gawin, at siya'y naging salarin; 23 Kung maipakilala sa kaniya ang kasalanan niyang ipinagkasala, ay magdadala siya ng pinakaalay niya na isang lalaking kambing na walang kapintasan; 24 At ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo ng kambing, at papatayin niya sa dakong pinagpapatayan ng handog na susunugin sa harap ng Panginoon: handog nga dahil sa kasalanan. 25 At dadampot ang saserdote sa pamamagitan ng kaniyang daliri, ng dugo ng handog dahil sa kasalanan at ilalagay sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambanang pagsusunugan ng handog, at ang dugo'y ibubuhos sa paanan ng dambanang pagsusunugan ng handog. 26 At ang lahat ng taba niyaon ay susunugin niya sa dambana, na gaya ng taba ng hain na mga handog tungkol sa kapayapaan: at itutubos sa kaniya ng saserdote tungkol sa kaniyang kasalanan, at siya'y patatawarin. 27 At kung ang sinomang karaniwang tao sa bayan ay magkasala ng hindi sinasadya, sa paggawa sa alinman sa mga bagay na iniutos ng Panginoon na huwag gawin, at maging makasalanan; 28 Kung maipakilala sa kaniya ang kasalanan niyang pinagkasalahan, ay magdadala siya ng pinakaalay niya na isang babaing kambing na walang kapintasan, na dahil sa kaniyang kasalanang pinagkasalahan niya. 29 At ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo ng handog dahil sa kasalanan, at papatayin ang handog dahil sa kasalanan sa lagayan ng pagsusunugan ng handog. 30 At dadampot ang saserdote sa pamamagitan ng kaniyang daliri ng dugo at ilalagay sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambanang pagsusunugan ng handog, at ang lahat ng dugo niyaon ay ibubuhos niya sa paanan ng dambana. 31 At ang lahat ng taba niyaon ay kaniyang aalisin, na gaya ng pagaalis ng taba sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan; at susunugin ng saserdote sa dambana na pinakamasarap na amoy sa Panginoon; at itutubos sa kaniya ng saserdote, at siya'y patatawarin. 32 At kung kordero ang kaniyang dalhing pinakaalay na bilang handog dahil sa kasalanan, ay babaing walang kapintasan ang dadalhin niya. 33 At ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo ng handog dahil sa kasalanan, at papatayin na pinakahandog dahil sa kasalanan, sa pinagpapatayan ng handog na susunugin. 34 At dadampot ang saserdote sa pamamagitan ng kaniyang daliri ng dugo ng handog dahil sa kasalanan, at ilalagay sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambanang pagsusunugan ng handog, at ang lahat ng dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng dambana: 35 At ang lahat ng taba ay kaniyang aalisin, gaya ng pagkaalis ng taba sa kordero na hain na mga handog tungkol sa kapayapaan; at susunugin ng saserdote sa dambana, sa ibabaw ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy: at itutubos sa kaniya ng saserdote tungkol sa kasalanan na kaniyang pinagkasalahan; at siya'y patatawarin.
Levitico 5
1 At kung ang sinoman ay magkasala, sa pagkarinig niya ng tinig ng pautos, sa paraang siya'y saksi maging kaniyang nakita o nalaman, kung hindi niya ihayag, ay siya nga ang magtataglay ng kasamaan niya. 2 O kung ang sinoman ay nakahipo ng alinmang bagay na karumaldumal, maging bangkay ng ganid na karumaldumal, o ng bangkay na hayop na karumaldumal, o ng bangkay ng umuusad na karumaldumal, at nalihim sa kaniya, at siya'y maging karumaldumal, ay magiging makasalanan nga siya: 3 O kung siya'y nakahipo ng karumaldumal ng tao, maging anomang karumaldumal niyaon na ikinapaging karumaldumal niya, at nalihim sa kaniya; pagka nalaman niya ay magiging makasalanan nga siya: 4 O kung ang sinoma'y sumumpa ng kaniyang mga labi ng walang dilidili na gumawa ng masama o gumawa ng mabuti, maging anoman na sinasalita ng tao na walang dilidili na kaakbay ang sumpa, at sa kaniya'y nalihim; pagka nalaman niya yaon, ay magiging makasalanan nga siya sa isa sa mga bagay na ito: 5 At mangyayari, na pagka siya'y magiging makasalanan sa isa sa mga bagay na ito, ay kaniyang isasaysay yaong kaniyang ipinagkasala: 6 At dadalhin niya sa Panginoon ang handog niya dahil sa pagkakasala, dahil sa kasalanang pinagkasalahan niya, ay isang babae na kinuha sa kawan, isang kordero o isang kambing na pinakahandog dahil sa kasalanan; at itutubos sa kaniya ng saserdote tungkol sa kaniyang kasalanan. 7 At kung ang kaniyang kaya ay hindi sapat upang magdala ng isang kordero, ay magdadala nga siya sa Panginoon, na pinakahandog niya sa pagkakasala, dahil sa ipinagkasala niya, ng dalawang batobato o ng dalawang inakay ng kalapati: ang isa'y pinakahandog dahil sa kasalanan at ang isa'y pinakahandog na susunugin. 8 At sila'y dadalhin niya sa saserdote, na ang ihahandog nito na pinakahandog dahil sa kasalanan, ay ang una at pupugutin ang ulo sa leeg, nguni't hindi papaghihiwalaying bigla: 9 At magwiwisik siya ng dugo ng handog dahil sa kasalanan sa ibabaw ng gilid ng dambana; at ang labis sa dugo ay pipigain sa paanan ng dambana: handog nga dahil sa kasalanan. 10 At ihahandog niya ang ikalawa na pinakahandog na susunugin ayon sa alituntunin: at itutubos sa kaniya ng saserdote tungkol sa kaniyang kasalanan na kaniyang pinagkasalahan, at siya'y patatawarin. 11 Datapuwa't kung ang kaniyang kaya ay hindi sapat upang magdala ng dalawang batobato, o ng dalawang inakay ng kalapati, ay magdadala nga siya ng ikasangpung bahagi ng isang epa ng mainam na harina, na pinakahandog dahil sa kasalanan niya; hindi niya lalagyan ng langis ni bubuhusan man niya ng kamangyan; sapagka't handog dahil sa kasalanan. 12 At dadalhin niya sa saserdote, at ang saserdote ay kukuha ng kaniyang dakot sa pinaka alaala niyaon, na susunugin sa dambana; na gaya ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy: handog nga dahil sa kasalanan. 13 At itutubos sa kaniya ng saserdote, tungkol sa kasalanan na kaniyang pinagkasalahan sa alinman sa mga bagay na ito, at siya'y patatawarin: at ang labis ay mapapasa saserdote, gaya ng handog na harina. 14 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 15 Kung ang sinoman ay makasuway at magkasala ng di sinasadya sa mga banal na bagay ng Panginoon; ay magdadala nga siya sa Panginoon ng handog dahil sa pagkakasala na isang tupang lalaking walang kapintasan na kinuha sa kawan, ayon sa iyong pagkahalaga sa siklong pilak, ayon sa siklo ng santuario na pinakahandog dahil sa pagkakasala: 16 At isasauli niya yaong kaniyang nadaya sa banal na bagay, at magdaragdag pa ng ikalimang bahagi, at ibibigay niya sa saserdote: at itutubos sa kaniya ng saserdote sa pamamagitan ng lalaking tupang handog dahil sa pagkakasala; at siya'y patatawarin. 17 At kung ang sinoman ay magkasala, at gumawa ng alin man sa mga bagay na iniutos ng Panginoon na huwag gawin; bagama't hindi niya nalalaman, makasalanan din siya at magtataglay siya ng kaniyang kasamaan. 18 At siya'y magdadala sa saserdote ng isang tupang lalake na walang kapintasan na kinuha sa kawan ayon sa iyong pagkahalaga na pinakahandog dahil sa pagkakasala; at itutubos sa kaniya ng saserdote, tungkol sa bagay na pinagkamalian niya ng di sinasadya, at hindi niya nalalaman, at siya'y patatawarin. 19 Yaon nga'y handog dahil sa pagkakasala: tunay ngang siya'y makasalanan sa harap ng Panginoon.
Levitico 6
1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 2 Kung ang sinoman ay magkasala, at sumuway sa Panginoon, na magbulaan sa kaniyang kapuwa tungkol sa isang habilin, o sa isang sanla, o sa nakaw, o pumighati sa kaniyang kapuwa, 3 O nakasumpong ng nawala, at ipagkaila at sumumpa ng kasinungalingan; sa alin man sa lahat ng ito na ginawa ng tao ng pinagkakasalahan: 4 Ay mangyayari nga, na kung siya'y nagkasala at naging salarin, na isasauli niya ang ninakaw, o ang nakuha sa pagpighati, o ang habiling inihabilin sa kaniya, o ang bagay na nawala sa kaniyang nasumpungan, 5 O anomang bagay na kaniyang sinumpaan ng kabulaanan; na isasauli niyang buo, at daragdagan pa niya ng ikalimang bahagi niyaon: sa may-ari ibibigay niya sa araw na pagkasumpong sa kaniya na siya'y may kasalanan. 6 At dadalhin niya sa Panginoon ang kaniyang handog dahil sa pagkakasala, isang tupang lalake na walang kapintasan na kinuha sa kawan, ayon sa iyong pagkahalaga, at ibibigay sa saserdote na pinakahandog dahil sa pagkakasala: 7 At itutubos sa kaniya ng saserdote sa harap ng Panginoon; at siya'y patatawarin tungkol sa alin mang kaniyang nagawa, na kaniyang pinagkasalahan. 8 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 9 Iutos mo kay Aaron at sa kaniyang mga anak, na iyong sabihin, Ito ang kautusan tungkol sa handog na susunugin: ang handog na susunugin ay malalagay sa ibabaw ng pinagsusunugan sa ibabaw ng dambana, buong gabi hanggang umaga; at ang apoy sa dambana ay papananatilihing nagniningas doon. 10 At isusuot ng saserdote ang kaniyang kasuutang lino, at ang kaniyang mga salawal na kayong lino at itatakip niya sa kaniyang katawan; at dadamputin niya ang mga abo ng handog na susunugin na sinunog sa apoy sa ibabaw ng dambana, at ilalagay niya sa tabi ng dambana. 11 At maghuhubad siya ng kaniyang mga suot, at magbibihis ng ibang mga kasuutan, at ilalabas ang mga abo sa labas ng kampamento sa isang dakong malinis. 12 At ang apoy sa ibabaw ng dambana ay papananatilihing nagniningas doon, hindi papatayin; at ang saserdote ay magsusunog ng kahoy sa ibabaw niyaon tuwing umaga: at aayusin niya sa ibabaw niyaon ang handog na susunugin, at susunugin sa ibabaw niyaon ang taba ng mga handog tungkol sa kapayapaan. 13 Ang apoy ay papananatilihing nagniningas sa ibabaw ng dambana; hindi papatayin. 14 At ito ang kautusan tungkol sa handog na harina: ihahandog ng mga anak ni Aaron sa harap ng Panginoon, sa harap ng dambana. 15 At kukuha siya niyaon ng kaniyang dakot, ng mainam na harina sa handog na harina, at ng langis niyaon, at ng lahat na kamangyan, na nasa ibabaw ng handog na harina, at kaniyang susunugin sa ibabaw ng dambana, na pinakamasarap na amoy, na alaala niyaon sa Panginoon. 16 At ang labis sa handog ay kakanin ni Aaron at ng kaniyang mga anak: walang lebadurang kakanin sa dakong banal; sa looban ng tabernakulo ng kapisanan kakanin nila. 17 Hindi lulutuing may lebadura. Aking ibinigay sa kanilang pinakabahagi nila, sa mga handog sa akin na pinaraan sa apoy; kabanalbanalang bagay nga, na gaya ng handog dahil sa kasalanan, at gaya ng handog dahil sa pagkakasala. 18 Bawa't lalake sa mga anak ni Aaron ay kakain niyaon na pinakabahagi nila magpakailan man, sa buong panahon ng inyong lahi, sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy; sinomang humipo ng mga iyan ay magiging banal. 19 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 20 Ito ang alay ni Aaron at ng kaniyang mga anak na kanilang ihahandog sa Panginoon sa araw na siya'y pahiran ng langis; ang ikasangpung bahagi ng isang epa ng mainam na harina, na pinakahandog na harina magpakailan man, ang kalahati ay sa umaga at ang kalahati ay sa hapon. 21 Sa kawali ihahandang may langis; pagkatigmak niyaon dadalhin mo: lutong putolputol na ihaharap mo ang handog na harina na pinaka masarap na amoy sa Panginoon. 22 At ang saserdoteng pinahiran ng langis na mahahalili sa kaniya, na mula sa gitna ng kaniyang mga anak ay maghahandog niyaon: ayon sa palatuntunang walang hanggan ay susunuging lahat sa Panginoon. 23 At bawa't handog na harina ng saserdote ay susunuging lahat: hindi kakanin. 24 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 25 Salitain mo kay Aaron at sa kaniyang mga anak, na sabihin, Ito ang kautusan tungkol sa handog dahil sa kasalanan: sa dakong pinagpapatayan ng handog na susunugin ay doon papatayin ang handog dahil sa kasalanan, sa harap ng Panginoon; kabanalbanalang bagay nga. 26 Ang saserdoteng maghandog niyaon dahil sa kasalanan ay kakain niyaon: sa dakong banal kakanin, sa looban ng tabernakulo ng kapisanan. 27 Anomang humipo ng laman niyaon ay magiging banal: at pagka pumilansik ang dugo sa alin mang damit, ay lalabhan mo yaong napilansikan sa dakong banal. 28 Datapuwa't ang sisidlang lupa na pinaglutuan ay babasagin: at kung niluto sa sisidlang tanso ay lilinisin at babanlawan ng tubig. 29 Bawa't lalake sa mga saserdote ay kakain niyaon: bagay ngang kabanalbanalan. 30 At hindi kakanin ang anomang handog dahil sa kasalanan, kung may dugo niyao'y ipinasok sa tabernakulo ng kapisanan upang ipangtubos sa dakong banal: sa apoy nga susunugin.
Levitico 7
1 At ito ang kautusan tungkol sa handog dahil sa pagkakasala: bagay ngang kabanalbanalan. 2 Sa dakong pinagpapatayan ng handog na susunugin ay doon papatayin ang handog dahil sa pagkakasala: at ang dugo niyao'y iwiwisik niya sa ibabaw ng dambana hanggang sa palibot. 3 At siya'y maghahandog niyaon ng lahat ng taba niyaon; ang buntot na mataba at ang tabang nakatatakip sa lamang loob, 4 At ang dalawang bato at ang tabang nasa ibabaw ng mga yaon, ang nasa siping ng mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay, ay kaniyang aalisin na kalakip ng mga bato: 5 At susunugin ng saserdote sa ibabaw ng dambana na pinakahandog sa Panginoon na pinaraan sa apoy; handog nga dahil sa pagkakasala. 6 Bawa't lalake sa mga saserdote ay kakain niyaon; sa dakong banal kakanin yaon: bagay ngang kabanalbanalan. 7 Kung paano ang handog dahil sa kasalanan ay gayon ang handog dahil sa pagkakasala: ang dalawa'y may isang kautusan: mapapasa saserdoteng tumutubos. 8 At ang saserdoteng naghahandog ng handog na susunugin ng sinomang tao, ay siyang magtatangkilik ng balat ng handog na susunugin na inihandog. 9 At bawa't handog na harina na niluto sa hurno, at yaong lahat na pinagyaman sa kawaling bakal at sa kawaling lupa, ay mapapasa saserdote na naghahandog. 10 At bawa't handog na harina na hinaluan ng langis o tuyo, ay mapapasa lahat ng anak ni Aaron; sa isa na gaya sa iba. 11 At ito ang kautusan hinggil sa haing mga handog tungkol sa kapayapaan, na ihahandog sa Panginoon: 12 Kung ihahandog niya na pinaka pasalamat, ay ihahandog nga niyang kalakip ng haing pasalamat ang mga munting tinapay na walang lebadura na hinaluan ng langis, at ang mga manipis na tinapay na walang lebadura na pinahiran ng langis, at ang mainam na harina na munting tinapay na hinaluan ng langis. 13 Kalakip ng munting tinapay na walang lebadura kaniyang ihahandog ang alay niya, na kalakip ng haing mga handog tungkol sa kapayapaan na pinaka pasalamat. 14 At maghahandog ng isa niyaon na kaakbay ng bawa't alay na pinakahandog na itinaas sa Panginoon; mapapasa saserdoteng magwiwisik ng dugo ng mga handog tungkol sa kapayapaan. 15 At ang laman ng hain na kaniyang mga handog tungkol sa kapayapaan na pinaka pasalamat ay kakanin sa kaarawan ng kaniyang pagaalay; siya'y hindi magtitira niyaon ng hanggang sa umaga. 16 Nguni't kung ang hain ng kaniyang alay ay sa pagtupad ng isang panata, o kusang handog, ay kaniyang makakain sa araw na kaniyang ihandog ang kaniyang hain: at sa kinaumagahan man ay kaniyang makakain ang labis: 17 Datapuwa't ang lumabis sa laman ng hain hanggang sa ikatlong araw ay susunugin sa apoy. 18 At kung kanin sa ikatlong araw ang anomang bahagi ng laman ng haing kaniyang mga handog tungkol sa kapayapaan ay hindi tatanggapin, at hindi man maipatutungkol doon sa naghahandog niyaon: aariing kasuklamsuklam, at ang taong kumain niyaon ay magtataglay ng kaniyang kasamaan. 19 At ang lamang masagi sa anomang bagay na karumaldumal ay hindi kakanin; yao'y susunugin sa apoy. At tungkol sa lamang hindi nahawa, lahat ng taong malinis ay makakakain niyaon. 20 Nguni't ang taong kumain ng laman ng haing mga handog tungkol sa kapayapaan na ukol sa Panginoon, na taglay niya ang kaniyang karumihan, ay ihihiwalay ang taong yaon sa kaniyang bayan. 21 At pagka ang sinoman ay nakahipo ng anomang maruming bagay, ng dumi ng tao, o ng hayop na karumaldumal, o ng alin mang kasuklamsuklam, at kumain ng laman ng haing mga handog tungkol sa kapayapaan na ukol sa Panginoon, ay ihihiwalay ang taong yaon sa kaniyang bayan. 22 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 23 Iyong salitain sa mga anak ni Israel, na sabihin, Huwag kayong kakain ng taba ng baka, ng tupa, o ng kambing. 24 At ang taba ng namatay sa kaniyang sarili, at ang taba ng nilapa ng ganid, ay magagamit sa alin mang kagamitan: nguni't sa anomang paraan ay huwag ninyong kakanin. 25 Sapagka't sinomang kumain ng taba ng hayop na yaon na inihahandog ng mga tao sa Panginoon, na handog na pinaraan sa apoy, ay ihihiwalay sa kaniyang bayan ang taong kumain. 26 At huwag kayong kakain sa anomang paraan ng dugo sa lahat ng inyong tahanan, maging sa ibon o sa hayop. 27 Sinomang taong kumain ng alin mang dugo, ay ihihiwalay sa kaniyang bayan ang taong yaon. 28 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 29 Iyong salitain sa mga anak ng Israel na sabihin, Ang naghahandog sa Panginoon ng hain niyang mga handog tungkol sa kapayapaan ay magdadala sa Panginoon ng kaniyang alay sa hain niyang mga handog tungkol sa kapayapaan; 30 Na dadalhin ng kaniyang sariling mga kamay sa Panginoon ang mga handog na pinaraan sa apoy; ang taba pati ng dibdib ay dadalhin niya, upang ang dibdib ay alugin na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon. 31 At susunugin ng saserdote ang taba sa ibabaw ng dambana: datapuwa't ang dibdib ay mapapasa kay Aaron at sa kaniyang mga anak. 32 At ibibigay ninyo sa saserdote na pinakahandog na itinaas, ang hitang kanan sa mga haing inyong mga handog tungkol sa kapayapaan. 33 Yaong sa mga anak ni Aaron na naghahandog ng dugo ng mga handog tungkol sa kapayapaan at ng taba, ay mapapasa kaniya ang kanang hita, na pinaka bahagi niya. 34 Sapagka't aking kinuha sa mga anak ni Israel, sa kanilang mga haing mga handog tungkol sa kapayapaan, ang dibdib na inalog at ang hitang itinaas, at aking ibinigay kay Aaron na saserdote at sa kaniyang mga anak, na karampatang bahagi nila magpakailan man, sa ganang mga anak ni Israel. 35 Ito ang nauukol sa pahid na langis ni Aaron at sa pahid na langis ng kaniyang mga anak, sa mga handog na pinaraan sa apoy sa Panginoon, sa araw na iniharap sila, upang mangasiwa sa Panginoon sa katungkulang saserdote; 36 Na iniutos ng Panginoon sa kanila'y ibibigay para sa mga anak ni Israel sa araw na kaniyang pinahiran sila. Karampatang bahagi nga nila magpakailan man, sa buong panahon ng kanilang lahi. 37 Ito ang kautusan tungkol sa handog na susunugin, sa handog na harina, at sa handog dahil sa kasalanan, at sa handog dahil sa pagkakasala, at sa pagtatalaga, at sa haing mga handog tungkol sa kapayapaan. 38 Na iniutos ng Panginoon kay Moises sa bundok ng Sinai, nang araw na iniutos sa mga anak ni Israel na kanilang ihandog ang kanilang mga alay sa Panginoon sa ilang ng Sinai.
Levitico 8
1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 2 Dalhin mo si Aaron at pati ng kaniyang mga anak, at ang mga kasuutan, at ang langis na pangpahid, at ang torong handog dahil sa kasalanan, at ang dalawang tupang lalake, at ang bakol ng mga tinapay na walang lebadura: 3 At pulungin mo ang buong kapisanan sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan. 4 At ginawa ni Moises ayon sa iniutos sa kaniya ng Panginoon; at nagpupulong ang kapisanan sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan. 5 At sinabi ni Moises sa kapisanan, Ito ang ipinagawa ng Panginoon. 6 At dinala ni Moises si Aaron at ang kaniyang mga anak, at hinugasan ng tubig. 7 At isinuot sa kaniya ang kasuutan, at binigkisan ng pamigkis, at ibinalabal sa kaniya ang balabal, at sa kaniya'y ipinatong ang epod, at ibinigkis sa kaniya ang pamigkis ng epod na mainam ang pagkayari, at tinalian nito. 8 At ipinatong sa kaniya ang pektoral: at inilagay sa loob ng pektoral ang Urim at ang Thummim. 9 At ipinatong ang mitra sa kaniyang ulo; at ipinatong sa mitra sa harap, ang laminang ginto, ang banal na putong; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 10 At kinuha ni Moises ang langis na pang-pahid, at pinahiran ang tabernakulo, at ang lahat ng nandoon, ay pinapaging banal. 11 At winisikan niya niyaon ang ibabaw ng dambana na makapito, at pinahiran ng langis ang dambana at ang lahat ng kasangkapan niyaon, at ang hugasan at ang tungtungan niyaon, upang ariing banal. 12 At binuhusan ng langis na pang-pahid ang ulo ni Aaron, at pinahiran niya ng langis siya upang papagbanalin. 13 At pinalapit ni Moises ang mga anak ni Aaron, at sila'y sinuutan ng mga kasuutan, at binigkisan ng mga pamigkis, at itinali sa kanilang ulo ang mga tiara; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 14 At kaniyang inilapit ang torong handog dahil sa kasalanan: at ipinatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang mga kamay nila sa ulo ng torong handog dahil sa kasalanan. 15 At pinatay niya; at kumuha si Moises ng dugo at ipinahid ng kaniyang daliri sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana sa palibot, at nilinis ang dambana, at ang dugo'y ibinuhos sa tungtungan ng dambana, at inaring banal upang pagtubusan. 16 At kinuha niya ang lahat ng taba na nasa ibabaw ng mga lamang loob, at ang lamad ng atay, at ang dalawang bato, at ang taba ng mga yaon, at sinunog ni Moises sa ibabaw ng dambana. 17 Datapuwa't ang toro, at ang balat, at ang laman, at ang dumi, ay sinunog niya sa apoy sa labas ng kampamento; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 18 At iniharap niya ang tupang lalake na handog na susunugin: at ipinatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang mga kamay nila sa ulo ng tupa. 19 At kaniyang pinatay yaon: at iniwisik ni Moises ang dugo sa ibabaw ng dambana sa palibot. 20 At kinatay niya ang tupa; at sinunog ni Moises ang ulo, at ang mga putolputol, at ang taba. 21 At kaniyang hinugasan sa tubig ang lamang loob at ang mga paa; at sinunog ni Moises ang buong tupa sa ibabaw ng dambana; handog na susunugin nga na pinakamasarap na amoy: handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 22 At iniharap niya ang ikalawang tupa, ang tupa na itinatalaga: at ipinatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng tupa. 23 At kaniyang pinatay yaon; at kumuha si Moises ng dugo niyaon, at inilagay sa pingol ng kanang tainga ni Aaron, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang kamay, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang paa. 24 At pinaharap niya ang mga anak ni Aaron, at nilagyan ni Moises ng dugong yaon sa pingol ng kanilang kanang tainga, at sa daliring hinlalaki ng kanang kamay nila, at sa daliring hinlalaki ng kanang paa nila: at iniwisik ni Moises ang dugo sa ibabaw ng dambana sa palibot. 25 At kinuha niya ang taba, at ang matabang buntot, at ang lahat ng tabang nasa ibabaw ng lamang loob, at ang lamad ng atay, at ang dalawang bato, at ang taba ng mga yaon, at ang kanang hita: 26 At sa bakol ng tinapay na walang lebadura na inilagay sa harap ng Panginoon, ay kumuha siya ng isang munting tinapay na walang lebadura, at ng isang munting tinapay na nilangisan at ng isang manipis na tinapay, at ipinaglalagay sa ibabaw ng taba at sa ibabaw ng kanang hita: 27 At inilagay na lahat sa mga kamay ni Aaron at sa mga kamay ng kaniyang mga anak, at pinagaalog na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon. 28 At kinuha ni Moises sa kanilang mga kamay, at sinunog sa dambana sa ibabaw ng handog na susunugin: mga talagang pinakamasarap na amoy: handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy. 29 At kinuha ni Moises ang dibdib at inalog na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon: ito ang bahagi ni Moises sa tupang itinalaga; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 30 At kumuha si Moises ng langis na pang-pahid, at ng dugong nasa ibabaw ng dambana, at iniwisik kay Aaron, sa kaniyang mga suot, at sa kaniyang mga anak, at sa mga suot ng kaniyang mga anak na kasama niya; at pinapaging banal si Aaron at ang kaniyang mga suot, at ang kaniyang mga anak at ang mga suot ng kaniyang mga anak na kasama niya. 31 At sinabi ni Moises kay Aaron at sa kaniyang mga anak, Pakuluan ninyo ang laman sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan: at doon ninyo kanin, at ang tinapay na nasa bakol ng itinatalaga, ayon sa iniutos ko, na sinasabi, Kakanin ni Aaron at ng kaniyang mga anak. 32 At ang labis sa laman at sa tinapay ay susunugin ninyo sa apoy. 33 At sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan ay huwag kayong lalabas na pitong araw, hanggang sa maganap ang mga kaarawan ng inyong pagtalaga: sapagka't pitong araw na kayo'y matatalaga. 34 Kung paano ang ginawa sa araw na ito, ay gayon ang iniutos ng Panginoon na gawin upang itubos sa inyo. 35 At sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan ay matitira kayo gabi't araw na pitong araw, at inyong tutuparin ang kautusan ng Panginoon, upang huwag kayong mamatay: sapagka't gayon ang iniutos ko. 36 At ginawa ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang lahat na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
Levitico 9
1 At nangyari sa ikawalong araw, na tinawag ni Moises si Aaron at ang kaniyang mga anak, at ang mga matanda sa Israel; 2 At sinabi niya kay Aaron, Magdala ka ng isang guyang toro, na handog dahil sa kasalanan at isang tupang lalake na handog na susunugin, na kapuwa walang kapintasan, at ihandog mo sa harap ng Panginoon. 3 At sa mga anak ni Israel ay sasalitain mo, na sasabihin, Kumuha kayo ng isang kambing na lalake na handog dahil sa kasalanan; at ng isang guyang baka, at ng isang kordero, na kapuwa na may gulang na isang taon, at walang kapintasan, na handog na susunugin; 4 At ng isang toro at ng isang tupang lalake na mga handog tungkol sa kapayapaan, upang ihain sa harap ng Panginoon, at ng isang handog na harina na hinaluan ng langis: sapagka't napakikita sa inyo ngayon ang Panginoon. 5 At kanilang dinala sa harap ng tabernakulo ng kapisanan ang iniutos ni Moises: at lumapit doon ang buong kapisanan, at tumayo sa harap ng Panginoon. 6 At sinabi ni Moises, Ito ang iniutos ng Panginoon na gawin ninyo: at lilitaw sa inyo ang kaluwalhatian ng Panginoon. 7 At sinabi ni Moises kay Aaron, Lumapit ka sa dambana, at ihandog mo ang iyong handog dahil sa kasalanan, at ang iyong handog na susunugin, at itubos mo sa iyong sarili at sa bayan: at ihandog mo ang alay ng bayan, at itubos mo sa kanila; gaya ng iniutos ng Panginoon. 8 Lumapit nga si Aaron sa dambana at pinatay ang guyang handog dahil sa kasalanan, na yao'y para sa kaniya. 9 At iniharap ng mga anak ni Aaron sa kaniya ang dugo: at itinubog niya ang kaniyang daliri sa dugo, at ipinahid sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana at ang dugong labis ay ibinuhos sa tungtungan ng dambana: 10 Datapuwa't ang taba at ang mga bato, at ang lamad na nasa atay ng handog dahil sa kasalanan, ay sinunog niya sa ibabaw ng dambana; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 11 At ang laman at ang balat ay sinunog niya sa apoy sa labas ng kampamento. 12 At pinatay niya ang handog na susunugin; at ibinigay sa kaniya ng mga anak ni Aaron ang dugo, at kaniyang iniwisik sa ibabaw ng palibot ng dambana. 13 At kaniyang ibinigay sa kaniya ang handog na susunugin, na isaisang putol, at ang ulo: at sinunog niya sa ibabaw ng dambana. 14 At kaniyang hinugasan ang lamang loob at ang mga paa at sinunog sa ibabaw ng handog na susunugin sa ibabaw ng dambana. 15 At iniharap niya ang alay ng bayan; at kinuha ang kambing na handog dahil sa kasalanan na para sa bayan, at pinatay at inihandog dahil sa kasalanan, na gaya ng una. 16 At iniharap niya ang handog na susunugin, at inihandog ayon sa palatuntunan. 17 At iniharap niya ang handog na harina, at kumuha ng isang dakot, at sinunog sa ibabaw ng dambana, bukod sa handog na susunugin sa umaga. 18 Kaniyang pinatay rin ang toro at ang tupang lalake na haing mga handog tungkol sa kapayapaan, na para sa bayan: at ibinigay ng mga anak ni Aaron sa kaniya ang dugo, at kaniyang iniwisik sa ibabaw ng dambana hanggang sa palibot. 19 At ang taba ng toro at ng tupang lalake, ang matabang buntot at ang tabang nakatakip sa lamang loob, at ang mga bato, at ang lamad ng atay. 20 At kanilang inilagay ang mga taba sa ibabaw ng mga dibdib, at kaniyang sinunog ang taba sa ibabaw ng dambana: 21 At ang mga dibdib at ang kanang hita ay inalog ni Aaron na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon; gaya ng iniutos ni Moises. 22 At itinaas ni Aaron ang kaniyang mga kamay sa dakong bayan at binasbasan niya; at bumaba siya na mula sa paghahandog ng handog dahil sa kasalanan, at ng handog na susunugin, at ng mga handog tungkol sa kapayapaan. 23 At pumasok si Moises at si Aaron sa tabernakulo ng kapisanan, at sila'y lumabas, at binasbasan ang bayan: at lumitaw ang kaluwalhatian ng Panginoon sa buong bayan. 24 At may lumabas na apoy sa harap ng Panginoon, at sinunog sa ibabaw ng dambana ang handog na susunugin at ang taba: at nang makita yaon ng buong bayan, ay nagsigawan at nangagpatirapa.
Levitico 10
1 At si Nadab at si Abiu, na mga anak ni Aaron, ay kumuha ang bawa't isa sa kanila ng kanikaniyang suuban, at sinidlan nila ng apoy, at pinatungan ng kamangyan, at sila'y naghandog sa harap ng Panginoon ng ibang apoy na hindi iniutos niya sa kanila. 2 At sa harap ng Panginoon ay may lumabas na apoy, at sinupok sila; at namatay sila sa harap ng Panginoon. 3 Nang magkagayo'y sinabi ni Moises kay Aaron, Ito ang sinalita ng Panginoon, na sinasabi, Ako'y babanalin ng mga lumalapit sa akin, at sa harap ng buong bayan ay luluwalhatiin ako. At si Aaron ay hindi umimik. 4 At tinawag ni Moises si Misael at si Elzaphan, na mga anak ni Uziel na amain ni Aaron, at sa kanila'y sinabi, Magsilapit kayo, ilabas ninyo ang inyong mga kapatid sa kampamento mula sa harap ng santuario. 5 Sa gayo'y lumapit sila, at kanilang binuhat sa kanilang mga kasuutan na inilabas sa kampamento, gaya ng sinabi ni Moises. 6 At sinabi ni Moises kay Aaron, at kay Eleazar at kay Itamar na kaniyang mga anak, Huwag ninyong ilugay ang buhok ng inyong ulo, o hapakin man ninyo ang inyong bihisan; upang huwag kayong mamatay at ng siya'y huwag magalit laban sa buong kapisanan: kundi ang inyong mga kapatid, ang buong sangbahayan ni Israel ay tumaghoy sa apoy na pinapagalab ng Panginoon. 7 At huwag kayong lalabas sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, baka kayo'y mamatay: sapagka't ang langis na pang-pahid ng Panginoon ay nasa ulo ninyo. At kanilang ginawa ayon sa salita ni Moises. 8 At sinalita ng Panginoon kay Aaron, na sinasabi, 9 Huwag iinom ng alak o ng matapang na inumin man, ikaw o ang iyong mga anak man, pagka kayo'y papasok sa tabernakulo ng kapisanan, upang kayo'y huwag mamatay: magiging palatuntunang walang hanggan sa buong panahon ng inyong mga lahi: 10 At upang inyong malagyan ng pagkakaiba ang banal at ang karaniwan, at ang karumaldumal at ang malinis: 11 At upang inyong maituro sa mga anak ni Israel ang lahat ng palatuntunang sa kanila'y sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises. 12 At sinalita ni Moises kay Aaron, at kay Eleazar at kay Ithamar, na mga natitira niyang anak, Kunin ninyo ang handog na harina na lumabis sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, at inyong kaning walang lebadura sa tabi ng dambana; sapagka't kabanalbanalan; 13 At inyong kakanin sa dakong banal, sapagka't karampatang bahagi ninyo, at karampatang bahagi ng inyong mga anak, sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy: sapagka't gayon iniutos sa akin. 14 At ang dibdib na inalog at ang hita na itinaas, ay kakanin ninyo sa dakong malinis, kakanin mo at ng iyong mga anak na lalake at babae na kasama mo: sapagka't yamang karampatang bahagi mo at karampatang bahagi ng iyong mga anak na ibinigay sa inyo sa mga hain ng mga anak ni Israel. 15 Ang hita na itinaas, at ang dibdib na inalog ay kanilang dadalhin na kalakip ng mga handog na pinaraan sa apoy, na mga taba upang alugin na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon: at mapapasa iyo, at sa iyong mga anak na kasama mo, na karampatang bahagi ninyo magpakailan man; gaya ng iniutos ng Panginoon. 16 At hinanap ni Moises ng buong sikap ang kambing na handog dahil sa kasalanan, at, narito, sinunog: at nagalit kay Eleazer at kay Ithamar na mga anak ni Aaron na natira na sinasabi, 17 Bakit hindi ninyo kinain ang handog dahil sa kasalanan sa dakong santuario, yamang kabanalbanalang bagay at sa inyo'y ibinigay upang dalhin ang kasamaan ng kapisanan na itubos sa kanila sa harap ng Panginoon? 18 Narito, hindi ipinasok ang dugo niyaon sa loob ng santuario; nararapat sana ninyong kanin sa santuario, gaya ng iniutos ko. 19 At sinalita ni Aaron kay Moises, Narito, kanilang inihandog ng araw na ito ang kanilang handog dahil sa kasalanan, at ang kanilang handog na susunugin sa harap ng Panginoon; at sa akin ay nangyari ang mga ganyang bagay na gaya ng mga ito: at kung ako nga'y nakakain ng handog dahil sa kasalanan ngayon, kalulugdan ba kaya ako ng Panginoon? 20 At nang marinig ni Moises, ay nakalugod sa kaniyang paningin.
Levitico 11
1 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sa kanila'y sinasabi, 2 Inyong salitain sa mga anak ni Israel, na inyong sabihin, Ito ang mga bagay na may buhay na inyong makakain sa lahat ng mga hayop na nasa lupa. 3 Alinmang may hati ang paa na baak at ngumunguya, sa mga hayop, ay inyong makakain. 4 Gayon ma'y huwag ninyong kakanin ang mga ito sa mga ngumunguya o doon sa mga may hati ang paa: ang kamelyo, sapagka't ngumunguya, nguni't walang hati ang paa, karumaldumal nga sa inyo. 5 At ang koneho, sapagka't ngumunguya, datapuwa't walang hati ang paa, karumaldumal nga sa inyo. 6 At ang liebre; sapagka't ngumunguya datapuwa't walang hati ang paa, karumaldumal nga sa inyo. 7 At ang baboy, sapagka't may hati ang paa at baak, datapuwa't hindi ngumunguya, karumaldumal nga sa inyo. 8 Huwag kayong kakain ng laman ng mga iyan, at ang bangkay ng mga yaon ay huwag ninyong hihipuin; mga karumaldumal nga sa inyo. 9 Ang mga ito'y inyong makakain sa mga nasa tubig: alin mang may mga palikpik at mga kaliskis sa tubig, sa mga dagat at sa mga ilog, ay makakain ninyo. 10 At lahat ng walang palikpik at kaliskis sa mga dagat, at sa mga ilog, at sa lahat ng mga gumagalaw sa tubig, at sa lahat ng may buhay sa tubig, ay pawang karumaldumal nga sa inyo. 11 At magiging karumaldumal sa inyo; huwag kayong kakain ng laman ng mga iyan, at ang bangkay ng mga iyan ay aariin ninyong karumaldumal. 12 Anomang walang palikpik at kaliskis sa tubig ay magiging karumaldumal sa inyo. 13 At sa mga ibon ay aariin ninyong karumaldumal ang mga ito; hindi kakanin, mga karumaldumal nga; ang agila, ang agilang dumudurog ng mga buto, at ang agilang dagat: 14 At ang lawin, at ang limbas, ayon sa kaniyang pagkalimbas; 15 Lahat ng uwak ayon sa kaniyang pagkauwak; 16 At ang avestruz, at ang chotacabras at ang gaviota, at ang gavilan ayon sa kaniyang pagkagavilan; 17 At ang maliit na kuwago, at ang somormuho, at ang malaking kuwago; 18 At ang kuwagong tila may sungay at ang pelikano, at ang buitre; 19 At ang ciguena, ang tagak ayon sa kaniyang pagkatagak; at ang abubilla, at ang kabagkabag. 20 Lahat na may pakpak na umuusad na lumalakad na may apat na paa ay marumi nga sa inyo. 21 Gayon man, ang mga ito'y inyong makakain sa lahat ng may pakpak na umuusad na may apat na paa, ang mga may dalawang paang mahaba, bukod pa sa kanilang mga paa, upang kanilang ipanglukso sa lupa; 22 Sa kanila'y makakain ninyo ang mga ito: ang balang ayon sa kaniyang pagkabalang, at ang lukton ayon sa kaniyang pagkalukton, at ang kuliglig lupa ayon sa kaniyang pagkakuliglig, at ang tipaklong ayon sa kaniyang pagkatipaklong. 23 Datapuwa't lahat na may pakpak na umuusad na mayroong apat na paa, ay kasuklamsuklam nga sa inyo. 24 At sa mga ito ay magiging karumaldumal kayo: sinomang humipo ng bangkay ng mga iyan ay magiging karumaldumal hanggang sa hapon: 25 At sinomang bumuhat ng bangkay ng mga iyan, ay maglalaba ng kaniyang mga suot, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon. 26 Bawa't hayop na may hati ang paa na hindi baak, o hindi ngumunguya, ay karumaldumal sa inyo: bawa't humipo sa mga iyan ay magiging karumaldumal. 27 At anomang inilalakad ang kaniyang pangamot sa lahat ng hayop na inilalakad ang apat na paa, ay karumaldumal nga sa inyo: sinomang humipo ng bangkay ng mga iyan ay magiging karumaldumal hanggang sa hapon. 28 At ang bumuhat ng bangkay ng mga iyan, ay maglalaba ng kaniyang mga suot, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon: mga karumaldumal nga sa inyo. 29 At ang mga ito'y karumaldumal sa inyo, sa mga umuusad na nagsisiusad, sa ibabaw ng lupa: ang bubwit, at ang daga, at ang bayawak ayon sa kaniyang pagkabayawak; 30 At ang tuko, at ang buwaya, at ang butiki, at ang bubuli at ang hunyango. 31 Ang mga ito'y karumaldumal sa inyo sa lahat ng umuusad: sinomang mangakahipo sa mga iyan pagka ang mga iyan ay patay, ay magiging karumaldumal hanggang sa hapon. 32 At yaong lahat na kabagsakan ng mga iyan, pagka patay, ay magiging karumaldumal nga: maging alin mang kasangkapan kahoy, o bihisan, o balat, o supot, alin mang kasangkapang ginagamit sa anomang gawa, sa tubig dapat ilubog, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon; kung magkagayo'y magiging malinis. 33 At bawa't sisidlang lupa na kahulugan ng mga iyan, lahat ng nalalaman doon ay magiging karumaldumal, at yao'y inyong babasagin. 34 Lahat ng pagkain na makakain na kabuhusan ng tubig, ay magiging karumaldumal; at lahat ng inuming maiinom na masilid sa alin man sa mga gayong sisidlang lupa, ay magiging karumaldumal. 35 At lahat na kahulugan ng anomang bahagi ng bangkay ng mga yaon ay magiging karumaldumal; maging hurno o kalan ng mga palyok, ay babasagin: mga karumaldumal nga at magiging karumaldumal sa inyo. 36 Gayon ma'y ang isang bukal o ang isang balon, na tipunan ng tubig, ay magiging malinis: datapuwa't ang masagi ng bangkay ng mga yaon ay magiging karumaldumal. 37 At kung mahulugan ng kanilang bangkay ang alin mang binhing panhasik na ihahasik, ay malinis. 38 Nguni't kung nabasa ang binhi at mahulugan ng bangkay ng mga yaon, ay magiging karumaldumal sa inyo. 39 At kung ang anomang hayop na inyong makakain ay mamatay; ang makahipo ng bangkay niyaon ay magiging karumaldumal hanggang sa hapon. 40 At ang kumain ng bangkay niyaon ay maglalaba ng kaniyang suot, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon: gayon din ang bumuhat ng bangkay niyaon, ay maglalaba ng kaniyang suot, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon. 41 At bawa't umuusad na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa, ay karumaldumal; hindi kakanin. 42 Lahat ng lumalakad ng kaniyang tiyan, at lahat ng lumalakad ng apat na paa o mayroong maraming paa, sa lahat ng bagay na umuusad sa ibabaw ng lupa, ay huwag ninyong kakanin; sapagka't mga karumaldumal nga. 43 Huwag kayong magpakarumal sa anomang umuusad, o huwag kayong magpakalinis man sa mga iyan, na anopa't huwag kayong mangahawa riyan, 44 Sapagka't ako ang Panginoon ninyong Dios: magpakabanal nga kayo at kayo'y maging mga banal; sapagka't ako'y banal: ni huwag kayong magpakahawa sa anomang umuusad na gumagalaw sa ibabaw ng lupa. 45 Sapagka't ako ang Panginoon na nagsampa sa inyo mula sa lupain ng Egipto, upang ako'y inyong maging Dios: kayo nga'y magpakabanal, sapagka't ako'y banal. 46 Ito ang kautusan tungkol sa hayop, at sa ibon, at sa lahat na may buhay na gumagalaw sa tubig, at sa lahat ng nilikha na umuusad sa ibabaw ng lupa; 47 Upang lagyan ninyo ng pagkakaiba ang karumaldumal at ang malinis, at ang may buhay na makakain at ang may buhay na hindi makakain.
Levitico 12
1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 2 Salitain mo sa mga anak ni Israel, na iyong sabihin, Kung ang babae ay maglihi, at manganak ng isang lalake, ay magiging karumaldumal na pitong araw; ayon sa mga araw ng karumihan ng kaniyang sakit, ay magiging karumaldumal. 3 At sa ikawalong araw ay tutuliin ang bata sa laman ng kaniyang balat ng masama. 4 At siya'y mananatiling tatlong pu't tatlong araw na maglilinis ng kaniyang dugo; huwag siyang hihipo ng anomang bagay na banal, o papasok man sa santuario, hanggang sa matupad ang mga araw ng kaniyang paglilinis. 5 Nguni't kung manganak siya ng babae, ay magiging karumaldumal nga siya na dalawang linggo, ayon sa kaniyang karumihan: at mananatiling anim na pu't anim na araw na maglilinis ng kaniyang dugo. 6 At pagkaganap niya ng mga araw ng kaniyang paglilinis, maging sa anak na lalake o sa anak na babae, ay magdadala siya ng isang kordero ng unang taon, na pinakahandog na susunugin, at isang inakay ng kalapati o isang batobato na pinakahandog dahil sa kasalanan, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, sa saserdote; 7 At kaniyang ihahandog sa harap ng Panginoon, at itutubos sa kaniya; at siya'y malilinis sa agas ng kaniyang dugo. Ito ang kautusan tungkol sa nanganak ng lalake o ng babae. 8 At kung ang kaniyang kaya ay hindi sapat upang magdala ng kordero, ay kukuha nga siya ng dalawang batobato o ng dalawang inakay ng kalapati; ang isa'y pinakahandog na susunugin at ang isa'y pinakahandog dahil sa kasalanan: at itutubos sa kaniya ng saserdote, at siya'y magiging malinis.
Levitico 13
1 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi, 2 Pagka ang sinomang tao ay nagkaroon sa balat ng kaniyang laman, ng pamamaga, o langib, o pantal na makintab at naging salot na ketong sa balat ng kaniyang laman, ay dadalhin nga siya kay Aaron na saserdote, o sa isa sa kaniyang mga anak na saserdote: 3 At titingnan ng saserdote ang tila salot na nasa balat ng kaniyang laman: at kung ang balahibo sa tila salot ay pumuti, at makitang ang sugat ay malalim kay sa balat ng kaniyang laman, ay salot na ketong nga: at siya'y mamasdan ng saserdote at ipakikilala siyang karumaldumal. 4 At kung ang pantal na makintab ay maputi sa balat ng kaniyang laman, at makitang hindi malalim kaysa balat, at ang balahibo niyaon ay hindi pumuti, ay kukulungin ng saserdote ang may tila salot na pitong araw. 5 At titingnan siya ng saserdote sa ikapitong araw: at, narito, kung makitang ang tila salot ay tumigil, at hindi kumalat ang tila salot sa balat, ay kukulungin uli siya ng saserdote na pitong araw: 6 At titingnan siya uli ng saserdote sa ikapitong araw: at, narito, kung makitang ang tila salot ay namutla, at ang tila salot ay hindi kumalat sa balat, ay ipakikilalang malinis siya ng saserdote: langib yaon; at kaniyang lalabhan ang kaniyang suot, at magiging malinis. 7 Datapuwa't kung ang langib ay kumakalat sa balat, pagkatapos na siya'y makapakita sa saserdote upang siya'y linisin, ay pakikita siya uli sa saserdote: 8 At titingnan siya ng saserdote; at, narito, kung ang langib ay kumakalat sa balat, ay ipakikilala ng saserdote na karumaldumal: ketong nga yaon. 9 Pagka nagkaroon ng tila salot na ketong ang sinomang tao, ay dadalhin siya sa saserdote; 10 At titingnan siya ng saserdote; at, narito, kung makitang may pamamaga na maputi sa balat, na pumuti ang balahibo, at may matigas na lamang buhay sa pamamaga, 11 Ay malaong ketong nga sa balat ng kaniyang laman, at ipakikilala ng saserdote na siya'y karumaldumal; hindi siya kukulungin; sapagka't siya'y karumaldumal. 12 At kung kumalat ang ketong sa balat, at matakpan ng ketong ang buong balat ng may tila salot, mula sa ulo hanggang sa kaniyang mga paa, sa buong maaabot ng paningin ng saserdote; 13 At titingnan nga siya ng saserdote; at, narito, kung makitang ang ketong ay kumalat sa buong laman niya, ay ipakikilalang malinis ang may tila salot: pumuting lahat: siya'y malinis. 14 Datapuwa't sa alin mang araw na makitaan siya ng lamang buhay, ay magiging karumaldumal siya. 15 At titingnan ng saserdote ang lamang buhay, at ipakikilala siyang karumaldumal: ang lamang buhay ay karumaldumal: ketong nga. 16 O kung magbago uli ang lamang buhay at pumuti, ay lalapit nga siya sa saserdote; 17 At titingnan siya ng saserdote: at, narito, kung pumuti ang tila salot ay ipakikilalang malinis ng saserdote ang may tila salot: siya'y malinis. 18 At kung magkaroon sa balat ng laman ng isang bukol at gumaling, 19 At humalili sa bukol ay isang pamamaga na maputi, o isang pantal na makintab, na namumulang puti, ay ipakikita sa saserdote; 20 At titingnan ng saserdote; at, narito, kung makitang tila impis kaysa balat, at ang balahibo niyaon ay tila pumuti, ay ipakikilala ng saserdote na karumaldumal: salot na ketong yaon; lumitaw sa bukol. 21 Datapuwa't kung pagtingin ng saserdote, ay makitang walang balahibong puti yaon, o hindi impis man kay sa balat, kungdi namutla, ay kukulungin ng saserdote siya na pitong araw. 22 At kung kumalat sa balat, ay ipakikilala ng saserdote na karumaldumal: salot nga yaon. 23 Nguni't kung ang pantal na makintab ay tumigil sa kaniyang kinaroroonan, at hindi kumalat, ay piklat nga ng bukol; at ipakikilala ng saserdote na malinis siya. 24 O pagka nagkaroon sa balat ng laman, ng paso ng apoy, at ang lamang paso ay naging tila pantal na makintab, na namumulang puti, o maputi; 25 At titingnan nga ng saserdote: at, narito, kung makitang ang buhok ay pumuti sa pantal na makintab, at tila mandin malalim kaysa balat; ay ketong nga na lumitaw sa paso: at ipakikilala ng saserdote na karumaldumal; salot na ketong nga yaon. 26 Nguni't kung pagtingin ng saserdote, at, narito, kung makita ngang sa pantal na makintab ay walang balahibong maputi, at hindi impis kaysa balat, kungdi namutla; ay kukulungin nga siya ng saserdote na pitong araw. 27 At titingnan siya ng saserdote sa ikapitong araw: kung kumalat sa balat, ay ipakikilala ng saserdote na karumaldumal: salot na ketong nga yaon. 28 At kung ang pantal na makintab ay tumigil sa kaniyang kinaroroonan at hindi kumalat sa balat, kungdi pumutla, ay pamamaga ng paso yaon, at ipakikilala ng saserdote na malinis: sapagka't piklat ng paso yaon. 29 At kung ang sinomang lalake o babae ay mayroong tila salot sa ulo o sa baba, 30 Ay titingnan nga ng saserdote ang tila salot: at, narito, kung makitang tila malalim kaysa balat, at yao'y may buhok na naninilaw na manipis, ay ipakikilala ng saserdote na karumaldumal: tina nga, ketong nga yaon sa ulo o sa baba. 31 At kung makita ng saserdote ang tila salot na tina, at, narito, tila hindi malalim kaysa balat, at walang buhok na maitim yaon, ay kukulungin ng saserdote na pitong araw ang may tila salot na tina; 32 At sa ikapitong araw ay titingnan ng saserdote ang tila salot; at, narito, kung makita ngang hindi kumalat ang tina, at walang buhok na naninilaw, at tila ang tina ay hindi malalim kaysa balat, 33 Ay aahitan nga, datapuwa't hindi aahitan ang kinaroroonan ng tina; at ipakukulong ng saserdote ang may tina ng muling pitong araw: 34 At titingnan ng saserdote ang tina sa ikapitong araw: at, narito, kung makitang hindi kumalat ang tina sa balat, at tila hindi malalim kaysa balat; ay ipakikilala nga ng saserdote na malinis at siya'y maglalaba ng kaniyang suot at magiging malinis. 35 Nguni't kung ang tina ay kumalat sa balat, pagkatapos ng kaniyang paglilinis; 36 Ay titingnan nga ng saserdote: at, narito, kung makitang kumalat sa balat ang tina ay hindi hahanapin ng saserdote ang buhok na maninilaw; siya'y karumaldumal. 37 Datapuwa't kung sa kaniyang paningin ay tumigil ang tina at may tumubong buhok na itim; ay gumaling ang tina, siya'y malinis: at ipakikilalang malinis siya ng saserdote. 38 At pagka ang isang lalake o babae ay nagkaroon sa balat ng kaniyang laman ng nangingintab na pantal, ng makikintab na pantal na puti; 39 Ay titingnan nga ng saserdote: at, narito, kung makitang ang nangingintab na pantal sa balat ng kaniyang laman ay namumutimuti; yao'y buni na sumibol sa balat; siya'y malinis. 40 At kung ang sinoman ay malugunan ng buhok, ay kalbo gayon ma'y malinis. 41 At kung sa dakong harapan ng ulo nalugunan ng buhok, ay kalbo yaon sa noo gayon ma'y malinis. 42 Datapuwa't kung sa kakalbuhan, sa ulo o sa noo ay magkaroon ng tila salot ng namumulang maputi; ay ketong na sumibol sa kaniyang kakalbuhan ng ulo o sa kaniyang kakalbuhan ng noo. 43 Kung magkagayo'y titingnan siya ng saserdote: at, narito, kung ang pamamaga ng tila salot ay namumulamula ng maputi sa kaniyang kakalbuhan ng ulo o sa kaniyang kakalbuhan ng noo, gaya ng anyo ng ketong sa balat ng kaniyang laman; 44 Ay ketongin siya, siya'y karumaldumal ipakikilala siya ng saserdote na tunay na karumaldumal; nasa kaniyang ulo ang salot niya. 45 At pupunitin ng may ketong na kinaroroonan ng salot, ang kaniyang mga suot at ang buhok ng kaniyang ulo ay ilulugay, at siya'y magtatakip ng kaniyang nguso, at maghihihiyaw. Karumaldumal, karumaldumal. 46 Sa buong panahong siya'y karoonan ng salot, ay magiging karumaldumal; siya'y karumaldumal: siya'y tatahang bukod; sa labas ng kampamento malalagay ang kaniyang tahanan. 47 Ang suot na kinaroroonan ng ketong, maging kasuutang balahibo ng tupa o kasuutang lino; 48 Maging nasa paayon o maging nasa pahalang; ng lino o ng balahibo ng tupa; maging sa balat o sa alin mang yaring balat; 49 Kung ang tila salot ay namemerde o namumula sa kasuutan, o sa balat, maging sa paayon, o maging sa pahalang, o sa alin mang kasangkapang balat; ay salot na ketong nga at ipakikita sa saserdote, 50 At titingnan ng saserdote ang tila salot, at ipatatago ng pitong araw ang bagay na may tila salot: 51 At titingnan ang bagay na may tila salot, sa ikapitong araw: kung kumalat ang tila salot sa kasuutan, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa balat, o alin mang ginagawa sa balat, ay ketong na ngumangatngat ang gayon tila salot; yao'y karumaldumal. 52 At kaniyang susunugin ang kasuutan, maging paayon, at maging pahalang ng balahibo ng tupa o lino o sa alin mang kasangkapang balat na kinaroroonan ng salot; sapagka't yao'y ketong na ngumangatngat, yao'y susunugin sa apoy. 53 At kung pagtingin ng saserdote, at, narito, kung makita ngang hindi kumalat ang salot sa kasuutan, maging sa paayon man, o sa pahalang man, o sa alin mang kasangkapang balat; 54 Ay palalabhan nga ng saserdote yaong kinaroroonan ng salot, at ipatatago pa ng pitong araw: 55 At titingnan ng saserdote ang bagay na may salot, pagkatapos na malabhan: at, narito, kung makitang ang salot ay hindi nagbago ang kulay, at hindi kumalat ang salot, yao'y karumaldumal; susunugin mo sa apoy: isang ngatngat nga, maging ang nanisnis ay nasa karayagan o nasa kabaligtaran. 56 At kung pagtingin ng saserdote, at, narito, kung makita ngang namutla ang dakong may salot pagkatapos na malabhan, ay hahapakin sa kasuutan, o sa balat, o sa paayon, o sa pahalang: 57 At kung muling lumitaw sa kasuutang yaon, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa alin mang yari sa balat, ay muling sumisibol: susunugin mo sa apoy yaong kinaroroonan ng salot. 58 At ang kasuutan, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa alin mang yari sa balat, na iyong labhan, at maalis ang salot, ay lalabhan ngang ikalawa, at magiging malinis. 59 Ito ang kautusan tungkol sa salot na ketong sa kasuutang balahibo ng tupa o lino, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa alin mang yari sa balat, upang ipakilalang malinis, o upang ipakilalang karumaldumal.
Levitico 14
1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 2 Ito ang magiging kautusan tungkol sa may ketong, sa kaarawan ng kaniyang paglilinis, siya'y dadalhin sa saserdote: 3 At ang saserdote ay lalabas sa kampamento; at titingnan ng saserdote, at, narito, kung ang salot na ketong ay gumaling sa may ketong; 4 Ay ipagutos nga ng saserdote na ikuha siya na lilinisin, ng dalawang ibong malinis na buhay, at kahoy na cedro, at grana, at hisopo; 5 At ipaguutos ng saserdote, na patayin ang isa sa mga ibon, sa isang sisidlang lupa sa ibabaw ng tubig na umaagos. 6 Tungkol sa ibong buhay, ay kaniyang kukunin at ang kahoy na cedro, at ang grana at ang hisopo, at babasain pati ng ibong buhay, sa dugo ng ibong pinatay sa ibabaw ng tubig na umaagos: 7 At iwiwisik niya na makapito doon sa kaniya na lilinisin sa ketong, at ipakikilalang malinis, at pawawalan ang ibong buhay sa kalawakan ng parang. 8 At siya na lilinisin ay maglalaba ng kaniyang mga suot, at magaahit ng lahat niyang buhok, at maliligo sa tubig; at magiging malinis: at pagkatapos ay papasok sa kampamento, datapuwa't tatahan sa labas ng kaniyang tolda na pitong araw. 9 At mangyayaring sa ikapitong araw, ay muling magaahit ng lahat niyang buhok, sa kaniyang ulo, at sa kaniyang baba, at sa kaniyang kilay, na anopa't aahitin niya ang lahat niyang buhok; at kaniyang lalabhan ang kaniyang mga suot, at kaniyang paliliguan ang kaniyang laman sa tubig, at magiging malinis. 10 At sa ikawalong
Verlag: BookRix GmbH & Co. KG
Texte: This bible can either be read online or downloaded onto your pc as well as every kind of e-reader. It is made available in e-pub format. It can and should be spread in every way, selling it is, however, prohibited.
Bildmaterialien: www.gratismalvorlagen.com
Tag der Veröffentlichung: 11.10.2012
ISBN: 978-3-7309-4871-2
Alle Rechte vorbehalten